John Lloyd Cruz turns to freestyle writing in the time of quarantine 

by Rachelle Siazon
Apr 14, 2020
John Lloyd Cruz talks about when his love for writing free verse started: "Siguro nung ano, tumigil ako magtrabaho sa network, parang ganun. About the same time."
PHOTO/S: @direkrowell Instagram / @diecoviddie Facebook

Sa isang bihirang pagkakataon, ibinahagi ni John Lloyd Cruz kung paano siya nagpapalipas ng oras sa Cebu City habang ipinapatupad ang enhanced community quarantine.

Mas nagkaroon daw siya ng pagkakataong maglabas ng saloobin sa pamamagitan ng pagsusulat sa kanyang notebook.

Bungad ni John Lloyd, "Paminsan-minsan nagsusulat ako.

"Pero hindi kalayaan ang nararamdaman ko pag nagsusulat ako.

"Parang lalo ako nabibilanggo, e. Hahaha! Lalong hindi ako makawala, e."

Tila ang tinutukoy ng 36-anyos na aktor ay kung paano siya naaapektuhan sa "konteksto ng nilalaman" ng kanyang naisusulat na musings na mala-tula ang dating.

"Basically, hindi naman talaga ako manunulat.

"Kapag ka lang nagkakaroon ng pagkakataon na, wala, natsa-challenge ka.

"Kagaya ng ganitong panahon na limited ang nagagawa mo. Wala tayong mai-shoot. Wala tayong magawang normal nating ginagawa.

"Kaya may mga pagkakataon na papel ang kaharap mo, ballpen, ganun lang."

Sinabi ito ni John Lloyd sa Facebook Live video ng @diecoviddie, ang online fundraising drive para sa pag-aaral ng Filipino scientists na sumusugpo sa COVID-19.

Continue reading below ↓

Kahuntahan ni John Lloyd sa telethon ang TV personality na si Jun "Bayaw" Sabayton, si dating Esquire Magazine editor-in-chief Erwin Romulo, ANCX editor-in-chief Jerome Gomez, at UST professor Joselito delos Reyes.

Ginanap ito nitong Lunes ng gabi, April 13.

Minsan nang nagbahagi si John Lloyd ng kanyang tula sa pamamagitan ng Instagram.

Una ay nang inalayan niya ng tula ang anak nila ni Ellen Adarna na si Elias Modesto noong October 2018.

At nitong April 11, 2020, nang gumawa siya ng tula "para sa panahon nang pakikidigma" sa COVID-19 crisis.

FOR THE LOVE OF WRITING

Giit naman ni John Lloyd, kahit kadalasan ay malalim ang hugot niya sa kanyang tula, bahagi lamang daw iyon ng malayang pagsusulat.

Tukoy ng aktor sa kung ano ang nararamdaman kapag nagsusulat ng tula:

"Paiba-iba din. Pero hindi naman ako para laging magbigay ng kahulugan sa kung anong ginagawa ko.

"Pero kapag kasi napupunta sa corresponding na enteblado, hindi maiiwasang mapag-usapan ang legitimacy ng ginagawa mo.

Continue reading below ↓

"Sa panahon ngayon, ang daming critics. Lahat critic na."

Wala raw siyang intensiyong makipagsabayan sa mga batikang manunulat.

Ni hindi raw niya alam kung matatawag na free verse poetry o malayang taludturan ang kanyang entries.

"Para rin siguro mag-express ng respeto sa mga tunay na manunulat, mga tunay na makata..."

HOW IT STARTED

Kuwento pa ni John Lloyd, nagsimula ang hilig niya sa pagsulat mula nang sumailalim siya sa indefinite leave sa showbiz.

October 6, 2017 nang ianunsiyo ng Star Magic, talent management arm ng ABS-CBN, na pansamantalang hindi muna siya gagawa ng anumang proyekto.

Huli siyang napanood sa ABS-CBN sitcom na Home Sweetie Home noong buwan na iyon.

Aniya tungkol sa pagsusulat, "Siguro nung ano, tumigil ako magtrabaho sa network, parang ganun. About the same time."

Pero mayroon na rin daw siyang lumang journals noon.

"May mga luma akong notebook. Napapansin ko, may mga sulat."

Bukod doon ay may sinalihan daw siyang pop-up art installation na "ginamitan namin ng text" na marahil ay "nag-trigger" sa kanyang ituloy ang pagsulat.

Continue reading below ↓

Iba raw ang pakiramdam niya kapag nagsusulat.

"Parang nag-iiba pag isinasalin mo siya sa papel at isinusulat mo.

"Merong bagay dun na nangyayari between sa paglapat mo—mula sa iyo tapos isusulat mo. Parang may nangyayari yata in between.

"Kahit na alam mo na hindi ka naman manunulat, hindi ka naman writer, hindi ka naman makata.

"Pero merong nangyayari kapag inililipat mo siya sa notebook or kahit siguro sa pader."

JOHN LLOYD'S SAMPLE WRITINGS

Sa Facebook Live video, binasa ni John Lloyd ang dalawang sampol ng kanyang mga naisulat habang quarantine.

Isa rito ay may titulong "Holdap," na tila naglalarawan ng "new normal" sa mga residenteng lumalabas na lang para sa essential needs tulad ng pagbili ng grocery o gamot.

Bahagi ng taludtod na binasa ni John Lloyd:

Gwardyang dati'y dinadaan-daanan lang

Ngayon siya ang awtoridad at ikaw ang kawatan

Walang imik lahat habang nakapila

Parang nakikinig ng sermon sa misa

Continue reading below ↓

Pag tinawag numero mo

Ihanda ang nalalabing pera

Holdap.

Ang isa pang binasa ni John Lloyd ay may titulong "Melankolya," na sa simula ay naglalarawan ng paglipas ng mga araw habang nasa bahay lang.

Mula sa pagsilip sa labas ng bintana at paglubog ng araw, hanggang sa pakikinig sa mga tawanang pilit pinakakapal huwag lang daw maburyong.

May ending itong nagpapahiwatig ng wari'y pangungulila sa isang mahal sa buhay.

Lakas ng ugong ng bentilador tinatabunan ng kalahati ng katotohanan

Yabag ng mga paa kapag tumatayo

Ipapaalala ang mga ngiti tuwing kasama ka at kalaro

Mga tunog na ito ang naiiwan sa mga ingay natin

At saya na nakakamit lang kapag magkasama

Dahilan nagiging tahanan gusaling bato na nirerentahan

Pipiliting umatras ang mga luha

Kapanglawan hayaan lamang dumaan

Sa tunog na iniwan ng iyong paglisan

Hihintayin ang bituin sa umaga lang nagniningning

Si John Lloyd ay unang namataan sa Moalboal, Cebu, noong March 21, kasama ang kanyang halos dalawang taong gulang na anak.

Continue reading below ↓

Sumunod ay noong April 11, nang mapadaan ang sinasakyan nito sa isang fastfood drive-thru sa Cebu City.

Noong March 25 sinimulang ipatupad ang enhanced community quarantine sa Cebu.

Pero noon pa lang March 15 ay ipinagbawal na sa lugar ang domestic air travel.

Sa Cebu naninirahan si Ellen Adarna, ang ina ng anak ni John Lloyd.

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
John Lloyd Cruz talks about when his love for writing free verse started: "Siguro nung ano, tumigil ako magtrabaho sa network, parang ganun. About the same time."
PHOTO/S: @direkrowell Instagram / @diecoviddie Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results