Sa halip na pagpapasara sa ABS-CBN, sana raw ay mas pinagtuunan ng pansin ng Kongreso ang paglaganap ng COVID-19 cases sa bansa.
Ito ang himutok ng Kapamilya actress na si Kim Chiu, 30, sa kanyang Instagram Stories kahapon, July 20.
Mensahe niya: “What if yung 13 congress hearings na ginawa for AbsCbn ginawa yun to fix the Covid cases and the families that are deeply affected by this pandemic?!!!”
Pahaging pa niya sa mga mambabatas na duminig sa aplikasyon ng ABS-CBN para sana sa bagong legislative franchise, “Busy sila sa iba eh, ang galing nila bumusisi, wala na sa lugar.
“Sana covid muna ayusin!
“Grabe lang! Grabe.”
Tanong pa ni Kim sa sarili: “Nasa pinas pa ba ako?! Parang hindi na kasi eh… sobrang nakaka [cyring emoji].”
ABS-CBN FRANCHISE WOES
Wala nang saysay ang suhestiyon ni Kim dahil tuluyan nang pinatay ng House Committee on Legislative Franchises ang franchise application ng ABS-CBN.
Pitumpung (70) kongresista ang pumabor at bumoto ng "Yes" sa Technical Working Group (TWG) report na nagsasabing hindi na dapat bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
Labing-isa (11) lamang ang bumoto ng "No" pabor sa pagbibigay ng prangkisa sa broadcast giant.
Kung babalikan ang mga pangyayari, ang ABS-CBN management ang humiling sa Kongreso na dinggin na ang kanilang franchise application noong unang bahagi pa lamang ng taong 2020.
Ito ay sa kadahilanang magtatapos na ang kanilang prangkisa noong March 30, 2020.
Ngunit ayon sa Department of Justice, May 4, 2020 pa mapapaso ang prangkisa ng network.
Binigyan ng bigat ng DOJ ang mga araw kung kailan nagiging ganap na batas ang Republic Act No. 7966 matapos itong mailathala sa mga diyaryo.
Ang Republic Act No. 7966 (An act granting the ABS-CBN Broadcasting Corporation a franchise to construct, install, operate, and maintain television and radio broadcasting in the Philippines and for other purposes) ay ang batas na nagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN noong taong 1995. Pinirmahan ito ni dating Pangulong Fidel Ramos.
May 5, 2020, nagpaalam sa ere ang ABS-CBN dahil sa cease and desist order na inihain ng National Telecommunications Commission (NTC).
May 25, nagsimulang mag-hearing ang Kongreso para sa franchise renewal ng network.
Nagkaroon ng 13 pagdinig, at natapos ito noong July 9.
July 10, pinagbotohan ng mga kongresista ang kapalaran ng ABS-CBN.
Sa botong 70-11, ibinasura ang franchise application ng broadcast giant.
Karamihan sa mga bumoto ng "Yes" ay kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, na hayagang sinabi noon na hindi niya papayagang mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika