From Paulo Guico of Ben&Ben to widow of Dr. Raul Jara, calls for DOH Chief’s resignation mount

by Jet Hitosis
Sep 2, 2020
Paulo Guico, Health Secretary Francisco Duque III, Dr. Leni Jara
Fourteen senators and some personalities, including Ben&Ben singer Paulo Guico (left) and Dr. Leni Jara (right), widow of cardiologist and COVID-19 hero Dr. Raul Jara, have repeatedly asked Health Secretary Francisco Duque III (center) to resign from office for “failure of leadership, negligence, lack of foresight, and inefficiency" amid the pandemic. Duque is still health secretary.
PHOTO/S: @PauloBenjamin_ on Twitter, Screengrab from CNN Philippines, Kodao Productions on Facebook

Hindi na yata mauubusan ng mga personalidad at grupong nananawagan para magbitiw sa puwesto si Health Secretary Francisco Duque III.

Sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, buwan-buwan ay may nagpapa-resign sa pinuno ng Department of Health (DOH).

Mula sa singer ng isang sikat na banda hanggang sa 14 na senador, iisa ang batikos nila sa 63-year-old doctor-government official.

Bigo raw si Duque matugunan ang mga hamon ng pandemya.

Dahil dito, nalalagay umano sa alanganin ang kaligtasan ng mga Pilipino at ang buhay ng maraming medical frontliners.

Ito rin mismo ang sentimyento ni Dr. Leni Jara, executive director ng Council for Health and Development (CHD).

Ang CHD ang national consortium ng mga community-based health programs sa bansa.

Si Dr. Leni ang latest personality na nanawagang bumaba sa puwesto si Duque.

DR. RAUL JARA: THE COVID-19 HERO

Si Dr. Leni ang biyuda ni Dr. Raul Jara, ang 71-year-old cardiologist na isa sa mga unang medical frontliners na namatay dahil sa COVID-19.

Continue reading below ↓

March 24, 2020 nang pumanaw sa COVID-19 si Dr. Raul, dating presidente ng Philippine Heart Association (PHA).

Itinuturing na kabayanihan ang pagbubuwis ni Dr. Raul ng buhay habang inililigtas ang ibang COVID-19 patients.

At nitong National Heroes Day, August 31, kabilang si Dr. Raul sa mga binigyang-pugay na pumanaw na healthcare frontliners sa isang protest rally sa Bantayog ng mga Bayani sa Diliman, Quezon City.

Dumalo sa protesta si Dr. Leni.

Umapela siyang magbitiw sa puwesto ni Duque dahil sa “kapabayaang tugunan ang mga pangangailangan ng sektor ng kalusugan at pagkakaroon ng kongkretong plano sa pandemya.”

Continue reading below ↓

MEDICAL FRONTLINERS VS DOH CHIEF

June 2020 pa nagsimulang magreklamo ang medical frontliners laban kay Duque.

Noong June 26, pormal na hiniling ng Alliance of Health Workers (AHW) ang pagbibitiw sa puwesto ni Duque.

Saad sa pahayag ng AHW: “We demand Secretary Duque’s resignation and hold him accountable for his neglect, incompetence, shortcomings and failure in dealing with health crisis especially in COVID-19 response.”

Ang AHW ay may mahigit 27,000 miyembro sa buong bansa.

Dahil pa rin sa kawalang aksiyon daw ng kalihim, nitong August 1 ay idiniretso ng hospital workers kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang mga hinaing kaugnay ng pandemic.

Daing ng Healthcare Professions Alliance Against COVID-19 at Filipino Nurses United (FNU), naghihingalo na ang health system dahil hindi inaaksiyunan ni Duque ang kakapusan ng personal protective equipment (PPE) at hospital beds, kawalan ng regular swab testing sa health workers, at kakulangan ng manpower.

Libu-libo na raw medical workers ang tinatamaan ng virus.

Continue reading below ↓

Sa update ni Dr. Leni nitong Lunes, aabot na raw sa 6,700 medical frontliners ang nagpositibo sa COVID-19, at 40 sa mga ito ang nasawi, kabilang si Dr. Raul.

PAULO GUICO: “DUQUE, PLEASE RESIGN”

Pero hindi lang mga nasa health sector ang bumabatikos sa anila’y mga kapabayaan ni Duque.

Si Paulo Guico, isa sa twin vocalists ng folk-pop band na Ben&Ben, ay dalawang beses nanawagan kay Duque na mag-resign na lamang.

June 5 nang unang mag-tweet si Paulo, 25. Katatapos lang noon sisihin ni Duque ang kanyang mga tauhan nang mabunyag na wala pang natatanggap na financial assistance ang mga frontliners na nasawi sa COVID-19.

Tweet ni Paulo: “Duque, please resign. Wag mong isisi ang iyong kapalpakan sa mga taong nagbubuwis-buhay para sa bayan.

“The country badly needs strong leadership in the DOH. After countless chances we’ve given you, it’s crystal clear with the numbers and facts: you have failed us.

Continue reading below ↓

“Please resign.”

Noong July 27, ilang oras bago umere ang State of the Nation Address (SONA) ni Duterte, inulit ni Paulo ang panawagan niya kay Duque.

Idinaang muli ng Ben&Ben singer sa tweet ang mensahe niya para sa DOH Chief: “#SONA2020 Duque, resign. For the sake of our people. For the sake of our tired health workers.

Continue reading below ↓

“Five months of incompetence is enough. Again, numbers do not lie.”

BAYAN: “BLUNDER AFTER BLUNDER”

Gaya ni Paulo, dalawang beses ding nanawagan ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na lisanin na ni Duque ang DOH.

“Blunder after blunder, it’s time for Duque to go,” saad sa official statement ni Bayan Secretary General Renato Reyes noong May 21.

Continue reading below ↓

Ang tinutukoy ni Reyes ay nang magkamali si Duque sa pagdeklarang nasa “second wave” na ang COVID-19 pandemic sa bansa.

Kinontra ng mismong mga opisyal ng Malacañang, ng ilang senador, at ng medical community ang anunsiyong ito ni Duque.

Dahil dito, binawi ng DOH ang pahayag ng kanilang leader at humingi ng paumanhin.

Noong July 15, inulit ng Bayan ang panawagan nito kay Duque.

Kaugnay naman ito ng pahayag ni Duque na nagsimula na raw ma-flatten ang COVID-19 infection sa bansa.

Tinutulan muli ng medical community ang sinabing ito ni Duque. Sa halip, ibinalita nilang hindi na tumatanggap ng COVID-19 patients ang maraming ospital sa Metro Manila dahil sa biglaang pagdami ng nagpopositibo sa virus.

Kalaunan, iwinasto ni Duque ang sinabi niya; “lumiko” daw ang curve ng infection at hindi “flatten” ang ibig niyang sabihin.

“Hindi naman talaga flattened [ang curve], iyon yung gusto kong ilinaw,” sinabi ni Duque sa interview ng DZMM Teleradyo noong July 15.

Continue reading below ↓

“Lumiko lang. Nagkamali ako doon.”

SENATE RESOLUTION FOR DUQUE'S RESIGNATION

Sa kabila ng buwan-buwang panawagang mag-resign na sa puwesto, nananatiling kalihim ng DOH si Duque hanggang ngayon.

Mismong si Pangulong Duterte kasi ang paulit-ulit na nagtatanggol kay Duque laban sa mga kritiko.

Ayon kay Duterte, nananatiling buo ang tiwala niya sa DOH Secretary.

Kung hindi naman talaga malaki ang tiwala ni Duterte kay Duque, April pa lang sana ay wala na ito sa DOH.

Ito ay dahil noong April 16, labing-apat na senador ang naghain ng Senate resolution para buong pagkakaisang hilingin ang pagbaba sa puwesto ni Duque dahil sa “failure of leadership, negligence, lack of foresight, and inefficiency.”

Ang Senate Resolution No. 362 ay pirmado nina Senate President Tito Sotto, Senate Majority Leader Migz Zubiri, Senator Sonny Angara, Senator Nancy Binay, Senator Grace Poe, Senator Manny Pacquiao, Senator Sherwin Gatchalian, Senator Francis Tolentino, Senator Joel Villanueva, Senator Ronald dela Rosa, Senator Imee Marcos, Senator Lito Lapid, Senator Bong Revilla, at Senator Panfilo Lacson.

Continue reading below ↓

Sa kasalukuyan, hindi pa natatalakay ng Senate Committee on Rules ang resolusyong ito.

DUQUE TO FACE CHARGES ON PHILHEALTH ANOMALY

Bagamat hindi nakumbinse ng Senado na mag-resign si Duque sa kapabayaan nito sa pandemic, dawit ngayon ang kalihim sa bagong issue ng kurapsiyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Bilang DOH Secretary, si Duque ang tumatayong chairman ng Board of Directors ng PhilHealth.

Nitong Martes, September 1, inirekomenda ng Senate Committee of the Whole na isama si Duque sa sasampahan ng malversation of public funds at iba pang kasong kriminal kaugnay ng bagong corruption allegation laban sa PhilHealth.

Bukod kay Duque, pinakakasuhan din ng Senado ang nag-resign na PhilHealth President-CEO Ricardo Morales at iba pang senior officials ng korporasyon.

Batay sa findings ng Senado sa ginawa nitong pagdinig, nadiskubreng ilegal umano ang pagre-release ng PhilHealth ng pondo para sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) nito.

Ang IRM ay programa ng PhilHealth sa pagbabayad sa mga ospital na nanggamot ng COVID-19 patients.

Continue reading below ↓

Natuklasan din daw ng Senado na overpriced ang PHP2.1-billion information and communications technology (ICT) procurement plan ng PhilHealth.

Bukod dito, ayon sa Senate committee report, minanipula ng PhilHealth officials ang financial status nito para pagmukhaing matatag ang ahensiya, gayung paubos na ang pondo nito at baon pa sa utang.

Sa Senate hearing sa isyung ito, isiniwalat ng mga dating opisyal ng PhilHealth na aabot sa PHP15 billion ang naibulsa umano ng "mafia" ng matataas na opisyal ng ahensiya.

EX-NBI CHIEF IS NEW PHILHEALTH BOSS

Ang mga alegasyong ito ng kurapsiyon ang ugat ng pag-resign ni Morales mula sa PhilHealth nitong August 26.

Gayunman, pinag-resign ni Pangulong Duterte si Morales hindi dahil sa anomalya kundi dahil sa lymphoma, o cancer sa dugo, na iniinda ng PhilHealth chief.

Nitong Lunes, inanunsiyo ni Duterte na papalitan si Morales ni retired National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran.

Si Gierran ay isang certified public accountant-lawyer.

Continue reading below ↓

Tulad nina Duterte at Morales, tubong Davao City din ang bagong presidente ng PhilHealth.

Sa apat na taon niyang pamumuno sa NBI simula 2016, nadawit si Gierran sa ilang kontrobersiya.

Ilang buwan pa lang si Gierran sa NBI noon nang ibunyag ng dating miyembro ng Davao Death Squad (DDS) na si Edgar Matobato na sangkot si Gierran sa pagkamatay ng isang lalaki, na umano'y ipinakain sa mga buwaya noong 2007. Itinanggi ito ni Gierran.

Ang DDS ay isang vigilante group sa Davao City na nagsasagawa umano ng summary executions sa mga sangkot sa droga at iba pang krimen.

Sa ilalim din ng pamumuno ni Gierran, bumaligtad ang NBI sa cyber libel case laban kay Rappler CEO Maria Ressa at sa researcher-writer na si Reynaldo Santos Jr.

February 22, 2018 nang ibinasura ng NBI ang kaso ng negosyanteng si William Keng laban kina Ressa at Santos dahil sa kawalan ng basehan.

Continue reading below ↓

Makalipas ang ilang araw, March 2, 2018, inirekomenda ng NBI sa Department of Justice (DOJ) na kasuhan ng cyber libel sina Ressa at Santos.

GIERRAN: "I DON'T KNOW ABOUT PUBLIC HEALTH"

Pinamumunuan din ni Gierran ang NBI nang imbestigahan ng ahensiya ang tinaguriang "ghost dialysis" scam sa PhilHealth, kung saan nagbabayad ang korporasyon sa dialysis treatment ng mga pasyenteng patay na.

Sa loob ng maraming taon ay paulit-ulit nang napagitna sa corruption allegations ang PhilHealth, na pamumunuan ngayon ni Gierran.

Kaya naman aminado ang dating NBI director na nangangamba siya sa bago niyang tungkulin.

"I'm scared because I don't know the operations of PhilHealth," sinabi ni Gierran nang makapanayam sa ANC nitong Martes. "I don't know about public health. I don't know about that."

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Fourteen senators and some personalities, including Ben&Ben singer Paulo Guico (left) and Dr. Leni Jara (right), widow of cardiologist and COVID-19 hero Dr. Raul Jara, have repeatedly asked Health Secretary Francisco Duque III (center) to resign from office for “failure of leadership, negligence, lack of foresight, and inefficiency" amid the pandemic. Duque is still health secretary.
PHOTO/S: @PauloBenjamin_ on Twitter, Screengrab from CNN Philippines, Kodao Productions on Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results