Anjo Yllana regrets past issue with Rustom Padilla; opens up about bidding goodbye to Eat Bulaga

by Gorgy Rula
Sep 5, 2020
Anjo Yllana (left) on making a joke about Rustom Padilla's (right) sexual orientation in one episode of the defunct ABS-CBN sitcom Palibhasa Lalake: "It was a private joke na nautos sa akin. Ako naman si sunud-sunuran lang. But deep inside, I really regret nung nangyari yun, kasi you don’t do that to a person. You don’t hurt a person."
PHOTO/S: Facebook

Pinagsisisihan ni Anjo Yllana ang ginawa niyang pagbibiro sa pagkalalaki ni Rustom Padilla sa dating ABS-CBN sitcom na Palibhasa Lalake noong 1993.

Sa isang eksena ay ginawang biro nina Anjo at John Estrada ang tungkol sa relasyon ng co-star nilang si Carmina Villarroel kay Rustom, na noon ay kinukuwestiyon na ang sexual orientation.

Naging malaking isyu ito na umabot sa gulo sa pagitan ng pamilya ni Rustom at pamilya ni Anjo—Padilla vs Yllana.

Ito rin ang dahilan kaya umalis si Carmina sa Palibhasa Lalake.

Sa panayam ni Anjo sa programang Showbiz Talk Ganern ng DZRH noong September 2, 2020, sinabi nitong sinunod lang niya ang utos ng assistant director na mag-adlib tungkol kay Rustom.

Pero labis daw niyang pinagsisihan ito dahil nakasakit siya ng damdamin.

“Sa totoo, nung ipinagawa sa akin ng assistant director, siyempre po as an actor, parang sumusunod lang tayo sa utos.

“Alam niyo, nung nagawa ko yun at nagkaroon nga po ng reactions, negative reactions, I was really very hurt. Kasi kaibigan ko rin si Rustom, kasama ko si Carmina.

Continue reading below ↓

“Pinagsisihan ko yung nangyaring yun. Apektado ako nun, kasi I don’t wanna hurt feelings ng people… person,” seryosong pahayag ng comedian-TV host.

Pero hindi naman daw umere ang eksenang iyon.

“Hindi naman po umere yun, e. It was a private joke na nautos sa akin. Ako naman si sunud-sunuran lang.

“But deep inside, I really regret nung nangyari yun, kasi you don’t do that to a person. You don’t hurt a person. ‘Tapos kaibigan namin ang boyfriend nun ni Mina.

“I regret what happened. Basta ako, I regret what I did before,” saad pa niya.

Mabuti at nagkaroon daw siya ng pagkakataong makahingi ng sorry kay Rustom, at okay na rin daw sila ng kapatid nitong si Robin Padilla.

Iginagalang din daw ni Anjo ang desisyon ni Rustom na baguhin ang kanyang katauhan bilang BB Gandanghari.

“I respect Rustom. I respect BB Gandanghari. I respect him pa rin.

“Kasi nakilala ko siya as Rustom, at para sa akin, si Rustom pa rin siya para sa akin, and BB Gandanghari na ngayon ang pangalan niya.

Continue reading below ↓

“I still respect him as a person. Wala na po dito ang gender issues po.

“Basta kung ano yung choice ng tao na kung ano man ang nagpasaya sa kanya, siyempre you should be happy for that person,” saad ni Anjo.

ANJO LEAVES EAT BULAGA

Samantala, mabigat daw para kay Anjo na magpaalam sa Eat Bulaga!, ang noontime show ng GMA-7 kung saan naging bahagi siya sa loob ng 21 taon.

Pero kahit paano ay napagaan daw ito dahil kaagad siyang binasbasan ng mga Eat Bulaga! bosses at Dabarkads na tanggapin ang alok ng Net 25 na mag-host ng bagong noontime show.

Ito ay ang Happy Time, na magsisimula nang umere sa September 14.

Gusto man daw ni Anjo na kausapin nang personal si Mr. Tony Tuviera ng TAPE at APT Entertainment, hindi puwede dahil sa pandemic.

Kaya nag-iwan siya ng sulat kung saan nakapaloob doon ang gusto niyang sabihin para sa top executive ng Eat Bulaga.

Continue reading below ↓

“Sumulat po ako sa office, nag-iwan po ako ng letter na, hopefully, na dun sa letter na yun, naintindihan po niya, nila… sa TAPE at APT, na trabaho lang po ang aking hanap para sa pamilya ko, at dahil na rin po sa pandemya kaya nangyari po lahat ito.

“Iyon nga, tinanggap ko ito dahil sa pamilya ko.”

Ayon kay Anjo, mahirap isantabi ang 21 years niya sa Eat Bulaga, kaya hindi napigilang magkaiyakan nang pumunta siya sa tanggapan ni Mr. Tuviera para ihatid ang kanyang sulat.

“Marami po akong Dabarkads at mga nagtatrabaho sa TAPE at sa APT… actually nung pumunta ako sa office, may nakausap po ako na mga umiyak, nagyakapan po kami kahit social distancing.

“Ang tagal kasi naming magkasama, halos every day, e. May mga iyakan pong naganap sa office.

“Yung goodbye po is very hard pag malalim yung pinagsamahan,” malungkot na pahayag ni Anjo.

Patuloy niya, “Si Mr. Tuviera, kasi naging boss ko siya nang matagal. Gusto ko siyang makausap nang personal.

Continue reading below ↓

“Lahat po ng nararamdaman na gusto kong sabihin sa kanya, nandun na po sa letter.

“Sabi ko rin sana makita ko siya personally, para mapasalamatan ko siya sa maraming years na nagtrabaho ako under Eat Bulaga.

“Sana one of these days… after nitong pandemic, sana makita ko pa rin sila, na makausap ko pa rin sila. Manatili pa ring friends, at pamilya pa rin ang turing kahit wala na ako sa Eat Bulaga.”

Unfortunately, hindi rin niya nakausap ang pioneer hosts ng programa na sina Senator Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.

Hindi pa raw matawagan ni Anjo si Tito Sen dahil alam niyang abala ito sa senado.

Alam din daw niyang busy si Joey sa kanyang bagong apo, pero nakakausap daw niya nang madalas sa Facebook ang maybahay nitong si Eileen Macapagal-de Leon.

Nakausap din daw ni Anjo ang misis ni Bossing Vic na si Pauleen Luna, na bahagi rin ng Eat Bulaga.

Continue reading below ↓

“Sabi po ni Pauleen, sabi nilang mag-asawa na, after the pandemic, magkita-kita raw po kami para mag-dinner.”

Gusto raw isipin ni Anjo na bahagi pa rin siya ng pamilya ng Eat Bulaga! kagaya nina Julia Clarete, Isabelle Daza, at kahit si Toni Gonzaga, na Dabarkads pa rin ang turing sa kanila.

Nagpapasalamat si Anjo dahil wala siyang narinig na negative mula sa mga dating kasamahan sa noontime show.

HOT STORIES

HAPPY TIME VS. EAT BULAGA

Nilinaw naman ni Anjo na hindi kinakalaban ng Happy Time ng Net 25 ang Eat Bulaga ng GMA-7.

“Ayoko pong isipin na kinakalaban o inaaway ko po ang Eat Bulaga.

“Ang gusto ko pong isipin ay sa mga nanonood po, meron silang… kumbaga, sabi ko nga, kung sa ulam, may mga iba-ibang ulam pag tanghali, baka gusto nilang tikman ito, tikman ito. At least, may mga choices sila.

“Katulad ngayon po na nag-eere pa ang Showtime… Pero, sa free TV, bale dalawa lang kami mapagpipilian nila.”

Continue reading below ↓

Ang It’s Showtime ay ang noontime show ng ABS-CBN na sa online platforms at cable channels na lang napapanood matapos hindi bigyan ng bagong prangkisa ng Kongreso ang network.

Patuloy ni Anjo, “Ayoko pong isipin na kalabanin kasi, unang-una, Eat Bulaga! is Eat Bulaga!.

“Kahit po habang nag-commercial sa Eat Bulaga, sumilip muna kayo sa amin,” napapangiting pahayag ni Anjo.

ANJO ON JANNO GIBBS

Nilinaw rin ni Anjo na hindi siya ang nag-decide na kunin si Janno Gibbs bilang co-host nila ni Kitkat sa Happy Time.

Desisyon daw iyon ng management, na ikinatuwa ni Anjo dahil makakasama niya uli ang matagal na ring kaibigan.

Gumanap na magkapatid sina Anjo at Janno sa dating GMA-7 sitcom na Ober Da Bakod, at nagkasama rin sila sa Eat Bulaga.

May sariling segment daw sa Happy Time si Janno na parang talent search.

May segment din si Anjo na “Ayuda One” (tunog ‘are you the one’) kung saan may mga taong mabibigyan nila ng trabaho o pamilyang mabibigyan ng tulong.

Continue reading below ↓

Napangiti naman si Anjo nang tinanong namin tungkol sa reputasyon ni Janno na madalas late dumarating sa mga programa nito.

Malaki na raw ang ipinagbago ni Janno, pero kinausap din daw niya ito.

Ani Anjo, “Basta sinabi ko po sa kanya na mahalin po natin itong show because… kumbaga, parang pioneering kami dito sa Net TV, e, dito sa noontime show. Agree po siya dun, mamahalin niya.

“Kung dumating po siya nang maaga, mas maganda. Kung dumating po siya nang late, buti na lang may Kitkat po.

“Sabi ko sa kanya, ‘Tol, nasa ano na tayo, nasa 50s na tayo.’

“Sabi ko sa kanya, ang hiningi ko sa kanya, support para dito sa… mahalin po natin itong ating bago nating noontime show.

“Nag-agree naman po siya. Kasama na dun ang professionalism. Hindi ko naman pinilit sa kanya yun.”

ANJO JOINS ROBIN IN NET 25

Aware daw si Anjo na may programa rin sa Net 25 si Robin Padilla, kaya nagparating daw siya ng mensahe sa action star na magkakasama sila sa iisang network.

Continue reading below ↓

“Through a common friend. Nagbusina rin po ako through Nadia Montenegro, sabi ko, ‘Nads, pakisabi naman kay Robin magiging katrabaho ko siya rito sa network.’

“Ang sabi naman sa akin, na parang natawa pa raw si Robin, ‘Ang tagal na nun.’

“I’m very thankful din kay Robin na ang issue na yun ay tapos na.”

Malaking tulong din daw sa programa nilang Happy Time kung isa sa mga episodes nito ay magiging guest nila si Robin.

“Si Robin po ay isa po ‘yan sa ating mga top na artista, at siya po ang top sa Net 25.

“It will be an honor na makatrabaho ko siya sa show. At siyempre, ako rin po, it will be an honor and joy na magkasama kami in one of the future shows ng Net 25,” nakangiting pahayag ni Anjo.

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Continue reading below ↓
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Anjo Yllana (left) on making a joke about Rustom Padilla's (right) sexual orientation in one episode of the defunct ABS-CBN sitcom Palibhasa Lalake: "It was a private joke na nautos sa akin. Ako naman si sunud-sunuran lang. But deep inside, I really regret nung nangyari yun, kasi you don’t do that to a person. You don’t hurt a person."
PHOTO/S: Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results