Hindi na mapapanood sa online streaming app ang isang Chinese drama na naging kontrobersiyal dahil sa pangmamaliit sa mga Pinay na domestic workers abroad.
Ito ay ang Make My Heart Smile, na nag-pilot sa iQIYI, isang Beijing-based online streaming platform, nitong February 6.
February 9 nang nag-viral sa social media ang Make My Heart Smile makaraang i-tweet ng isang Pilipinong K-pop fan ang screenshot ng isang eksena sa pilot episode ng show.
Sa eksena, iritadong sinabihan ng bidang lalaki ang female lead star ng “You look like a Filipino maid” habang nagsusukat ng bestida ang huli.
Ayon sa Twitter user, para sa isang Pilipinong katulad niya, ang sinabi ng bidang lalaki ay “very offensive and disrespectful.”
Sa isang follow-up tweet, binigyang-diin ng Twitter user na gawang China ang show, kaya naman “so disappointed” daw siya.
Ang ipinupunto ng Twitter user ay ang matagal na pero ipinagwawalang-bahalang iringan ng China at Pilipinas kaugnay ng pag-aangkin ng Beijing sa ating mga isla sa West Philippine Sea.
NETIZENS DEFEND FILIPINO MAIDS
Sa katunayan, ilan sa daan-daang nagkomento sa viral tweet na iyon ay may parunggit laban sa China tungkol sa West Philippine Sea.
At press time, ang tweet ay mayroon nang mahigit 68,000 reactions, 10,500 retweets, at lampas 6,400 quote tweets.
May mga kumuwestiyon kung bakit nai-stereotype ang mga Pilipino bilang “maids”—isang salitang hindi raw dapat ginagamit “to look down on someone.”
Karamihan sa nag-comment ay dumepensa para sa mga Pinay domestic workers.
Anila, “offensive” ang eksenang iyon sa Make My Heart Smile para sa “hardworking” na Filipina maids, na hindi raw biro ang mga tinitiis na “sacrifice” para kumita lang ng pera kahit malayo sa kani-kanilang pamilya.
Comment naman ng isang Filipina maid, walang ideya ang mga tao sa “hirap” na dinadanas nila sa ibang bansa “kaya wla kayong karapatan na insultohin kami.”
STREAMING PLATFORM APOLOGIZES
Kinubukasan, February 10, naglabas ng statement ang iQIYI Philippines tungkol sa “offending scene” sa Make My Heart Smile.
Humingi ng paumanhin ang local unit ng Chinese streaming app at sinabing tinanggal na nila ang kontrobersiyal na eksena mula sa Chinese drama.
Tweet ng iQIYI Philiippines: “It has come to our attention that there is an offending scene in the show ‘Make my Heart Smile.’
“This is not ok and we have edited the scene out.
“We are sorry.”
CHINESE DRAMA "Make My Heart Smile" REMOVED FROM PLATFORM
Pagsapit ng February 12, isinapubliko ng The Philippine Star ang nakuha nitong official statement mula sa iQIYI.
Muling nag-sorry ang video streaming platform at inanunsiyong ang Make My Heart Smile “has been removed from the platform.”
Narito ang kabuuan ng statement ng iQIYI:
“We are aware of the growing reactions to a scene on the show that we have licensed - 'MAKE MY HEART SMILE' - that puts Filipina overseas workers in a negative light.
“It is not our intention to offend and upset our Filipino subscribers and we are sorry.
“The show has been removed from the platform and we are continuously working towards making sure that incidents like this do not happen again,” anang iQIYI.