Chynna Ortaleza, Gretchen Ho, Jake Ejercito find behavior of congressmen in ABS-CBN franchise hearing repulsive

by Rachelle Siazon
Jul 8, 2020
Chynna Ortaleza (left), Gretchen Ho (center), and Jake Ejercito (right) ask congressmen grilling ABS-CBN big bosses: "Bakit po kailangan bastos tayo sa pagtanong?"
PHOTO/S: @chynsortaleza / @gretchenho / @unoemilio Instagram

Dismayado ang ilang showbiz personalities sa panggigisa ng mga kongresista sa ABS-CBN executives.

Mainit na pinag-usapan sa Kongreso noong Lunes, July 6, ang tungkol sa prangkisa ng network at ang diumano'y biased reportage ng ABS-CBN News and Current Affairs.

Malaking bahagi ito ng interpelasyon ni Cavite 7th District Representative Jesus Crispin "Boying" Remulla sa big bosses ng ABS-CBN.

Hanggang sa napunta ang takbo ng mga tanong ng kongresista sa isyu ng umano'y maanomalyang ugnayan ng ABS-CBN sa Amcara Broadcasting Network.

Kaugnay ito ng pagkuwestiyon ng Kongreso kung bakit tila may monopolya ang ABS-CBN sa Amcara.

Ayon sa ABS-CBN, mayroon itong "blocktimer" arrangement sa Amcara na may-ari ng Channel 43.

Sa Channel 43 umeere ang digital broadcast ng ABS-CBN, kasabay sa analog broadcast ng network sa Channel 2.

Ang ABS-CBN TVplus ay gumagamit ng digibox set-up na siyang nakakakuha ng digital signal ng ABS-CBN mula sa Channel 43.

Pero kataka-taka raw, ayon kay Remulla, na ABS-CBN lamang ang kliyente ng Amcara.

Continue reading below ↓

CHYNNA ORTALEZA

Sobrang nasakatan ang Kapuso actress na si Chynna Ortaleza nang makita niya ang trato ni Remulla sa legal counsel ng ABS-CBN na si Atty. Maxim Uy.

Ito ay iyong punto sa hearing na pilit pinaaamin ni Remulla ang ABS-CBN top executives hinggil sa equipment na binili ng ABS-CBN para magamit ng Amcara sa pag-ere ng ABS-CBN TVplus sa Channel 43.

"I'm sorry Mr. Chair I don't understand," ani Atty. Maxim Uy, base sa video clip na ibinahagi ni Chynna sa Twitter noong July 6.

Ani Remulla, na agresibo ang tono ng pananalita, "Hindi ka ba nagta-Tagalog? Hindi ka nakakaintindi?"

Sagot ni Atty. Uy, "Hindi po. Nakakaintindi po. Hindi ko lang naintindihan yung sinabi nila."

Bahagyang kalmado na ang boses ni Remulla nang sabihin niya, "O, sige, ulitin natin. Ang gamit ng Amcara, nanggaling sa ABS-CBN. 'Yan ang inyong sinasabi sa amin."

Nang makita ang pagsenyas ni Atty. Uy na hindi niya lubusang maintindihan ang tanong, pasarkastikong sabi ni Remulla, "The facilities of Amcara... Gusto mo ba may English accent pa? American accent, gusto mo?"

Continue reading below ↓

Tingin ni Chynna, nang mapanood ang video clip, mapagmataas at walang respeto ang datíng ng kongresista.

Tweet niya, "Sobrang lala ng heartbreak ko. I know arguments happen but personally I try my best to talk to people with respect even if it gets heated.

"Why? Why do you have to speak this way sir? So condescending."


Continue reading below ↓

Nag-react din si Chynna sa ibinatong isyu ni Remulla na pinagmumukhang "kontrabida" masyado ng ABS-CBN ang mga pulitiko.

Base raw ito sa mga teleserye kunsaan masasama ang ugali ng mga karakter na gumaganap na pulitiko.

Ayon kay Chynna, hindi niya lubos maisip kung paano naikonek ang mga kontrabida sa teleserye sa ABS-CBN franchise.

Sabi ni Chynna hinggil sa isyu: "O ganito na lang.. lahat na lang ng mga karakter na isusulat at gagampanan sa mga serye at pelikula mabait.

"Walang bahid ng pagkakamali. Para end of the world na.

"Pa akap sa lahat ng artists at sa mga tumataguyod sa amin. Hinga hinga. Sakit sa dibdib at kukote e."


Continue reading below ↓

GRETCHEN HO AND CES DRILON

Diretsahan ding nagsalita ang Umagang Kay Ganda at TV Patrol segment host na si Gretchen Ho laban kay Congressman Remulla.

Hindi rin maatim ng Kapamilya host-reporter ang kawalan ng respeto ng kongresista.

"Bakit po kailangan bastos tayo sa pagtatanong? Pwede po patapusin muna ang mga sumasagot?" tweet ni Gretchen.

Dagdag niya, "Hindi ko kinakaya yung kabastusan na ginagawa nila sa aming mga boss. Sarap nalang nilang hugutin diyan. Tapusin na natin 'to."

Ni-retweet din ni Gretchen ang pag-alma ni ANCX Executive Editor Ces Oreña-Drilon sa pang-uuyam ni Remula kay Atty. Uy.

Ani Ces, "Wow! Congressman Boying Remulla. Public office is not license to be uncouth."

Sang-ayon ni Gretchen, "This is too much."


Continue reading below ↓

Sabi pa ni Gretchen, sana ay makarating kay Remulla ang reklamo niya.

Tutal naman daw ay mahilig itong magbasa ng "viral posts."


Paalala naman ni Ces sa mga kongresistang nagsasabing biased ang ABS-CBN, hindi matatawag na "bias" ang "wrongdoing" na iniuulat ng network.


Continue reading below ↓

ANTOINETTE JADAONE

Umalma rin ang resident film and TV director ng ABS-CBN na si Antoinette Jadaone sa umano'y grandstanding ng mga kongresista habang ginigisa ang ABS-CBN top executives.

Tweet niya, "Wow, taas ng ratings ng hearing! Comedy, family drama, horror!

"Instant media mileage for all these congress people!!!

"Pero sana hindi na maloko ang taumbayan ng mga [clown emojis] na ito!"


Continue reading below ↓

JAKE EJERCITO

Si Jake Ejercito naman ay umalma sa pagkuwestiyon hindi lang ni Remulla kundi pati ilang kongresista sa umano'y "bias" na pag-uulat ng network sa mga isyung kinasasangkutan ng mga pulitiko.

Si Jake ay anak ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada sa partner nitong si Laarni Enriquez.

Kakasali lang ni Jake sa Star Magic, ang talent-management arm ng ABS-CBN.

Ani Jake: "These congressmen are seriously asking the people to stop criticizing them??

"You are there precisely because of the people and supposedly for the people!

"Stop playing the victim and be genuine representatives instead."

Continue reading below ↓

JULIUS BABAO

Nanindigan naman ang ABS-CBN broadcaster na si Julius Babao na responsibilidad ng mamamahayag ang isiwalat kung anumang isyung kinasasangkutan ng isang pulitiko.

Diin niya, hindi trabaho ng journalists ang pabanguhin ang pangalan ng sinumang laman ng ulat.

"Gusto ko lang linawin sa mga kabataan na ang mga journalist ay hindi PR practioners.

"Trabaho naming maging patas sa pagbabalita pero hindi namin obligasyong magpaligaya ng taong ibinabalita namin."


Continue reading below ↓

BIANCA GONZALEZ

Ikinatuwa naman ni Bianca Gonzalez ang pagiging kalmado pero palaban kung kinakailangan ni ABS-CBN President & CEO Carlo Katigbak.

Ani Bianca, "Proud to have Sir Carlo Katigbak as our leader."

Maging sina Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor at Quezon City 1st District Representative Jose Antonio Sy-Alvarado ay bilib sa marespetong paraan ni Katigbak sa pagsagot sa Congress committee.

Continue reading below ↓

HOT STORIES

REMULLA GRILLS ABS-CBN NEWS CHIEF ON PRESS FREEDOM

Ano pa ang ibang kaganapan sa pagdinig sa Kongreso noong July 6?

Kinuwestiyon ni Sagip Partylist Representative Boying Remulla kung paano nangyaring isyu ng press freedom ang pagpapasara sa ABS-CBN.

Diin niya, paso na ang prangkisa ng ABS-CBN kaya pinatigil ang TV at radio broadcast operations nito.

Nanindigan si Ging Reyes, head ng ABS-CBN News and Current Affairs, na may "chilling effect" ito dahil nawalan ng access sa balita ang malaking audience ng network.

Giit niya, "May I just explain na meron din naman pong iba na paso ang prangkisa at pending pa po ang renewal pero hindi ho pinasara."

Sabi ni Remulla, nagkataong may reklamo sa ABS-CBN kaya nahaharap ang istasyon sa imbestigasyon sa Kongreso.

Tila ginagamit daw na "pang-blackmail" ng ABS-CBN ang isyu ng "press freedom" sakaling lumabas sa botohan ng Kongreso na hindi maaaring ma-renew ang prangkisa ng network.

Continue reading below ↓

"I am not blackmailing this honorable body," sagot ni Reyes.

Tanong ni Remulla, "Anong tawag niyo roon? Naririnig ko na agad, kung sabihin natin di tayo matutuloy sa pagbigay ng prangkisa, babanatan niyo kami."

Paglilinaw naman ni Reyes, "Hindi namin kayo babanatan. Sasabihin lang natin kung ano ang magiging outcome ng hearings ng Kongreso."

ON "BIAS" AGAINST GOVERNMENT OFFICIALS

Mariing kinontra ni Remulla ang pahayag ni Reyes.

Sa loob daw ng 33 taon, mula nang siya ay pumasang abogado, napansin daw ni Remulla na panay-panay ang pagtira ng ABS-CBN sa gobyerno, kasama ang Kongreso.

"Ang tawag niyo nga sa congressman, TONGressman, di ba, ho? Ms. Ging, di niyo ba naririnig yun sa mga tao niyo?" ani Remulla.

Ang sinasabi niyang word play na "tong" ay Filipino slang para sa salitang lagay o suhol.

Dugtong niya, "Ganun ho ang trato sa Kongreso ng inyong news department, ng inyo hong public affairs department, laging inaalipusta ang public servants."

Continue reading below ↓

Paglilinaw pa rin ni Reyes, hindi panghahamak o panglalait ang layunin ng news department ng ABS-CBN.

Sadyang "noble calling" daw ang pagpasok sa pulitika.

Paliwanag pa ni Reyes: "Yung pag-aalipusta sa tao sa gobyerno, hindi po 'yan ang aming trabaho.

"Kung magkataon lang po na hindi maganda ang aming coverage sa ibang opisyal, ito po ay dahil sa factual basis na nakikita ng aming mga mamamahayag.

"At hindi lamang ng ABS-CBN. We uncover wrongdoing in many places."

DEPICTION OF GOVERNMENT OFFICIALS AS "KONTRABIDA"

Umabot sa puntong sinabi ni Remulla na sa mga teleserye ng network ang mga "kontrabida" ay "congressman, governor, mayor" at gawa nito ay "ginagawa kami na ehemplo ng kasamaan."

Sa puntong ito, nilinaw ni Cory Vidanes, chief operating officer ng ABS-CBN, na ang fictional characters sa mga teleserye ay hindi representation ng isang government official sa tunay na buhay.

Dahil aniya, marami ring pagkakataong kontrabida ang mga ina sa kanilang adoptive children sa mga teleserye, pero hindi nangangahulugang lahat ng ina sa tunay na buhay ay ganoon.

Continue reading below ↓

Pero naniniwala si Remulla na may epekto raw ang mga teleserye sa mga manonood. Diin ni Remulla, "Itong bias kasi, ang probema, dahil may mind control po, may kontrol sa utak ng tao ang mass media."

ISSUE ON "SPIN DOCTORS"

Pilit na pinaaamin ni Remulla si Reyes na may "spin doctors" o public relations practitioners na nagpi-feed ng info sa ABS-CBN journalists para banatan ang isang personalidad o organisasyon.

Nanindigan naman si Reyes na ginaguwardiyahan ng news department ang mga ganoong kalakaran.

Sundot pa ni Remulla, may pagkakataon daw ba na may isang taong binanatan nang husto sa balita, nasaktan ito dahil sa balita, at hindi naiere ang panig nito?

Sagot ni Reyes, may mga pagkakataong hindi naiere ang eksplanasyon ng isang panig dahil ito mismo ay tumangging magbigay ng opisyal na pahayag sa balitang lumabas sa ABS-CBN.

MEDIA MORE POWERFUL THAN GOVERNMENT?

Ang punto ni Remulla, ang ABS-CBN ay isang broadcast giant na malaki ang impluwensiya sa taumbayan.

Continue reading below ↓

Binanggit niya ang tatlong sangay ng gobyerno: ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura.

Tanong niya: "Would you agree that the fourth estate, mass media, is probably more powerful than government itself?"

Si ABS-CBN President Carlo Katigbak ang pinasagot ni Remulla.

Kalmadong sagot ni Katigbak, "I don't think we're more powerful than government.

"In fact, that's why we're here today. Because I understand that our future is in the hands of the legislature."

Siniguro pa ni Katigbak na "hindi arogante" ang ABS-CBN management, at aminado ito sa mga bagay na kailangang ireporma ng network sakaling mabigyan muli ng prangkisa.

Sa puntong ito, tinanong ni Remulla kung "aaamin" ba ang ABS-CBN sa mga "pagkakamali" na nakita ng komite sa Kapamilya network.

Kalmado pa rin, pero kinontra ni Katigbak si Remulla.

"Meron kaming tatanggapin na pagkukulang po, pero sinasabi namin na wala po kaming nilabag na batas," ani Katigbak.

AMCARA-ABS-CBN ISSUE

Dito inungkat ni Remulla ang ugnayan ng ABS-CBN at Amcara Broadcasting Network.

Continue reading below ↓

Minsan nang sinabi ni Remulla na "dummy" umano ng ABS-CBN ang Amcara.

Base sa pagdinig sa Kongreso kahapon, July 6, binanggit ni Remulla ang isyu hinggil sa Facebook post ng ABS-CBN reporter na si Jeff Canoy.

Inilahad ni Canoy na nalungkot siya nang masaksihang naluha ang ABS-CBN engineer na si Romeo Tandoc Jr. nang pindutin nito ang "off switch" para sa "transmission" ng "TVplus."

Deleted na ang post na iyon ni Canoy, pero kumalat ang screenshot noon sa social media.

Continue reading below ↓

Kinuwestiyon ito ni Remulla.

Paano raw nangyaring nasa ABS-CBN ang switch para sa signal ng ABS-CBN gayong Amcara raw ang in charge sa ABS-CBN TVplus.

Si ABS-CBN Chairman Mark Lopez ang nagpaliwanag na may "remote transmitters" ang ABS-CBN sa Amcara, pero nangangailan daw ng tao para pisikal na puntahan ito upang i-switch off ang transmission.

At sa pagkakataong pinatay ang digital transmission ng ABS-CBN TVPlus, napagkasunduan daw ng management na patayin ito gamit ang equipment ng ABS-CBN.

Mas mabilis daw kasi ang kapabilidad ng ABS-CBN upang patayin ang digital signal.

Ipinaliwanag din ni Lopez na ABS-CBN ang may-ari ng equipment na ginagamit ng Amcara para mag-ere ng digital signal sa ABS-CBN TVplus via Channel 43.

Pero nasa proseso na raw ng paglipat sa Amcara ang pagmamay-ari ng equipment na iyon.

Sumunod na magpapaliwanag sana tungkol sa isyu ang legal counsel ng ABS-CBN na si Atty. Maximum Uy.

Sinabi ni Uy na ang National Telecommunications Commission ang nag-assign sa Channel 43 para magamit sa digital transmission ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Pero pinipilit ni Remulla na "sister stations" ang ABS-CBN at Amcara.

Ani Remulla, "subsidiary" umano ng ABS-CBN ang Amcara sa loob ng "23 years."

"I don't think it qualifies as a subsidiary because ABS has a minority stake only," sagot ni Uy hinggil sa pagiging shareholder noon ng ABS-CBN sa Amcara.

Giit ni Remulla, kahina-hinala na "blocktimer" ang ABS-CBN sa Amcara sa loob ng "25 years."

Ni hindi man lang daw nag-invest sa equipment ang Amcara, maliban sa first batch ng analog equipment nito noon.

Sa puntong ito nagkaproblema sa pagtatanong ni Remulla dahil tila hindi naririnig nang mabuti ni Uy ang mga sumunod pang mga katanungan.

Nagkasundo naman sina Remulla at iba pang kongresista—sina Mike Defensor, Jose Antonio Sy-Alvarado, at Franz "Chicoy" Alvarez—na sa hiwalay na pagdinig ng Kongreso pag-usapan kung ano nga ba ang relasyon ng ABS-CBN at Amcara.

Pakiwari ni Remulla, pinaiikot daw siya ni Uy at ayaw lang umano sagutin ng abogado ng ABS-CBN ang katanungan niya.

Continue reading below ↓

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Chynna Ortaleza (left), Gretchen Ho (center), and Jake Ejercito (right) ask congressmen grilling ABS-CBN big bosses: "Bakit po kailangan bastos tayo sa pagtanong?"
PHOTO/S: @chynsortaleza / @gretchenho / @unoemilio Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results