Aminado si Kris Bernal na nakaramdam siya ng matinding kalungkutan nang magtapos at hindi na-renew ang exclusive contract niya sa GMA-7 nitong 2020.
Ibig sabihin, hindi siya nakatali sa Kapuso network at wala pang konkretong offer na TV series sa kanya roon.
Sabi ni Kris sa PEP Exclusives: "Actually, sabi ko nga when my contract expired, being in the industry for 13 years, masakit sa akin na my contract was not renewed.
"At saka, first time ko rin to be a freelancer."
Hindi raw malaman noon ng 31-year-old actress kung anong patutungahan ng kanyang career.
"Honestly, may weeks talaga na na-depress ako.
"Hindi ako lumalabas ng bahay. Hindi ako nag-aayos. Hindi ako nagpapakita to anyone.
"Kasi nga, parang I couldn't figure it out at first."
Tanong daw niya sa sarili: "Bakit? Anong kulang? Anong ginawa ko?"
Nitong buwan ng December nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kris sa PEP Exclusives via online streaming session.
Noong September unang inahayag ni Kris ang tungkol sa pagtatapos ng kontrata niya sa GMA-7.
Kasabay nito ay umalis siya sa GMA Artist Center, ang talent management arm ng Kapuso network, na naging tahanan niya sa loob ng 13 taon.
Exclusive Kapuso star siya mula nang manalo bilang kalahati ng StarStruck 4 Ultimate Love Team, katuwang si Mart Escudero, noong 2007.
Labindalawa ang pinagbidahang teleserye ni Kris sa GMA-7, kabilang ang Hanggang Sa Dulo ng Buhay Ko; Asawa Ko, Karibal Ko; Impostora; Little Nanay; at Coffee Prince.
MOVING FORWARD
Sa kabila ng pagkawala ng exclusive network contract, kinalaunan ay nalampasan din naman daw ni Kris ang kalungkutan niya.
Naintindihan daw niyang hindi talaga lahat ng artista ay maa-accommodate ng GMA-7 sa ngayon.
Lahad ni Kris: "Pero at the end of the day, I wholeheartedly understood GMA, kasi nga we're in the middle of a pandemic.
"And I understand na may mga contract artists pa sila na kailangan nilang tutukan, kailangan nila bigyan ng trabaho.
"So, naintindihan ko naman po."
Malaking bagay rin daw na naramdaman niya ang pagmamahal ng mga taong malapit sa puso niya.
Aniya, "Pero alam mo, nakakuha rin kasi ako ng support sa fiancé ko, sa family ko, sa friends ko in show business.
"So, naramdaman ko it's time for me to explore na rin. It's my chance to grow na rin as an actress.
"Ganun ko na lang siya tinake."
Si Kris ay na-engage sa longtime non-showbiz boyfriend niyang si Perry Choi noong Pebrero 2020.
KRIS'S PROJECTS ON TV5 AND GMA-7
Sa kasalukuyan, bida si Kris sa weekly TV5 drama series na Ate ng Ate Ko, na nagsimula noong November 23.
Katambal niya rito si Jake Cuenca, na kilalang Kapamilya star at ngayon ay napapanood sa Kapatid network.
Nagkaroon din siya ng solo dance number sa Sunday musical-variety show ng TV5 na Sunday Noontime Live noong November 28.
Pero kahit freelance artist na siya, siniguro raw ni Kris na ipinaalam pa rin niya nang maayos sa GMA-7 management ang kanyang proyekto sa TV5.
Mapapanood din si Kris sa two-part Christmas special para sa Tadhana, ang drama anthology ng GMA-7 na hinu-host ni Marian Rivera.
Simula nitong December, si Kris ay nasa pangangalaga ng Cornerstone Talent Management, ang talent management company na pinamumunuan ni Erickson Raymundo.
Abangan ang on-cam interview ni Kris Bernal sa PEP Exclusives para sa full story ng estado ng kanyang career, update sa kanyang wedding preparation, at mga negosyong pinagkakaabalahan niya ngayon.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika