Nobenta porsiyento ng ABS-CBN workforce ang namaalam na sa kanilang trabaho kahapon, August 31.
Ito ang resulta ng pagbasura ng Kongreso sa franchise renewal bid ng ABS-CBN noong July 10, 2020.
Ang Kongreso ang tumupad sa matagal nang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag bigyan ng panibagong prangkisa ang broadcast giant.
Dahil sa pangyayari, hindi na maaaring mag-broadcast sa free-to-air television and radio airwaves ang Kapamilya network.
Mula nang mawala sa himpapawid noong May 5, 2020, bilyong piso na ang nalugi sa ABS-CBN kaya kinakailangan nitong magbawas ng libu-libong empleyado.
Nakikidalamhati sa mga nawalan ng trabaho ang dalawa sa top actresses ng Kapamilya network—sina Judy Ann Santos at Angel Locsin.
Ipinaabot nila ang kanilang mensahe sa Instagram ngayong araw, September 1.
Ayon kay Judy Ann, “habangbuhay” na nakaukit sa kanyang puso ang masasayang araw at alaala na pinagsamahan nila ng mga dating tauhan ng network.
Saad ng 42-year-old actress, “Sa lahat ng mga nakasama ko sa abs cbn.. mabuhay kayo!
"Hanggang sa muli nating pagkikita.. maraming salamat sa mga masasayang alaala at maraming taon ng pagtatrabaho.. habangbuhay kayong nakaukit sa aking puso…”
Ito rin halos ang buod ng mensahe ni Angel, 35, sa kanyang post.
Sabi niya, “Isang pagpupugay sa mga nagpaalam na kapamilya. Maraming salamat. Hanggang sa muli.”
53 REGIONAL TV AND RADIO STATIONS, OTHER AFFILIATES
Noong August 28 ang huling broadcast ng lahat ng local TV and radio stations na bahagi ng Regional Network Group (RNG) ng ABS-CBN.
Bukod sa mga provincial offices ng ABS-CBN, nagsara na rin ang ilan pang mga negosyo na pag-aari ng ABS-CBN Corporation.
Kabilang sa mga ito ang ABS-CBN Studio Tours, ABS-CBN Store, Hado Pilipinas, Heroes Burger, at ABS-CBN Studio Experience sa Trinoma Mall, Quezon City.
Ayon sa pahayag ng network, kasama ang mga ito sa mga serbisyo ng broadcast giant na apektado sa pagpatay ng Kongreso sa kanilang franchise application.
Ang ibang ABS-CBN personalities, katulad nina Ted Failon, Anthony Taberna, at Gerry Baja, ay lumipat na ng ibang istasyon.
Ang ilang Kapamilya stars na may show na sa TV5 ay sina Pokwang at Ria Atayde. May balita ring negosasyon sa pagitan ng istasyon at ni Billy Crawford.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika