Huwag maniwala sa “tsismis”.
Ito ang sagot ni Janno Gibbs, 51, sa akusasyon ng isang netizen na nambastos umano ng babae ang singer/actor/host.
Hindi direktang tinukoy ng netizen kung ano ang isyu, pero usap-usapan ngayon ang diumano'y pagmumura at panduduro ni Janno sa co-host niyang si Kitkat, 32.
Sina Janno, Kitkat, at Anjo Yllana ang main hosts ng Happy Time, ang daily noontime show na napapanood sa Net 25.
Kagabi, February 22, iniulat dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang rebelasyon ng isang source tungkol sa paninigaw, pagmumura, at panduduro umano ni Janno kay KitKat habang nagti-taping ng episode ng kanilang programa noong February 18.
Lumalabas sa lahad ng source na napikon umano si Janno sa segment na “Kantanungan,” kung saan si Kitkat ang nagsilbing segment host.
Inakusahan daw ni Janno si Kitkat na kinakampihan ang katunggali ni Janno sa portion na si Marco Sison.
JANNO DENIES cursing ALLEGATION
Ngayong umaga, ipinost ni Janno ang screenshots ng komento ng netizens na pinupuna siya sa pagiging unprofessional umano niya.
Isa na rito ang mabibigat na paratang ng netizen (@geter012) na kinuwestiyon ang propesyunalismo at di raw kaaya-ayang asal ni Janno bilang isang artista.
Wala pa rin daw napapatunayan si Janno sa tagal nito sa industriya.
Inakusahan nito si Janno na “never punctual, disrespectful & a plain misogynist.”
Buong komento ng netizen: “You’re becoming too professional on being unprofessional.
“The recent incident seals the deal on why networks you were once with couldn’t have any less regret on taking you back.
“Ang ere mo! Ano ba napatunayan mon a?!
“Oh wait, meron nga pala.. never punctual, disrespectful, & a plain misogynist.
“That’s w/ Manilyn & Ober Da Bakod w/ Anjo lang marka mo uy!
“Mind you ‘with’ yan ha, never straight up you & yourself alone!
“Epal!!!”
Si Manilyn Reynes ang dating ka-love team ni Janno noong ‘80s.
Ang Ober Da Bakod ay ang ‘90s Kapuso sitcom na pinagbidahan nina Janno at Anjo.
Ibinahagi rin ni Janno ang screenshot ng profile ni @geter012 na wala posts, followers, at following.
Nais ipunto ni Janno na dummy account ito ng netizen na bumatikos sa kanya.
Ipinost din ng actor/singer/host ang komento ng isa pang netizen na tumawag sa kanyang "ugaling basura" at hindi marunong rumespeto ng babae.
Komento ng netizen: “Ugaling basura, ugaling squatter.
“Didn’t yout mom taught you how to respect women?
“Mahiya ka pareho pa namang mga babae ang anak mo.”
Sumagot si Janno.
Una, itinama niya ang grammar ng nagkomento. Pangalawa, itinanggi niyang may katotohanan ang isyu.
Buong sagot ni Janno: "1.) Its Didn’t your mom ‘Teach’ not taught 2.) Mahiya ka naniniwala ka sa tsismis."
Kagabi rin ay direktang nagpadala ng mensahe ang PEP.ph kina Kitkat at Janno para sa kanilang reaksiyon hinggil sa isyu.
Kaagad naming ilalathala ang kanilang panig sa oras na magbigay sila ng pahayag.