Agot Isidro, Jodi Sta. Maria call out cops violating quarantine protocols; NCRPO Chief apologizes

by Jet Hitosis
May 13, 2020
For actresses Agot Isidro (left) and Jodi Sta. Maria (right), the National Capital Region Police Office (NCRPO) cops who gathered to celebrate the birthday of NCRPO Director Major General Debold Sinas (center) clearly violated quarantine protocols, such as physical distancing and organizing a mass gathering.
PHOTO/S: @agotisidro on Instagram, NCRPO on Facebook, @jodistamaria on Instagram

“PASAWAY” at “lumalabag ng batas.”

Ito ang diretsahang akusasyon ng singer-actress na si Agot Isidro, 53, sa mga opisyal at tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Nag-react si Agot sa naglabasang litrato ng pagtitipun-tipon kamakailan ng mga pulis para sa hepe nilang si NCRPO Director Police Major General Debold Sinas.

Binigyan ng surprise celebration si Sinas para sa kanyang 55th birthday nitong May 8.

Ginawa ang pagtitipon sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Nang makita ang mga litrato sa event, nagpahayag ng pagkabahala ang aktres na si Jodi Sta. Maria, 37.

Hayagan daw kasing binalewala ng mga naturingan pa namang law enforcers ang quarantine protocols ng gobyerno laban sa coronavirus disease.

CELEBRATING NCRPO CHIEF’S BIRTHDAY

Makikita sa mga litrato ang salitan na pagsaludo at pagbati ng mga tauhan ng NCRPO kay Sinas.

Pawang nakasuot ng face masks ang mga pulis, na nagkani-kaniyang bitbit ng mga cake at pagkain.

Continue reading below ↓

Sa isang litrato, inalis ni Sinas ang kanyang mask upang hipan ang kandila sa isang cake.

Continue reading below ↓

Pero kapansin-pansing hindi nasusunod ng mga pulis ang isang-metrong physical distancing sa naging pagtitipon.

Mahigpit na ipinatutupad ang social o physical distancing ngayong may coronavirus pandemic.

Ngunit makikita sa mga litrato na magkakalapit ang mga pulis sa pagkakatayo nila sa isa’t isa.

Magkakalapit din ang mga pulis habang nakapila at kumukuha ng pagkain.

Continue reading below ↓

Sa isa pang picture, makikitang nakapalibot sa pagkakaupo sa kani-kanilang mesa ang mga pulis.

Walang isang metro ang pagitan nila habang kumakain at nagkukuwentuhan.

At dahil kumakain, walang isa man sa kanila ang nakasuot ng face mask.

Continue reading below ↓

Ipinost sa official Facebook page ng NCRPO ang mga litrato.

Pero deleted na ang mga ito ngayong Miyerkules ng umaga, May 13.

AGOT: “SPELL PASAWAY”

Ngayong umaga, ni-retweet ni Agot ang artikulo ng Rappler tungkol sa “birthday salu-salo” para sa NCRPO Chief.

Sarkastiko ang tweet ng singer-actress, na patama sa gobyerno at sa Philippine National Police (PNP).

Post ni Agot (published as is): “Yung pulis ninyo oh, lumalabag ng batas.

“So anong gagawin ninyo? I-propromote? [face with rolling eyes emoji]”

Continue reading below ↓

Ni-retweet din ni Agot ang litrato ni Sinas at ng mga tauhan ng NCRPO habang sama-samang kumakain.

Maikling caption ni Agot: “Spell PASAWAY.”

MASS GATHERING DURING ECQ

Umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila hanggang sa Biyernes, May 15.

Simula sa May 16 hanggang May 31 ay Modified ECQ (MECQ) na ang ipatutupad sa NCR, Laguna, at Cebu City.

Continue reading below ↓

Sa ilalim ng ECQ, MECQ, at kahit pa ng General Community Quarantine (GCQ), mahigpit na ipinagbabawal ang anumang mass gathering.

Kabilang sa tinukoy na mass gathering ang mga religious events, concerts, parade, rally, maging mga selebrasyong tulad ng kasalan at birthday.

Mahihirapan daw kasing maipatupad ang social distancing kapag maraming tao na ang nagtipun-tipon.

Ito ay ayon sa guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Tagapagpatupad naman ng mga guidelines na ito ay ang PNP.

PNP CHIEF: “I DON’T THINK NA MERON NAMANG VIOLATION ITO”

Nauna nang nilinaw ni PNP Chief General Archie Gamboa na hindi party ang naganap sa NCRPO headquarters.

Wala raw nalabag na quarantine protocol, ayon sa hepe ng PNP.

Sa virtual press conference ni Gamboa nitong Martes, May 12, itinanggi niyang nagdaos ng “party” ang NCRPO para kay Sinas.

Ang nakuhanan daw na picture ay "mañanita" lamang at hindi party.

Ang mañanita ay isang military at police tradition kung saan madaling-araw na sama-samang bumabati ang mga tauhan sa hepe nilang nagdiriwang ng kaarawan.

Continue reading below ↓

Sabi ni Gamboa: “Una, walang party ang nangyari, ang sabi ni General Sinas.

“Probably nagkaroon ng mañanita.

“Pero doon sa mañanita, ang sabi [ni] General Sinas is that in-observe pa rin nila yung mga social distancing.

“Now, I don't think na meron namang violation ito.”

Sakaling nagkaroon nga ng paglabag sa physical distancing at mass gathering, kaagad daw itong paiimbestigahan ng PNP.

“He [Sinas] assured me that physical distancing was observed,” ani Gamboa.

“Kung mayroon man [violations], I will look into it.”

JODI: “SANA PO WALANG ASYMPTOMATIC SA INYO”

Ang quote na ito mula kay PNP Chief General Gamboa ang ni-retweet ni Jodi ngayong Miyerkules.

Pausisa ang caption ng aktres:

“Tanong ko lang po bakit po sa palagay nyo walang naging problema dito Sir?

“Thank you.”

Continue reading below ↓

Hindi ti-nag ni Jodi ang PNP sa kanyang tweet, kaya wala rin siyang nakuhang reply.

Kasunod nito, ni-repost ng aktres ang mga litrato sa salu-salo para kay Sinas.

Ramdam sa caption ni Jodi ang pagkabahala sa posibilidad na isa sa mga dumalo sa pagtitipon ay may COVID-19, at mahawahan ang iba pa.

Caption ni Jodi: “Sana po walang asymptomatic sa inyo.

“Siguro we can behave as if we have the virus to protect others.

“Nakakatakot lang kasi baka may magkasakit.

“Thank you.”

Continue reading below ↓

As of May 12, umabot na sa 164 pulis ang nagpositibo sa COVID-19, ayon sa PNP data.

Limampu’t dalawa sa mga ito ang gumaling, habang apat ang nasawi.

PNP WILL NOW PROBE NCRPO EVENT

Sa bagong pahayag ng PNP ngayong Miyerkules, kinumpirma ni Police Brigadier General Bernard Banac na iimbestigahan na ng pulisya ang nangyari sa NCRPO headquarters.

Si Banac ay tagapagsalita ng PNP.

Ayon kay Banac, ang Internal Affairs Service (IAS) ang inatasan ni PNP Chief General Gamboa upang magsagawa ng imbestigasyon.

Saad sa statement: “PNP Chief Archie Gamboa immediately directed the Inspector General of the Internal Affairs Service to investigate the circumstances surrounding the alleged violation of quarantine protocols during a PNP social event.”

Inamin ni Banac na ang utos ni Gamboa ay bunsod ng media reports na nagsasabing “protocols on physical distancing and mass gathering of persons were allegedly overlooked during a recent gathering at the NCRPO.”

Continue reading below ↓

NCRPO CHIEF SAYS SORRY

Naglabas na rin ng official statement si Sinas tungkol sa insidente.

Ayon sa NCRPO Chief, hinandugan siya ng mañanita ng “some of my officers and men in their own volition.”

Sinabi ni Sinas na sa nasabing pagtitipon ay ipinatupad nila ang mga kinakailangang pag-iingat, gaya ng social distancing.

Continue reading below ↓

Saad sa statement ng NCRPO Chief: “In all actuality, my accommodation to them was done with all cautiousness because I am fully aware of the Anti Covid measures being implemented by the government.

“They were told to observe social distancing and other health precautionary measures.”

Iginiit naman ni Sinas na ang ilan sa litratong naglabasan sa social media “were edited and grabbed from old posts.”

Kung ano man daw ang nakita sa mga naturang pictures, “it does not define the totality of what really had happened.”

Sa kabila nito, humingi ng paumanhin si Sinas sa nangyari.

Wala raw siyang intensiyong labagin ang alinman sa mga ipinatutupad na ECQ protocols.

Mababasa sa pahayag ni Sinas:

“I apologized for what transpired during my birthday that caused anxiety to the public.

“It was never my intention to disobey any existing protocols relative to the implementation of Enhanced Community Quarantine.

“Rest assured that the NCRPO remains its adherence to the words and guidance of our President and the Chief, PNP.”

Continue reading below ↓

PNP VS VIOLATORS OF QUARANTINE PROTOCOLS

Sa nakalipas na mga linggo, naging saksi ang publiko sa istriktong pagpapatupad ng PNP sa quarantine protocols ng gobyerno.

Ang mga pulis, higit kanino man, ang nakakaalam ng mga ipinagbabawal sa ilalim ng ECQ.

Kaya naman naging malaking balita ang mass gathering na ito ng mga NCRPO enforcers para sa kanilang hepe.

Idagdag pa na hindi iisang beses na naging sentro ng kontrobersiya ang mga pulis dahil sa agresibong pagpapatupad ng ECQ guidelines.

May mga insidente pang nahaluan ng karahasan ang pagpapatupad ng pulisya sa quarantine protocols.

BGC CONDO INCIDENT

Gaya ng pagsalakay ng apat na armadong tauhan ng Taguig City Police sa isang condo tower sa BGC nitong April 19.

Puwersahang pinasok ng mga pulis ang Pacific Plaza Towers.

Sumisigaw na pinaalis nila ang mga residente sa pool area ng condo.

Nagbanta rin umano ang mga pulis na aarestuhin ang sinumang lalabag sa quarantine protocol.

Continue reading below ↓

Nagreklamo ang pamunuan ng condo, habang pinaimbestigahan daw ang insidente ni Taguig Mayor Lino Cayetano.

WINSTON RAGOS KILLING

April 21 naman nang barilin at mapatay ni Police Master Sergeant Daniel Florendo ang retiradong Army soldier na si Winston Ragos.

Inakusahan si Ragos ng paglabag sa quarantine protocol sa Barangay Pasong Putik sa Quezon City.

Dumaranas noon ng post-traumatic stress disorder ang retiradong sundalo.

Dalawang beses na pinaputukan si Ragos ni Florendo, na dumepensang akmang bubunot ng baril si Ragos.

Ayon sa mga saksi, walang baril si Ragos.

Pero iginiit ng pulisya na nakarekober sila ng baril sa bag ng dating sundalo.

Nahaharap ngayon sa homicide si Florendo.

Binigyan si Ragos ng Philippine Army ng burial with full military honors sa Libingan ng mga Bayani.

DASMA VILLAGE SCUFFLE

Samantala, sa engkuwentro sa Dasmariñas Village sa Makati City noong April 26, tinuluyang kasuhan ng pulis ang isang dayuhang quarantine violator.

Kinasuhan ni Police Master Sergeant Roland Madrona ang Espanyol na si Javier Parra Salvador matapos siyang sigawan at pagmumurahin ng dayuhan.

Continue reading below ↓

Kinumpronta ni Salvador si Madrona makaraang sitahin ng pulis ang kasambahay ni Salvador na nagdidilig ng halaman sa bakuran ng residente nang walang suot na face mask.

Umabot pa sa puntong tinangkang arestuhin si Madrona ang dayuhan hanggang sa magpambuno sila.

Nag-viral ang video ng pagpapambuno.

Nahaharap si Salvador sa mga kasong resistance and disobedience to a person in authority, unjust vexation, at direct assault.

Kinasuhan din si Salvador ng paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, at sa Makati City Ordinance 2000-089, dahil sa hindi nito pagsusuot ng face mask.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
For actresses Agot Isidro (left) and Jodi Sta. Maria (right), the National Capital Region Police Office (NCRPO) cops who gathered to celebrate the birthday of NCRPO Director Major General Debold Sinas (center) clearly violated quarantine protocols, such as physical distancing and organizing a mass gathering.
PHOTO/S: @agotisidro on Instagram, NCRPO on Facebook, @jodistamaria on Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results