Ikinagalit ng maraming netizens ang karumal-dumal na paghalay at pagpatay umano sa flight attendant na si Christine Dacera, 23.
Si Christine ay nagtatrabaho sa Philippine Airlines (PAL).
Diumano, pinagsamantalahan ang pagkababae ni Christine ng ilang suspects na kasama niyang nagdiwang ng New Year’s eve sa isang hotel sa Makati City, noong gabi ng December 31, 2020 hanggang umaga ng January 1, 2021.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), “solved” na ang kaso dahil sa pagkakahuli sa tatlo sa lagpas sampung suspects sa krimen.
Ang mga nahuling mga akusado ay sina John Pascual Dela Serna III, 27; Rommel Daluro Galido, 29; at John Paul Reyes Halili, 25.
Nasampahan na sila ng kasong rape with homicide, at na-inquest na rin sa Makati City Prosecutor’s Office ngayong araw, January 5, 2021.
Tinutugis naman ng awtoridad ang siyam pa sa mga suspek.
Sa post ni Dacera sa Instagram noong December 25, Araw ng Pasko, naka-tag dito ang ilan sa mga suspek.
View this post on Instagram
VALENTINE ROSALES
Ang isa sa mga itinuturong akusado na si Valentine Rosales ay aktibo pa rin sa Instagram.
Sinasabing matalik na kaibigan ni Dacera si Rosales.
Simula kagabi, January 4, patuloy siyang nagpo-post sa Instagram Stories upang pabulaanan na sangkot siya sa krimen.
Sabi nito sa isa niyang post: “THE TRUTH WILL PREVAIL, SOCIAL MEDIA FABRICATES THE STORY TOO MUCH I WISH YOU WERE HERE TIN.
“SAMA SAMA PADIN TAYO. ALAM MO IKAW ANG TRANNY NG BARKADA AND LETS PROVE TO THEM WHAT REALLY HAPPENED NA WALANG FOUL PLAY AND GINALINGAN MO LANG TALAGA SA HEP HEP HORRAY KAYA IKAW NANALO NG 500 NA DI WORTH IT SA PAG SEMPLANG HAHAHA WISH YOU WERE HERE!
“WE MISS YOU! (crying with tears emoji)”
Sa isa pa niyang post, mariing itinanggi ni Rosales na may gumalaw o humalay kay Dacera.
Ang nasawing flight attendant pa raw ang nag-book ng kuwartong ginamit nila sa hotel.
Saad niya, “ABSURD FAKE AND DISGUSTING, SUPER IMBENTO TALAGA NG SOCIAL MEDIA ILABAS NIYO OFFICIAL COPY NG AUTOPSY REPORT WALANG GUMALAW KAY TIN!
“SIYA PA MISMO NAG BOOK NG HOTEL UNDER HER NAME GOD’S THE WITNESS, TRUTH WILL ALWAYS PREVAIL (praying hand emoji)”
Nag-post din si Rosales ng boomerang video nila ni Dacera.
Caption niya, “Love you bheb kapit tayo @xtinedacera.”
“WALANG GANON MARS”
Ipinost din ni Rosales ang mensahe ng suporta ng mga kaibigan at kakilala sa kanyang Instagram Stories.
May mga mensahe rin siyang natanggap mula sa mga nakisimpatiya lang na netizens.
Malaki raw ang pasasalamat niya dahil hindi naniwala ang mga ito sa mga balitang lumabas sa social media.
Aniya, “Super thankful dahil sobrang daming people na nag memessage sakin and who don’t believe ng gawa gawa at paandar ng soc med you’re all giving me strength and hope!
“Sa totoo lang tayo! I’m sure Na naka smile din si Tin!
“Dahil alam niya ang katotohanan!!
“Girl stay on our side lang Lavan tayo!
“#walangganonmars”
"PNP TAMA NA KAIIMBENTO"
Sa initial investigation ng Makati Police, aneurysm ang sanhi ng pagkamatay ni Dacera.
Pero kalaunan, sinabi ng imbestigador na may laceration daw sa ari ng biktima.
Sabi pa rito, maaaring ginahasa si Dacera bago ito pinatay.
Naniniwala rin ang ina ng nasawi, si Sharon Dacera, na ni-rape ang kanyang anak ng mga kaibigang pinagkatiwalaan nito.
Sabi naman ni Rosales, huwag nang lituhin ng pulisya ang mga tao. Aneurysm daw talaga ang ikinamatay ng kanilang kaibigan.
Aniya, "Nililito niyo mga tao eh imbento kayo ng rape ngayon lumalabas sa ang initial findings na Aneurysm talaga ang cause of death yun din sinabi mismo ng doctor that day after ma medical autopsy si Tin,
"yung sperm at rape na pinag sasabi niyo kelan niyo sinimulan kahapon?
"Ayan lalabas at lalabas ang katotohanan walang gumalaw kay Tin dun kasi may kanya kanya kaming awra at shota.
"PNP tama na ka iimbento pls ginagawa niyo tanga yung justice system ng pinas."
Sinamahan niya ito ng larawan na naka-wig at naka-make up.
Nagpadala ng mensahe ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Rosales sa Instagram, pero wala pa siyang tugon.
Samantala, sinabi rin ni Rosales na may abogado na silang iba pang mga suspek para sa kanilang depensa laban sa akusasyon.
Kasalukuyang nakapiit sa istasyon ng Makati PNP ang tatlong nahuling akusado.
Pinapaliwanag naman ng Department of Tourism (DOT) ang City Garden Hotel kung bakit tumatanggap ito ng kliyente gayong quarantine hotel ang kanilang classification sa ngayon.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika