Sarah Geronimo declares support for ABS-CBN: "Malaki po ang utang na loob ko sa network na ito."

by Bernie V. Franco
Jul 20, 2020
Sarah Geronimo: "Patuloy pa rin kaming sumasamo, nakikiusap at umaapila, nagdadasal para sa aming hangarin na mabigyan muli ang aming minamahal na ABS-CBN family ng isa pang pagkakataon."
PHOTO/S: YouTube (The Voice Teens)

Siyam na araw matapos ibasura ng Kongreso ang franchise application ng ABS-CBN, nagbahagi ng kanyang saloobin tungkol dito si Sarah Geronimo.

Sa pamamagitan ng Instagram nitong Linggo ng gabi, July 19, nagpakita ang 31-year-old Popstar Royalty ng kanyang suporta sa home network.

“Ang ABS-CBN po ay ang network na ilang beses na sumugal at sumuporta sa akin bilang artista at performer," panimula ni Sarah.

“Niyakap nila ako at inalagaan nang husto na parang kanilang sariling ‘anak’ o homegrown talent.

“Malaki po ang utang na loob ko sa network na ito at habangbuhay ko po ipagpapasalamat ang bawat oportunidad, tiwala na ibinigay nila sa akin.”

Bagamat nasa bakuran ng ABS-CBN, ang career ni Sarah ay mina-manage ng Viva Arists Agency mula nang magsimula ang kanyang showbiz career.

Pero hindi maitatangging ang Kapamilya network ang naghinang kay Sarah para makilala bilang mahusay na singer, host, actress, at singing coach, na naging daan para maging A-lister siya sa local showbiz.

Continue reading below ↓

Kaya naman may mga nadismayang empleyado at supporters ng ABS-CBN dahil sa pagiging tahimik umano ni Sarah sa gitna ng hamong sinuong ng TV network sa isyu ng prangkisa nito.

PROTECT SARAH

Nitong weekend, naging trending topic sa Twitter ang “Protect Sarah G AtAllCost.”

Panawagan ito ng kanyang malaking fan base para protektahan ang kanilang idolo sa batikos.

Pakiwari ng iba, isa si Sarah sa pinaringgan ni Angel Locsin sa talumpati nito sa isinagawang noise barrage ng mga empleyado at ilang artista ng ABS-CBN noong Sabado, July 18.

Bahagi ng pahayag ni Angel: "At mga kapwa kong artista na hindi nagsasalita, tatahimik pa ba kayo? Wala na kayong network!

"Kahit magpa-cute kayo sa Instagram, kahit mag-selfie kayo ng sad face, hindi ninyo nadadamayan ang mga katrabaho ninyo na dahilan kung bakit kayo sumikat!

"Huwag kayong matakot! Wala na kayong proprotektahan na career or image! Nandito na tayo sa panahon na kailangan ninyo magsalita!”

Continue reading below ↓

Bagamat may tweets si Sarah ng pakikisimpatiya sa ABS-CBN noong July 10 at July 11, tila may mga hindi nakuntento rito.

Sa social media ay kapansin-pansin ang paghahanap ng suporta ng mga empleyado ng ABS-CBN mula sa mga artista.

Kagaya ni Sarah, marami ring big stars ng Kapamilya network ang pinuna dahil sa tila playing safe sila hinggil sa isyu.

Hindi naman direktang masasabing "neutral" si Sarah sa usaping politika.

Noong mga nakaraang eleksyon ay hayagan niyang inendorso ang ilang mga kandidatong tumatakbo sa pinakamatataas na posisyon.

Noong 2010 elections ay sinuportahan niya ang Nacionalista tandem nina Manny Villar at Loren Legarda.

Pumangatlo lang sina Villar at Legarda sa mga nananalong sina Noynoy Aquino bilang president at Jejomar Binay bilang vice presidente, at sa mga pumangalawang sina Joseph Estrada at Mar Roxas.

Noong 2019 elections naman ay inendorso ni Sarah ang kandidatura ni Sonny Angara bilang senador. Pumang-anim si Angara sa mga nanalong kandidato.

Continue reading below ↓

SARAH: MAHAL KO PO ANG ABS-CBN

Sa kanyang message, inihayag ni Sarah ang pagkampi sa TV network at pagsimpatiya sa libu-libong empleyado ng istasyon na nawalan ng trabaho.

Aniya, “Mahal ko po ang aking ABS-CBN family.

"Mahalaga po sa akin ang bawat empleyado na labis na nagdadalamhati ngayon dahil sa kawalan ng trabaho.

“Nakikisa po ako sa kanilang apila na muling makabalik sa trabaho upang patuloy na makapagbigay serbisyo para sa kani kanilang mga pamilya at para sa bansa.”

Puno ng diplomasya ang pawagan ni Sarah.

Saad niya, “Hindi ko man po alam ang buong detalye kung bakit di na muli nabigyan ng prankisa ang ABS-CBN.. hindi ko man po naiintindihan lahat pero gusto ko po iparating ang aking pagsaludo sa mga haligi ng ABS-CBN para sa kanilang paglaban ng disente at mapagkumbaba sa harap ng ating mga lawmakers.

“Bagamat napakasakit po na matanggihan, patuloy pa rin kaming sumasamo, nakikiusap at umaapila, nagdadasal para sa aming hangarin na mabigyan muli ang aming minamahal na ABS-CBN family ng isa pang pagkakataon.

Continue reading below ↓

“Pagkakataon na makabawi kung meron mang naging pagkukulang, pagkakataon na malawakang makapaglingkod, makapagbigay serbisyo sa mamayang Pilipino.”

Nanawagan din si Sarah para sa patuloy na pagkakaisa ngayong may kinakaharap na hamon ang bansa.

“Ako po si Sarah Geronimo, di lamang artista, isa ring mamamayang Pilipino na umaapila para sa mga labis na apektado ng COVID-19.”



HOT STORIES

Continue reading below ↓

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Sarah Geronimo: "Patuloy pa rin kaming sumasamo, nakikiusap at umaapila, nagdadasal para sa aming hangarin na mabigyan muli ang aming minamahal na ABS-CBN family ng isa pang pagkakataon."
PHOTO/S: YouTube (The Voice Teens)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results