Tuloy pa rin sa paggamit ng Zoom app si Pasig City Mayor Vico Sotto.
Huwebes, April 23, nang muling ginamit ng 30-anyos na alkalde ang app para sa video conferencing.
Sa tweet ni Mayor Vico nitong Huwebes ng hapon, kumpirmadong nag-Zoom uli siya.
Kasama niya sa video conference si Senator Sherwin Gatchalian, ilang kapwa niya alkalde, at mga “policy experts.”
Tweet ni Mayor Vico: “Zoom Conference with Sen. Win, mayors, and policy experts.”
Ayon sa alkalde, pinag-usapan nila ang tungkol sa nalalapit na pagtatapos ng pinalawig na enhanced community quarantine (ECQ).
Hanggang April 30 na lang ipatutupad ang enforced quarantine.
Sinabi ni Mayor Vico na mahalagang malinaw na nailatag ang mga plano sakaling bawiin na o palawiging muli ang quarantine.
Partikular nilang napag-usapan ang tungkol sa transportasyon at COVID-19 mass testing.
“Discussion centered on ECQ exit strategy,” bahagi pa rin ng tweet ng alkalde.
“Kailangan maayos ang plano- mula transportasyon hanggang testing.”
THANKFUL MAYOR VICO
Sa huling bahagi ng tweet ni Mayor Vico, malaki ang pasasalamat niya na walang ibang “participant” sa ginawa nilang video conference.
“P.s. Thankfully, this Zoom Conference, walang participant na nag-background ng naka-BOLD.”
Tinukoy ng alkalde ang nangyari sa nauna niyang Zoom video conference nitong Miyerkules, April 22.
Sa kalagitnaan ng interview sa kanya ng mga miyembro ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), biglang may lumitaw na malaswang imahe.
Ilang segundong rumehistro sa screen ang isang hubad na lalaking foreigner na nakaupo sa harap ng computer.
Trending naman ang naging reaksiyon ni Mayor Vico sa insidente.
Bigla kasing natigilan hanggang sa bahagyang natawa ang alkalde.
Sa kabila nito, tinapos ni Mayor Vico ang interview.
ANGEL, NETIZENS STILL CAN’T GET OVER THE INTERVIEW
Halata naman sa mga comments sa latest tweet ng mayor na hindi pa rin nakaka-get over ang netizens sa tinawag nilang “Zoombombing.”
Sa katunayan, sa interview pa rin nag-react ang aktres na si Angel Locsin.
Tweet ni Angel: “Hindi ko kinaya yung interview!”
Ang ibang Twitter users, ipinaalala pa kay Mayor Vico ang trending na reaksiyon niya.
Ni-retweet nila ang clips ng ilang segundong pagkakatigalgal ng alkalde.
Ang ibang netizens, natawa sa terminong “bold” ni Mayor Vico.
Anila, napaghahalata raw ang edad ng alkalde.
Dekada ‘90 kasi nang naging palasak ang salitang “bold.”
Tinutukoy nito ang mga litrato o pelikula kung saan may nakahubad.
June 17, 1989 isinilang si Mayor Vico.
Anak siya ng veteran comedian-TV host na si Vic Sotto, at ng aktres na si Coney Reyes.
