Sarah Balabagan reveals Arnold Clavio is the biological father of her 21-year-old daughter

by Rachelle Siazon
Aug 24, 2020
Sarah Balabagan (left) on past relationship with GMA-7 broadcaster Arnold Clavio (right): "Gusto ko samantalahin ang pagkakataon na ito, again sa asawa ni Arnold Clavio, patawarin mo ako kung nasaktan ko ang damdamin mo, noong mga panahong may relasyon kami ni Arnold, noong 1996, 1997."
PHOTO/S: Sarah Balabagan Sereno Facebook / @akosiigan Instagram

Inamin ni Sarah Balabagan na si Arnold Clavio ang ama ng kanyang panganay na anak.

Ang anak na babae nila ni Arnold ay 21 taong gulang na raw ngayon.

Matatandaang si Sarah, 41, ang dating overseas Filipino worker sa United Arab Emirates na nakulong matapos paslangin ang among nagtangkang gumahasa sa kanya.

Si Arnold, 54, ay ang batikang broadcaster ng GMA-7 na nag-cover ng kontrobersiyal na kaso ni Sarah noong mid-'90s.

Nang mamasukan si Sarah bilang domestic helper ay 14 taong gulang lang siya, at pineke lamang ng recruiter ang kanyang edad—ginawa siyang 28—para maipasok sa trabaho.

Ang pagpaslang ni Sarah sa kanyang amo ay naganap noong July 19, 1994.

June 26, 1995 nang hatulan siya ng United Arab Emirates court ng pagkakakulong at pagmumulta ng blood money na nagkakahalaga ng 40,000 U.S. dollars.

Nang humarap sa retrial si Sarah, hinatulan siya ng U.A.E. appeals court ng death by firing squad.

Continue reading below ↓

Naantig ang kalooban ng maraming Pilipino, at nagkaroon ng malakihang mga protesta sa loob at labas ng Pilipinas na hinihinging palayain si Sarah.

Umapela rin ang noo'y Pangulong Fidel V. Ramos sa pamahalaan ng U.A.E. na pigilan ang sentensiyang death penalty kay Sarah.

Dito na naging tagapamagitan ang noo'y presidente ng U.A.E na si Sheikh Zayed bin Sultan al Nahyan, na nakiusap sa pamilya ng napaslang na employer na mahabag kay Sarah sa ngalan ng prinsipyo ng Shariah Law o Islamic religious law.

Si Sarah ay Muslim noon tulad ng kanyang employer.

Sa gitna ng protesta, napababa ang sentensiya kay Sarah sa isang taong pagkakulong, paghampas sa kanya ng baston ng isang daan beses, at pagbayad ng multang 40,000 U.S. dollars.

Nakauwi si Sarah sa Pilipinas noong August 1, 1996.

Continue reading below ↓

Sarah Balabagan at a presscon on the day she arrived in Manila in August 1996.

HOW SARAH MET ARNOLD

Sa kanyang Facebook Live nitong August 21, 2020, ibinunyag ni Sarah na nagbunga ang dati nilang relasyon ni Arnold.

"Ang ama po ng panangay ko ay, yes, si Arnold Clavio po. Siya po ang ama ng panganay ko," pagkumpirma ni Sarah.

Una raw silang nagkakilala noong panahong nakapiit pa si Sarah sa Al Ain, Abu Dhabi, U.A.E.

Kasama raw ni Arnold na nagtungo roon si William Gatchalian, ang negosyanteng tumulong kay Sarah upang mabayaran ang blood money na ipinagmumulta sa dalaga.

Kuwento ni Sarah, "Nagkakilala kami ni Arnold Clavio noong ako po ay nakapiit pa sa Al Ain Central Jail dahil dinalaw nila ako doon kasama si Mr. William Gatchalian. Siya po yung nag-donate ng 40,000 U.S. dollars para sa blood money.

"Kasama po nila doon si Arnold Clavio, yung ninong ko po si Kuya Peter Singh, at isa pa pong beteranong broadcaster o reporter, nakalimutan ko lang pangalan niya.

Continue reading below ↓

"Sila po bumisita sa akin. Doon ko po nakita si Kuya Arnold. Naging close po kami ni Kuya Arnold, kung tawagin ko siya noon."

Ayon kay Sarah, nasubaybayan ni Arnold ang kaso niya nang makauwi siya ng Pilipinas hanggang sa makauwi siya sa kanyang probinsiya sa Mindanao.

Natatandaan pa raw niyang eksklusibong nakuha ni Arnold ang news coverage ng pag-uwi niya sa probinsiya dahil naiwan sa Maynila ang kasama sanang reporter mula sa ibang istasyon.

Noong panahong iyon ay 17 taong gulang daw si Sarah.

"So, kaya po kami naging close. Kuya-kuya po ang tawag ko.

"Sa lahat po ng nakakakilala kay Arnold Clavio personally, alam niyo po kung gaano po siya kakengkoy—hindi lamang po yung mukha niya, pati yung talagang sense of humor niya.

"Kahit umiiyak ako, nalulungkot ako, napapatawa niya ako.

"Just imagine na galing ako sa kulungan kung gaano ako ka-vulnerable noon.

"Pero hindi ko po idya-justify kung anong nagawa ko po."

Continue reading below ↓

SARAH RECALLS SECRET RELATIONSHIP WITH ARNOLD

Aminado si Sarah na nahulog ang loob niya kay Arnold.

Balik-tanaw niya, "Siya po yung isang tao na kauna-unahang pagkakataon na nagpasyal sa akin sa Manila.

"Siya din po kauna-unahang tao nagyaya sa akin o nagdala sa akin manood ng sine sa Maynila.

"Ako naman po, tuwang-tuwa. Napakabait naman po ni Kuya Arnold."

Ulit ni Sarah, "Yun lang po—inaamin ko na si Arnold Clavio po ang tatay ng panganay ko pong anak.

"Alam ko po nagkasala po ako."

Marami ang nagtataka kung bakit sa loob ng 22 taon ay nagawang ilihim ni Sarah ang relasyon nila ni Arnold, na tila tumagal mula "1996" hanggang "1997."

Ayon kay Sarah, mahigpit na bilin sa kanya ni Arnold na huwag ipaalam sa iba ang kanilang ugnayan, at pumayag din naman siya sa ganoon.

"Alam niyo po, magmula nang magkaroon kami ng relasyon ni Arnold, ang payo niya sa akin, walang aminan. Yun agad. 'Kahit anong mangyari, huwag ka aamin.'

Continue reading below ↓

"I was 17 years old nung panahong iyon. Talagang napaniwala niya ako.

"But again, hindi ko i-justify yung kasalanan kong nagawa."

ARNOLD'S WIFE ALLEGEDLY REACHED OUT TO SARAH

Ikinuwento rin ni Sarah na nagkaroon ng pagkakataong nagkausap sila ng asawa ni Arnold.

"Saludo po ako sa kanyang maybahay, sa kanyang asawa, dahil nung malaman niya yung totoo, talagang sinuportahan niya si Arnold," ani Sarah.

Continue reading below ↓

Hindi nasabi ni Sarah kung anong petsa iyon nangyari, pero ang asawa umano ni Arnold ang nag-initiate na magpadala ng mensahe.

"In fact, siya po ang nag-reach out sa akin sa Messenger, at nag-message siya sa akin.

"Eto ang sabi niya sa akin sa message: 'Sarah, I forgive you.'"

Ikinaluwag daw ng damdamin ni Sarah ang kapatawaran mula sa asawa ni Arnold.

"Yun din naman po ang prayer ko noon pa man, magmula pa noong makakilala ako sa Panginoon.

"Ang prayer ko, sana magkaroon ako ng pagkakataon na makausap ko siya para makahingi ako ng forgiveness.

"Dahil alam ko naman po, kahit bata ako noon, madami akong puwedeng gamiting dahilan para i-justify yung mga pangyayari.

"But, hindi na po. Naiintindihan ko po na iyon ay kasalanan.

"Nagkasala ako sa kanya, nasaktan ko siya, yung pamilya niya, at that time."

SARAH ASKS FORGIVENESS FROM ARNOLD'S WIFE AND CHILDREN

Sa puntong ito ng Facebook Live ni Sarah, muli siyang humingi ng patawad sa asawa ni Arnold.

Continue reading below ↓

"Gusto ko samantalahin ang pagkakataon na ito, again sa asawa ni Arnold Clavio, si Ina, patawarin mo ako kung nasaktan ko ang damdamin mo, noong mga panahong may relasyon kami ni Arnold, noong 1996, 1997.

"Ganun din po sa mga anak ni Arnold, patawarin niyo ako. Nasaktan ko kayo at nasaktan ko ang nanay niyo.

"Sorry din sa panganay ko, kumbaga, lumabas siya sa mundo na ganun ang sitwasyon."

Humingi rin ng tawad si Sara sa kanyang ina at mga kapatid na lubhang nasaktan dahil sa pagkakaugnay niya noon kay Arnold.

"Of course, humihingi rin ako ng kapatawaran sa nanay ko na nasaktan ko, nagtiis, ipinagtanggol ako, pinagtakpan ako... Sa mga kapatid ko, patawarin niyo rin po ako."

SARAH SAYS SHE HAS FORGIVEN ARNOLD

Hindi na idinetalye ni Sarah kung paano naghiwalay ang landas nila ni Arnold matapos siyang mabuntis at manganak noong '90s.

Pero ani Sarah, matagal na niyang napatawad si Arnold.

Continue reading below ↓

"Alam niyo po, sa totoo lang, nakapag-move on na ako. Napatawad ko na noon pa man si Arnold Clavio. Lalo na nung nakakakilala ako sa Panginoon.

"Hindi po madaling magpatawad, pero by God's grace, napatawad ko po siya, dahil po, of course, kailangan ko yun gawin para makapag-move on na ako."

Si Sarah ay kasalukuyang naninirahan sa U.S. kasama ng kanyang second husband na si Jun Sereno.

Ikinasal sila noong 2013, at mayroon silang dalawang anak.

May dalawa ring anak si Sarah sa kanyang first husband na si Russel Vergara.

Kuwento rin ni Sarah, masaya siya sa piling ng asawang si Jun at lima niyang anak.

Tahimik daw silang namumuhay sa Las Vegas sa kasalukuyan.

"Masaya na po ako sa buhay ko ngayon.

"Mahal na mahal ko po yung asawa ko, mahal na mahal ko po ang mga anak ko.

"Very supportive yung asawa ko sa akin sa lahat ng ginagawa ko."

Continue reading below ↓

Pero nagdesisyon daw si Sarah na basagin ang katahimikan hinggil sa biological father ng kanyang firstborn child dahil sa nag-viral na meme tungkol kay Arnold.

Naunang ipinost ni Sarah sa kanyang Facebook page ang kopya ng meme, na nagkukuwestiyon kung totoong nabuntis ni Arnold si Sarah noong menor de edad pa ito.

Hindi raw nakaramdam ng galit o lungkot si Sarah nang maungkat ang tungkol sa kanyang nakaraan.

"Naisip ko po, maybe will na ito ng Panginoon nang sa ganoon maitama ko na yung dapat maitama," ani Sarah.

Dugtong niya, "Hindi naman po habang panahon ay buhay ako para sagutin at itama kung ano yung mga tanong at kung anong mga haka-haka at mga chismis diyan.

"Paano kung wala na ako sa mundo at hindi ko ito tinama?

"Baka mamaya maging multo pa ito sa mga anak ko o baka mamaya gamitin pa ng mga demonyo para guluhin ang isipan ng mga anak ko.

Continue reading below ↓

"Gusto ko po maging malinaw, gusto ko protektahan ang aking mga anak."

Bilang respeto, humingi raw muna ng permiso si Sarah mula sa kanyang asawa at pati na sa kanyang ina at mga kapatid na nakabase sa Mindanao.

Buo raw ang suporta ng mga ito sa kanya.

FALSE RUMORS ABOUT BIOLOGICAL FATHER OF HER FIRSTBORN CHILD

Ayon pa kay Sarah, nais din niyang matigil na ang pagbibintang sa kung sinu-sino na siyang ama raw ng panganay na anak.

Isa raw sa itinuturong ama ng anak niya ay ang yumaong Philippine ambassador sa U.A.E. na si Roy Señeres.

"Naku po, alam niyo po si late Ambassador Señeres ang tumulong sa akin. Ang pamilya niya po ang tumulong sa akin nung mga panahong ako ay nabuntis.

"At para hindi kumalat sa public at para hindi masira yung image ko noon at image ng taong iyon [si Arnold Clavio], ay tinago ako, kinupkop ako ni late ambassador Roy Señeres.

Continue reading below ↓

"Ang nakakalungkot, binabaliktad, siya daw ang ama. Kahit nung pumanaw na siya, may mga nagtatanong pa rin sa akin kung siya ba talaga yung ama ng panganay ko.

"Well, kaklaruhin ko po, hindi po si Ambassador."

Pati ang negosyanteng si William Gatchalian at batikang broadcaster na si Rey Langit ay itinuturong ama ng anak ni Sarah.

Mariin din itong pinabulaanan ni Sarah.

"Meron pong ibang taong nagtatanong sa akin, 'Totoo ba na si Mr. William Gatchalian ang ama ng panganay mo?'

"Well, hindi si Mr. William Gatchalian. Si Mr. William, siya yung isa sa mga genuine na tumulong sa akin.

"Siya po yung unang nagbigay o nag-donate ng 40,000 U.S. dollars para po sa blood money noong ako ay nakapiit pa sa United Arab Emirates.

"Meron din po nagtatanong sa akin, dahil isa sa mga blind items tungkol sa ama ng aking anak, sinasabing isa siyang broadcaster.

"E, nagkataon po, nagtrabaho ako noon with Tito Rey Langit doon sa Biyaheng Langit, naging co-host nila ako.

Continue reading below ↓

"So, meron din nag-iisip na siya raw ang ama dahil broadcaster. Pero sabihin ko na po sa inyo, hindi din po siya ang ama...

"Once and for all, totoo po iyon—si Arnold Clavio ang tatay ng panganay kong anak."

Sa huling bahagi ng Facebook Live ni Sarah, ibinahagi niyang mula sa pagiging isang Muslim ay na-convert siya bilang Christian.

Ang kanya raw pananampalataya sa Diyos ang naging daan upang malampasan ang mapait niyang mga karanasan sa buhay.

"Magmula sa buhay ko sa Mindanao, sa mahirap na kinagisnan kong pamilya, hanggang pagpunta ko po sa Middle East.

"Hanggang sa muntik na po ako mamatay, at buti na lang po naipagtanggol ko yung sarili ko laban sa aking employer—muntik na ako ma-rape, nakulong ako, nasentensiyahan ako ng death penalty.

"At marami pa pong iba—yung mga experience ko sa mga tatay ng mga anak ko...

"Salamat sa Diyos, sa kabila ng lahat ng iyon, yung kapatawaran, pagmamahal at pang-unawa po ng Panginoon ang ipinaranas niya sa akin.

Continue reading below ↓

"Salamat sa Diyos, may tao Siyang ginamit para ako ay makakilala sa Kanya.

"Kaya po natutunan kong isuko ang buhay ko at ipagkatiwala sa Kanya mula po noong 2003."

Ipinalangin din ni Sarah na maging inspirasyon ang kuwento ng kanyang buhay sa ibang mga taong nakakaranas ng pighati at paghihirap sa ngayon.

"Napakahirap magpatawad. Mahirap magpakumbaba at humingi ng kapatawaran.

"Pero kapag nasa iyo ang Pangingoon, walang imposible sa Kanya.

"Dahil ang pagmamahal ng panginoon ang mangingibabaw. Yun po ang nangyari sa akin."

Sinubukan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na kunin ang pahayag ni Arnold Clavio kaugnay ng rebelasyon ni Sarah Balabagan, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa kaming natatanggap na sagot.

Mananatiling bukas ang PEP.ph sakaling may pahayag o paglilinaw si Arnold tungkol dito.

HOT STORIES

(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Sarah Balabagan (left) on past relationship with GMA-7 broadcaster Arnold Clavio (right): "Gusto ko samantalahin ang pagkakataon na ito, again sa asawa ni Arnold Clavio, patawarin mo ako kung nasaktan ko ang damdamin mo, noong mga panahong may relasyon kami ni Arnold, noong 1996, 1997."
PHOTO/S: Sarah Balabagan Sereno Facebook / @akosiigan Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results