Nadagdagan pa ang malalaking kumpanyang nag-ambag ng kanilang kontribusyon sa laban ng bansa kontra sa coronavirus disease-2019.
Ang multinational firms na Coca Cola Philippines at McDonald's Philippines, ang media complex na ABS-CBN, ang food giant na Jollibee, ang taipan na si Lucio Tan, at ang Filipino-Chinese businessman na si Dennis Uy ay ilan sa mga naglaan ng halagang lampas-lampas na sa P1 bilyon.
Pupunta ang pondo para sa pagkain, medical supplies, ang napakahalagang mga testing kits, at iba pang pangangailangan ng health workers, na ngayo'y tinatawag na frontliners at mga bayani dahil buhay nila ang itinataya sa pagseserbisyo.
Pupunta rin ang pondo sa mga mga empleyado ng mga kumpanyang tigil-trabaho, sa mga informal workers na walang kinikita sa quarantine period, at sa mga naghihirap na mga komunidad.
COCA COLA PHILIPPINES: DIVERTs P150M AD BUDGET
Nitong Huwebes, March 19, nagdesisyon ang pamunuan ng Coca Cola Philippines na ilaan ang kanilang PHP150-million advertising budget sa mga apektado ng enhanced community quarantine sa Luzon.
Sa liham ni Coca-Cola Philippines President and General Manager Winn Everhart sa stakeholders, inanunsiyo nitong “all commercial advertising of Coca-Cola and all our brands in the country will be put on hold, effective immediately.
“All our committed advertising space and budgets will be redirected towards supporting COVID-19 relief and response efforts for the most affected communities.”
Ayon kay Everhart, araw-araw na nagde-deliver ang kumpanya ng mga inumin sa mga pampubliko at pribadong ospital para sa mga health workers.
Magbibigay pa ang Coca Cola ng mga personal protective equipment (PPE), sa pakikipagtulungan sa TOWNS Foundation at University of the Philippines (UP) Medical Foundation.
Sinimulan na rin ng kumpanya ang pagde-deliver ng food packs sa pinakamahihirap na pamilya, katuwang ang Caritas Manila at Rise Against Hunger.
Bukod dito, magbibigay ang Coca Cola ng expanded credit terms sa distribution partners nitong sari-sari stores at karinderya.
MCDONALD'S Philippines: RELEASES P500-M RESPONSE FUND
Ang Golden Arches Development Corporation, na nangangasiwa sa McDonald's Philippines, ay nag-release ng PHP500-million response fund para sa mga empleyado nito at sa frontliners.
Sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, sinabi ni McDonald's Founding Chairman George T. Yang na pasusuwelduhin ng kumpanya ang mga empleyado nito sa kahabaan ng quarantine.
Nakapaloob pa sa pondo ang premium-pay package para sa mga magtatrabaho sa mga stores na exempted sa quarantine.
Saklaw rin ng pondo ang food donations sa medical frontliners, sa mga volunteer ng local government units (LGUs) at non-government organizations (NGOs), at sa mga pansamantalang hindi makakapaghanapbuhay.
ABS-CBN: LEADS FUND DRIVE WITH P100M DONATION
Kasabay nito, naglunsad ng kampanya ang ABS-CBN Corporation upang maayudahan ang local government units (LGUs) sa pagbibigay-suporta sa mga pamilyang walang kikitain sa mga susunod na linggo.
Ayon kay ABS-CBN President-CEO Carlo Katigbak, layunin ng “Pantawid ng Pag-ibig” na makalikom ng donasyon para sa ABS-CBN Foundation.
Bilang panimula, nagbigay ang Lopez Group—ang nagmamay-ari sa ABS-CBN—ng PHP100 million sa campaign, ayon kay Katigbak.
Ang mga cash donations ay maaaring i-deposit sa account name na ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. - Sagip Kapamilya sa mga sumusunod na bangko:
BDO Peso Account: 0039301-14199
Swift Code: BNORPHMM
BPI Peso Account: 3051-11-55-88
Swift Code: BOPIPHMM
Metrobank Peso Account: 636-3-636-08808-1
Swift Code: MBTCPHMM
LUCIO TAN: GIVES doh alcohol, vitamins, N95 MASKS
Huwebes din nang ianunsiyo ang pagdo-donate ng LT Group ni Lucio Tan sa Department of Health (DOH).
Tumanggap ang DOH ng 404 na four-liter bottles ng ethyl alcohol, 70,000 (350ml) bottles ng drinking water, 3,000 six-liter bottles ng distilled drinking water, at 2,000 piraso ng N95 masks.
Ang impormasyon ay batay sa stock exchange disclosure ng kumpanya.
Bukod dito, nag-donate rin ang LT Group ng mga vitamin C tablets, disinfectant alcohol, at inuming tubig sa mga nagmamando sa checkpoints, at sa ilang ospital.
DENNIS UY: DELIVERS DIAGNOSTIC KITS TO DOH
Samantala, nasa 1,000 COVID-19 diagnostic kits ang donasyon ng Udenna Foundation sa DOH, sa pakikipagtulungan sa MyongJi Hospital ng South Korea.
Sinabi ng Udenna Corporation nitong Huwebes na naibigay na nila sa DOH nitong March 13 ang nabanggit na mga donasyon.
Ang Udenna ay pinamumunuan ng 44-anyos na Filipino-Chinese businessman na si Dennis Uy.
JOLLIBEE: SETS ASIDE P1-B FUND FOR EMPLOYEES
Ang Jollibee Foods Corporation, naglaan ng PHP1-billion emergency response fund para sa mga empleyado at partner-enterprises nito.
Gamit ang naturang pondo, patuloy na susuweldo ang mga empleyado ng kumpanya simula March 15 hanggang April 15.
Maaga ring matatanggap ng Jollibee employees ang kanilang 13th month pay nitong April 30.
Una nang nag-donate ang Jollibee Group Foundation ng PHP100 million na halaga ng pagkain para sa mga healthcare frontliners at on-ground checkpoint personnel.
Ang founder ng Jollibee ay si Tony Tan Caktiong, at CEO naman si Ernesto Tanmantiong.
OTHER INSPIRING MOVERS
Noon pang March 16, nagsunud-sunod na ang pagbibigay-ayuda ng pinakamalalaking kumpanya sa bansa upang mapigilan ang banta ng coronavirus noon.
Nagkani-kanyang donate na ang SM Group, San Miguel Corporation, Ayala Corporation, JG Summit Holdings, Inc., GT Capital Holdings Group, Alliance Global Group, ang grupo ng mga kumpanya ni Manny V. Pangilinan, at Belo Medical Group.
May 230 nagpositibo sa COVID-19 sa bansa, batay sa latest update ng DOH ngayong Biyernes, March 20.
Walo sa mga ito ang gumaling, at 18 ang namatay.