Nababahala si Judy Ann Santos sa patuloy na pagdami ng dinadapuan ng bagong variants ng COVID-19 sa bansa.
Nagpahayag ng pagkabahala ang 42-year-old actress-TV host nitong Biyernes, March 5, matapos na makapagtala ang Department of Health (DOH) ng mahigit 3,000 na bagong kaso ng COVID-19 nang araw na iyon.
Iyon ang pinakamaraming bilang ng new virus infections na naitala sa loob ng isang araw sa nakalipas na limang buwan.
Nitong Biyernes, umabot sa 3,045 ang mga bagong nagpositibo sa COVID-19.
Ang huling beses na pumalo sa lampas 3,000 ang naitalang dinapuan ng virus sa loob ng isang araw ay noong October 16, 2020, nang 3,139 ang nadagdag sa mga nagkasakit.
Ngayong Sabado, March 6, naitala ang pinakamaraming new infections sa 3,439.
Dahil dito, may kabuuang 591,138 na ang dinapuan ng COVID-19 sa bansa.
Sa bilang na ito, 43,323 ang kasalukuyang ginagamot, habang 12,465 na ang namatay.
“DI MATATAPOS ITONG PINAGDADAANAN NATIN”
Sa Instagram Stories ni Judy Ann nitong Biyernes, ibinahagi niya ang link sa isang news item ng CNN Philippines tungkol sa latest update sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa news item, nadagdagan ng 52 ang bagong kaso ng South African variant ng COVID-19 sa Pilipinas, habang 31 naman ang nadagdag na United Kingdom (UK) variant cases.
Sa kabuuan, mayroon nang 58 na katao ang dinapuan ng South African variant sa bansa, habang 118 naman ang may UK variant.
Nabanggit sa news item na ang mga bagong nagpositibo sa South African at UK variants ay nagmula sa Metro Manila at Central Visayas.
Kabilang din sa mga nagpositibo sa bagong variant ng virus ang ilang bagong dating na overseas Filipino workers (OFWs).
Parehong mas mabilis maihawa ang dalawang nabanggit na bagong variants ng COVID-19, kaya naman masusi itong mino-monitor ngayon sa Pilipinas.
Sa isa pang Instagram Story, sinabi ni Judy Ann na hanggang may “mga taong hindi naniniwala sa COVID-19 hindi matatapos itong pinagdadaanan natin.”
Ipinahihiwatig ni Judy Ann ang kahalagahan ng disiplina at pagtalima sa mga basic health protocols—tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, physical distancing, pagsusuot ng face mask at face shield—upang makaiwas sa virus.
March 1, 2021 nang opisyal na simulan sa bansa ang pagbabakuna kontra COVID-19.
Inunang bakunahan ang mga medical frontliners halos isang taon makaraang magpatupad ng quarantine ang gobyerno dahil sa pandemya.