Buo ang suporta ni Gabbi Garcia para sa malapit na kaibigang si Mark Anthony Rosales, ang hairstylist na kabilang sa respondents sa pagkamatay ni Christine Dacera.
Isa si Rosales sa 11 lalaking nauna nang iniugnay ng pulisya sa alegasyong ginahasa, drinoga, ‘tsaka raw pinatay ang flight attendant, na natagpuang patay sa bathtub ng isang hotel sa Makati City noong January 1.
Isa si Rosales sa mga nakasama ni Dacera, 23, sa New Year’s Eve party sa hotel ilang oras bago bawian ng buhay ang dalaga.
Nitong Miyerkules ng gabi, January 27, idinaan ng 22-year-old Kapuso actress sa Instagram Stories ang pagpapahayag niya ng suporta kay Rosales.
Ibinahagi ni Gabbi ang art card ng GMA News update na nagkukumpirmang nasawi sa “natural causes” at hindi pinatay si Dacera.
Ang update na ipinost ni Gabbi ay batay sa histopathology examination report ng Philippine National Police-Crime Laboratory Office (PNP-CLO), na isinapubliko ng araw na iyon.
Sa isa pang Instagram Story, ipinost ni Gabbi ang isang collage ng masasayang litrato nila ni Rosales.
Sa caption, nagpahayag ang Kapuso star ng pagmamahal at suporta kay Rosales, at sinabing walang dapat katakutan ang kanyang kaibigan.
Mensahe ni Gabbi kay Rosales (published as is): “Ily kuya @markanthonyrosales [white heart emoji]
“I’m beside you all the way.
“Nothing to fear, nothing to worry. [praying hands, relieved face emojis]”
Ni-repost ni Rosales sa sariling Instagram Stories ang post na ito ni Gabbi para sa kanya.
Isinulat ni Rosales sa all capital letters ang caption: “ILY GABBI [white heart, praying hands emojis]”
Ibinahagi rin ni Rosales ang isang selfie, kung saan makikitang bahagya siyang nakangiti.
Maikli at may heart symbol sa dulo ang caption dito ni Rosales: “God is Good.”
Mahihinuhang ito ang reaksiyon ng hairstylist sa latest development sa Dacera case.
Simula nang pumutok ang kontrobersiya sa pagkamatay ni Dacera nitong January 4, hindi kailanman nagbigay ng pahayag sa kaso si Rosales.
Ang abogado lang niya ang dumadalo sa preliminary investigation ng kaso.
Bukod dito, simula nitong January 4 ay naka-private setting na ang Instagram account ni Rosales.
Naka-public na uli ito ngayong Huwebes, January 28.
NATURAL DEATH, NOT HOMICIDE FOR DACERA
Ang histopathology report—na pinagbasehan ng news update na ipinost ni Gabbi—ay kabilang sa mga ebidensiyang isinumite ng pulisya sa Makati City Prosecutor’s Office para sa preliminary investigation.
Ang histopathology exam ay ginawa ni Police Lieutenant Colonel Palmero, medical doctor at medico-legal officer ng Philippine National Police-Crime Laboratory Office (PNP-CLO).
Ang resulta ng histopathology report ay consistent sa medico-legal report sa paunang autopsy ng Southern Police District (SPD) Crime Laboratory kay Dacera: ruptured aortic aneurysm ang ikinamatay ng dalaga.
Ang medico-legal examination ay ang scientific examination sa bangkay para kumalap ng mga evidentiary information na gagamitin sa criminal trial, gaya ng kung ano ang ikinamatay at anong oras namatay ang bangkay.
Ang histopathology examination naman ay ang paggamit ng microscope para masusing pag-aralan ang mga sampled tissues mula sa inawtopsiyang bangkay.
Sa expert opinion ni Lt. Col. Palmero, na-rule out na ang anggulong homicide sa kaso ng pagkamatay ni Dacera “because the aortic aneurysm is considered a medical condition.”
Hindi rin daw maaaring magdulot ng aneurysm ang panggagahasa o kahit drug overdose, ayon sa doktor.
“Based on the available information on hand, the manner of death is classified as natural death,” saad ni Lt. Col. Palmero sa kanyang report.
DNA ANALYSIS, CHEMISTRY REPORTS
Tinukoy sa histopathology report na iyon ng PNP na hindi pinatay si Dacera ng sinuman sa mga respondents sa kaso.
Bukod dito, sa hiwalay na DNA analysis ni Police Major Jasper Magana, forensic DNA analyst ng PNP-CLO, walang ibang DNA na nakuha sa underwear ni Dacera.
Ibig sabihin, hindi nagkaroon ng sexual intercourse ang flight attendant bago ito pumanaw.
Consistent ito sa medico-legal report na nagsabing walang indikasyong may nakatalik si Dacera ilang oras bago ito namatay,
Pinapasubalian nito ang akusasyon ng pulisya na ni-rape si Dacera.
Samantala, sinuri naman sa chemistry report ni Police Major Ofelia Vallejo, forensic chemist ng SPD-CLO, ang sachet na may 0.14 grams ng “white crystalline substance.”
Natagpuan ang sachet sa Room 2209, ang kuwartong inokupa ni Dacera at ng mga kaibigan nito.
Natukoy sa report na hindi crystal meth at wala ring bakas ng benzylpiperazine (party drug) sa sachet, dahil ang laman nito ay sodium chloride o asin lamang.
Isinumite rin sa Makati City Prosecutor’s Office ang DNA analysis at chemistry reports na ito ng PNP.
ROSALES & THE PARTY DRUG ACCUSATION
Sa lahat ng respondents, na ang ilan ay malalapit na kaibigan ni Dacera, si Rosales ang pinakanadiin sa kaso.
Ito ay matapos sabihin ng isa pang respondent na si Rommel Galido na nabanggit daw ni Dacera na “parang may inilagay” si Rosales sa alak na iniinom ng flight attendant noong New Year’s Eve party.
Sinegundahan ni John Pascual Dela Serna III, isa pang respondent, ang pahayag na ito ni Galido.
Sa sinumpaang salaysay ni Dela Serna sa Makati City Police, sinabi niyang inaya umano siya ni Rosales na gumamit ng powder drugs na dinala raw ng hairstylist sa party.
Matapos daw tanggihan ni Dela Serna si Rosales ay nakita niya umanong ginamit ng hairstylist ang powder drugs.
Gayunman, makalipas ang ilang araw, sabay na binawi nina Galido at Dela Serna ang pahayag nilang ito laban kay Rosales.
Giit ng dalawa, pinilit daw umano sila ng pulisya na idiin si Rosales sa “krimen” sa pangakong maaabsuwelto sila sa kaso.
Si Rosales daw ang itinuro nila dahil ito ang hindi nila masyadong kilala sa lahat ng kasama sa New Year's Eve party.
PENDING REPORTS FOR SUBMISSION
Ayon sa report ng Philippine Daily Inquirer ngayong Huwebes, sinabi nitong hindi pa naisusumite ng Makati City Police sa prosekusyon ang resulta ng toxicology test sa labi ni Dacera.
Isusumite rin dapat ng pulisya ang mga resulta ng lahat ng medical tests na isinagawa ng Makati Medical Center (MMC) sa dalaga.
Sa MMC isinugod si Dacera mula sa hotel.
Hindi pa rin naisusumite ng pulisya ang buong CCTV footage ng hotel sa mga huling oras bago nasawi ang flight attendant.
Sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra nitong Miyerkules na “ready” na ang toxicology report ng National Bureau of Investigation (NBI).
Hiningi ng pamilya Dacera ang tulong ng NBI upang magsagawa ng ikalawang awtopsiya sa bangkay ni Dacera.
Iginigiit kasi ng pamilya Dacera ang alegasyon ng Makati City Police na hinalay at pinatay ang flight attendant.