Allan K on Year 2020: “Ano ba ‘tong taon na ‘to, parang isinumpa.”

by Arniel C. Serato
Mar 8, 2021
Allan K Year 2020 isinumpa
Allan K reminisces his tragic Year 2020: "Nag-pandemya ng March, nagsara tayo, Klownz and Zirkoh, namatay yung brother ko nung May, nasundan ng kapatid ko nung isa pa nung July, tapos August, na-COVID ako. Ano ba ‘tong taon na ‘to, parang isinumpa?"
PHOTO/S: Courtesy: @allan_klownz on Instagram

Hindi naging maganda para sa marami ang taong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.

Pero sunud-sunod na dagok sa buhay ang naranasan ng comedian/TV host/businessman na si Allan K noong nakaraang taon.

Una, nagsara ang dalawang comedy bars niya—ang Klownz at Zirkoh.

Pangalawa, magkasunod na namatay ang bunso niyang kapatid na si Jun Quilantang noong Mayo, at ang kanyang kapatid na babae na si Melba Quilantang noong Hulyo.

Buwan ng Agosto, nalagay naman sa peligro ang buhay ni Allan nang tinamaan siya ng COVID-19.

Pagbabalik-tanaw ni Allan sa nagdaang taon, "Hindi ko talaga makalimutan, day 1 ng 2020, sabi ko, 'This is the day, kaya i-claim niyong lahat, this is a good year kasi doble, bente, bente, dobleng bente.'

"So, ano yun, double whammy yun kumbaga. Pero Enero pa lang, pumutok na yung Taal, nasundan ng kung anu-anong trahedya.

"Nagpandemya ng March. Nagsara tayo, Klownz and Zirkoh.

"Namatay yung brother ko nung May, nasundan ng kapatid ko nung isa pa nung July.

"Tapos August, na-COVID ako."

Sabi pa niya, "Ano ba ‘tong taon na ‘to, parang isinumpa?"

Mabuti na lang daw at malakas ang loob niya at hindi siya tinamaan ng depresyon.

"Pero kung siguro mahina-hina ako, tinamaan na rin siguro ako ng depression.

"Buti na lang nasanay na talaga ako mag-isa, simula’t sapul, strong na talaga akong tao. Never ako tinamaan ng depression.

"Kung hindi pa nga ako nag-guest sa Eat Bulaga, sa 'Bawal Judgmental,' hindi pa ako naiyak, e.

"Totoo. Sa lahat ng nangyari sa akin, wala akong iniyakan dun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Doon ko lang nabuhos lahat," saad ni Allan.

Noong December 12, 2020 lamang isinapubliko ni Allan na nagkaroon siya ng COVID-19.

Sinabi ito ni Allan sa panayam sa kanya nina Boobay at Super Tekla sa programang The Boobay and Tekla Show (TBATS) kagabi, March 7.

COMEDY BARS

Umaasa naman si Allan na muling makabalik sa sirkulasyon ang comedy bars kapag natapos na ang COVID-19 pandemic.

Sobra raw siyang apektado sa pagsasara ng dalawa niyang comedy bars.

Saad niya, "Naku napakahirap. Kaya siguro mga apat na buwan pa bago ako mag-decide, apat o lima bago ako mag-decide, na isara na siya.

"Hoping ako na umig-igi nang konti ang sitwasyon, ang panahon, at magbubukas ulit tayo kahit konti-konti mga tao.

"But then, hindi talaga pumuwede, e. Oo. E, ang laki ng upa natin. So, umuupa nang umuupa na wala namang tumatakbo na negosyo.

"Ang sakit-sakit sa dibdib ko na isinara ko siya. Kasi naging buhay ko na rin yun for eighteen years, e.

"Alam niyo yung, gabi-gabi rin akong nandun, ke may show ako o wala."

June 29, 2020 nang ianunsiyo ng general manager ng Klownz at Zirkoh na si Lito Alejandria sa kanilang mga tauhan na isasara na ang dalawang comedy bars.

Labinwalong taong tumagal ang operasyon ng Klownz sa Quezon Avenue, Quezon City.

Labing-anim na taon namang namayagpag ang Zirkoh sa Tomas Morato Avenue, Quezon City.

Hindi raw humarap si Allan sa kanilang mga tauhan dahil baka raw bumigay siya.

Lahad niya, "Actually, hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na humarap sa kanila, e, sa mga comedians tsaka sa mga tauhan.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

"Kasi ayoko nila akong makitang… for the past eighteen years, nakita nila akong ang strong, strong ko.

"'Tapos makikita nila akong umiiyak? Ayokong umiyak kasi alam ko namang darating ang panahon na magbubukas ulit tayo, e, yung Klownz or Zirkoh.

"Matapos lang 'tong pandemic na 'to, kasi yun lang talaga ang pinakagusto kong negosyo, more than anything. Siya talaga, siya ang buhay ko."

Ano ang nami-miss niya sa comedy bars?

Sagot ni Allan, "Yung laughter and the fun. Kaya andun ako gabi-gabi, kasi siyempre ako lang mag-isa sa bahay, ako lang mag-isa dun.

"Kung nalulungkot ako, bigla na lang akong nagda-drive, pupunta ako sa Klownz or sa Zirkoh, aalamin ko lang sino nakakatawang show for that night.

"Maya-maya, tatawa ako nang tatawa, uuwi na ako, nakangiti na akong matutulog."

HOT STORIES

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Allan K reminisces his tragic Year 2020: "Nag-pandemya ng March, nagsara tayo, Klownz and Zirkoh, namatay yung brother ko nung May, nasundan ng kapatid ko nung isa pa nung July, tapos August, na-COVID ako. Ano ba ‘tong taon na ‘to, parang isinumpa?"
PHOTO/S: Courtesy: @allan_klownz on Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results