Watch Now

Dianne Medina and Rodjun Cruz love story: What they went through for 12 years before marriage

by Rachelle Siazon
Apr 1, 2021
Dianne Medina on best quality about her husband Rodjun Cruz: "Hindi ko makakalimutan sabi ng mom ko, 'Kapag naghanap ka ng mapapangasawa mo in life, make sure to choose a Christ-centered person. Because that person that you would spend the rest of your life with, kalahati ng buhay mo in the future, reflected kung anong klaseng tao yung mapapangasawa mo."
PHOTO/S: @dianne_medina Instagram / Nice Print Photo (center)

Sa loob ng higit isang dekada, ang relasyon nina Dianne Medina at Rodjun Cruz ay pinagtibay ng panahon, pag-ibig, at pananampalataya.

Labing-dalawang taon sila naging magkasintahan bago sila ikinasal noong December 21, 2019.

Si Dianne, 34, ay actress-TV host na huling napanood sa morning show ng PTV4 na Bangon Pilipinas.

Si Rodjun, 33, ay exclusive Kapuso star na mainstay ng Sunday musical variety show na All-Out Sundays.

Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dianne nang mag-guest siya sa PEP.ph Voice Chat Room sa Calamansi Pinoy Voice Chat App noong Lunes, March 29.

Bilang bahagi ng Lenten special episode ng "PEP Anong Chika Today?" sa Calamansi, ginunita ni Dianne ang mga hindi malilumutang saya at lungkot na dinaanan nila ni Rodjun noon.

Taong 2006 at pareho silang 19 years old nang una silang magkakilala bilang mga artista sa bakuran ng ABS-CBN.

Pareho rin sila noon ng handler sa Star Magic, ang talent management arm ng network.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Naging malapit na magkaibigan daw sila matapos nilang maging contestants sa ABS-CBN show na U Can Dance Version 2 noong 2007.

Balik-tanaw ni Dianne: "Ang maganda dun, friends muna kami. Tapos yun na, na-develop, kasi parehong handler. Mga bata, laging magkakasama.

"Nakakatuwa kasi si Rodjun tinutukso niya pa ako. Na sinasabi na niya agad sa mom ko, 'O, Tita Vicki, aalagaan ko po yung anak niyo.'

"So parang nagtaka ako, 'Bakit niya kaya yun sinasabi? E, friends lang naman kami.'"

Iyon pala ay may pagtingin na sa kanya si Rodjun.

Nalaman daw ni Dianne na bago pa sila nagkakilala ni Rodjun ay napapanood siya nito sa Wazzup Wazzup, isang comedy-news program na umere sa Studio 23 mula 2004 hanggang 2007.

Isa si Dianne sa tinaguriang Tadjock o reporter ng show.

RODJUN AND DIANNE'S COURTSHIP DAYS

Paano nanligaw si Rodjun sa kanya noon?

Lahad ni Dianne: "More on labas-labas. Kakain sa labas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Ta's ang nakakainis pa kay Rodjun, vividly I remember, pag magkasama kami parang ang sweet niya. Ta's pag-uwi mo sa bahay hindi na siya magte-text. Hindi na siya magpaparamdam.

"Tapos nung time na yun, best friend ko kasi si Catherine Gonzaga 'tsaka si Bangs Garcia, kasi mga Lets Go girls kami nun.

"Sabi ko, 'Catherine, Bangs, niloloko ba ako nito? Pag magkasama kami sobrang okay kami. Ta's pag di na kami magkasama, di siya magte-text.'"

Rodjun Cruz and Dianne Medina teenage years

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Natatawang saad ni Dianne ukol kay Rodjun, "Ewan ko dito, siguro more on mind games. Di ba, uso pag mga bata pag nag-start? So parang way niya lang yun para magpa-miss."

Bumawi rin naman daw si Rodjun pagdating sa pagpapatunay na sinsero ito sa intensyon nito kay Dianne.

"Pero ang nakakatuwa kay Rodjun, pumupunta sa bahay. Formal ang panliligaw pati sa family ko, sa mom ko. Kinuha niya talaga yung loob," saad ni Dianne.

Sa isip-isip daw niya noon, "Maayos ito si Rodjun, knowing na artista siya."

Patuloy ni Dianne, "Kasi si Rodjun, ang tagal na niya artista, ako after college pa nag-artista.

"So parang bago sa akin yung environment talaga."

Matapos ang isa o dalawang buwang panliligaw, sinagot na rin daw ni Dianne si Rodjun.

July 2007 nang maging magkasintahan sila.

Lahad niya, "Hindi naman ako nagpakipot pa. Alam ko right there and then na, 'Gusto ko itong taong ito.' I wanna start a relationship with him. I also liked him very much."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"What I like about Rodjun, very Christ-centered and family-oriented. Mahirap din makahanap ng katulad mo na parang same religion, same tradition na ginagawa niyo, na magkasundong-magkasundo kayo sa lahat ng bagay."

GETTING TO KNOW EACH OTHER'S FAMILIES

Isa raw sa factor kung bakit tumibay ang relasyon nina Dianne at Rodjun ay pareho nilang minahal ang pamilya ng isa't isa.

Kuwento pa rin ni Dianne: "Number one, family is everything. Like si Rodjun, malalaman mo agad kung malinis yung intention nung taong iyon sa iyo kung pinapapakilala ka sa family.

"Nakikita ko kay Rodjun, sobrang Mama's Boy and he's proud of it.

"Nakikita ko kung gaano niya kamahal yung mom niya. Kung gaano niya pinapakita— inaakap niya, hinalikan niya.

"So dun pa lang napakaganda ng upbringing, napakaganda ng values na na-instill kay Rodjun as a family-oriented person."

Rodjun Cruz and Dianne Medina families

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Hinangaan daw ni Dianne ang pagiging Mama's Boy ni Rodjun, at hindi raw ito naging isyu sa dalaga.

Paliwanag ni Dianne: "It's important to establish a relationship most especially if that person is important to your boyfriend.

"Kasi dapat kung mahal niya, mahal mo rin yung tao na yun kasi importante yun sa kanya.

"And sa isang relationship, kapag may mga ugali na siya, nakasanayan na siya, di mo na puwede baguhin yun, e. Sabi nila, di mo dapat binabago isang tao.

"Kailangan mo din talaga mag-adjust. You just have to understand kung ano ba principles ng tao na yun.

"So for instance, kay Rodjun, naka-instill na sa akin yun ever since na kung sino mahal niya, pakikisamahan mo, at mamahalin mo din. You would really exert extra effort to get close to them, kasi yun ang mahalaga sa kanya. Mahal mo yung tao na yun, e."

Ganoon din naman daw ang pinakitang respeto at pagmamahal ni Rodjun sa pamilya ni Dianne.

Ani Dianne, "Sa isang vow ko sa wedding, nagpapasalamat ako sa kanya kung gaano niya kamahal yung family ko.

"Kasi alam niya na important sa akin pamilya ko.And mas lalo ako na-in-love sa kanya dahil talagang mahal na mahal niya yung family ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

HOT STORIES

SELOSAN ISSUE, PETTY FIGHTS

Pero gaya ng ibang magkasintahan, dumaan din sa mga pagsubok ang relasyon nina Dianne at Rodjun.

Inamin ni Dianne sa PEP.ph na tatlong taon na silang magkasintahan nang maging isyu sa kanila ang selosan, lalo na't early 20s pa lang sila noon.

"During that time, I was new to the business so di ko alam yung ins and outs.

"I wasn't really aware kapag may ka-love team, may kissing scenes. Alam ko pero di ako aware dun sa feeling. Kasi boyfriend ko, si Rodjun, matagal na siya sa showbiz.

"So nung time na yun, our relationship was really immature. We would check each other's phones. We would check messages. I would ask him palagi, 'Bakit kasama mo si ganito?'

"Kapag may ka-loveteam siya, ilang beses nagki-kissing scenes. 'Bakit di mo sinabing konti lang, mabilis lang. Bakit ka pa nagpapa-take two? Gusto mo 'yan, ano?'

"Inaaway ko pa siyang ganun. May mag ganyan kami ni Rodjun."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Naging isyu naman daw kay Rodjun ang pagpapa-sexy noon ni Dianne sa sexy comedy sitcom na Banana Split.

Bahagi si Dianne sa unang season ng show na umere mula October 2008 hanggang February 2009.

Co-stars noon ni Dianne sina Angelica Panganiban, Cristine Reyes, Roxanne Guinoo, RR Enriquez, Valerie Concepcion, at Princess Ryan.

Kuwento ni Dianne, "I remember, sinali ako ni Direk Bobot Mortiz from Let's Go na youth-oriented, biglang pina-sexy niya ako for Banana Split.

"So nung time na yun, we were required to wear skimpy clothes kasi yun ang format na show. Siyempre ako, bago akong artista, kailangan kong mag-oblige.

"Si Rodjun, grabe, ayaw niya ako nakikitaan. Gusto niya naka-cycling shorts lagi. Gusto niya naka-bandeau. E, ang objective nga is to show some skin.

"So may mga away kami na ganyan na immature, very petty fights. Ang dami talaga."

Dianne Medina and Rodjun Cruz

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

COOL-OFF ON THEIR THIRD YEAR AS A COUPLE

Hanggang sa dumating ang puntong naghiwalay daw sina Dianne at Rodjun.

Nagkaroon daw sila noon ng masinsinang pag-uusap tungkol sa dapat nilang ayusin sa kanilang relasyon.

Lahad ni Dianne: "I remember there was a time nag-cool off kami, parang nag-break, kasi we had a problem.

"May selosan, may ka-loveteam. Nag-take kami ng break from the relationship.

"That would be one moment na talagang naalala ko na nag-usap kami. 'Ano ba ang plan for the relationship? We should know our whys, our purpose. Why are we doing this? Why are we in this relationship? Okay pa ba tayo? Nag-grow pa ba tayo as an individual?'"

"Naalala ko yun, it was year 2009. Three years pa lang kami nun. There were so many challenges.

"So sabi ko, 'If we want to push through with this, we have to make it work.'"

Ipinagdasal daw talaga ni Dianne na sana ay magkabalikan sila ni Rodjun.

Ani Dianne, "Nag-novena pa ako nun, 'Lord, ibalik mo lang si Rodjun.' Kasi nga pag nag-aaway. more of laging kung anong gusto ko, laging yun ang pinagdadasal ko."

Umubra naman daw ang dasal ni Dianne.

Nagdesisyon daw sila ni Rodjun na piliing ipagpatuloy ang kanilang relasyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"So I guess, may advice para sa mga listeners, in every problem always choose to love one another.

"Lahat ng relationship, ito nagtagal, bakit sa ganito hindi?

"Nagtagal yun because there are two people who decided na ipaglaban yung relationship nila and to make it work."

Dianne Medina and Rodjun Cruz

FACING TRIALS TOGETHER

Mula nang malampasan nina Dianne at Rodjun ang selosan phase, hindi na raw muling nagkaroon ng matinding away ang magkasintahan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ang mga sumunod na pagsubok sa kanilang relasyon ay may kinalaman sa kung paano nila sinuportahan ang isa't isa sa panahon ng hirap na pinagdadaanan ng kani-kanilang pamilya.

October 2009 nang pumanaw ang ama ni Rodjun na si Rodolfo Ilustre dahil sa kumplikasyon sa lungs at kidney.

February 2019 nang pumanaw ang ina ni Rodjun na si Melody "Beth" Cruz dahil sa sakit na pancreatic cancer.

July 2011 nang pumanaw ang ina ni Dianne na si Maria Josefa "Vicky" Medina dahil sa breast cancer.

Sa mga pagkakataong iyon, malaking bagay daw na parehong matindi ang pananampalataya nila sa Diyos para maibsan ang kanilang kalungkutan.

Sa kaso ni Dianne, high school pa lang daw siya nang taningan na ang buhay ng kanyang ina ng mga doktor sa U.S. na tumingin dito.

Kuwento ng actress-TV host: "So parang sabi ng doctor, 'No chance to live.' Pero sabi ng Panginoon, '10 more years.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"So parang nung time na yun, 'Lord, thank you for extending my mom's life and I would be forever grateful na I want to give back as my gratitude...

"Never did I question God nung kinuha na niya si Mommy."

Sa kaso ni Rodjun, pareho raw silang apektado nang biglaang magkasakit ang ina ng aktor sa gitna ng wedding preparations noon nina Dianne at Rodjun.

Sabi ni Dianne ukol kay Rodjun: "Close na close siya sa mom niya. Kapag nagde-date kami, tatlo kami lagi. Tawag nga namin sa sarili namin, the Trio Group.

"Rodjun, me, and mom niya, sa lahat ng dates kasama talaga. Even planning, even food tasting sa wedding...

"Kaya nagulat talaga kami kasi yung mom niya malakas, tapos in a snap ganito nangyari."

Dagdag pa ni Dianne tungkol sa ina ni Rodjun, "And I was also looking forward na tawagin siyang Mommy or Mama kasi wala na akong mommy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Looking forward ako to have her as a second mom. Lahat kami na-shock sa nangyari."

Dianne Medina and Rodjun Cruz marriage proposal

Pero hindi raw talaga pinanghinaan ng loob si Rodjun kahit mahirap ang kondisyon ng ina.

"Kahit sa mom niya noon, literal sinasabi ng doctors it's really impossible for her to live, grabe siya [Rodjun] kay Lord talaga. Grabe, hanggang sa dulo nilaban niya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Likas daw kasing optimistic ang aktor.

Paglalarawan pa ni Dianne sa asawa: "Si Rodjun, very, very positive. Kapag nakilala mo ito, gugustuhin mo siya kasama kasi in every negative situation...

"Ako pa si Ms. Nega. Ako pa yung medyo ma-nega. Aaminin ko, sometimes I doubt.

"Pero si Rodjun, very strong faith kay Lord talaga, and very, very positive person.

"In the midst of negativity, siya yung isang tao sa room na always positive."

Dito raw napatunayan ni Dianne na tama ang payo sa kanya noon ng sariling ina tungkol sa katangiang dapat hanapin sa kanyang mapapangasawa.

"Hindi ko makakalimutan sabi ng mom ko, 'Kapag naghanap ka ng mapapangasawa mo in life, make sure to choose a Christ-centered person. Because that person that you would spend the rest of your life with, kalahati ng buhay mo in the future, reflected kung anong klaseng tao yung mapapangasawa mo."

Sina Dianne at Rodjun ay ikinasal sa Manila Cathedral noong December 21, 2019.

Isinalang ang kanilang anak na si Baby Joaquin noong September 10, 2020.

Dianne Medina in Calamansi App

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Para sa iba pang makabuluhang kuwento tungkol sa inyong paboritong artista, sali na sa mga chikahan sa PEP Voice Chat Room sa Calamansi Pinoy Voice Chat tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes.

Libre ang pag-download ng Calamansi sa mobile app stores.

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Dianne Medina on best quality about her husband Rodjun Cruz: "Hindi ko makakalimutan sabi ng mom ko, 'Kapag naghanap ka ng mapapangasawa mo in life, make sure to choose a Christ-centered person. Because that person that you would spend the rest of your life with, kalahati ng buhay mo in the future, reflected kung anong klaseng tao yung mapapangasawa mo."
PHOTO/S: @dianne_medina Instagram / Nice Print Photo (center)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results