ABS-CBN reporter Chiara Zambrano: "Patay na po ang Current Affairs ng ABS-CBN."

by Rachelle Siazon
Jul 19, 2020
ABS-CBN news reporter and documentarist Chiara Zambrano on Kapamilya colleagues losing their jobs: "Wala na sila. Lahat sila... Kami ang sinampolan, sino sa inyo ang susunod? Hindi lang sa amin nagtatapos ito. Kami lang ang simula."
PHOTO/S: Screengrab from ABS-CBN's 'Di Ka Pasisiil / Chiara Zambrano Facebook

Naghihinagpis ang damdamin ni Chiara Zambrano sa pagkalagas ng lahat ng programa sa ilalim ng ABS-CBN Current Affairs, ang departamento na pinagsimulan ng career niya bilang broadcast journalist.

Si Chiara ay award-winning news reporter at documentarist ng ABS-CBN. Nagtapos siya ng kursong Communications, at may master's degree sa Journalism, sa nirerespetong Ateneo de Manila University.

Kinilala siya bilang isa sa awardees ng The Outstanding Young Men (TOYM) Awards noong 2018, para sa kanyang galing sa paggawa ng investigative news documentaries.

Kasama sa mga ginawa niya para sa ABS-CBN ang "Di Ka Pasisiil" at "Spratlys, Mga Isla ng Kalayaan."

Sa "Di Ka Pasisiil," nakapanayam ni Zambrano ang isang dating child fighter na nagkuwento kung paano ito na-train sa murang edad na makipagdigmaan sa ilalim ng Maute group, na nauugnay sa international terrorist group na ISIS.

Continue reading below ↓

Personal ding sinadya ni Zambrano ang pugad kung saan sinanay ang mga batang recruits ng Maute group at ang mga lugar na nawasak dala ng Marawi siege noong 2017.

Nagsimula si Chiara sa defunct ABS-CBN public affairs program na The Correspondents noong 2004 hanggang siya ay maging news reporter na eksperto sa pag-cover ng defense beat.

Sa madaling salita, may personal na tapang si Zambrano na sumabak sa bakbakan sa giyera para magdala ng balita sa mamamayang Pilipino.

Continue reading below ↓

Ngunit nanlumo at halos panghinaan ng loob si Zambrano sa sinapit ng mga kasamahan sa Kapamilya network, na nawalan ng trabaho nang pagkaitan ng prankisa ang ABS-CBN.

SHUTDOWN OF ABS-CBN PUBLIC AFFAIRS SHOWS

Sa isang madamdaming Facebook post, Sabado, July 18, malungkot na ipinabatid ni Zambrano na nasimot na ang ABS-CBN Current Affairs.

Kasama sa mga nawala sa ere ay ang mga programg Rated K ni Korina Sanchez, Failon Ngayon ni Ted Failon, at Matanglawin ni Kim Atienza.

Gayundin ang Kuha Mo ni Anthony Taberna, SOCO ni Gus Abelgas, at pati na ang public affairs programs na #NoFilter at #MyPuhanan.

Wala na rin sa ere ang daily news and public affairs program na Umagang Kay Ganda.

Hindi maapuhap ni Zambrano kung paano nangyaring ang "isang dekadang marangal na trabaho," na dugo at pawis ang puhunan ng mga empleyado, ay bigla nalang mawawala.

Lalong hindi raw katanggap-tanggap kung paano naaatim ng iba na itangging walang "chilling effect" ang paspasang pagpapasara sa ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Chilling effect ang terminong tumutukoy sa nakakabahalang epekto sa malayang pamamahayag ng isang mapansikil na panuntunan, utos, o batas.

Ibig sabihin, ang epekto ng panuntunan sa mamahayag ay ang manigas ito sa takot, hanggang sa hindi na ito makakilos nang mahusay sa kanyang trabaho.

Aniya, malinaw pa sa sikat ng araw na pagsikil sa malayang pamamahayag ang pagsasara ng Current Affairs programs, na katuwang ng ABS-CBN News sa pagdadala ng mahahalagang impormasyon sa taumbayan.

CHIARA ZAMBRANO ON COLLEAGUES LOSING THEIR JOBS

Narito ang kabuuang Facebook post ni Zambrano:

“Wala na siya.”

“Wala na siya.”

“Wala na sila.”

“Lahat sila.”

Itong mga nakalipas na araw ay parang walang katapusan. Sana hindi niyo ito maranasan. Ang makita mong isa-isang nalalagas ang pamilya mo.

Mga kaibigang nakikita mong papasok sa opisina ng boss, nanginginig pero ngingitian ka, lalabas nang nakayuko at mugto ang mata. Alam mo na. Alam na rin niya.

Mga kaibigan mong ayaw sagutin ang telepono kasi alam mo na. Alam na rin niya.

Continue reading below ↓

Mga katrabahong nakayuko pa rin sa computer, naghahabol ng deadline, uma-attend ng meeting, patagong pupunas ng luha. Kasi patuloy ang pagbabalita.

Patuloy na umiikot ang mundo, kahit tumigil na ang mundo niyo. Magtatrabaho hanggat may trabaho.

Kagabi ko pa dapat ito isusulat pero hindi ko na kaya. Pero kailangan niyong malaman. Magsasalita ako para sa kanila.

Patay na po ang Current Affairs ng ABS-CBN. Ang buong department na gumagawa ng mga dokumentaryo, weekly magazine show, educational programming, payong medikal.

Sila ang gumagawa ng mga mahahalagang istorya ng mga ordinaryong tao, kwento mo at kwento ko, yung hindi ibinabalita sa news, pero importanteng mapakinggan ng lahat.

Wala na sila. Wala na silang lahat.

Yung iba rito, sila din ang mga buo ng The Correspondents, Pipol, Hoy Gising... yung mga kinalakihan nating palabas.

Dekadang marangal na trabaho. Burado sa isang iglap.

Sa Current Affairs ako pinanganak, ang The Correspondents ang una kong magulang. Sila ang nagturo sa akin ng tama at mali bilang mamamahayag, at kung paano maging kwentista. Kung ano ako ngayon ay dahil sa kanila.

Continue reading below ↓

Hindi ko man lang sila maisalba.

Sa mga nasa labas ng ABS-CBN, kailangan niyong malaman ang mga nangyayari sa loob. Libu-libong buhay ang nasisira. At namamatay ang napakaraming programang tumutulong sa lipunan. 11,071 na puso ang durog ngayon.

Kailangan namin ng tulong niyo para ipagpatuloy ang laban para sa malayang pamamahayag, hustisya, at ang karapatang mamuhay nang ligtas sa bayang ito.

Kami ang sinampolan, sino sa inyo ang susunod? Hindi lang sa amin nagtatapos ito. Kami lang ang simula.

Ang hirap lumaban nang nagluluksa. Pero wala namang labang madali, di ba?

Sa ngayon, pangalanan natin ang mga nawala. Pagkatapos, ipaglaban natin sila.

#NoFilter, take a bow.

Matanglawin, take a bow.

Failon Ngayon, take a bow.

My Puhunan, take a bow.

Salamat Dok, salamat, take a bow.

Mission Possible, take a bow.

Sports U, take a bow.

Umagang Kay Ganda, take a bow.

SOCO, take a bow.

Kuha Mo, take a bow.

Continue reading below ↓

Rated K, take a bow.

ABS-CBN Current Affairs, take a bow. Let our tears flow. And when you’re ready, let’s fight.

#DefendPressFreedom

PS:
Ano mars, di mo pa rin makita yung chilling effect?

Killing effect.

There. Fixed it for you.

#IStandWithABSCBN
#DefendPressFreedom
#Laban

HOT STORIES

FIGHTING FOR ABS-CBN

Sa kabila ng pighati, nanindigan si Zambrano na lumaban kasama ang mga Kapamilya na araw-araw nagsasagawa ng protesta sa tapat ng ABS-CBN compound sa Quezon City.

Nabuhayan daw siya ng loob nang makita kung gaano karami ang ABS-CBN employees at supporters doon.

Continue reading below ↓

Sabi pa ni Zambrano sa isang hiwalay na Facebook post, maraming mga nakikibakang empleyadong "natanggalan na ng trabaho" pero handa pa ring protektahan ang "karapatan ng lahat."

Aniya, "Kung sila lumalaban, hindi ako pwedeng sumuko."

Noong July 10, tuluyang ibinasura ng Kongreso ang hiling ng ABS-CBN na makapagpatuloy ng TV at radio broadcast operations nito.

Naging sanhi ito upang isagawa ng Kapamilya network ang malawakang retrenchment ng libu-libong empleyado, pati na rin ang pagsasara ng mga departamento at mga subsidiary companies, na tutuldukan sa August 31.

"MANININGIL ANG KASAYSAYAN."

Pero naniniwala si Zambrano na hindi pa tapos ang laban.

Noong July 15—ang araw na kinumpirma ng ABS-CBN ang simula ng pagtatanggal ng mga empleyado—nagpatutsada si Zambrano sa mga nagbubunyi sa pagpapasara ng Kongreso sa broadcast giant.

Ginamit niya ang hashtag na "#maniningilangkasaysayan."

Pahayag ni Zambrano: "Different language. Same tragedy.

"The massacre of Mother Ignacia.

"My family. My friends. And all who depend on them.

Continue reading below ↓

"This is on you. You almost salivating with pride. You, his mindless enablers. You who are too spineless to stand your ground and speak your mind.

"We will never forget.

"I will never forget."

"And this is NOT how this story ends."

HOT STORIES

(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)

Continue reading below ↓

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
ABS-CBN news reporter and documentarist Chiara Zambrano on Kapamilya colleagues losing their jobs: "Wala na sila. Lahat sila... Kami ang sinampolan, sino sa inyo ang susunod? Hindi lang sa amin nagtatapos ito. Kami lang ang simula."
PHOTO/S: Screengrab from ABS-CBN's 'Di Ka Pasisiil / Chiara Zambrano Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results