Ngayong Miyerkules, July 15, ang 45th birthday ng singer-comedienne na si K Brosas.
Pero ang nag-iisang anak niyang si Crystal Brosas, 22, ang binigyan ni K ng regalo.
At iyon ay ang buong-pusong pagtanggap at suporta ni K sa pag-amin ni Crystal na isa itong lesbian.
Magkasama ang mag-ina nang mag-out si Crystal nitong Martes ng gabi, July 14, sa vlog ni K.
Ipinost ni K ang excerpt ng vlog sa kanyang Twitter at Instagram account.
Ayon sa Umagang Kay Ganda host, high school pa lang daw si Crystal ay alam na niya ang sexual orientation nito.
“Sa mga nagtatanong kung matagal ko nang alam, high school pa lang alam ko na, bilang nanay.
“Wala akong galit, wala akong buwisit. Tinanggap ko,” sabi ni K.
Solong pinalaki ni K si Crystal.
Hindi pinapangalanan ng singer-comedienne ang ama ng anak sa alinmang interview sa kanya.
THE COMING OUT
Sa pag-uusap ng mag-ina sa kalagitnaan ng vlog, nabanggit ni K na isang “unfortunate event” ang naging hudyat upang mapaamin sa kanya si Crystal.
Hindi nagdetalye si K tungkol sa insidenteng iyon, pero ikinuwento niya kung paanong nag-iiyak si Crystal habang ginagawa ang pag-amin.
Nineteen years old at college student noon si Crystal.
“Yung anak ko, nag-iiiyak. Inunahan ako ng iyak,” pagbabalik-tanaw ni K.
“Ako, kalmado.
“Sabi ko, ‘Anak, kahit ano ka, kahit halamang dagat ka pa, mamahalin kita,’” may halong pagbibirong mensahe ni K sa anak.
“Kasi yun ang unconditional love bilang magulang, e.”
“I’M VERY PROUD SA ANAK KO”
Humingi ng paumanhin si K sa mga nanonood sa kanyang vlog na hindi kumporme sa lubusang pagtanggap niya sa pagiging lesbian ni Crystal.
“Pasensiya na po… nag-iisang anak ko ito, e.
“Kung anong gusto niya, susuportahan ko.”
Sinabi ni K na suportado niya ang kaligayahan ni Crystal, gaya ng kung paano niya sinusuportahan ang mga interes nito.
“Tulad ng kanyang music. Pagko-compose. Napakagaling sumayaw.
“Naggigitara left and right, ambidextrous.
“Nagtatrabaho siya ngayon… I’m very proud sa anak ko.”
“TANGGAP KO SIYA”
Kalaunan, seryosong sinabi ni K na walang kaso sa kanya kung anuman ang sexual orientation ni Crystal.
Hinimok din ni K ang iba pang mga magulang na tanggapin ang kanilang mga anak na nabibilang sa lesbian, gay, bisexual, transgender, queer (LGBTQ) community.
“Ang sexual preference ng anak ko, walang kinalaman sa pagmamahal ko sa kanya,” sabi ni K.
“At dapat sa mga nakakapanood nito na isinusumpa yung mga anak nila na… ganyan.
“Hindi. Kung anak mo 'yan, unconditional 'yan.
“Kasi nag-iisa ko lang—kahit hindi siya nag-iisa [na anak], kahit pito sila. That won’t change the fact na tanggap ko siya.”
Nilingon ni K si Crystal, na nakangiti habang nakatingin sa ina.
“Now out and proud,” masayang sabi ni Crystal.
K READY TO STAND UP FOR CRYSTAL
Napaiyak si K sa isang bahagi ng vlog.
Inaasahan na raw kasi niyang makakatanggap siya ng pambabatikos mula sa iba—maging mula sa sarili niyang pamilya—tungkol sa naging pagpapalaki niya sa kaisa-isang anak.
Alam daw ni K na kukuwestyunin ng iba ang kanyang pagiging magulang.
“Kasi alam ko na may ilan sa inyo na babalik sa akin.
“Even family ko, parang… alam ko na, e,” dito na tuluyang napaiyak si K.
“[Sasabihin nila] 'Mayroon kang mali na ginawa bakit lumaki nang ganyan ang anak mo.'
“Alam ko na 'yan. Pero mas importante talaga ang kaligayahan ng anak ko, e.
“Ito ang gusto niya.
“I love my daughter. I support her.
“So, wala kayong pakialam, mga dimunyu kayo. Charot!” pilit nagpapatawang sabi ni K.
AN APPEAL TO PARENTS OF LGBTQ KIDS
Ayon sa singer-TV host, sinamahan niya si Crystal sa pag-out upang magsilbi siyang halimbawa sa ibang mga magulang na may mga anak na LGBTQ.
Inulit ni K na nababahala siya para sa mga anak na itinatakwil ng mga magulang dahil lang sa kanilang sexual orientation.
“Please, sa mga parents na nagtatakwil sa mga anak nila dahil hindi nila kaya… sa paninindigan nila na, ah, bakla, tomboy, whatsoever yung anak nila, maawa naman po kayo sa mga anak niyo.
“Tsaka anak niyo 'yan, e.
“I’m doing this kasi gusto ko mamulat.
“Naba-bother ako sa mga magulang na dini-disown yung mga anak nila.”
K HAS MESSAGE TO FANS, BASHERS
Sa huli, binigyang-diin ni K na paninindigan niya ang suportang ibinigay niya kay Crystal—anuman ang mangyari.
“Gusto niyang mag-out.
“Inirerespeto ko yun at sinusuportahan ko yun.”
Nag-iwan din ng mensahe si K sa kanyang fans at bashers.
Sabi ni K: “Sa mga fans kong nakakaintindi, maraming-maraming salamat.
“Sa mga mamba-bash, shutanginamez,” ani K, kasunod ang halakhakan nilang mag-ina.
CRYSTAL: “WALA NA AKONG DAPAT KATAKUTAN”
Sa kabuuan ng vlog ay iilang beses lang nagsalita si Crystal.
Hinayaan niyang tuluy-tuloy na maglahad ng saloobin ang ina.
Pero sa tweet ni Crystal ngayong Miyerkules ng madaling-araw, July 15, nagkuwento siya kung gaano kasarap sa pakiramdam aminin sa lahat ang tunay niyang pagkatao.
Sa kanyang tweet, ibinahagi ni Crystal ang link sa vlog ni K.
Nag-share din siya ng litrato nilang mag-ina, kalakip ang note na isinulat niya matapos nilang gawin ang vlog.
Sa loob ng maraming taon sa “closet,” isang bagay raw ang na-realize ni Crystal: “You should NEVER force yourself to be straight because being gay IS NOT WRONG in the first place.”
Masaya, masarap, at maginhawa raw sa pakiramdam na nakapag-out na siya “with my Mom by my side.”
Mababasa sa note ni Crystal: “Wala na akong dapat katakutan. Nanalo na ko. Masaya na ko.”
“SALAMAT DAHIL IKAW ANG NAGING NANAY KO”
May bahagi ng note na isinulat ni Crystal para kay K.
Binati niya ang ina sa birthday nito, at nagpasalamat na sa halip na ito ang regaluhan ay siya pa ang nakatanggap ng gift mula rito.
Mensahe ni Crystal kay K: “I will never trade you for anyone else.
“My happiness is just beyond words.
“Salamat dahil ikaw ang naging nanay ko. Mahal na mahal kita.”
Sa huling bahagi ng note, nangako si Crystal na bibigyang boses niya ang mga “unheard in the LGBT community.”
Tweet pa ni Crystal: “And now, I can proudly say that I’m a LESBIAN.
“Love is love. Hands up, my fellow androgynous lesbians!”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika