Hindi nangimi si Dionne Monsanto na ihayag ang tunay na saloobin sa tuluyang pagpapasara sa broadcast operations ng ABS-CBN.
Sa kanyang official Facebook page, idinadaan ng aktres sa magkahalong biro at sarcasm ang sagot sa bashers na hindi nagugustuhan ang pagtatanggol niya sa Kapamilya network.
"I would like to thank those who Unfollowed me—it’s always good when trash takes itself out," pahayag ni Dionne noong July 12.
Babala pa niya, "To the new Followers: this is not a feel-good page. All you’ll get here is sarcasm mixed with facts, grilled with glimmers of hope, and sprinkled with the fight for justice."
Hindi naman daw kataka-taka kung ipaglaban niya ang ABS-CBN, ang kanyang home network sa loob ng 13 taon.
Sumabak sa showbiz si Dionne matapos maging housemate sa ABS-CBN reality show na Pinoy Big Brother Season 2 noong 2007.
Nagmarka siya bilang kontrabida sa defunct ABS-CBN afternoon series na Tubig at Langis noong 2016, at napapanood siya sa ongoing prime-time series na A Soldier's Heart.
Post ni Dionne noong July 9: "Bat daw pinaglalaban namin ang ABS. Abay siyempre, parte ng buhay namin yun. Pamilya.
"Ikaw nga ghorl pinaglalaban mo yung jowa mong chaka na nga, niloloko ka pa. And I thank you. Bow."
Nagpahaging din si Dionne na may karma para sa mga taong nagbubunyi sa pagpatay sa prangkisa ng ABS-CBN.
"Yung tuwang-tuwa ka dahil nagsara ang ABS. Tapos tinanggal ka sa trabaho mo kasi papalitan ka ng taga-ABS. Luh... Exciting," saad ni Dionne sa Facebook post nito noong July 13.
MESSAGE FOR 70 CONGRESSMEN
Hindi rin niya napigilang magpatutsada sa 70 congressmen na bumoto para hindi payagang mag-operate ang TV at radio broadcast ng ABS-CBN.
"Sana masarap ang ulam nating lahat! Maliban sa mga nag-NO, ABSTAIN at UNSURE. Mabilaukan sana kayo sa bawat paginom niyo ng tubig. Mwah mwah," ani Dionne.
Marami raw sa mga kongresistang ito ay hindi makikila ng publiko "kundi sila umepal sa franchise renewal" hearings.
Dagdag niya, "May mga kongresistang parang hindi na-breastfeed. Or kulang sa love. Ganoin."
NOT EASY TO MOVE ON
Hindi rin daw niya maintindihan kung bakit ang daling sabihin ng iba sa mga taga-ABS-CBN na "Move on nalang kayo."
Na para bang wala raw apektado na libu-libung empleyado na namimiligrong mawalan ng trabaho.
Hirit ni Dionne kahapon, July 14: "Luh... Ilang taon ang ginugol namin sa trabaho at art namin na nagpaligaya at bumuhay samin ng maraming taon.
"Ikaw nga di makamove on sa ex mong 3 months lang kayo na inutangan ka na nga, ilang beses ka pang niloko.
"Awwwit."
Lalong nainis ang Kapamilya actress nang maiulat ang pahayag ni Senator Ronald "Bato" dela Rosa na hindi kawalan ang ABS-CBN.
Sa isang panayam noong July 9, sinabi ng senador na puwede pa rin naman daw maghanap ng ibang trabaho yung maaapektuhan ng nakaambang retrenchment ng workers ng kumpanya.
Facebook post ni Dionne noong July 10: "Yung may trabaho ka na sana. Tapos gagawin lahat para mawalan ka ng trabaho. Tapos sasabihan ka na maghanap ka ng trabaho. Ha?? Kaya pa? Batong*****yan."
ON ABS-CBN RETRENCHMENT
Hanggang sa nitong gabi ng Miyerkules, July 15, inanunsiyo ng ABS-CBN na magsisimula na ang retrenchment ng ABS-CBN workers kasabay ng pagsasara ng mga subsidiary companies sa August 31.
Ipinost ni Dionne ang kopya ng official statement ng ABS-CBN management sa kanyang Facebook account.
Sabi sa isang bahagi nito: "For those who are affected, we pray for you and your families, that you may have the strength and guidance to deal with the challenges ahead.
"For all that you have done for ABS-CBN, maraming salamat po."
Sa puntong ito, walang halong pagpapatawa o sarcasm ang reaksiyon ni Dionne.
"A part of me died today," malungkot na pahayag ng aktres.
Dagdag niya kalakip ng broken heart emoji, "Tangina. Ang sakit."
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika