Sa Baler, Aurora, inabutan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) si Glaiza de Castro.
Kasama niya sa probinsiya ang kanyang pamilya at ang Irish boyfriend na si David Rainey.
Nang kumustahin kay Glaiza si David ng 24 Oras reporter na si Aubrey Carampel, sagot ng 32-year-old Kapuso actress, "Parang mas lokal pa siya kaysa sa 'kin.
"Namamalengke siya, naggogrocery siya...
"Actually ngayon, nandun sa labas... namamalengke," natatawang bida pa ni Glaiza sa boyfriend.
Nakapag-adjust na raw nang husto ang 31-year-old boyfriend niya sa buhay-probinsiya.
Habang naroon, kasama pa niya itong gumawa ng kanta para sa frontliners.
Samantala, habang nakahinto ang production ng GMA-7 series niyang Seed of Love, masaya si Glaiza na napapanood pa rin siya ng fans sa re-run ng 2009 Pinoy adaptation ng K-Drama na Stairway To Heaven at sa 2016 version ng Encantadia.
Kahit na kinaiinisan daw siyang muli sa pagpapalabas ng mga serye, dahil kontrabida ang roles niya sa mga ito, babawi na lang daw siya sa pagpapasaya sa kanyang Instagram Live musical performances.