Michael V on his suspicions we get COVID-19 from deliveries: “Yung buong proseso, hindi isang tao lang.”

by Jet Hitosis
Aug 13, 2020
A netizen claims that delivery services are losing customers following Michael V's announcement of his suspicion he contracted COVID-19 from deliveries. Michael V (above) explains himself.
PHOTO/S: Screengrab from #BitoyStory on YouTube

Nagpaliwanag si Michael V. sa isang netizen na sinisi ang comedian sa “humina” umanong kita ng delivery services.

Sumbat ng netizen, “affected lahat ng deliveries” matapos maibalita sa media na may suspetsa ang 50-year-old Kapuso star na sa deliveries nito nakuha ang COVID-19.

Ang suspetsang ito ni Michael V. ay binanggit niya mismo sa kanyang vlog nitong August 3.

July 20 naman nang ianunsiyo niyang nagpositibo siya sa COVID-19.

Sa ngayon, kumpirmadong fully recovered na sa virus ang actor-director.

Ibinalita niya ang magandang balita sa kanyang latest vlog na in-upload nitong Lunes, August 10.

FAN ART FOR MEDICAL FRONTLINERS

Sa vlog, gumawa ang Pepito Manaloto star ng fan art bilang pagbibigay-pugay sa kabayanihan ng ating medical frontliners.

“I made sure na mailagay lahat ng detalye na tumatak sa isip ko,” kuwento ni Michael V. tungkol sa ginawa niyang fan art.

“Yung tagaktak ng pawis nila paghubad ng PPE [personal protective equipment].

Continue reading below ↓

“Yung pangungulubot ng mga kamay dahil sa ilang patong na gloves.

“Yung marka na iniiwan ng maghapon na pagsusuot ng face mask.

“Ito po ang paraan ko para magpasalamat sa mga health workers natin.”

Umapela rin si Michael V sa publiko na sumunod sa health protocols ngayong may pandemic.

Ito ay upang hindi na madagdagan pa ang napakaraming COVID-19 patients na ginagamot ng healthcare workers ngayon.

Continue reading below ↓

Sa latest data ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, August 12, nasa 143,749 na ang kabuuang nagpositibo sa COVID-19 sa buong bansa.

Sa bilang na ito, 68,997 ang gumaling, habang 2,404 ang namatay.

HOT STORIES

NETIZEN BLAMES MICHAEL V.

Gaya sa mga nauna niyang vlog, sinagot ni Michael V. ang ilan sa mga katanungan ng kanyang 1.14 million YouTube subscribers.

Binasa ng comedian ang komento ng isang netizen na nagsabing may “double meaning” daw ang sinabi ni Michael V tungkol sa deliveries na siyang posibleng pinanggalingan ng nakuha niyang virus.

Tanong ng netizen: “saan niyo po posibilidad na nakuha yung virus sa item ba na denilever o sa rider na nagdeliver."

Dahil daw kasi sa pahayag na iyon ni Michael V., sabi ng netizen, “affected lahat ng deliveries kasi po napalabas po siya in national television.”

Sinabihan ng netizen ang actor-director na sana raw ay “irekta niyo nalang po yung sagot wag na madaming masikotsikot kasi madami naguguluhan.”

Continue reading below ↓

Pagbabalita ng netizen kay Michael V., “humina din po kasi yung mga deliveries dahil sa pagpapahayag niyo.”

Ang ibig ipahiwatig ng netizen ay, dahil sa sinabi ng actor-director, natatakot na raw ang mga taong magpa-deliver sa pangambang makuha rin nila ang COVID-19 mula sa deliveries.

Hirit pa ng netizen, hindi naman daw niya sinisisi si Michael V., “pero parang ganun na rin.”

Continue reading below ↓

“YUNG BUONG PROSESO NG DELIVERY, DI ISANG TAO LANG”

Sinimulan ni Michael V. ang kanyang pagpapaliwanag sa paglilinaw na walang double meaning sa kanyang naging pahayag.

Hindi raw direktang binanggit ng Bubble Gang star na ang mismong mga nagde-deliver ang pinaghihinalaan niyang pinanggalingan ng COVID-19 virus.

Ang tinukoy raw raw ay ang aktuwal na mahabang prosesong pinagdaraanan ng mga items na idine-deliver sa umorder nito.

Inisa-isa ni Michael V ang anim na lugar at tao na pinagdaraanan ng item na nai-deliver sa kanya.

Sabi ni Michael V: “Sabi ko, ang duda ko—duda, ah, hindi factual, puwedeng tama, puwedeng mali—ang duda ko ay sa deliveries ko nakuha yung virus.

“Isipin nyo, bago umabot sa akin yung inoder ko, nanggaling 'yan, una, sa seller.

“Pangalawa, sa logistics facility. Pangatlo, dun sa mismong nagde-deliver.

“Pang-apat, sa guard sa lobby. Panglima, sa kasambahay namin.

“At pang-anim, dun sa mismong item.”

Giit ni Michael V., wala siyang tinukoy na iisang tao na posibleng pinanggalingan ng virus.

Continue reading below ↓

“Lahat 'yan puwedeng mangyari in 24 hours. At lahat nung anim na binanggit ko, posibleng carrier ng virus, e.

“Kaya yung buong proseso ng delivery, yun ang pinagdududahan ko, at hindi isang tao lang.”

Ganunpaman, sa puno't-dulo nito ay sinasabi pa rin ni Michael V. na may panganib sa deliveries.

Mabilis at nakangiting dugtong naman ng comedian/writer/producer/endorser: “At FYI, hanggang ngayon nagpapa-deliver pa rin ako.”

MICHAEL V: READ AND UNDERSTAND NEWS ARTICLES

Kasunod nito, pinayuhan ni Michael V. ang publiko na tiyaking malinis at virus-free ang mga bagay na idine-deliver sa kanilang bahay.

“Pero ang suggestion ko, bago niyo gamitin o hawakan yung inorder niyo, siguruhin niyo munang malinis at walang virus.”

Natatawang himutok pa niya: “Ang ganda nga nung suggestion ko, minasama pa nung iba.”

Nagmungkahi lamang daw siya ng mga dapat gawin kapag may deliveries. Pero may hinala si Michael V. kung saan nakuha ng netizen ang naging interpretasyon nito sa kanyang sinabi.

Continue reading below ↓

“Palagay ko—palagay lang, ah, palagay—ang sinasabi mong double meaning, e, nanggagaling dun sa mga taong mahilig magbigay ng malisya dun sa mga nababasa o naririnig nila.”

Payo ni Michael V. sa netizens, huwag laging headline lang ang basahin sa mga natitisod na balita online.

Dapat daw na basahing mabuti at intindihing maigi ang mga balita.

“At importante rin, bukod sa pagbasa, unawain mo at intindihin mo yung binasa mo para hindi ka ma-bash.

“Tapos hindi ka mapilitang magpalit ng account,” natatawang sabi niya.

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
A netizen claims that delivery services are losing customers following Michael V's announcement of his suspicion he contracted COVID-19 from deliveries. Michael V (above) explains himself.
PHOTO/S: Screengrab from #BitoyStory on YouTube
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results