Registered voters na sina Maymay Entrata at Edward Barber!
Noong Huwebes, September 10, magkasamang nagparehistro ang "MayWard" loveteam sa Quezon City.
Nang araw ding iyon ay sabay na ipinost sa Instagram nina Maymay, 23, at Edward, 20, ang mga litrato nila habang nasa registration site ng Commission on Elections (Comelec) sa Quezon City.
Hinihikayat ng kapwa former Pinoy Big Brother housemates ang MayWard fans at ang milyun-milyon nilang Instagram followers na magparehistro para maging opisyal na botanteng gaya nila.
Ayon kay Edward, sa pamamagitan ng pagboto sa mga susunod na pinuno ng bansa, makakatulong ang kabataan “[to] change the course of our nation and write OUR OWN history.”
Gamit ni Edward sa kanyang post ang #40MStrong, na tumutukoy sa tinatayang 40 milyong kabataan sa bansa na maaari nang magparehistro para makaboto sa susunod na 2022 election.
As of May 2019, mayroong 61.8 million registered voters sa bansa, ayon sa Comelec data.
Gumamit din si Maymay ng parehong hashtag sa kanyang post.
MAYWARD REGISTERS WITH ROBI
Sinamahan sina Maymay at Edward ng kapwa nila Kapamilya talent, ang TV host na si Robi Domingo, sa kanilang pagpaparehistro.
Si Robi, 30, ay Youth Ambassador ng Parish Pastoral Council on Responsible Voting (PPCRV).
Ang PPCRV ang non-partisan at non-profit organization ng Simbahang Katoliko na accredited citizen’s arm ng Comelec sa pagdaraos ng eleksiyon simula 2010.
Sa Instagram post ni Robi, binanggit niyang noong PBB housemates pa sina Maymay at Edward, publiko ang bumoboto kung mananatili pa o paaalisin na sila sa Bahay ni Kuya.
Pero ngayong kapwa registered voters na, ang MayWard naman daw ang boboto para sa kinabukasan ng Pilipinas.
Nagsimula sa showbiz sina Maymay at Edward bilang contestants sa Pinoy Big Brother: Lucky 7 noong 2016.
Si Maymay ang big winner sa nabanggit na PBB edition.
Samantala, dating housemate din si Robi. First runner-up siya sa Pinoy Big Brother: Teen Edition Plus noong 2008.
VOTERS’ REGISTRATION
Nakatakda sa May 2022 ang susunod na eleksiyon ng bansa, kung saan maghahalal ang mga Pilipino ng bagong presidente, kapalit ni Pangulong Rodrigo Duterte.
January 20, 2020 nang inilunsad ng Comelec ang voter’s registration.
Sinuspinde ito noong March 9 dahil sa COVID-19 pandemic.
Nitong September 1 ay nag-resume na ang voter’s registration.
Pero dahil pa rin sa pandemic, nagpapatupad ngayon ng mahigpit na health protocols ang Comelec sa lahat ng magpaparehistro.
Nitong August 31, isinapubliko ng komisyon ang health protocols na ito at ang guidelines na kailangang sundin sa pagpaparehistro.
Inisa-isa rin ng Comelec ang mga dokumentong kailangang dalhin para makapag-register o mag-update ng registration.
Ginagawa ang voters’ registration sa lokal na Office of the Election Officer tuwing Martes hanggang Sabado, 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Ang voter’s application form ay maaaring ma-download sa website ng Comelec (www.comelec.gov.ph).
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.