Showbiz history: Celebrity couples who broke up via text or phone call

by Rachelle Siazon
Dec 26, 2020
PEP.ph looks back on controversial celebrity breakups without formal closure. This list includes ex-couples John Lloyd Cruz and Angelica Panganiban, Ellen Adarna and Baste Duterte, Sarah Geronimo and Rayver Cruz, Heart Evangelista and Jericho Rosales.
PHOTO/S: @iamangelicap Instagram / Noel Orsal for PEP.ph (Sarah and Rayver, Jericho and Heart)

Nakatatak na sa showbiz history ang celebrity couples na bukod sa hindi nagkatuluyan ay walang formal closure ang kanilang breakup.

Gaano kakontrobersyal ang breakup nila noon? Kumusta ang love life nila ngayon?

1. Heart Evangelista and Jericho Rosales

Puno ng lungkot at pagkagulat si Jericho Rosales nang biglaang makipaghiwalay sa kanya si Heart Evangelista noong May 2008.

Nasa Malaysia si Jericho nang aminin ni Heart on national television na hiwalay na sila ni Jericho.

Sa Malaysia kinunan ang ilang bahagi ng eksena para sa Kahit Isang Saglit, ang teleseryeng pinagbidahan ni Jericho at Malaysian actress na si Carmen Soo.

Kakalipat naman noon ni Heart sa GMA-7 mula sa pagiging homegrown star ng ABS-CBN.

Pagbalik ni Jericho sa Pilipinas, nasa airport pa lang siya ay nakapanayam na siya ng ABS-CBN News ukol sa breakup nila ni Heart.

"Sad news and, you know, there's been a big mistake," bungad noon ni Jericho.

Continue reading below ↓

"I, myself, I'm confused, e. I heard nakipag-break siya sa akin on TV, e, so... On text, it wasn't clear, e."

Sa sumunod na panayam ni Jericho sa The Buzz, kinumpirma niyang mayroon siyang final phone call na natanggap mula kay Heart at pagkatapos noon ay naputol na ang komunikasyon sa pagitan nila.

Si Heart naman kasi ang lumipad patungong Dubai para sa taping ng Codename: Asero, ang GMA-7 teleserye na pinagbidahan nila ni Richard Gutierrez.

Sa hiwalay na panayam ng Showbiz Central kay Heart, malinaw na buo ang paniniwala ng aktres na may third party umano sa panig ni Jericho.

Depensa ni Heart, matagal nang alam ni Jericho na hiwalay na sila.

"Nakipag-break ako sa kanya sa telepono dahil sobrang sakit ng ginawa niya sa akin. Kaya para sa akin, hindi ko na kayang...

"Ayoko na siyang harapin, ayoko na siyang kausapin, kaya nakipag-break ako sa kanya sa phone."

Continue reading below ↓

Dalawang babaeng nakatrabaho ni Jericho ang pinaghinalaan ni Heart na third party sa kanilang relasyon noon.

Pero mariing pinabulaanan iyon ni Jericho. Hindi raw niya magagawang lokohin ang babaeng pinakamamahal niya.

Sabi ni Jericho sa The Buzz: "Here is a man, okay? Loving a girl very much and truly. How can I?

"At this point dito sa buhay ko, dito sa sarili ko, pagsasabayin ko ang dalawang babae... and I look like this, miserable?

"I don't think I can do that."

Sinubukan ni Jericho na makipag-ayos kay Heart, pero nabigo ito.


Continue reading below ↓

Sa panayam ng YES! Magazine noong 2013, inamin ni Heart na may pagkakataong naghintay si Jericho ng limang oras sa tinitirhan niyang condo para lamang makausap siya.

Pero hindi raw sinabi ng ina ni Heart na naroon si Jericho kaya hindi na nagkita pa ang dalawa.

Ayon kay Heart, napaniwala umano siya ng kanyang mga magulang na may ibang babae si Jericho kaya nagkaroon siya ng pagdududa sa kanilang relasyon.

Sa loob ng halos tatlong taong relasyon noon nina Heart at Jericho, hindi kaila sa publiko na hindi pabor ang mga magulang ni Heart kay Jericho.

Sa kabila nito, sinabi ni Heart sa YES! noong 2013 na naintindihan daw niyang sadyang nakikialam noon ang kanyang ina sa love life niya dahil sa sobrang takot na mawalay siya rito.

Umusbong ang pag-iibigan nina Heart at Jericho noong magtambal sila sa Panday, ang ABS-CBN primetime series na umere mula Novembe 2005 hanggang May 2006.

Continue reading below ↓

Current status: Si Heart ay halos anim na taon nang kasal kay Sorsogon Governor Chiz Escudero, habang si Jericho ay higit anim na taon nang kasal sa itinuturing niyang "great love" na si Kim Jones.

2. Sarah Geronimo and Rayver Cruz

Ayon sa YES! Magazine March 2011 report, isang "speakerphone incident" ang naging mitsa ng hiwalayan nina Sarah Geronimo at Rayver Cruz noong April 2010.

Noong panahong iyon, papausbong ang madalas na komunikasyon ni Rayver kay Cristine Reyes via BBM.

Habang lihim namang magkarelasyon sina Sarah at Rayver noon.

Silang tatlo ay pare-parehong Kapamilya stars.

Inamin ni Rayver sa YES! na nagkamali siya na dinenay niya si Sarah kay Cristine, at pinabulaanan niya kay Sarah na kung di man nanliligaw ay nagkakagusto na siya kay Cristine.

Si Anna Dasig na malapit na fan/friend ni Sarah ang may pakana ng three-way call para magkatapatan sina Sarah, Rayver, at Cristine.

Sa pamamagitan ng phone call, kinumpronta ni Cristine si Rayver tungkol kay Sarah.

Continue reading below ↓

Kasama noon ni Cristine si Ana, na naka-loudspeaker ang phone para marinig naman ni Sarah ang usapan nina Rayver at Cristine.

Hindi alam ni Rayver na naka-loudspeaker ang phone call.

Sinabi ni Rayver kay Cristine na gusto na niyang makipaghiwalay kay Sarah at kumukuha lang siya ng tamang tiyempo para kausapin ang nobya.

Narinig ni Sarah ang mga sinambit ni Rayver.

Pagkatapos ng phone call nina Rayver at Cristine, tumawag naman si Rayver kay Sarah upang makipaghiwalay sa singer-actress.

Paliwanag ni Rayver sa YES! ukol sa usapan nila ni Sarah: "Sinabi ko talaga, sobrang nagso-sorry talaga ako, di ko alam kung paano ito aayusin. Di ko alam kung paano aayusin, kasi wala na, e. Nag-sorry ako. Sobrang nag-sorry ako sa phone."


Continue reading below ↓

Bago pa pumasok sa eksena si Cristine, malaking pagsubok sa relasyon nina Sarah at Rayver ang mahigpit na pagtutol ng mga magulang ni Sarah kay Rayver.

Sa loob ng isang taon nilang relasyon, dalawang beses lamang sila nagkita ng personal—una ay tumagal lang ng 30 seconds at ang pangalawa ay 30 minutes naman.

Panay phone call at Skype video call lang ang kanilang form of communication.

Hindi pa kasi pinapayagan si Sarah ng kanyang mga magulang na makipagrelasyon.

Nais ni Sarah na maghintay si Rayver ng limang taon, at nangako naman daw si Rayver na kaya nitong maghintay.

Pero sa huli ay nauwi sa hiwalayan ang relasyon ng magkasintahan.

Current status: Si Sarah ay ikinasal sa longtime boyfriend na si Matteo Guidicelli noong February 2020. Si Rayver ay kasintahan naman ang aktres na si Janine Gutierrez.

3. ANGELICA PANGANIBAN AND DEREK RAMSAY

Isang phone call ang nagtapos sa anim na taong relasyon noon nina Angelica Panganiban at Derek Ramsay.

Continue reading below ↓

Ayon sa paglalahad ni Angelica sa Star Studio Magazine noong April 2013, nagkaroon daw sila ni Derek ng mainit na pagtatalo habang nasa Boracay ang aktor at nasa Manila naman si Angelica.

February 2012 naganap ang phone call na iyon.

Ayaw raw sana ni Angelica na sa telepono nila pag-usapan ang kanilang isyu, pero pilit daw siyang tinanong ni Derek kung ano ang kanyang nararamdaman para rito.

"Wala. Wala na akong nararamdaman," sagot daw ni Angelica.

Hindi raw nagdalawang-isip si Derek na sabihing, "Okay, it's over."

Nagbigay rin si Angelica ng tatlong dahilan umano ng hiwalayan nila ni Derek:

1. Ang pagiging "controlling boyfriend" umano ng aktor; 2. Kawalan ng suporta umano ni Derek sa paghahanap ni Angelica sa kanyang ama; 3. Ang noo'y hindi pa napapa-annul na kasal ni Derek sa isang non-showbiz girl.

Continue reading below ↓

April 2012 nang unang maglabas ang PEP.ph ng maiksing ulat tungkol sa hiwalayan nina Derek at Angelica.

Pinabulaanan iyon ng dalawa noon.

Pero pagsapit ng May 2012, kinumpirma ni Derek via Twitter na wala na sila ni Angelica.

Pinabulaanan ni Derek na third party ang dahilan ng kanilang breakup.

Makalipas ang anim na buwan, nagpakawala si Angelica ng tweets na nagsasabing "napagod" na raw siyang "magtiis" kaya nag-initiate siyang makipag-break kay Derek.

Malaman din ang hirit ng dalaga na nagkaroon ng "6th party" sa relasyon nila ni Derek noon.

Sumagot si Derek sa pamamagitan din ng Twitter.

Ayaw raw niyang masamain kung anuman ang opinyon ni Angelica, pero para sa kanya ay maganda naman ang pinagsamahan nila.

Current status: Nitong November 2020, napabalitang isang foreigner businessman na nakabase sa Subic ang sinasabing bagong karelasyon ni Angelica. Si Derek ay kahihiwalay lang sa girlfriend nito na si Andrea Torres noong November 2020.

Continue reading below ↓

4. ANGELICA PANGANIBAN AND JOHN LLOYD CRUZ

Idinaan ni Angelica Panganiban sa biro na tila nabiktima umano siya ng ghosting ni John Lloyd Cruz.

Wala raw kasing formal closure ang hiwalayan nila noon.

Napag-usapan kasi ni Angelica at ng mga kaibigan niyang sina Kim Chiu at Bela Padilla kung dyodyowain o totropahin ba nila si John Lloyd Cruz. Bahagi iyon ng challenge sa vlog ni Kim noong October 10, 2020.

"Bakit nasaan ba siya ngayon? Nahanap na ba siya?" hirit ni Angelica.

Tila tinutukoy ni Angelica ang pagiging lie-low ni John Lloyd sa showbiz.

Sumagot si Bela na base sa huling balita ay nahanap na raw si John Lloyd.

Sa madaling salita, unti-unti nang nagpaparamdam ang aktor sa showbiz world matapos ang tatlong taong pag-iwas nito sa pag-aartista.

Hirit na mensahe ni Angelica para kay John Lloyd, "Kung nahanap ka na, baka naman pwede magparamdam ka at magpaalam ka one last time."

Continue reading below ↓

Nagsingit si Kim ng heartbroken emoji habang nagsasalita si Angelica.

Hindi kaila sa publiko ang tungkol sa masalimuot na hiwalayan nina Angelica at John Lloyd.

Naging opisyal silang magkarelasyon noong July 7, 2012, hanggang sa nagkahiwalay sila noong January 2016.

Bagamat naging bukas si Angelica sa sakit ng breakup nila ni John Lloyd, may panahong nanumbalik ang pagiging magkaibigan ng dalawa.

Continue reading below ↓

Kung nagbalikan man sila, hindi na nila opisyal na ipinaalam sa publiko. Basta't may mga ilang okasyong namamataang magkasama sila.

Pero simula September 2017, naging tampok ng usap-usapan ang kontrobersiyal na pagkakamabutihan nina John Lloyd at Ellen Adarna.

January 2018 nang kumpirmahin ni Ellen na sila na ni John Lloyd.

Noong buwan ding iyon, nagpahaging si Angelica sa karanasan niyang maagawan ng nobyo.

Ani Angelica, panay pa raw ang post sa social media ng litrato ng hindi pinangalanang ex-boyfriend at bago nitong girlfriend na parang wala raw nasaktang ibang tao.

Mahihinuha sa mga bitiw ng salita noon ni Angelica na ang tinutukoy niya ay sina John Lloyd at Ellen.

Nasundan pa ito ng panayam kay Angelica sa Supreme, kunsaan sinabi niyang walang closure ang hiwalayan niya at ng huling nakarelasyon.

Lumalabas na na-ghost si Angelica ng kanyang ex dahil bigla na lang daw hindi ito mahagilap noong gusto niyang makausap.

Continue reading below ↓

Aniya, "Yung pinakamalala, yung di ka brineakan, 'tapos ikaw, parang, 'Ha? Akala ko tayo?'"

Imposible naman daw walang signal sa kung nasaang lugar ang hindi pinangalanang lalake dahil viral ang litrato nito kasama ng bagong babae sa buhay nito.

Sa isip-isip daw ni Angelica noon, "So, sabi ko, 'Sila na siguro, di lang ako na-inform.'"

Sa panayam niya sa Magandang Buhay noong February 2018, malaman din ang mga hirit ni Angelica na mayroon daw siyang naging kasintahan na sa text message lang nakipag-break sa kanya.

Hindi niya lang tahasang tinukoy kung si John Lloyd ba ito, o kung sino sa dalawa pa niyang ex na sina Derek Ramsay at Carlo Aquino.

Pabirong sabi ni Angelica, "Hanggang text lang ba naipundar ko? Ang dami kong naibigay, 'tapos nung hiwalayan, hanggang text lang? I don't deserve it."

Sana man lang daw ay isinalang-alang ng kanyang ex-boyfriend ang kanilang pinagsamahan.

"Maganda yung, 'Tapusin na natin 'to.'

Continue reading below ↓

"Oo, may galit 'yan, may pain 'yan, pero alam mo eventually na pwede kayo maging magkaibigan kapag tinapos ninyo sa maayos na paraan."

Current status: Si John Lloyd ay hiwalay na sa huling nakarelasyon nito na si Ellen Adarna. Mayroon silang two-year-old son na si Elias.

5. Bianca KING AND Dennis Trillo

Bandang November 2012 nang maghiwalay sina Bianca King at Dennis Trillo.

Halos isang taon silang naging magkarelasyon. Pareho rin silang GMA stars noon.

Nang makanayam ng PEP.ph at ibang reporters noong December 2012, todo-iwas si Dennis na pag-usapan ang kanilang breakup.

Pero kinalaunan ay inamin niyang nagpasya sila ni Bianca na mag-"lie low" at i-prioritize na lang muna ang kani-kanilang showbiz career.

Continue reading below ↓

Makalipas ang dalawang taon at apat na buwan, noong April 2015, saka lamang inamin ni Bianca na sa pamamagitan lang ng text message nakapaghiwalay sa kanya si Dennis.

Lubha raw nasaktan si Bianca lalo pa't sa cellphone lang niya nabasa ang breakup text sa kanya ni Dennis.

Kasagsagan din daw iyon ng pagkakasakit ng kanyang ama at lola, kaya halos hindi raw alam ni Bianca kung paano haharapin ang bukas.

Pero unti-unti siyang bumangon nang mas tutukan niya ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya.

Sabi ni Bianca: “Mga one month after po naka-get over na ako. Kasi po, hindi po magandang gawin yun sa kahit na sinong tao.

"Kahit hindi mo man mahal yung tao, bilang respeto mo sa tao, maganda na makapag-usap nang face to face.

"Kahit hindi breakup, yung important na usapan, I think, it’s better in person."

Current status: Going strong ang relasyon ni Dennis Trillo at longtime girlfriend na si Jennylyn Mercado. Masaya rin si Bianca sa piling ng British boyfriend na si Ralph Wintle. Si Ralph ay kapatid ni Ben Wintle, ang asawa ng aktres na si Iza Calzado.

Continue reading below ↓

6. Ellen Adarna and Baste Duterte

Humigit-kumulang pitong buwan ang itinagal ng relasyon nina Ellen Adarna at Sebastian "Baste" Duterte.

Si Ellen ay sexy star noon sa ABS-CBN, habang si Baste ay anak ni President Rodrigo Duterte.

November 2016 ay sweet pa sina Ellen at Baste base sa viral kissing photo nila na kuha sa Japan.

Continue reading below ↓

Pero pagsapit ng December 2016 ay bigla na lang daw nakipaghiwalay si Baste kay Ellen sa pamamagitan ng text message.

Kuwento ni Ellen sa PEP.ph, "It was a very weird breakup.

"Instead of parang girlfriend na 'Good morning,' ganyan-ganyan, ang text niya, 'Ano kaya kung maghiwalay tayo?'

"Question mark. Siya ang nagsabi.

"And then, ayun, hindi na kami nag-usap."

Hindi sinabi ni Ellen ang dahilan ng kanilang breakup.

Pero noong February at March 2017, mismong si Baste ang nagbunyag sa social media na pinagsabay niya si Ellen at non-showbiz girlfriend na si Kate Necesario.

Pareho raw alam nina Ellen at Kate ang tungkol sa pakikipagrelasyon niya sa mga ito, at payag naman daw ang dalawa sa kanilang set-up.

Pero kinalaunan, ayon kay Baste, madalas siyang awayin ni Ellen dahil hindi nito matiis na mayroon siyang iba.

Hanggang sa nakipaghiwalay na raw si Baste kay Ellen.

Current status: Hiwalay na si Ellen kay John Lloyd Cruz, na ama ng kanyang anak. Hindi malinaw kung sino ang kasintahan ni Baste ngayon, pero hindi pa rin ito ikinakasal sa ngayon.

Continue reading below ↓

7. Rachelle Ann Go and John Prats

Nabalitaan na lang ni Rachelle Ann Go na hiwalay na pala sila ni John Prats noong June 2011.

Nagulumihanan daw si Rachelle Ann sa bilis ng pangyayari dahil nasa Singapore siya nang pumutok ang balita.

Ang The Buzz host na si Toni Gonzaga ang nagsapubliko na break na raw sina Rachelle Ann at John "for the longest time."

Base sa June 12, 2011 episode ng show, sinabi rin ni Toni na sa pagkakaalam niya ay hindi third party ang dahilan ng breakup.

Hindi pa raw mag-on noon sina John at Bianca Manalo, na parehong co-hosts ni Toni sa defunct Kapamilya noontime show na Happy Yipee Yehey!

Pero ramdam daw ni Toni na nagkakagusto na si John kay Bianca.

Makalipas ang ilang araw, noong June 17, 2011, kinumpirma ni John sa Happy Yipee Yehey ! na siya ay "single."

Kinagabihan noon, nakorner ng PEP.ph si Rachelle Ann sa Party Pilipinas, ang defunct Sunday musical-variety show ng GMA Network.

Continue reading below ↓

Nilinaw ni Rachelle Ann na wala pa silang formal breakup ni John noong pumutok ang balita ukol dito.

Pagkabalik daw ni Rachelle Ann galing Singapore, nagulat na lang daw siya nang marami siyang natanggap na text messages at tweets kaugnay ng isyu.

"Ang hirap kasing magsalita kasi medyo magulo talaga. Magulo po lahat, so hindi pa rin kami kasi nag-uusap, so hindi ko rin alam," ani Rachelle Ann sa panayam ng PEP.ph contributing writer na si Gorgy Rula.

Ano ang masasabi niya sa pag-anunsiyo ni John single na ito?

Nag-aalangang sagot ni Rachelle Ann, "Yun na po ang sinabi niya, e, di yun na po yun."


Continue reading below ↓

Nang makapanayam ng PEP.ph si Rachelle Ann noong June 17, ang sabi niya ay wala pang isang linggo mula nang tuluyang naghiwalay sila ni John.

Hanggang sa noong July 29, inulat ni Ricky Calderon ng The Philippine Star na si John ang nag-initiate ng breakup nila ni Rachelle Ann sa pamamagitan lamang ng text message.

July 15 daw nang ipadala iyon ni John kay Rachelle Ann at hindi na nito kinausap ang singer.

Kinalaunan, noong August 2011, sa panayam ng PEP.ph sa isang presscon, inamin ni Rachelle Ann may "tampuhan" sila ni John bago ang kanilang hiwalayan.

Pakiramdam niya ay lumaki lang daw dahil sa mga isyung galing sa ibang tao.

Isang linggo matapos ang kontrobersiya noong July 2011, sinubukan pa raw ni John na kausapin siya pero umayaw na raw si Rachelle Ann.

Aminado rin si Rachelle Ann na isang factor ang kakulangan ng oras nila ni John para sa isa't isa kaya tumagal lamang ng pitong buwan ang kanilang relasyon.

Continue reading below ↓

Current status: Ikinasal si Rachelle Ann Go sa American boyfriend niyang si Martin Spies noong April 18, 2018. Pitong buwan nang buntis si Rachelle Ann sa unang anak nila ni Martin. Si John ay mahigit limang taon nang kasal sa aktres na si Isabel Oli. Mayroon silang tatlong anak.

8. BIANCA MANALO AND JOHN PRATS

"Hiniwalayan ako sa text!"

Ito ang tahasang rebelasyon ni Bianca Manalo noong February 2015, o halos tatlong taon makalipas ang hiwalayan nila ni John Prats.

Inilarawan niyang "bad ending" ang relasyon nila ni John dahil wala silang proper closure.

Sabi pa ni Bianca sa PEP.ph, hindi na sila nagkita o nagkausap man lang ni John noon.

Continue reading below ↓

Kulang ng isang taong naging magkasintahan sina John Prats at Bianca, hanggang sa nauwi iyon sa hiwalayan.

May 30, 2012 nang unang kumpirmahin ni Bianca sa Bandila na hiwalay na sila ni John.

Sinabi rin ni Bianca noon na si John ang nakipag-break sa kanya, pero wala siyang ibinigay na dahilan kung ano ang naging mitsa nito.

Sa parte ni John, inamin niya na tulad ng ibang couples ay nagkaroon sila ng misunderstandings ni Bianca, hanggang sa napagtanto niyang hindi na magwo-work ang kanilang relasyon.

Current status: Si Bianca ay in a relationship kay Senator Sherwin Gatchalian.

9. HEART EVANGELISTA AND DANIEL MATSUNAGA

Naunang kinumpirma nina Heart Evangelista at Daniel Matsunaga ang tungkol sa kanilang hiwalayan sa pamamagitan ng Twitter noong April 14, 2012.

Sa sumunod na ulat ng PEP.ph noong April 18, 2012, inamin ni Daniel na nasa Brazil siya nang maganap ang hiwalayan nila ni Heart.

Isang buwang nanatili si Daniel sa Brazil, at naging mahirap daw ang komunikasyon nila ni Heart via Skype, isang video call app.

Continue reading below ↓

Bukod sa mahina raw ang Internet connection niya roon, marahil ay nakadagdag pa raw ang stress sa trabaho sa kung anumang naging problema nilang magkasintahan.

Lumalabas na via Skype lamang sila nag-usap para tapusin ang kanilang relasyon.

Lubhang apektado ang Brazilian-Japanese actor dahil bago naman siya umalis ng Pilipinas ay binisita pa raw siya ni Heart sa kanyang bahay.

Continue reading below ↓

Mariing pinabulaanan din ni Daniel ang haka-hakang may kinalaman ang mga magulang ni Heart sa kanilang hiwalayan.

Buo raw ang respeto niya sa mga magulang ni Heart, at tingin daw niya ay nagawa niya ang lahat upang patunayan ang sinseridad at pagmamahal niya kay Heart.

Makalipas ang 11 araw, noong April 29, 2012, may guest appearance si Daniel sa Showbiz Central ng GMA Network.

Inihayag niya on national television na mahal niya si Heart, at hindi pa raw niya lubusang napagtanto kung bakit nnauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon.

Hindi na napigilan ni Daniel ang tuluy-tuloy na pagluha kaya nagsuot na siya ng itim na shades.

Halatang lubos na apektado pa si Daniel dahil noong araw na mag-guest siya sa Showbiz Central, nagkrus ang landas nila ni Heart sa defunct Kapuso Sunday musical-variety show na Party Pilipinas.

Iyon daw ang una nilang pagkikita ng personal matapos ang hiwalayan nila noong nasa Brazil pa si Daniel.

Continue reading below ↓

Ani Daniel, "It was very different. I couldn't even say anything. We were just looking at each other. We hugged and said hi, and that's it."

Sa hiwalay na panayam kay Heart, nilinaw niyang para sa "growth" nila ni Daniel ang kanilang hiwalayan.

Tumagal ng isa’t kalahating taon ang relasyon nina Heart at Daniel.

Unang inamin ni Daniel ang relasyon nila ni Heart sa panayam sa kanya ng PEP noong September 2010.

10. BEA ALONZO AND GERALD ANDERSON

Lumikha ng matinding kontrobersiya ang hiwalayan nina Bea Alonzo at Gerald Anderson noong July 2019.

July 21, 2019, pumutok ang balitang break na sila nang maglabas si Bea ng cryptic post sa Instagram tungkol sa pinagdadaanang niyang pagsubok.

Kasunod noon ay hindi nakaligtas sa avid fans ni Bea ang pag-like niya sa kumalat na mga litrato nina Gerald at Julia Barretto sa Instagram. Kuha iyon sa birthday celebration ni Rayver Cruz sa BGC, Taguig City.

Continue reading below ↓

Makalipas ang dalawang araw, inulat ng Cabinet Files sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nagkausap sa telepono si Gerald at ang ama ni Julia na si Dennis Padilla.

Ayon sa isang source, umamin si Gerald kay Dennis na break na sila ni Bea at nanliligaw siya kay Julia.

Hanggang sa noong July 27, 2019, inamin ni Bea sa ABS-CBN News na wala silang formal breakup ni Gerald.

Bigla na lamang daw siyang hindi nito kinausap.

"Because honestly, to my understanding, we did not break up.

"He just started not talking to me."

Sa kasagsagan ng isyu, humirit ang kaibigan ni Bea na si Paulo Avelino na na-ghost si Bea ni Gerald.

Ang ghosting ay tumutukoy sa biglang pagkawala ng komunikasyon o hindi pagpaparamdam ng isang tao nang walang ibinibigay na sapat na dahilan.

Continue reading below ↓

Naging malaking usap-usapan ang tungkol sa breakup nina Gerald at Bea at ang balitang pagkakaugnay ni Gerald kay Julia.

Sina Gerald at Julia ay nagtambal sa Between Maybes, ang pelikulang kinunan nila sa Saga, Japan, at ipinalabas sa mga sinehan noong May 2019.

Pero parehong dinenay nina Gerald at Julia ang isyung may namamagitan sa kanila.

Sa panayam ng TV Patrol noong August 5, nilinaw ni Gerald na walang kinalaman si Julia sa hiwalayan nila ni Bea.

Dagdag ni Gerald, hindi third party kundi sunud-sunod na away nila ni Bea ang dahilan kaya sila nag-break.

Inamin din ni Gerald na umiwas siyang makipag-usap kay Bea pagkatapos ng isang matindi nilang pag-aaway.

Nang lumabas na sa media ang tungkol sa hiwalayan nila, sinubukan daw ni Gerald na makipag-ugnayan kay Bea.

Hindi malinaw kung text message o phone call ang ginawa niyang pag-reach out kay Bea noon.

"Noong lumabas na at medyo lumaki siya, you know, I tried to reach out through our manager and personally but you know, siyempre, I respect that she didn't respond."

Continue reading below ↓

Nang sumunod na araw, noong August 6, naglabas naman si Julia ng kanyang statement via Instagram.

Nilinaw ni Julia na wala siyang kinalaman sa breakup nina Bea at Gerald.

Umalma rin si Julia na "bullying" daw ang pag-like ni Bea sa kumalat na "harmless photos" nina Julia at Gerald. Naging mitsa raw kasi iyon upang mabigyan ng malisya ang mga litrato at umani ng matinding pamba-bash si Julia mula sa netizens.

Makalipas ang limang buwan, sinabi ni Gerald sa Magandang Buhay na hindi siya nagmamalinis, pero napagtanto raw niyang palaging may dalawang bersiyon ang isang kuwento.

Hindi raw puwedeng isisi lang sa isang tao ang pagkasira ng isang relasyon.

Diin ni Gerald, "It takes two to tango."

Current Status: Si Bea ay nauugnay ngayon sa aktor na si Dominic Roque. Si Gerald naman ay patuloy na nauugnay kay Julia Barretto, at ayon sa ilang sources ay kumpirmadong may relasyon na ang dalawa.

Continue reading below ↓

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
PEP.ph looks back on controversial celebrity breakups without formal closure. This list includes ex-couples John Lloyd Cruz and Angelica Panganiban, Ellen Adarna and Baste Duterte, Sarah Geronimo and Rayver Cruz, Heart Evangelista and Jericho Rosales.
PHOTO/S: @iamangelicap Instagram / Noel Orsal for PEP.ph (Sarah and Rayver, Jericho and Heart)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results