Isa ang Kapuso comedian na si Michael V. sa naniniwalang hindi dapat ipinu-post sa social media ang ginagawang pagtulong ngayong may health crisis.
Ngayong hapon ng Miyerkules, April 22, nag-post ang Buble Gang star/creative director sa Instagram ng isang graphic art na nakasulat ang malalaking letra ng salitang “ ANONYMOUS.”
Sa kanyang mensahe sa caption, sinabi ni Michael V. na ito raw ang tamang panahon para tumulong "ANONYMOUSLY."
Dagdag niya, “Feed the people. Not the ego.”
Sinamahan pa niya ito ng hashtag na“#HelpingWithoutPosting.”
REACTIONS FROM CELEBRITY FRIENDS
Nakiayon naman sa post ni Michael ang mga kasamahan niya sa Bubble Gang na sina Kim Domingo, Ashley Rivera, at Lovely Abella.



Sumang-ayon din kay Michael V. ang ilan sa kanyang followers.




NETIZENS CONTRADICT BITOY'S OPINION
Kung may mga nakikiayon kay Bitoy, palayaw ng komedyante, may mga sumalungat din sa kanya.
Tugon ng isang nag-react, "case to case basis" daw ito at sana hindi na lamang nag-generalize ang komedyante.

Sabi ng isa pang netizen, kung siya ang nangangailangan ng tulong, wala siyang pakialam kung para sa ego ng tao ang pagtulong sa kanya, at least natulungan siya.
Dagdag pa nito, "May maidudulot pa rin na maganda ang pag-post, para gayahin, at least ginaya pati pagtulong."

Sinalungat din ng isang pang netizen ang opinyon ni Bitoy.
Aniya, "Help is help whether you post it or not.
"People who post their help do it so they could inspire other people to help too.
"If they don't wanna post it--then ok, if they want to post--then that's ok too.”

Ayon naman sa isang netizen, kapag galing sa fundraising ang mga itutulong ng celebrities, katulad ni Michael V, wala siyang nakikitang masama kung i-post nila ito sa social media.
Para malaman din daw ng ibang mga tao kung saan napunta ang tulong na ibinigay nila.
Nag-second the motion naman ang isa pang netizen ukol dito.
Sabi nito, "Kailangan makita nung donors na may pinuntahan yung tulong nila.”

Walang sinagot si Michael V. sa mga nagkomento sa kanyang post.
SENATE PRESIDENT TITO SOTTO: FEED THE HUNGRY, NOT YOUR EGO
Noong nakaraang linggo, nag-post din ng kaparehong mensahe ng kay Michael V. si Senate President Tito Sotto.
Sinabi ng mambabatas sa kanyang Instagram at Twitter post noong Biyernes, April 17, kung tutulong ka sa kapwa ay hindi mo na dapat ito ipaalam sa publiko ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sabi nito: “If you want to feed the Hungry, then feed the Hungry. But the moment you post it on Social Media, you are just feeding your EGO!”
Ilang celebrities na ang nabatikos ng netizens dahil sa pagpu-post nila ng ginawa nilang pagtulong.
Pero kapag may artistang hindi nagpu-post ng ginagawang pagtulong, hinahanapan o tinatanong naman ang mga ito kung may nagawa na ba silang tulong.
Tuloy, hindi malaman ng mga artista kung saan sila lulugar.
Pero ang mahalaga, mag-post man o hindi ang isang artista, nakatulong sila sa mga nangangailangan.