Labing-anim na taon na ang nakalilipas buhat nang magdesisyong manirahan sa Amerika ang dating aktres na si Kim delos Santos.
Ito ay matapos makipaghiwalay sa kanyang ex-husband na si Dino Guevarra noong 2004.
Si Kim ay dating Viva artist at naging bahagi ng '90 youth-oriented drama series ng GMA-7 na T.G.I.S. Mga kasabayan niya sina Dingdong Dantes, Sunshine Dizon, Polo Ravales, at si Dino.
Kim with her co-T.G.I.S. cast members
Hindi kaagad nakapag-aral si Kim nang mag-migrate sa Amerika, kaya 2007 na nang mag-enroll siya sa isang nursing school.
Nursing ang kursong pinili ni Kim dahil maging nurse ang kanyang pangarap noong bata pa siya.
Pahayag ng 39-year-old former actress, "I don’t regret leaving the Philippines because it gave me the opportunity to spend time with my dad before he died in 2015.
"Nurse na ako noon, I was able to take care of him.
"My dad was the one who put me to school. Tatay ko ang nagpaaral sa akin."
Ngayon ay nagtatrabaho siya bilang isang dialysis nurse sa isang clinic sa Houston, Texas.
"I work as a dialysis nurse. Yung dialysis patients, after a while, nagiging parang pamilya mo na rin sila kasi consistent naman ang mga pasyente ko.
"They come three times a week so mas may personal relationship.
"Kapag nawala sila, mahirap. You can’t help but cry. May mga pasyente na rin ako na iniyakan."
Eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kim sa pamamagitan ng Facebook messenger video call ngayong Miyerkules, December 9.
MOST UNFORGETTABLE EXPERIENCE AS A NURSE
Ang dialysis patient ni Kim na napagkamalang may COVID-19 ang isa sa mga hindi makalilimutang karanasan niya bilang dialysis nurse.
Ikinuwento ni Kim sa PEP.ph na awang-awa siya sa pasyenteng ilang araw na hindi sumailalim sa dialysis treatment dahil walang may gustong mag-alaga.
"Bagets pa siya, mga nasa bente lang siguro, and then hindi siya na-dialysis ng mga tatlo o apat na araw.
"Walang gustong kumupkop sa kanya dahil baka may COVID nga.
"Nung time na inaalagaan ko siya, mangiyak-ngiyak siya. Sabi niya, ‘Salamat, ha? Inaalagaan mo ako, hindi ka natatakot. Ayaw nila akong tanggapin.’
“Nang malaman-laman namin, wala siyang COVID dahil bronchitis ang sakit niya. Bronchitis, pero hindi siya na-dialysis kasi hindi nila alam kung paano i-handle. Everyone was scared.
"But then, our clinic, because we’re trauma clinic, they have no choice but to send her to us.
"Noong time na sinabi sa amin na kailangan ng volunteer nurse, at dahil siguro single ako, lukaret ako, kaya malakas ang loob ng gaga!
"Sabi ng boss ko, 'We’re looking for volunteers kung sino ang gustong magtrabaho.'
"Aba, nag-volunteer ako. Sabi ko, bahala na sa akin si Lord."
TAKING CARE OF POSSIBLE COVID PATIENTS
Ang kanyang mga magulang at mga kapatid ang itinuturing ni Kim na pinakamalaking biyaya na kanyang natanggap mula sa Panginoon. Ang kanyang pamilya raw kasi ang naging sandigan niya sa lahat ng panahon at pagkakataon.
Pag-amin ni Kim, “There was a time na hindi ko sila masyadong pinansin when I was younger.
"But then, when you get older, you realize sila pa rin pala ang kailangan mo.
"Kung ano ako ngayon, blessing ito ni Lord kasi unti-unti kong iginapang ‘yan, and suwerte ako dahil God blessed me with friends.
"Kahit sa Pilipinas or here, I met good people, at lagi Niya akong ginagabayan, so thankful ako."
Sabi pa niya, "Masaya ako dahil nakabili na ako ng bahay rito. Nandito yung family ko. Magkakasama kaming lahat."
May pagkakataon daw na nakakitira si Kim sa kanyang kapatid na si Dennis delos Santos, na isa ring dating artista, nang nagpapagawa siya ng bahay.
Lahad niya, "Nakitira muna ako kay Kuya. Kinupkop muna nila ako so I can save the money.
"He let me stay with them, and then lumabas ang pandemic.
"Nag-alaga kasi ako ng COVID-19 patient, pero kinausap ko muna sila.
"Sabi ko, mag-aalaga ako ng mga pasyente na baka may COVID. Baka, so hindi pa sila positive,.
"Kasi yung clinic namin, trauma clinic. Kahit may bagyo, may lunod, may flood or whatever tragedy happens, they all go to our clinic.
"Lagi kaming open dahil doon kami sa parang pinakamalaking medical center ng Houston.
"Whether rain or shine, or kung anuman mangyari, we need to go to work.
"After na magkaroon ako ng exposure sa COVID-19 patient, nagkulong ako ng kuwarto ng two to three days.
"Kasi ayokong lumapit sa kanila, kasi nga may mga bata. Baka mahawa sila, konsensiya ko.
"Naawa sa akin ang sister in-law ko. Sabi niya, 'Kim, sige na, lumabas ka na ng kuwarto. Okey ka na. Wala ka naman sigurong sakit.'"
KIM LEARNS TO FIGHT BACK
Naranasan daw ni Kim na makatikim ng mura at maging biktima ng diskriminasyon noong baguhan pa lamang siyang nurse dahil hindi maiiwasan ang mga pasyenteng salbahe. Pero ito raw ang dahilan ng pagiging matapang niya.
Saad niya, “Nung una akong nag-start bilang nurse, umiiyak ako. I used to cry. I wanted to quit.
“Tinawag akong mataba ng pasyente. Yun ang time na mataba pa ako.
"Sabi niya, ‘I don’t want that fat lady to take care of me. She’s faaat! She also moves slow!’
“As in umiiyak talaga ako. Magsusumbong ako sa boss ko.
"Sabi niya, ‘You know, you need to be strong.' Mabait yung boss ko, Pilipina.
"Kung hindi ako inalalayan noong una akong magtrabaho dito, I don’t think I will last."
Kim delos Santos before and after
Ayon pa kay Kim, "Sa Amerika ako natutong maging matapang.
"Hindi na ako ganoong kabait na parang, 'yes ma’am' nang 'yes ma’am.' Hindi pwede sa Amerika ‘yon. Hindi ka uubra.
"Talagang kakawawain ka dito kaya natuto akong lumaban. Natuto akong sumagot.
"Kaya ngayon, kapag may mga bastos, talagang sinasabi ko na 'I don’t appreciate the way you’re talking to me.'"
BREAKUP WITH HER FIANCÉ
Umuwi ng Pilipinas si Kim noong July 2017 para magbakasyon, pero ito rin ang panahong nagkahiwalay sila ng kanyang Filipino fiancé na karelasyon niya ng halos sampung taon.
“We broke up 2017 pa. Three years na.
"Mutual decision ang paghihiwalay namin. Siguro sa tagal namin, we grew apart.
"Minsan parang nasa point ka rin na when you get older, it’s like you’d rather be alone than be alone while you’re with someone.
"Ang lalim ng hugot, ha!" natatawa niyang sabi.
Dugtong pa niya, "Bakit ka magtitiis kung hindi mo rin alam kung saan… although we were planning to get married, that’s why we moved here in Texas, sumunod kami kay Kuya Dennis.
"We were actually planning to get married pero laging nauudlot. So, sabi ko, baka hindi talaga kami para sa isa’t isa."
Naiisip ba ni Kim na habampanahon na ang pagiging single niya?
Sagot niya, “Hindi naman, pero nasa punto na ako na okey na ako. Kasi ang hirap din. Ilang years din kami, halos ten years.
"Silang dalawa ni Dino, kalahati na ng buhay ko—seven years kay Dino, ten years sa ex-fiancé.
"Ngayon, magpo-forty na ako next year. Happy naman ako, wala akong gustong baguhin.
"I am who I am because of what I had been through, and everything happens for a reason."
Ang pinakamaganda raw nangyari sa buhay ni Kim ay naging malapit siya sa Diyos.
"Lumakas ang personal relationship kay God nang maghiwalay kami ni Dino. Nag-start siya doon 'tapos nag-grow na lang siya.
"Nag-relax lang nang maging boyfriend ko ang ex-fiancé ko.
"After a while, lagi kong itinatanong kay Lord, 'Eto na ba ito? Parang may kulang...'”
ON FORGIVING DINO
Nang mabanggit niya si Dino, tinanong ng PEP.ph kay Kim kung nagkaroon sila ng komunikasyon pagkatapos ng kanilang paghihiwalay noong 2004.
Pinagpistahan ito ng mga showbiz talk shows at gossip sections ng mga diyaryo dahil sa naging palitan nila ng mga akusasyon.
Sabi ni Kim, "No, I haven’t spoken to him ever since. But I know he tried to reach out a couple of times, but then…
"Ngayon, wala na akong paki. They say time heals all wounds, and it’s true."
Napatawad niya na ba si Dino?
"Matagal ko na siyang napatawad.
"But the only thing is that tama na yung napatawad ko siya, pero hindi naman kailangan maging friends kami.
"Wala nang galit, but it’s like there’s no reason for us to build a relationship. What for?
"But right now, I’m at the point where come what may. It’s not like I’m gonna say... kapag may nagsabi na may guesting kayong dalawa, bawal.
"Before, medyo ayaw ko pa rin. Now, wala na.
"I guess when you get older, it’s nothing, especially with things that happened like this," pagtukoy ni Kim sa pandemya.
"Yung mga ganitong pangyayari, everything changes, your full perspective, and everything."
Paano kung dumating ang araw na kailangan ni Dino ang tulong ni Kim bilang nurse, handa ba siyang alagaan ang dating asawa?
“Oh, yeah!” ang walang pag-aalinlangang sagot ni Kim.
“I chose my profession and I love my profession. The same way na mahal ko dati ang showbiz at minahal ko ang pag-aartista.”
Nakaplanong bumalik ng Pilipinas si Kim ngayong 2020 pero hindi natuloy dahil sa coronavirus pandemic.
Ang pagkonsulta sa beauty doctor na si Dra. Vicki Belo ang isa sana sa mga dahilan ng pagbisita ni Kim sa bansa.
Malaki na ang ipinayat ni Kim, pero gusto nitong hingin ang tulong ni Dra. Belo para mawala ang excess skin sa katawan niya.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika