Maja Salvador breaks silence about her ABS-CBN contract, her decision to go with Mr. M, her talks with ABS-CBN bosses

by Rachelle Siazon
Mar 16, 2021
Maja Salvador on having an open communication with ABS-CBN bosses: "Ayoko mag-burn ng bridges. Ayoko magkaroon ng bad blood sa kahit na ano... 18 years... In my heart, forever ko pong bibitbitin na Kapamilya ako."
PHOTO/S: Courtesy of Mikki Gonzalez

Sa kauna-unahang pagkakataon, idinetalye ni Maja Salvador ang mga pangyayari bago siya umalis ng bakuran ng ABS-CBN noong September 2020.

Eksklusibong nakapanayam ng editorial team ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Maja sa loob ng halos tatlong oras noong Lunes, March 15, 2021.

Ayon kay Maja, 32, mahabang proseso bago siya nagdesisyong maging freelancer at lumabas sa blocktimer shows sa TV5.

Nagsimula raw ang lahat nang pormal na mag-expire ang kanyang kontrata sa ABS-CBN noong July 2020.

Noong July 10, 2020, ibinasura ng Kongreso ang application ng ABS-CBN na ma-renew ang 25-year franchise ng network.

Sakto na kababalik din noon ni Maja sa Manila mula sa Palawan, kung saan apat na buwan siyang namalagi nang abutan doon ng enforced quarantine kasama ang nobyong si Rambo Nuñez at ang pamilya nito.

Lahad ni Maja: "Okay, ganito 'yan. So nag-pandemic, start March [2020]. And then, mga May, sinuspend yung contract namin.

"And then July, nag-end na talaga lahat ng contract ko.

"Tapos after that, nung nakabalik na ako ng Manila, eto na yung si Mr. M, sabi niya, gawa raw kami ng show.

"Kasi may listahan daw ng mga pwede na ipahiram na mga artista. Since I don't have any contracts, nasa listahan po talaga ata ako.

"Sabi niya, 'Maja, I need you, kailangan kita. Gawin natin ito.'"

Ang tinutukoy ni Maja na "Mr. M" ay si Johnny Manahan, ang dating chairman emeritus ng Star Magic, na talent management arm ng ABS-CBN.

September 15, 2020 nang maiulat ang pag-alis ni Mr. M sa ABS-CBN bilang top man ng Star Magic at TV director ng long-running Sunday musical-variety show na ASAP Natin 'To.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kasabay iyon ng ulat na si Mr. M ang huhulma sa Sunday Noontime Live (SNL), isang Sunday musical-variety show na iprinodyus ng Brightlight Productions at umere sa TV5.

September 22, 2020 nang inanunsiyo ni Maja sa kanyang Instagram na "sasamahan" niya ang kanyang "tatay" na si Mr. M sa bagong programa nito.

Kuwento ni Maja sa PEP.ph nitong Lunes, hindi niya matanggihan ang pakiusap ni Mr. M na gawin ang SNL.

"Tapos nung sinabi niya na 'I need you. Kailangan kita, Maja. Gawin natin ito.'

"How will you say no kay Mr. M?

"Sa lahat ng ups and downs ko, sa lahat ng nagaganap sa akin, maganda o hindi...

"Sila Mr. M and Tita Mariole, as in nanay at tatay ko talaga sila.

"Sobra silang nandiyan sa akin nung mga panahon na talagang kailangan ko sila. Or kahit di ko sila kailangan, nandun sila.

"I said, 'Yes, sige po.'"

Pero bago niya ibinigay ang kanyang "yes" kay Mr. M, inalam daw ni Maja kung may basbas ng ABS-CBN bosses sakaling pumayag siyang maging bahagi ng SNL.

Ani Maja: "Sabi ko, 'Mr. M, sure po ba na pwede ako ipahiram?' Nag-agree sila ni Tita Mariole.

"Actually, si handler ko unang nagsabi na may list nga ng artists na pwede ipahiram. Nandun ako."

Si Mr. M ang co-founder ng Star Magic, at pinuno siya nito mula 1992 hanggang magretiro siya noong 2007.

Si Mariole Alberto ang Star Magic head mula 2007 hanggang magretiro ito noong December 2020.

Nanatiling aktibo si Mr. M bilang chairman emeritus at kaagapay ni Mariole sa pamamalakad ng Star Magic noon.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

ON MAJA'S VIRTUAL MEETINGS WITH ABS-CBN BOSSES

Pero hindi raw sapat kay Maja na malamang nasa listahan siya ng ABS-CBN stars na pinayagang lumabas sa shows sa ibang networks.

Makailang-beses pa raw siyang nakipag-usap sa ABS-CBN bosses para linawin ang tungkol sa pagpahiram sa kanya sa isang blocktimer show sa ibang istasyon.

Paliwanag ni Maja: "Clear yun. Ilang meetings yun, ilang Zoom meetings yun. Lahat ng bosses.

"Ayoko mag-burn ng bridges. Ayoko magkaroon ng bad blood sa kahit na ano.

"Eighteen years. Grateful ako sa ABS-CBN. Kung anong laban, laban din ako.

"Kapamilya ako. Laban ako, di ba?

"Kaya minake sure namin nila Mr. M, nila Tita Mariole na maayos ang pag-uusap. May usapan na maayos. Yun po.

"Hanggang sa okay na, kasi walang contracts. Ilang meetings yun."

WHY MAJA TURNED DOWN ABS-CBN'S OFFER TO DO BEA'S TELESERYE

Pero matapos daw siyang payagan ng ABS-CBN management na gawin ang SNL, saka lang daw in-offer sa kanyang gawin ang Kahit Minsan Lang.

Ito ang teleseryeng pagbibidahan sana nina Bea Alonzo at Richard Gutierrez. Una itong tinanggihan ni Bea dahil sa COVID-19 restrictions.

Ayon kay Maja, "And then, after ilang mga weeks, dun na ino-offer yung serye.

"Yung serye ni Bea to be exact. Serye po ni Bea Alonzo.

"So pinitch sa akin, pinakinggan ko. And I'm interested. I said yes."

Pero nagkaproblema raw dahil kailangang mamili ni Maja sa Kahit Minsan Lang at SNL.

"Nag-yes ako, but siyempre may mga terms na hindi napagkasunduan.

"Ano po iyon? Yun ay siyempre, kung gagawin ko siya, baka hindi ko magawa yung show ni Mr. M, yung SNL.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"And I understand ABS, di ba, kung bakit kailangan hindi ko gawin yung show ni Mr. M kung gagawin ko ito. I'm sure naintindihan niyo din po iyon."

Sa puntong ito, sinabi raw ni Maja sa ABS-CBN bosses na hindi niya maaaring talikuran ang naunang commitment na tanggapin ang SNL, kunsaan si Mr. M ang director at creative consultant.

"Ang sabi ko lang, 'Nakapag-yes na ako kay Mr. M. Paano naman po yung word of honor ko? Siyempre ayoko naman i-break ang heart ni Mr. M.'

"Yun ang sabi ko na, 'Baka after one cycle, two cycles. Paalagwahin lang natin yung SNL. Kung libre pa po yung serye ni Bea, wala pang gumagawa, I can do it.'"

Ang one cycle ay tumutukoy sa tatlong buwan na pag-ere ng isang TV show.

Hindi raw akalain ni Maja na ang planong ipahiram siya sa isang blocktimer show ay mauuwi sa kanyang tuluyang paglisan sa ABS-CBN dahil pinili niya ang SNL.

"So, yun siya. Hindi ko siya tinanggihan," ani Maja tungkol sa teleseryeng in-offer ng ABS-CBN.

Dagdag niya, "Nagkataon lang na napunta tayo sa ganitong sitwasyon.

"Ako po, nanindigan lang ako sa pag-yes kay Mr. M."

WORKING ON cignal's serye AFTER SNL

Umere ang SNL mula October 18, 2020, hanggang sa bigla itong kinansela at replay episode na lang ang inere noong January 17, 2021.

Pero bago pa raw natapos ang SNL, tinanggap ni Maja na pagbidahan ang Niña Niño kasama ang child actor na si Noel Comia Jr.

Isa itong comedy-drama series na iprinodyus ng Cignal at TV5. Line producer naman ang Spring Films at CS Studios.

Ang Spring Films ay co-owned ni Piolo Pascual, aka Papa P. Co-host ni Maja si Piolo sa SNL noon.

Katuwiran ni Maja: "Bago pa kasi matapos ang SNL, in-offer yung Niña Niño. Naka-agree na ako.

"How will I say no naman kay Papa P, because it's Spring Films?

"And maganda din naman talaga."

Alam din daw ng ABS-CBN bosses ang tungkol sa pagtanggap niya ng Niña Niño na eere sa TV5.

Paglilinaw ni Maja, "Napaalam din naman po iyon. Yun lang ang gusto ko i-clear.

"I have an open communication and good relationship with my bosses in ABS-CBN.

"Naiintindihan nila na kailangan ko magtrabaho para sa pamilya ko.

"At yung ginawa ko dun sa SNL ay to help din yung mga taong nawalan ng trabaho."

Ang tinutukoy ni Maja na nawalan ng trabaho ay ang dating staff ng ASAP Natin 'To na na-retrench kasabay ng pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN noong Hulyo 2020.

NOW A FREELANCER, BUT REMAINS GRATEFUL TO ABS-CBN

Sa ngayon, si Maja ay isang freelancer at walang eksklusibong contract sa iisang TV network.

Gayunman, nagbigay-pugay si Maja sa ABS-CBN na nagbigay sa kanya ng oportunidad na maging artista at nagsilbing tahanan niya sa loob ng 18 taon.

"I think alam naman ng lahat na kahit na may ibang shows ako ngayon na ginagawa with Cignal, in my heart, forever ko pong bibitbitin na Kapamilya ako.

"And forever ako magiging grateful with ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"'Coz for eighteen years, wala namang Maja Salvador... Hindi matutupad yung mga pangarap ko kundi dahil sa tulong ng ABS. So, I will be forever grateful."

Posible bang magtrabaho pa rin siya sa ABS-CBN ngayong freelancer siya?

Sagot ni Maja, "Kung may offer po, bakit po hindi?"

Sa huli, nagpasalamat si Maja sa fans pati na rin sa producers at endorsements na patuloy na nagtitiwala sa kanya.

Aniya: "Salamat sa mga supporters ko dahil kung anuman ang naging desisyon sa karera ko, nandiyan pa rin sila, nakasuporta sa akin.

"Minsan may mga bagay na mahirap talaga tanggapin. Pero minsan, sabi nga nila, kailangan mo lumabas sa comfort zone mo para matingnan mo rin kung anong kaya mo gawin.

"Thankful po ako sa lahat ng mga taong nagtitiwala sa akin.

"Sa mga producers na lumalapit at nag-offer ng mga projects. Sobrang grateful po ako."

HOT STORIES

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Maja Salvador on having an open communication with ABS-CBN bosses: "Ayoko mag-burn ng bridges. Ayoko magkaroon ng bad blood sa kahit na ano... 18 years... In my heart, forever ko pong bibitbitin na Kapamilya ako."
PHOTO/S: Courtesy of Mikki Gonzalez
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results