Malungkot na inanunsiyo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nagpositibo siya sa COVID-19.
Sa kanyang pahayag na inilabas ngayong umaga ng Miyerkules, July 8, nagpasalamat pa rin ang alkalde na maaga itong natuklasan upang maagap ding maisagawa ang contact tracing.
Pag-aanunsiyo ni Mayor Joy, “Nais ko pong ipahayag sa lahat ng aking minamahal na QCitizens na ako po ay nag-positibo sa aking huling COVID-19 test.
“Nagpapasalamat po ako na agad itong natuklasan."
Dagdag niya, “Sa ngayon, maayos po ang aking kalagayan at wala po akong nararamdamang anumang sintomas.
“Mahigpit ko pong sinusundan lahat ng quarantine protocols ng ating Department of Health at sinimulan na din po ng QC Epidemiology and Surveillance Unit (QC-ESU) ang contact tracing procedures.”
Sarado muna ang kanyang tanggapan sa ngayon upang maisagawa ang proper disinfection.
Ayon pa kay Belmonte, maaaring nakuha niya ang virus sa paglilibot niya sa kanyang nasasakupan.
“Dahil sa pagdalaw sa ating mga health center at ospital, special concern lockdown areas at mga komunidad upang alamin ang kanilang mga pangangailangan, sa simula pa lang, batid na naming posibleng mangyari ito.
"Pero hindi ko po ito pinagsisisihan. Inihanda ko na po ang aking sarili at buong puso ko po itong tinatanggap.
“Nangyari po ito sa kabila ng aking ibayong pag-iingat, pagsusuot ng facemask, madalas na paghugas ng kamay, at social distancing. Kaya sana ay magsilbi itong paalala na ang COVID-19 ay tunay na isang kakaibang sakit na dapat pag-ingatan pa nang lubusan.”
Sinigurado naman niyang tuluy-tuloy ang serbisyo ng kanyang tanggapan at ng pamahalaang lokal para sa lahat ng mamamayan ng Quezon City.
Sabi ni Mayor Belmonte, “Makasisiguro po kayo na patuloy ang serbisyo at gawain ng inyong lokal na pamahalaan sa kabila ng aking pag-quarantine.
"Bagama't limitado ang aking pagkilos, mananatili po akong nakatutok sa kalagayan at pangangailangan ng buong Quezon City.”
Sa ngayon, ang Quezon City ay may 3,869 COVID-19 cases—ang pinakamataas sa buong Metro Manila.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika