After government's quick recall of ABS-CBN frequencies, Ogie Diaz: “Kelan naman mababawi...mga kurakot sa PhilHealth?"

Sep 12, 2020
Ogie Diaz, Karla Estrada
Kapamilya TV hosts Ogie Diaz (left) and Karla Estrada (right) defend their home network after government recalls all ABS-CBN frequencies on Thursday, September 10. Karla quotes former ANC boss Jing Magsaysay who addresses networks ready to take over these frequencies: "You can get the franchise but you will never be ABS-CBN."
PHOTO/S: Ogie Diaz on Facebook, @karlaestrada1121 on Instagram

Kuwela pero may patama ang buwelta ng Kapamilya radio-TV host na si Ogie Diaz sa pagbawi ng gobyerno sa lahat ng frequencies at channels ng ABS-CBN Corporation.

Si Karla Estrada, isa pang Kapamilya TV host, ay nag-repost naman ng quote mula sa isang dating opisyal ng ABS-CBN News Channel (ANC) tungkol sa umano’y palihim na pagpuntirya sa frequencies ng network.

Si Ogie, 50, ay dating may regular radio program sa DZMM, ang flagship AM station ng ABS-CBN.

Bukod dito, napanood si Ogie sa ilang sitcom ng network at manager din siya ng ilang Kapamilya talents, tampok na si Liza Soberano.

Si Karla, 45, ay isa sa hosts ng dating ABS-CBN morning show na Magandang Buhay.

Anak ni Karla ang Kapamilya A-list actor na si Daniel Padilla.

Sa pamamagitan ng social media, nag-react sina Ogie at Karla nitong Biyernes, September 11, 2020, isang araw makaraang ipag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pagbawi sa radio at TV frequencies ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Ayon sa NTC, matapos pagkaitan ang ABS-CBN ng panibagong 25-year legislative franchise noong July 10, wala nang silbi ang frequencies ng network.

Dahil dito, inaangkin na ng gobyerno ang mga frequencies at ipagagamit na sa ibang broadcast companies.

OGIE: “KELAN MABABAWI ANG PERA SA MGA KURAKOT?”

May Facebook post si Ogie tungkol dito.

“Binabawi ng NTC ang frequency ng ABS-CBN. Kelan naman mababawi ang pera ng taumbayan sa mga kurakot sa Philhealth? [winking face with tongue out emoji]”

Continue reading below ↓

Ang Philhealth ay ang Philippine Health Insurance Corporation, ang may hawak sa hinuhulog ng mga mamamayan para meron silang pera kapag nagkasakit.

Tinutukoy ni Ogie ang pagbubulgar kamakailan ni Atty. Thorrsson Montes Keith, ang nag-resign na PhilHealth anti-fraud legal officer.

Ayon kay Keith, aabot sa PHP15 billion ang naibulsa ng “mafia” ng matataas na opisyal ng PhilHealth mula sa pondo ng state insurer.

Inimbestigahan ng Senado ang sumbong ni Keith, at inirekomenda nang kasuhan ang top officials ng PhilHealth, kabilang ang nag-resign na nitong President and CEO na si Ricardo Morales at ang chairman of the board ng korporasyon na si Health Secretary Francisco Duque III.

Ibig sabihin ni Ogie, ang bilis umaksiyon ng gobyerno sa mga isyung may kinalaman sa ABS-CBN, pero ang bagal kapag mga katiwalian sa pamahalaan ang pinag-uusapan.

KARLA REPOSTS JING’S QUOTE: “YOU WILL NEVER BE ABS-CBN”

Biyernes din nang ni-repost ni Karla sa Instagram Stories ang quote ni dating ANC head Jing Magsaysay.

Continue reading below ↓

Ang quote kay Jing ay galing sa Facebook post niya noong July 2020. Dito ay nagbigay ng opinyon si Jing sa napaulat na isang “religious/political group” ang nasa likod ng pagbasura ng 70 kongresista sa franchise renewal application ng ABS-CBN.

Puntirya raw ng hindi pinangalanang grupo na mapunta rito ang frequencies na hawak ng ABS-CBN.

Iginiit ni Jing sa kanyang post na makuha man ng iba ang frequencies ng ABS-CBN, hindi ibig sabihing ay makukuha nila ang suporta ng Kapamilya audience.

Aabutin daw ng mahabang panahon bago matapatan ng mga ito ang “content creation” ng ABS-CBN, sabi ni Jing.

Post ni Jing: “A frequency is just a frequency. Content creation is a whole different ball game.

“Plus, I hope they realize that the audience does not come with the frequency.

“You’re going to have to work blood, sweat, and tears to build what ABS-CBN accomplished over 34 years plus the years before Marcos stole the channel.”

Continue reading below ↓

Sa huli, diretsahang sabi ni Jing: “You can get the franchise but you will never be ABS-CBN.”

Jing Magsaysay

“FIRST TIME” IN PHILIPPINE HISTORY

Sa bisa ng Republic Act 7966, na nagbigay ng prangkisa sa ABS-CBN noong 1995, naglaan ang gobyerno ng 42 free-to-air TV stations, limang AM stations, 18 FM stations, at 10 digital television stations sa buong bansa para sa ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Lahat ng ito ay kinuha ng NTC mula sa network at ibinalik sa gobyerno.

Ito ang kauna-unahang beses sa kasaysayan ng Pilipinas na ganito karaming frequencies ang binawi ng pamahalaan, ayon na rin kay dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio.

"This is the first time. There is no precedent of such a huge recall of frequencies,” sinabi ni Rio sa interview sa kanya ng ANC nitong Biyernes, September 11.

"They [frequencies] will now be available for application from any valid franchise holder,” dagdag ni Rio.

“As to how this will be awarded will depend on the NTC,” aniya.

ON REGAINING ORIGINAL FREQUENCIES

Para magkaroon uli ng frequencies ang ABS-CBN, sinabi ni Rio na kailangang mabigyan muna ng Kongreso ng prangkisa ang network.

At dahil nga unang beses nangyari na nabawian ng maraming frequencies ang isang network, hindi sigurado si Rio kung makukuha ulit ng ABS-CBN ang mga orihinal na frequencies at channels nito.

Continue reading below ↓

“As to regaining the [original] frequencies, then I think that needs something that we have not yet done before,” ani Rio.

“We cannot foretell what that something will be, but anything is possible.”

May 4, napaso ang prangkisa ng ABS-CBN. Kinabukasan, May 5, ipinasara ng NTC ang broadcasting unit ng network.

Kasunod ng tuluyang pagpatay ng Kamara sa prangkisa ng kumpanya noong July 10, isinara ng ABS-CBN ang maraming departmento at regional operations nito, at nag-retrench ng libu-libong empleyado.

Kahit anong tanggi ng Malacañang, marami ang naniniwalang may kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapasara sa ABS-CBN.

Simula 2017, ilang beses nang nagbanta si Duterte na haharangin niya sa Kamara ang prangkisa ng network.

Galit daw kasi siya sa ABS-CBN dahil sa hindi pagpapalabas ng kanyang campaign ads noong 2016 kahit bayad na ang mga ito.

Nag-sorry kay Duterte si ABS-CBN President Carlo Katigbak, at tinanggap ito ng Pangulo.

Sa kabila nito, nangyari pa rin ang mga banta ng Pangulo, at tuluyang ibinasura ng Kamara ang prangkisa ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Kapamilya TV hosts Ogie Diaz (left) and Karla Estrada (right) defend their home network after government recalls all ABS-CBN frequencies on Thursday, September 10. Karla quotes former ANC boss Jing Magsaysay who addresses networks ready to take over these frequencies: "You can get the franchise but you will never be ABS-CBN."
PHOTO/S: Ogie Diaz on Facebook, @karlaestrada1121 on Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results