Binawian ng buhay ang ABS-CBN production manager na si Mavic Oducayen kahapon, July 22.
Sinasabing noong Sabado, July 18, ay na-confine si Mavic sa ospital matapos siyang atakehin sa puso.
Si Mavs ay 55 years old lamang.
Siya ay bahagi ng RSB Scripted Format, isang ABS-CBN entertainment division na pinamumunuan ng director-TV executive na si Ruel Bayani.
Ilan sa mga teleseryeng huling hinawakan ni Mavic bilang production manager ay ang Halik (starring Jericho Rosales at Yen Santos), Araw Gabi (JM de Guzman at Barbie Imperial), at Pamilya Ko (JM, Sylvia Sanchez, at Arci Muñoz).
Inanunsiyo ang pagpanaw ni Mavic sa Facebook account ng RSB Scripted Format.
Sabi sa post: "We lost a beautiful soul today. You will be missed, our Kapamilya, Mavic. May you rest in peace in paradise."
Kalakip nito ay isang tribute video na naglalaman ng litrato ni Mavic kasama ng mga nakatrabaho sa Kapamilya network.
Sa Facebook page ng Kapamilya Kingdom, nakasaad ang insidente ng atake sa puso ni Oducayen.
Kabilang si Mavic sa ABS-CBN employees na na-retrench matapos ibasura ng Kongreso ang franchise renewal application ng network.
Saad sa post, "SAD NEWS: Pumanaw ang isa sa mga production managers ng RSB Scripted Format na si Ms. Mavic Oducayen o kilala sa loob ng ABS-CBN bilang si Ms. Mavs.
"Ayon sa mga kakilala ni Ms. Mavs, inatake siya sa puso matapos niyang mabalitaan na kasama siya sa mga empleyado na mawawalan ng trabaho matapos 'patayin' ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN.
"Nakikiramay po kami sa pamilya ni Ms. Mavs. #LabanKapamilya #IbalikAngABSCBN
#KapamilyaForever."
ABS-CBN MASSIVE RETRENCHMENT
July 10, 2020, ibinasura ng House Committee on Legislative Franchises ang franchise bid ng ABS-CBN Corporation.
Dahil sa pagkitil ng ABS-CBN franchise application, nagdesisyon ang ABS-CBN management na magsagawa ng malawakang pagbabawas ng tauhan at ang pagkakansela ng mga kontrata ng mga artista ng istasyon.
Noong July 15, inanunsiyo ng Kapamilya network ang ipapatupad nilang "retrenchment program." Sisikapin daw nilang magbigay ng "separation and retirement benefits" sa mga empleyadong maaapektuhan.
Ayon sa usap-usapan, halos 90 percent umano ng workforce ng broadcast giant ang mawawalan ng trabaho simula August 31.
Limited capacity na lamang kasi ang broadcast na nagagawa ng istasyon habang wala silang prangkisa para sa operasyon ng radio at free-to-air television.
Sa kasalukuyan, sa cable channels at online platforms nakakapag-broadcast ang ABS-CBN.
Dahil sa kalbaryong kinakaharap ng ABS-CBN, sinasabing namimiligrong mawalan ang network ng malaking porsiyento ng advertising revenues, na ang karamihan ay galing sa placements sa free-to-air television.
Ito ang dagdag na pasakit sa sitwasyong pampinansiyal ng network.
Ngayon, inilutang naman ng ilang mambabatas na maaaring pag-usapan sa plenaryo ng Kongreso ang "pinatay" na franchise bid ng network sa House Committee on Legislative Franchises.
Ngunit ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, marami itong pagdadaanang proseso kung sakali.
Samantala, nakapagbunyi na ang Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkabuwag ng ABS-CBN na pagmamay-ari ng Lopez family, na tinawag niyang "oligarkiya."
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika