Barretto family saga: from word war in 2013 to eventful reunion in 2019

Oct 17, 2020
In 2013, a social-media issue unravels what turns out to be a deep divide in the Barretto family, with Gretchen and Marjorie on one side, Claudine and Mommy Inday on the other.
PHOTO/S: @marjbarretto / @juansarte / @claubarretto Instagram

Matapos ang anim na taong pagtatwa sa isa’t isa, nagkita muli ang mag-inang Gretchen Barretto at Inday Barretto.

Nangyari ito noong October 16, 2019, sa burol ng yumaong Barretto patriarch na si Miguel Barretto.

Pito ang anak nina Miguel at Inday: Mito, Michelle, Joaquin o Jay-Jay, Gia, Gretchen, Marjorie, at Claudine.

Ang bunsong si Claudine ang nagbahagi ng video kuha ang madamdaming tagpo.

Saksi pati mismo si Pangulong Rodrigo Duterte, na naroon nang mga oras na iyon, upang makiramay sa pamilya Barretto.

Sa video, makikitang unang nilapitan ni Gretchen ang Pangulo, na humawak sa kamay at inalo-alo ang aktres.

Ilang sandali pa ay makikitang yumakap si Gretchen kay Inday.

May dalawampu’t dalawang segundo ang itinagal ng yakap ng mag-ina na na-capture ng video.

Nung mga sandaling iyon, tila naisantabi nina Gretchen at Inday ang mga sugat ng kahapon.

Continue reading below ↓

Pero hindi ganoon ang nangyari sa pagitan ng magkapatid na Gretchen at Marjorie na nagharap din noon sa burol ng kanilang ama.

Laman ng balita ang insidenteng iyon, na nagsanga-sanga dahil sa iba’t ibang isyung kinasangkutan ng iba pang miyembro ng pamilya Barretto.

Hindi iyon ang unang pagkakataong naisapubliko ang matinding sigalot sangkot ang magkakapatid na Gretchen, Marjorie, at Claudine.

Sa timeline na naiulat ng PEP.ph noong 2019, mula 2004 hanggang 2019 ay naibalita ang mga alitan at kampihan sa tuwing may kontrobersiyal na away ang mga magkakapatid.

Iba-iba ang scenario at isyu, pero madalas ay central figure rin ang Barretto matriarch na si Estrella o kilala bilang Mommy Inday.

Isa sa pinakamatindi rito ay naganap noong 2013, kung saan hindi lamang sibling conflict ang naisapubliko.

Ang malalim na hidwaan sa pagitan ng mag-inang Gretchen at Inday ay naging sentro rin ng mga balita.

Mayroon ba sa kanila ang nagkulang? Ano nga ba ang punu't dulo kung bakit patuloy ang kanilang mga alitan? May pag-asa bang maayos at matapos ang samu't saring isyung dinaanan ng kanilang pamilya?

Continue reading below ↓

GRETCHEN AND MARJORIE VS. UNNAMED BASHER

Noong April 13, 2013, naging mitsa ng away ang pag-alma nina Gretchen at Marjorie sa paninira ng isang basher sa anak ni Marjorie na si Julia Barretto.

Mahihinuha sa pakikipagsagutan ng magkapatid na Gretchen at Marjorie na kilala nila ang basher, na may Instagram handle na @btchjuliaisbitch.

Ang pakay umano ng basher ay pabagsakin ang paangat na showbiz career ni Julia.

Takot daw ang basher na maungusan ni Julia, na kakalunsad lang noon bilang isa sa talents ng Star Magic, ang talent-management arm ng ABS-CBN.

Hindi pinangalanan nina Gretchen at Marjorie ang kinumpronta nilang basher.

Pero iisa sila ng sinasabi: hindi raw mapigilan lumabas ang "evil ways" at "demons" ng basher dahil sa personal at marital problems nito.

Continue reading below ↓

MOMMY INDAY VS. GRETCHEN

Makalipas ang labing-isang araw, noong April 29, 2013, naglabas ng open letter si Mommy Inday sa The Philippine Star.

Umalma si Mommy Inday sa usap-usapang si Claudine ang pinatututsadahan ng magkapatid na Gretchen at Marjorie sa social media.

Hindi raw mapapalampas ni Mommy Inday ang pagtawag ni Gretchen kay Claudine na "evil."

Todo-tanggol si Mommy Inday kay Claudine, habang kinastigo niya nang husto si Gretchen na isa raw "liar" at "evil."

Puring-puri rin si Mommy Inday sa tagumpay ni Claudine bilang Teleserye Queen noong rurok ng kasikatan nito sa ABS-CBN.

Si Claudine ay naging bida sa mga Kapamilya teleserye na Mula Sa Puso (1997-1999), Saan Ka Man Naroroon (1999-2001), Sa Dulo Ng Walang Hanggan (2001-2003), at Marina (2004).

Siya rin ay itinampok sa Ikaw Ang Lahat Sa Akin (2005), Walang Kapalit (2007), Sineserye Presents Maligno (2008), at Iisa Pa Lamang (2008).

Sabay pinatutsadahan ni Mommy Inday si Gretchen na ST Queen o Sex Trip Queen—ang titulong ibinansag kay Gretchen noong late '80s hanggang early '90s, kung saan naging hot movie star siya ng Seiko Films.

Continue reading below ↓

Hindi malinaw kung bakit tanging kay Gretchen nakadirekta ang open letter ni Mommy Inday at hindi kasama sa pinarunggitan si Marjorie.

Pero bukod sa galit si Mommy Inday sa pag-atake ni Gretchen kay Claudine, ipinahiwatig ni Mommy Inday na matagal nang may hinanakit si Gretchen sa kanya bilang magulang nito.

Bahagi ng open letter ni Mommy Inday kay Gretchen (published as is):

"For the longest time now and all these years you did nothing but make it your favorite pastime to play with the lives of my family, the family you are ashamed to own, in spite of the fact that I brought you all up well, humble and human!

"You have attacked, accused, maligned and tried to destroy each and everyone of us in the eyes of society, starting from your father, I your mother, and each and everyone of your siblings including their partners!

"People ask and some who do not know any better, might believe that maybe we’re cruel parents, neglectful and remiss in our duties to you! Only, you, alone? Because no one else is complaining about their childhood!

Continue reading below ↓

"How easy for me to have explained my side, but how can a mother defend herself without destroying a child of hers no matter that she is EVIL?"

Sabi pa ni Mommy Inday sa huli, "I am letting go of a child now who never wanted me in order to save one who has always been there for all, and with all of her love…Claudine!"

Continue reading below ↓

JAY-JAY on gretchen's sacrifices for the family

Dinipensahan naman si Gretchen ni Jay-Jay, ang ikatlo sa pitong magkakapatid.

Naglabas si Jay-Jay ng official statement sa media noong April 24, 2013, at nagbigay din ng eksklusibong panayam sa PEP.ph noong April 25, 2013.

Nilinaw ni Jay-Jay na siya ay "Mama's boy" at masakit sa kanya na kontrahin ang open letter ng kanilang ina.

Pero ipinunto ni Jay-Jay na hindi tamang kampihan ng ina si Claudine, at sabihang walang naitulong sa pamilya si Gretchen.

Sabi ni Jay-Jay sa PEP.ph, "But who took over the role of her parents, worked at the age of 12, and gave up her education to put her siblings to school?

"Who put food on the table, paid for the rent, electricity and hospital bills when dad suffered from his heart condition at least two times?"

Saksi raw si Jay-Jay nang maging family breadwinner si Gretchen, mula nang maging endorser ito sa edad na 12 noong 1982 at naging artista sa edad na 14 noong 1984.

Continue reading below ↓

Si Jay-Jay daw ang tumayong driver, bodyguard, at guardian sa mga shooting noon ni Gretchen.

Unang sumabak si Gretchen sa mga pelikulang Tender Love at 14 Going Steady noong 1984. May supporting roles din siya sa panahong iyon sa iba pang Regal Films movies: Life Begins at 40; When I Fall In Love; at I Love You Mama, I Love You Papa.

Nang magdalaga si Gretchen, ilan sa Seiko Films na pinagbidahan niya mula 1989 hanggang 1992 ay Ang Lihim Ng Golden Buddha, First Lesson, Beautiful Girl, Hindi Laruan Ang Puso, Tukso Layuan Mo Ako, at Lumayo Ka Man Sa Akin.

Ayon pa rin kay Jay-Jay: "Gretchen would cry to me in those days because she couldn't get any of her money, except that 100 [peso] allowance—not even money for a set of clothes. And she worked really long hours, I saw that for myself."


Continue reading below ↓

GIA: GRETCHEN was never a breadwinner

Nasangkot din sa isyu si Gia—ang pang-apat sa magkakapatid na Barretto—na kampi kina Claudine at Mommy Inday.

Sa isang open letter na ipinadala nito sa The Philippine Star noong April 26, 2013, inihayag ni Gia na sadyang malayo umano ang loob ni Gretchen sa kanilang pamilya at ito raw ang madalas na nagbibigay ng pasakit sa kanilang mga magulang.

Taliwas sa pinapalabas umano ni Gretchen, masyadong maliit daw ang kita niya sa pag-aartista noon para masabing sinustentuhan nito ang kanilang pamilya.

Ayon pa kay Gia, hindi raw nagkulang ang kanilang ama bilang provider.

"For the record, we may not have been so rich, but we were never poor.

"1. We live in big beautiful houses 2. Slept in carpeted, air-conditioned rooms, 3. Food galore.

"4. Put in an exclusive school. 5. Members of exclusive country clubs. 6. We each have our own yayas, yours even a midwife. 7. Driven by chauffeurs.

Continue reading below ↓

"Long before you were born and even after you were in show business.

"At 12 years old, could you have duplicated or taken over this kind of a style, with your meager earnings?"

Iginiit din ni Gia sa kanyang liham na si Claudine ang maaasahang takbuhan ng pamilya sa panahon ng kagipitan.

Si Claudine rin daw ang nagbayad ng tuition ni Gia nang mag-aral siya sa ibang bansa at pati na rin ang tuition ng kanilang mga pamangkin.

Bahagi pa ng liham ni Gia: "No Gretchen, it was not you who helped us during rough spots. It was Claudine.

"You could not in the life of you convince her that our parents were abusive ones.

"It was difficult for you to accept that there was somebody who actually had pure intentions of helping where help was needed."

Continue reading below ↓

JAY-JAY on financial highs and lows of barretto family

Sinagot ni Jay-Jay ang claim ni Gia na walang naitulong si Gretchen sa pamilya.

Totoo raw na maalwan ang buhay ng pamilya Barretto noong panahong nanirahan sila sa Cebu. Ten o eleven years old daw noon si Jay-Jay.

Maganda raw ang negosyo sa Cebu ng kanilang ama, kaya de aircon ang kanilang mga kuwarto sa bahay at mayroon silang country-club memberships.

Pero nang magkolehiyo raw si Jay-Jay, nawala ang negosyo ng ama at saka sila lumipat ng Manila. Mga nine o ten years old daw si Gretchen noon.

Tandang-tanda pa raw ni Jay-Jay na sa iisang kuwarto lang daw natutulog ang kanilang pamilya nang manirahan sila sa bahay ng kanyang lola sa Dian, Makati.

Kinalaunan ay nagrenta sila sa isang subdivision sa Parañaque City.

Kaya nang pumasok daw ng showbiz si Gretchen at sumikat sa pelikulang 14 Going Steady, nakatulong ang kinita nito sa pantustos ng pangangailangan ng kanilang pamilya.

Continue reading below ↓

Balik-tanaw ni Jay-Jay: "She earned a lot of money. Where did it go? Di ba wala naman siyang naipundar during that time.

"For them [his parents and Gia] to deny that and not acknowledge that? E, hindi naman tama iyon.

"Na parang pinapalabas nila na si Claudine ang tumulong. Of course not! Si Gretchen ang tumulong talaga noong umpisa.

"Noong tumulong na si Claudine, we were kinda well-off na."

Nilinaw din noon ni Jay-Jay na mataas ang respeto niya para sa ama na isa raw mabuting padre de pamilya.

Nagtrabaho ang kanilang ama para sa kanilang lola noong nasa Makati sila, at kinalaunan ay naging director sa Subic Bay Metropolitan Authority.

Ang kanilang ama rin ang tumulong na magpundar ng kanilang family home sa Parañaque City.

Sa panayam ding iyon ng PEP.ph, inamin ni Jay-Jay na matagal na ang sigalot sa pagitan nina Mommy Inday at Gretchen.

"Gretchen gave so much to the family, but in Mommy’s eyes, it’s just Claudine. Only Claudine..."

Continue reading below ↓

Hindi raw maintindihan ni Jay-Jay kung ano ang pinanggagalingan ng "galit" at "hate" ng ina kay Gretchen.

Dagdag ni Jay-Jay, "Mom never had kahit konting amor for Gretchen. Hindi ko nga alam bakit."

INDAY BLAMES unnamed child FOR family conflict

Mahihinuha rin sa mga salita ni Mommy Inday ang nabanggit ni Jay-Jay na matagal nang hindi maganda ang relasyon ng ina at ni Gretchen.

Continue reading below ↓

Sa salaysay ni Mommy Inday sa PEP.ph noong April 28, 2013, kung tutuusin ay masaya raw ang kanilang pamilya.

"Bongga" raw ang selebrasyon nila kapag may mga espesyal na okasyon, nakakapasyal sila sa magagandang lugar, at kuntento rin daw sila sa mga simpleng get-together.

Nasisira lang daw iyon sa tuwing lumilitaw ang isang taong hindi niya pinangalanan, pero matutukoy na si Gretchen ang pinariringgan.

Akusasyon ni Mommy Inday: "When she comes in the picture, nag-aaway. O, see, masama na naman ako, sinasabi ko iyan! Pero that’s the truth.

"Every time she comes back, may nag-aaway, pinapaaway niya lahat!

"For the longest time, pinapabayaan ko na."

Nagdesisyon raw si Mommy Inday na maglabas ng open letter laban kay Gretchen hindi lang dahil sa isyung nag-ugat sa pambabatikos ng isang basher kay Julia sa social media.

Nang almahan nina Gretchen at Marjorie ang basher ni Julia sa Instagram, naging palaisipan sa publiko kung bakit tila kilala nina Gretchen at Marjorie ang nakasagutang basher.

Continue reading below ↓

Pero ang balitang may kinalaman dito si Claudine ay mariing pinabulaanan ni Mommy Inday.

"But, I didn’t come at the picture because of that, and it’s not even true na iyong entering ni Julia sa showbiz? Julia just started, what, just a month ago?"

Walang katuturang isyu raw iyon.

Matalinhagang saad ng ginang, "There’s something more than that, but I don’t want to talk about it."

Bilang ina, siya raw ang "neutralizer" sa sigalot ng kanilang pamilya.

"I have to come in the picture kasi hindi iyon… it’s not anymore an issue between Claudine and Gretchen and Marjorie."

Ang sabi pa ni Mommy Inday sa April 28 interview nito:

"Lahat naman silang magkapatid has an issue against her. Anong klase akong nanay na ang mga anak ko, nagkakagulo, and I don’t do anything about it?"

FILM PRODUCERS on working with GRETCHEN

Sa kasagsagan ng Barretto family feud, may ilang taong nakatrabaho si Gretchen na nagpatunay na kumakayod noon ang aktres para makatulong sa pamilya.

Continue reading below ↓

Sa ulat ng PEP.ph noong April 27, 2013, sinabi ng dating Seiko producer na si Robbie Tan na 18 taong gulang si Gretchen nang lumapit sa kanya para mabigyan ng acting projects.

Binansagan man daw ng ST Queen si Gretchen, nilinaw ni Robbie na marketing strategy lang iyon at hindi literal na "nag-bold" si Gretchen sa mga Seiko Films lead roles nito.

Sa pagkakakilala raw ni Robbie kay Gretchen, simple at hindi raw maluho si Gretchen noon.

Pero may pagkakataon daw na humihingi ito ng cash advance.

Ani Robbie, sa pagkakaalam niya ay malaking chunk ng kinikita ng aktres ay itinutulong daw nito sa pamilya.

Continue reading below ↓

Sa hiwalay na panayam ng ABS-CBN News noong April 26, 2013, inihayag ng Regal Films matriarch na si Lily Monteverde, o Mother Lily sa industriya, na hindi niya personal na alam kung breadwinner si Gretchen ng pamilya nito.

Pero naalala raw ni Mother Lily na "excited" si Gretchen na makatulong sa pamilya sa anumang kinikita nito mula sa paggawa ng pelikula.

Ang ina raw ni Gretchen na si Mommy Inday ang may hawak ng income ni Gretchen mula sa Regal Films noon.

Ayon pa kay Mother Lily, ayaw niyang masaktan ang sinuman kina Inday at Gretchen.

Pero malapit daw sa puso niya si Gretchen, na nakausap niya sa telepono at umiiyak dahil sa isyung pinagdadaanan ng pamilya Barretto.

MOMMY INDAY LETS GO OF GRETCHEN

May 3, 2013, naglabas ng "last letter" si Mommy Inday sa The Philippine Star para sagutin ang mga isyu nila ni Gretchen.

Totoo raw na si Mommy Inday ang kumukuha ng mga tseke noon ni Gretchen mula sa Regal Films dahil minor pa noon ang aktres.

Continue reading below ↓

Pero hindi raw totoo na hindi nakinabang si Gretchen dahil ang kinikita raw nito ay ipinambayad sa kotse, driver, yaya, gasoline, food, clothes, at ibang gastusin.

Kung tutuusin ay "kulang pa" at maliit daw ang income ni Gretchen para sabihing ito lamang ang umako ng lahat ng gastusin ng kanilang pamilya noong mid-'80s.

Ayon pa kay Mommy Inday, nang tumanggap daw ng mga proyekto si Gretchen mula sa Seiko Films, hindi na raw nag-aabot ng tulong ang aktres sa kanilang pamilya.

Nagpasalamat naman si Mommy Inday dahil ang longtime partner ni Gretchen na si Tonyboy Cojuangco ang umako ng hospital bill nang ikalawang beses na atakehin sa puso ang Barretto patriarch na si Miguel.

Ayon pa rin sa open letter ng ginang, pakakawalan na niya si Gretchen para hindi na raw ito maging pabigat sa kanilang pamilya.

Sa panig ni Gretchen, naging mailap ito sa media interviews, maliban na lamang sa maiksing pahayag na ipinaabot niya sa talent manager niya noong si Boy Abunda.

Continue reading below ↓

Sabi ni Boy sa April 28, 2013 episode ng The Buzz, "Sa tanong kung bukas siya na makipag-ayos sa kanyang ina at kapatid, ang sagot ni Gretchen, 'I have no answer for a possibility of reconciliation.'"

GRETCHEN, MARJORIE DRAGGED INTO CLAUDINE'S MARITAL WOES

Hindi rito nagtapos ang banggaan sa pamilya Barretto.

Nagpatuloy ang kanilang alitan noong kasagsagan ng hiwalayan ng mag-asawang Claudine at Raymart Santiago.

Nadawit ang mga pangalan nina Gretchen at Marjorie sa complaint affidavit ni Claudine, nang idemanda nito si Raymart ng paglabag sa Violence Against Women and Children Act noong August 29, 2013.

Continue reading below ↓

Noong September 24, 2013, kasama sa isinumite ni Raymart na counter-affidavit ang sworn statements nina Gretchen at Majorie.

Hindi ito nagustuhan ni Miguel Barretto, na kampi sa bunsong anak na si Claudine.

Kadalasan ay tahimik lang si Miguel kapag naisasapubliko ang mga alitan ng magkakapatid na Barretto.

Pero sa presscon na isinagawa ni Claudine noong October 1, 2013, may buwelta si Miguel sa mga anak na sina Gretchen, Marjorie, at Jay-Jay.

Nasaktan sina Gretchen at Marjorie sa mga maanghang na salitang binitiwan ng ama noon.

Sa panayam ng PEP.ph noong October 1, 2013, nanindigan si Marjorie na hindi raw siya nakikiaalam sa personal na isyu ni Claudine.

Sa hiwalay na panayam ng PEP.ph kay Gretchen noong October 2, 2013, umapela ang aktres na sana ay huwag na raw magbulag-bulagan ang mga magulang sa mga isyung kinasasangkutan ng bunso nilang kapatid.

Continue reading below ↓

GRETCHEN'S HEATED EXCHANGE WITH A BASHER

Noong huling bahagi ng October 2013, na-trigger si Gretchen ng isang basher na inakusahan siyang hinihiya ang sariling pamilya sa publiko.

Sabi pa ng basher na may Instagram handle na @bullygretchen, kaya lang naman daw "blessed" si Gretchen ay dahil may anak ito sa isang milyonaryo.

Hindi nagpatinag si Gretchen at diretsahang kinumpronta ang basher na wari'y kilala niya.

Bahagi ng tirada ni Gretchen: "All you want from Claudine is what ever little money she has!!!!

"From here on in I will correct your every single lie.

"You despise me because you can’t have what belongs to tony & you can no longer take what is mine."

Diin ni Gretchen, kapag kinanti pa raw siya ay hindi siya mag-aatubiling ihayag ang "molestation" o pang-aabuso umano ng kanyang "narcissistic mother."

Panahon na raw para protektahan naman daw ni Gretchen ang sarili matapos ang "43 years of abuse" mula rito.

Continue reading below ↓

Inihayag din ni Gretchen ang diumano'y matagal nang insidente kunsaan nasangkot umano ang basher sa pagkawala ng mamahaling alahas sa isang jewelry store.

Sumangguni pa raw sa manghuhula ang may-ari ng jewelry store para hanapin kung saan napunta ang "missing jelwelry."

Sumagot naman ang basher na "paranoid" daw si Gretchen.

Sa kabuuan ng palitan ng mensahe ng dalawa, mahihinuhang pinaghihinalaan ni Gretchen na ang kinumprontang basher ay si Mommy Inday.

MOMMY INDAY BLASTS GRETCHEN

Muling sumabog ang galit ni Mommy Inday dahil sa "evil ways" ni Gretchen.

Noong October 27, 2013, naglabas si Mommy Inday sa PEP.ph ng kanyang full statement laban sa umano'y "character assassination" at "smear campaign" ni Gretchen.

Wala raw katotohanan ang patutsada ni Gretchen na may kinalaman siya sa "missing jewelry" sa jewelry store, kung saan bumibili ng alahas ang ginang.

Totoong sumangguni raw sa espiritista ang jewelry store owner, pero nahanap din daw ang inakalang nawawalang alahas at saka raw ibinalik kay Mommy Inday.

Continue reading below ↓

Sa inasta raw ni Gretchen ay pinatunayan nito na nais niyang sirain ang buhay ng kanilang pamilya.

Nakasaad sa pahayag ni Mommy Inday. "You now turn on your own flesh and blood—her parents whom people admire and respect that she is trying to destroy now!"

Sabi pa ng Barretto matriarch kay Gretchen: "So who do you think you really are? Princess of the Nile?

"Nakapatong lang sa kalabaw—akala mo malaki pa sa kalabaw."

GRETCHEN CONFRONTS LONGTIME ISSUES WITH MOM

Noong October 29, 2013, naglabas ng statement si Gretchen sa PEP.ph, at nakadirekta ito kay Mommy Inday.

Ayon kay Gretchen, kaligayahan na raw ng kanyang ina na pasakitan siya at panahon na raw para ilahad niya ang diumano'y pang-aabuso nito sa kanya.

Kuwinestiyon ni Gretchen ang dalawang lote sa Acropolis, Mandaluyong, na binili gamit ang kinita niya mula sa Regal Films movies at commercials niya noong '80s.

Minor pa raw siya noon kaya nakapangalan ang dalawang lote sa kanyang mga magulang.

Continue reading below ↓

Pero ganoon na lang ang gulat niya nang malaman mula sa mga kapatid na naibenta ang mga ito nang hindi niya nalalaman.

Mahilig din umanong gumawa ng kuwento ang kanyang ina na galing sila sa mayamang pamilya.

Bunyag pa ni Gretchen, "As far as I can remember, she would instruct us, her children, that we are to say that her family comes from a rich family (hacienderas) in Iloilo.

"She also told people that she was in buying and selling of houses.

"I challenge her now to produce facts to support these claims."

Hindi rin daw totoo na may-ari ang pamilya nila ng isang prawn farm sa Iloilo, ang hometown ng kanyang ina.

Pagkatapos ay inisa-isa rin ni Gretchen ang mga pelikula, commercials, at concerts na trinabaho niya noong kabataan niya.

Ani Gretchen, "Of course, I was paid good money for all these work."

Pero wala raw accounting na ibinigay sa kanya si Mommy Inday.

Continue reading below ↓

Sa puntong ito ay tinawag ni Gretchen na "narcissistic" ang kanyang ina.

Ang totoo ay napunta raw ang lahat ng kinita niya noong nagsisimula siyang mag-artista sa "basic needs" ng kanilang pamilya.

Pero sa halip na ma-appreciate ito ni Mommy Inday, minaliit raw nito ang suweldo niya pati ang trabaho bilang artista.

Ani Gretchen, "Despite the fact that my specific earnings went to help support the family, Inday demeans the source of that income that supported her, by insulting me as a woman, labeling me as an 'ST Queen,' as a point of comparison with the label of 'Teleserye Queen' for my sister, Claudine."

Sa mga sumunod na salita ni Gretchen, inamin niyang si Mommy Inday ang hinala niyang basher niya na si @bullygretchen.

Kabisado na raw kasi ni Gretchen ang mga salitang ginagamit ng ina para pasakitan siya.

"She is trying to sell this story that I am an 'evil' person who goes out of my way to destroy people’s lives. I believe she repeated that tale in her last statement.

Continue reading below ↓

"At every instance that she publishes this tale, and she does this numerous times across all social media platforms, the knee jerk reaction is to laugh.

"You just read Inday attribute to me the misdeed of 'character assassination,' in the same instrument where she refers to me as a 'stupid,' 'evil,' 'creature,' of an 'ass.'

"I wonder if Inday is too ill to see the irony."

Mahaba at detalyado ang pahayag ni Gretchen laban sa kanyang ina.

Pero paulit-ulit man raw siyang sinaktan nito, at hawak daw niya ang katotohanan.

Pasabog pa ni Gretchen, "My mother is the person who takes such pleasure in trying to break me and anything or anyone I love.

"My mother is the person who is deeply pained by my happiness."


Continue reading below ↓

CLAUDINE REFUTES GRETCHEN'S CLAIMS

Hindi na muling sumagot si Mommy Inday kay Gretchen.

Pero sa panayam ng PEP.ph noong November 2013, si Claudine ang nagtanggol sa mga magulang at sinabing gawa-gawa lang ni Gretchen ang mga akusasyon nito.

Saad ni Claudine: "Nakakatawa lang yung inabuso ka ng forty-three years… nakakatawa yun.

"Ano yun, bini-breastfeed ka pa lang, alam mo nang inaabuso ka? Yun lang ang tanong, e.

"Mathematics, simple mathematics, di ba?"

Buo raw ang suporta ni Claudine sa mga magulang.

Pasaring pa niya kay Gretchen, "Kung ano ang gusto nila, yun ang masusunod. Hindi kung sinu-sino mang nababaliw diyan."


Continue reading below ↓

Inihayag naman ni Gretchen noong November 25, 2013, sa panayam ng PEP na kumpiyansa siyang "intact" ang kanyang "credibility."

Bagamat may mga pagkakataong nalulungkot daw siya sa dinaanang kontrobersiya, ipinagpapasalamat na lang daw ni Gretchen na masaya siya sa piling ni Tonyboy at ng anak nilang si Dominique.

on RECONCILIATIONs

Ang marubdob na word war sa Barretto family noong 2013 ay nagmarka sa showbiz history.

Bukod sa ilang buwang itong tumagal, marami sa miyembro ng kanilang pamilya ang nadawit, at may mga malalim na hidwaang pampamilya ang naungkat.

Fast forward noong February 2019, nagkapatawaran ang magkapatid na Gretchen at Claudine.

Ikinatuwa rin daw ni Gretchen na nanumbalik ang dating Claudine na "very humble, very sweet girl" na kilala niya.

By March 2019, pahapyaw na nasabi ni Gretchen na hindi pa rin okay ang relasyon niya sa kanyang mga magulang.

Pero hindi na nagbitiw si Gretchen ng anumang salita laban sa mga ito.

Continue reading below ↓

Makalipas ang pitong buwan, noong October 15, 2019, pumanaw ang Barretto patriarch na si Miguel.

At noong ngang gabi ng October 16, sa burol ni Miguel, nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap ang mag-inang Gretchen at Inday.

Isinantabi raw nila ang masasakit na salitang ibinato nila sa isa't isa anim na taon ang nakakaraan.

Continue reading below ↓

Sa Instagram post ni Gretchen noong October 22, 2019, ibinahagi niya ang video ng paghaharap nila.

Caption ni Gretchen (published as is): "This was a lovely, precious moment - it was about forgiveness, love & a promise to protect our new found mother / daughter relationship.

"It was a great opportunity to mend all the nasty words thrown to each other.

"It was a dream come true for me to finally hear the words I love you from my mother ( something I thought I would never hear til the last breath of my last day.

"Words are not enough to express the feeling and the blessing."

Continue reading below ↓

Nasundan pa ito ng pagkikita nina Gretchen, Jay-Jay, Claudine, at Mommy Inday noong buwang din ng Oktubre.

May limang beses din silang nagsalu-salo kasama ng ilang mga kapamilya o mga kaibigan noong November 2019, base sa Instagram posts noon ni Claudine.


Continue reading below ↓

YEAR 2020

Ngayong 2020, hindi malinaw kung nagkaroon ng pagkakataong magkita ulit sina Gretchen at Mommy Inday.

Pero noong August 25, 2020, nag-comment si Gretchen ng kiss, heart, at prayer emoji sa Instagram post ni Claudine kunsaan makikita sa litrato sina Mommy Inday at isang apo nitong lalaki.

Ang hindi pa rin nagkakaayos ay sina Gretchen at Marjorie, na simula noong nagkaalitan sila taong 2004 ay away-bati, urong-sulong ang relasyon nila bilang magkapatid.

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
In 2013, a social-media issue unravels what turns out to be a deep divide in the Barretto family, with Gretchen and Marjorie on one side, Claudine and Mommy Inday on the other.
PHOTO/S: @marjbarretto / @juansarte / @claubarretto Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results