House officials plot ABS-CBN complex takeover; want Lopezes fined P1.97trillion

Jul 20, 2020
Deputy Speaker Rodante Marcoleta (bottom left), Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla (bottom right), AnaKalusugan Party-list Representative Mike Defensor (top left), and former ABS-CBN cameraman Journalie Payonan (top right) participate in a Zoom meeting on July 17, 2020 to plan about their next steps in their "follow-through" against ABS-CBN, after rejecting the network's franchise renewal.
PHOTO/S: Jerome Ascano, AnaKalusugan Party-list Cong. Mike Defensor

Tatlong pro-Duterte administration congressmen ang matimtiman nang nagpa-plot ng takeover ng ABS-CBN.

Ang tatlo ay sina Lower House Deputy Speaker Rodante Marcoleta (SAGIP Party-list), Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla (7th District, Cavite, Nacionalista), at Representative Michael Defensor (AnaKalusugan Party-list).

Ang tatlong kongresista ang siya ring nanguna sa panggigisa sa ABS-CBN officials na dumalo sa hearing ng prangkisa ng network.

Pitong araw matapos pagkaitan ng prangkisa ang ABS-CBN, nagpaplano naman sila kung paano angkinin ng gobyerno ang giant broadcasting network na pagmamay-ari ng pamilya Lopez.

Ang pag-uusap ng tatlong mambabatas ay nangyari sa kanilang Zoom forum nitong Biyernes, July 17.

Hindi naman nila ito maipagkakaila dahil ang Zoom meeting ay nasa Facebook page mismo ni Defensor at, sa di inaasahang pangyayari, ay napanood live ng ilang mamamayan.

Makikita ritong pinag-usapan din ng tatlo kung paano pagmumultahin ang mga Lopez ng halos PHP2 trillion sa National Telecommunications Commission (NTC).

Ang multa ay kaugnay ng umano'y ilegal na pagbebenta ng network ng digital TV box nitong ABS-CBN TV Plus.

Continue reading below ↓

Sinabi pa ni Marcoleta na kinakausap na niya ang NTC para isara ang SKY Cable, ang cable at satellite TV services company ng ABS-CBN.

Ang mga hakbang ay tinawag ni Remulla na "follow through" ng mga ikakasa ng Kamara laban sa network.

ABS-CBN’S LAND TITLE

Bukod sa tatlong kongresista, kasama rin sa Zoom meeting ang actor-turned-politician na si Laguna 1st District Representative Dan Fernandez (PDP-Laban), at iba pang kongresistang pumabor sa pagkakait ng prangkisa sa ABS-CBN.

Gayunman, sa mga mambabatas na nasa forum ay sina Defensor, Marcoleta, at Remulla lang ang nagsasalita.

Nasa Zoom meeting din si Journalie Payonan, dating cameraman ng ABS-CBN.

May nakabimbing illegal-dismissal case si Payonan laban sa ABS-CBN, at isa siya sa kinuhang testigo ng Kamara laban sa network noong franchise renewal hearing.

Sa forum ng mga mambabatas, inulit ang umano’y mga paglabag ng ABS-CBN.

Dumako ang usapan sa lupang kinatitirikan ng ABS-CBN headquarters sa Quezon City.

Continue reading below ↓

Ayon kay Marcoleta, bigo ang network na maipakita ang original title ng 44,000-square-meters compound ng network.

Dagdag niya, sa panahon ng hearing, hindi raw makapagsalita ang ABS-CBN executives kapag ang titulo ng lupa ng network ang pinag-uusapan.

Dahil wala umanong maiprisintang valid document sa kinatitirikan ng broadcasting center, sa tingin ni Marcoleta ay puwedeng-puwedeng bawiin iyon ng gobyerno.

Continue reading below ↓

“Yung titulo ang unahin natin,” maririnig na sinasabi ni Marcoleta sa mga kapwa mambabatas sa Zoom meeting.

FORMER WORKERS’ TAKEOVER

Sa kabilang banda, tingin ni Defensor ay puwedeng gawing istratehiya na ang grupo ni Payonan ang magpatakbo sa ABS-CBN.

Sabi pa ni Defensor, kung magpetisyon kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa NTC ang grupo ni Payonan, kasama ng ilang supervisors ng network, malamang mabigyan ng prangkisa ang kumpanya, dahil sa ilalim na ito ng bagong management.

“Kaya ko inuuna itong sa workers' takeover, kasi kung magkakaisa yung mga manggagawa, ang unyon, ang supervisors, ipetisyon nila ang Presidente, ang NTC, at payagan sila—bukas gawin na nila yung kanilang pagpapatakbo ng ABS-CBN,” ani Defensor.

Nang dumako naman ang usapan sa equipment ng ABS-CBN, na-recognize nilang pagmamay-ari pa rin ang mga ito ng mga Lopez. Dito inilabas ni Defensor ang ideya ng lease-to-own, o ang hulugang pagbabayad sa mga gamit ng television network.

Continue reading below ↓

“Ngayon, ang problema, yung mismong equipment, kasi hindi kanila yung equipment, sa korporasyon pa ng ABS-CBN. E, di lease-to-own,” sabi ni Defensor.

“DAPAT MAKUHA NATIN AGAD IYON”

Sagot ni Marcoleta kay Defensor: “Dapat makuha natin agad iyon, kasi kung buo yung principal, yung lupa—wala silang mabubuhat dun.

“Lahat ng chattels dun, improvements, e, pag-aari na ng gobyerno iyon, sapagkat ang lupa ay sa gobyerno.

“Ang lupa, lahat dun, accessories. So, kapag tinake-over iyon, madali silang makakapagprograma dun.”

Dati nang na-sequester ang headquarters ng ABS-CBN, matapos magdeklara ng martial law si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972.

Nag-take over sa network ang crony ni Marcos na si Roberto Benedicto. Binigyan ng bagong pangalan ang ABS-CBN, at naging Banahaw Broadcasting Corporation o BBC.

Naibalik sa mga Lopez ang kontrol sa ABS-CBN pagkatapos ng EDSA People Power Revolution noong February 25, 1986.

HOT STORIES

P1.97 TRILLION IN FINES

Binanggit din ni Marcoleta ang plano niyang pagmultahin ang ABS-CBN sa umano’y ilegal na pagbebenta ng TV Plus o blackbox.

Continue reading below ↓

Sinabi ni Marcoleta na nai-forward na niya sa NTC ang draft computation sa multang dapat daw bayaran ng network.

Nilabag daw ng kumpanya ang Public Service Act sa pagbebenta ng siyam na milyong blackboxes nang walang permiso mula sa NTC.

Ang paglabag ay may katumbas na multang PHP200 kada araw.

At dahil nagbenta ang ABS-CBN ng TV Plus sa nakalipas na limang taon at apat na buwan, ang computation ni Marcoleta na babayaran ng network ay aabot sa PHP1.97 trillion.

TV PLUS: FROM ANALOG TO DIGITAL

Ang ibabayad ng pamilya Lopez—ang nagmamay-ari sa ABS-CBN—ay itutulong daw sa mga nawalan ng trabaho sa network.

“Kinakailangan nating pilitin na magbayad sila ng multa,” sabi ni Marcoleta tungkol sa pamilya Lopez.

“Tsaka na lang tayo gagawa ng batas na yung pagmumulta na yun, ang malaking bahagi siguro, ay pantulong natin sa mga manggagawang naapektuhan sa kanilang kawalan ng prangkisa.”

Tila balewala sa kanila na sa hearing ng House committee on legislative franchise noong June 11, ipinaliwanag ni ABS-CBN President-CEO Carlo Katigbak na ang TV Plus ay tugon ng network sa direktiba mismo ng NTC na mag-shift ang mga network sa bansa mula sa analog papuntang digital terrestrial broadcasting.

Continue reading below ↓

“The sale of the TV Plus boxes is in compliance with the directive of NTC to migrate our broadcast to digital,” sinabi ni Katigbak sa hearing.

Nagamit pa nga raw ng iba't ibang ahensiya ng gobyerno ang INFOplus feature sa TV Plus para sa paghahatid ng mahahalagang impormasyon sa publiko.

SKY CABLE CLOSURE NEXT?

Bukod sa paniningil ng multang P1.97 trillion sa ABS-CBN, sinabi ni Marcoleta na iniutos na rin niya kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na silipin ang validity ng Executive Order (EO) 205.

Continue reading below ↓

Ang EO na ito, ayon kay Marcoleta, ang pinagbabatayan ng ABS-CBN bilang "authority" sa operasyon ng SKY Cable.

Ang EO 205 (Regulating the Operation of Cable Antenna Television Systems in the Philippines) ay pinirmahan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong June 30, 1987.

“Kailangan kasi maisara yung service ng SKY Cable," sabi ni Marcoleta. "Iyan na lamang ang isa na kanilang ginagamit, maliban sa internet.”

Katwiran niya: “Hindi na dapat gamitin 'yan [EO] dahil inconsistent na siya sa Constitution nang mag-convene ang 1st Congress in July 1987.”

Hindi naman ipinaliwanag ng kongresista kung paanong hindi na tugma ang EO 205 sa pagpasok ng 1st Congress.

MARCOLETA TO CORDOBA: “ISARA MO”

Nagkuwento rin si Marcoleta tungkol kay NTC Chief Cordoba, na gustong ang Korte Suprema ang magsabi kung valid o hindi ang EO 205.

Nangako raw si Cordoba kay Marcoleta na kokonsultahin nito si Solicitor General Jose Calida tungkol sa EO 205.

Continue reading below ↓

“Ngayon wala pa raw kapasyahan ang Korte Suprema para i-nullify yun,” sabi ni Marcoleta, na tinutukoy ang pag-aalinlangan ni Cordoba.

“Sabi ko, 'Madali yun, isara mo yun [SKY Cable].'

“Siguradong magdedemanda ang ABS-CBN, makakarating kayo sa Korte Suprema.

“Yun lang ang paraan para the Supreme Court will review squarely the validity of that EO.”

Mapapanood dito ang kabuuan ng online forum:

Continue reading below ↓

At press time, wala pang inilalabas na official statement ang ABS-CBN tungkol sa napag-usapan ng mga kongresista sa Zoom meeting.

ONLINE FORUM, NOT HOUSE PROCEDURE

Hindi bahagi ng opisyal na trabaho sa Kamara ang mahigit isang oras na online forum ng pro-administration lawmakers.

Pag-justify ni Defensor, layunin ng diskusyon na linawin sa publiko ang rekomendasyon ng Technical Working Group ng Kamara na huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

Ang rekomendasyong ito ang nakakuha ng 70-11 boto nitong July 10 pabor sa "pagpatay" sa prangkisa ng network.

Hindi itinanggi ni Defensor na nangyari ang forum. Lakas-loob niyang sinabing ipinost niya ang kopya nito sa kanyang social media accounts—pero mistulang hindi raw ito naiintindihan ng publiko.

Ginawa ang online forum kasabay ng halos araw-araw na noise barrage ng Kapamilya stars at employees upang hilingin ang pagbabalik sa ere ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Sa kasalukuyan, napapanood ang ABS-CBN sa SKY Cable, sa mga ABS-CBN-affiliated cable channels sa bansa, at sa TFC Channel.

Bukod pa ito sa online platforms ng network, tulad ng iWant, YouTube, Facebook, TFC Online, at sa websites nito.

GOVERNMENT TO USE ABS-CBN FREQUENCIES?

May 5 nang ipasara ng NTC ang broadcasting unit ng ABS-CBN matapos mag-expire ang prangkisa nito.

Nitong June 30, ipinahinto na rin ng NTC ang operasyon ng ABS-CBN TV Plus at SKY Direct, na parehong iniugnay sa napasong prangkisa.

July 17 nang nagmungkahi si Camarines Sur 2nd District Representative Luis Raymund Villafuerte Jr. (Nacionalista), na pansamantalang gamitin ng gobyerno ang natenggang TV at radio frequencies ng ABS-CBN para sa distance learning.

Kasunod nito, diretsang sinuggest ni Villafuerte na mas mainam kung ibenta na lang ng pamilya Lopez ang network.

Paliwanag niya, sakaling mahalal sa 2022 elections ang 70 kongresistang kontra sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, tiyak na muling mabibigo ang kumpanya kung mag-a-apply muli ng prangkisa.

Continue reading below ↓

Si Pangulong Duterte ang unang nag-suggest na ibenta na ng mga Lopez ang ABS-CBN, dahil hindi rin daw ito mabibigyan ng prangkisa.

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Deputy Speaker Rodante Marcoleta (bottom left), Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla (bottom right), AnaKalusugan Party-list Representative Mike Defensor (top left), and former ABS-CBN cameraman Journalie Payonan (top right) participate in a Zoom meeting on July 17, 2020 to plan about their next steps in their "follow-through" against ABS-CBN, after rejecting the network's franchise renewal.
PHOTO/S: Jerome Ascano, AnaKalusugan Party-list Cong. Mike Defensor
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results