Wish ng music icon na si Jose Mari Chan sa Pasko ang “change of hearts” ng mga kongresistang gumisa at bumoto upang tuluyang ibasura ang franchise application ng ABS-CBN.
Bukod sa magandang kalusugan para sa mga Pilipino sa gitna ng COVID-19 pandemic, nais umano ng 75-year-old singer na mabago ang puso ng mga mambabatas na ito.
“I would like to see a change of hearts for the better, especially those congressmen that voted against the renewal of the franchise of ABS-CBN.
“Meaning, for them to realize that what they did was much more than what President Duterte was asking for,” pahayag ni Jose Mari sa panayam ng programang HaPinay ng TeleRadyo kahapon, November 9.
Unang nagpaalam sa free-to-air television ang ABS-CBN noong May 5, matapos maghain ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) upang itigil ang broadcast ng giant network sa radyo at telebisyon. Napaso ang prangkisa ng ABS-CBN noong May 4.
Nagdaos ang Kongreso ng marathon hearings para sa franchise application ng network. Pero ibinasura rin nila sa huli ang aplikasyon ng network, sa botong 70-11, noong July 10, 2020.
Malaki rin ang naging papel ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangyayari dahil hayagan ang kanyang bantang haharangin ang franchise renewal ng broadcast giant.
“I AM A STOCKHOLDER OF ABS-CBN.”
Sa panayam, binanggit ni Jose Mari ang dalawang mambabatas na nanguna sa panggigisa at panggigipit sa mga opisyales at abugado ng ABS-CBN sa hearing—sina SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta at Anakalusugan Party-list Representative Michael "Mike" Defensor.
Saad pa ng singer, “I’d like to see a change of heart in Marcoleta, Defensor, because they were the ones who seemed to be very angry against our network.”
Bukod sa dalawa, ang iba pang mga kongresista na naging prominente sa franchise renewal hearing ay sina Cavite 7th District Representative Jesus Crispin Remulla, Cavite 2nd District Representative Elpidio Barzaga Jr.. at DUMPER-PTDA Party-list Representative Claudine Bautista.
Bilang Kapamilya at stockholder ng ABS-CBN, nalulungkot daw si Jose Mari sa pagsasara ng network lalo na para sa libu-libong manggagawa na nawalan ng trabaho.
“And I speak like that because I am a Kapamilya, I am a stockholder of ABS-CBN.
“So I was very disheartened, and I was very sad that the hatred of people can destroy the jobs of thousands of people.”
Base sa listahan ng personalities na kabilang sa Top 100 stockholders ng ABS-CBN Corporation, as of March 31, 2019, nasa ika-siyam na puwesto si Chan.
Bukod sa pagiging singer, si Jose Mari ay chairman at CEO din ng Binalbagan Isabela Sugar Company, Inc. (BISCOM) at A. Chan Sugar Corporation.
Siya rin ang chairman at presidente ng Signature Music, Inc.
Base sa ibinigay na halimbawa sa Facebook page ng MONEY Abundance, si Jose Mari Chan ay kasalukuyang may hawak na 1,257,130 shares sa ABS-CBN.
Kung minultiply ito sa kasalukuyang presyo na P16.56 per share (noong February 2020), ang suma tutal nito ay P20,818,072.80 milyon.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika