Naghahanap ng paraan ang actress-restaurateur na si Judy Ann Santos upang hindi dumating sa puntong kakailanganin niyang magtanggal ng mga empleyado.
Naiintindihan ni Judy Ann, 42, na napakahirap ng buhay ngayong may coronavirus pandemic.
Kaya magiging malaking problema, aniya, kung mawawalan ng kita ang mga pamilyang apektado ng krisis.
Nagmamay-ari ng restaurant si Judy Ann, katuwang ang asawang si Ryan Agoncillo at dalawa pang kasosyo. Ito ang Angrydobo.
Pero nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) noong March 17, kasama ang mga restaurant ng aktres sa maraming negosyong natigil-operasyon.
“With the lockdown, ang first thing in mind talaga namin, ano ang mangyayari sa mga staff?” pagbabalik-tanaw ni Judy Ann sa YouTube Live interview sa kanya ni Tim Yap nitong May 28.
“Paano na sila?
“Lalo na iyong mga staff namin sa Westgate, kasi kakabukas pa lang ng second branch, e.
“We were just starting to get the hang of it, and then the lockdown happened.”
Tinukoy ng aktres ang branch ng kanilang restaurant sa Alabang, Muntinlupa City, na nagbukas noong February 13, 2020.
Ang orihinal na branch ay nasa Taft Avenue, Manila.
JUDY ANN CHOOSES TO CLOSE RESTO
Kuwento ni Judy Ann, hindi nila inaasahan ang biglaang pagsara ng kanilang mga restaurant.
Buti na lang nakahanap ng paraan ang aktres upang kahit paano ay matulungan ang kanilang mga empleyado, na tinatawag niyang “cast members.”
“What we did… some of our supplies, pinauwi na namin sa staff namin, kasi para ma-prepare din sila sa lockdown.
“Because it was a sudden lockdown, not everyone has prepared.
“Imbes na masayang iyong pagkain, mabuti itulong na lang namin.
“Para lessen na iyong worries nila, at least for a week, or at least tatlong araw man lang, medyo kampante kami na okay iyong mga cast members namin.”
Kahit pinapayagang mag-operate ang ilang restaurants habang ECQ, pinili raw ni Judy Ann na isara na muna ang kanilang business.
“We didn’t have a choice, we just really had to close down.
“Kasi mas after naman kami sa welfare ng mga tao namin, kaysa pilitin namin silang pumasok.”
“WE DON’T WANT NAMAN TALAGA… NA MAGTANGGAL NG TAO”
At dahil dalawang buwan nang hindi kumikita ang mga negosyo dahil sa ECQ, marami sa mga ito ang kalaunan ay napilitang magtanggal ng empleyado.
Bilang negosyante, sinabi ni Judy Ann na ayaw sana niyang dumating din siya sa ganitong punto.
Alam daw ng aktres kung gaano kahirap ang buhay ngayon.
Pahirapan din, aniya, ang paghahanap ng bagong trabaho.
“Eventually, habang naka-quarantine, we are thinking of ways on how are we gonna keep our staff.
“As much as possible, we don’t want naman talaga, hanggang maaari, na magtanggal ng tao.
“Kasi as it is, ang hirap na ng buhay, naka-quarantine lahat.
“Tapos ang hirap din maghanap ng bagong trabahong papasukan sa mga panahon ngayon, because lahat nag-downscale.
“It’s also like that in our industry, especially in the food industry.”
FINDING WAYS TO KEEP EMPLOYEES
Ayon kay Judy Ann, kinailangan niyang umisip ng paraan kung paanong makakapag-provide pa rin ng trabaho.
“You have to choose people kung sino iyong puwede nating gamitin.
“Pero sa ngayon, hanggang maaari, we are really trying our very best to give all our cast members responsibilities.
“Para we could still keep them. Kasi we understand na mahirap ang pinagdadaanan natin ngayon, ng pangkalahatan.”
Natatawang biro pa ni Judy Ann, “Hanggang maaari, kung kaya… kung kaya ko pa ngang ibigay iyong kabilang lapay ko, ibibigay ko para makatulong pa kami.”
SENDING FOOD TO FRONTLINERS
Sa ngayon, ayon sa aktres, naiisip nilang dagdagan ang kanilang menu at serbisyo para mapanatili ang kanilang mga empleyado.
Tuluy-tuloy rin daw ang pagbibigay nila ng pagkain sa frontliners.
“Now we’re thinking of expanding into… [offering] other items, to serve more people.
“And at the same time, serve the frontliners as well.”
Ibinalita rin ni Judy Ann na ilang linggo bago pa mag-transition sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila ay balik-operasyon na ang branch nila sa Taft.
Ipatutupad na ang GCQ sa Metro Manila simula Lunes, June 1.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)