Sunshine Cruz leaves home, Cesar Montano denies separation

by Erwin Santiago
Dec 28, 2007
"Wala akong itinatago. Kaya ako nanggagalaiti. Ewan kung diyan masaya ang press. Ang sabihing hiwalay kami!" says Cesar Montano about reports that he and wife Sunshine Cruz have separated because of Brazilian model Mariana del Rio (inset).

Nagsimula bilang isang blind item, natukoy ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung sino ang sinasabing celebrity couple na diumano'y naghiwalay nito lang nakalipas na Pasko. Ito ay sina Sunshine Cruz at Cesar Montano.

Mula sa ilang unidentified sources sa showbiz, napag-alaman ng PEP na nilisan ni Sunshine at ng tatlong anak nila ni Cesar ang bahay nila sa Quezon City noong mismong araw ng Pasko, December 25, pagkatapos ng mainitang pagtatalo.

CESAR DENIES REPORTS. Nakausap sa telepono ng Editor-in-Chief ng PEP na si Jo-Ann Q. Maglipon si Cesar kagabi ng 8:30, upang kunin ang kanyang panig tungkol sa kumakalat na balitang naghiwalay na sila ni Sunshine matapos ng mahigit na pitong taong pagsasama.

Halata sa boses ni Cesar na nasorpresa siya sa tawag ni Ms. Maglipon, pero mariin niyang itinanggi ang mga naglalabasang balita tungkol sa kanilang mag-asawa.

"Oh, one of those tampuhans lang ng mag-asawa ito," pa-casual na sabi ni Cesar. "One hundred percent ng Filipino couples, nagtatampuhan. Hindi ito naiiba sa 100 percent na 'yan. Tampuhan lang 'yan, no big deal."

Continue reading below ↓

Nang ipaalam sa kanya na ang bali-balita sa showbiz ay nagbigay na ng pahayag si Sunshine sa Philippine Star kaya namin kinukuha ang kanyang panig ay nagseryoso na ang tono ni Cesar.

"I would like to be honest. Meron kanya-kanyang version ang anumang tampuhan. Wala akong mabibigay na version ko, and this is to protect my children. Hindi lang ako ang Montano, sila rin. I have my story to tell, pero not now," pahayag niya.

Nang tanungin namin siya tungkol sa balitang nagkaroon sila ng malaking away ni Sunshine noong mismong araw ng Pasko, itinanggi ito ni Cesar. "We were together on the 25th," sabi niya.

Totoong umalis daw ng bahay nila sa Quezon City si Sunshine, pero nagpaalam daw kay Cesar ang asawa. Dumalaw daw kasi sa bahay nila si "Mommy Alma," ang ina ni Sunshine, at niyaya si Sunshine sa kanila.

Lalong pinabulaanan ni Cesar ang balitang may third party na involved sa kanilang "tampuhan" ni Sunshine.

Continue reading below ↓

"Magkakandahilo-hilo lang sila ‘pag pinatulan nila ang istoryang ito," sabi ni Cesar, na ang tinutukoy ay ang showbiz press. "Kailangang matigil na ito. Kung ilalabas n'yo ‘yan, ‘tapos lumabas ang whole scenario, kayo rin ang magsasabing ‘Bakit?' Wala ito, sa amin lang ito [ni Sunshine]. Wala akong itinatago. Kaya ako nanggagalaiti. Ewan kung diyan masaya ang press. Ang sabihing hiwalay kami!"

Dagdag niya, "The last thing I'm going to do is to have an affair. Si Sunshine, selos-selos lang ‘yan. Hindi ito grabe. It can be contained. It's a waste of time to write about this. Kami pa rin!

"You know me, I'm sober. I'm a health buff. I hate yung magpuyat. I have a sober mind. Hindi ko sisirain ‘yan sa pambababae. Yung magbahay ng babae, mambuntis ng babae, hindi ko gawain ‘yan. Ang dami kong plano sa buhay. Bakit ko sisirain?"

Sa puntong ito, sinabi ng PEP kay Cesar na maaaring sa kanya ay hindi ito grabe, pero para kay Sunshine ay maaaring malaking bagay ito dahil nagpahayag na itong umalis nga siya sa bahay nila.

Continue reading below ↓

"Don't you think I'm hurting?" palaban na tanong ni Cesar. "That's a great insult, that's an insult if you think I'm not hurting. This involves my three children. This [story] is stupid, stupid. This is hearsay. It annoys me so bad."

Sa tonong mas mahinahon, idinagdag niya, "Eto na lang, meron akong sasabihin kapag nabasa ko na ang sinabi ni Sunshine. Then, I will tell you my version. But right now, wala ito. This is tampuhan lang."

BRAZILIAN MODEL. Ang dahilan diumano ng paghihiwalay nina Sunshine at Cesar ay isang Brazilian model na lumabas sa TV ad ng Samba corned beef—si Mariana del Rio.

Ayon sa kuwento ng isang PEP source, nakita diumano ni Sunshine ang ilang litrato ng party ng Mano-Mano, ang katatapos lang na programa ni Cesar sa ABS-CBN, at dito raw ay malinaw na magkasama ang action star at si Mariana. Kilala nga raw ng staff ng Mano-Mano ang Brazilian model, at hindi lang daw sa iisang okasyon kasa-kasama ni Cesar ang magandang modelo.

Continue reading below ↓

Dahil kasama rin sa mga litrato ang isang matalik na kaibigan ni Cesar, tiniyak daw ni Sunshine na usisain ito. Hindi raw tumigil si Sunshine hangga't di niya napaamin ito. Noong una raw ay panay ang tanggi ng kaibigan ni Cesar, pero nang pagsabihan daw ito ni Sunshine na pupuntahan niya ang misis nito at sasabihing kakutsaba siya ni Cesar, nagtapat na raw ito.

Ayon sa kaibigan ni Cesar, noon pang Setyembre nagsimula ang pagkahumaling diumano ng action star sa batang Brazilian model, na sa pagkakaalam ng marami ay 16 years old, ngunit sa Friendster account nito ay nakalagay na 19 years old siya.

Matapos nito, tinawagan daw ni Sunshine ang manager ni Mariana, at sinabihan itong ilayo ang alaga niya sa kanyang asawa. Ang panakot diumano ni Sunshine ay magpapa-interbyu siya at sasabihing nirereto ng manager ang kliyente nito sa mga may-asawang maykaya.

Nang lumaon, nakuha rin diumano ni Sunshine ang numero ni Mariana at tinawagan niya ito. Pero laking gulat daw ni Sunshine nang siya pa ang murahin ng modelo sa telepono at sinabihang wala na siyang papel sa buhay ni Cesar dahil hiwalay na siya rito mula pa noong Setyembre.

Continue reading below ↓

"SAMBA." Sa isang kaugnay na pangyayari, nabalitaan ng PEP mula sa isa pang source na kumilos nga raw si Cesar para mapaniwala ang batang modelo na siya at si Sunshine ay hiwalay na. Giit ng source, para patunayan diumano ni Cesar na hiwalay na siya sa asawa, dinala nito si Mariana sa Bohol—ang hometown ni Cesar sa Visayas—at ipinakitang wala ni isang litrato si Sunshine sa bahay niya roon. Sabi pa ng source, dinala rin daw ni Cesar si Mariana sa Bulacan—kung saan may resthouse sina Cesar at Sunshine—at ipinakita rin daw na wala ni isang litrato si Sunshine doon.

Ayon sa iba namang source na malapit sa mag-asawa, may code name pa raw si Cesar kay Mariana sa kanyang cell phone—ito ay "Samba." Matatandaang si Marianna ay naging modelo para sa isang corned beef ad na ang tatak ay Samba. Sa television ad nito, nagsasayaw ng seksing samba si Mariana. Liban dito, may ilang beses na rin daw namataan ni Sunshine ang mga text message sa telepono ni Cesar mula kay "Samba." Ang uri raw ng mga text ay: "Honey, where are u?"

Continue reading below ↓

DECEMBER 25. Nang kumprontahin na raw ni Sunshine si Cesar noong Pasko tungkol sa kanila ni Mariana ay pumalag diumano ang action star. Bigla raw nitong binuweltahan si Sunshine tungkol sa pagiging sexy star nito noon. Sinabi raw ni Cesar kay Sunshine na magpasalamat siya at pinakasalan pa niya ang aktres kahit na dati itong "porn star." Ito raw ay paulit-ulit pang sinabi ni Cesar. Ito na raw ang ikinagulantang ni Sunshine.

Sabi raw ni Sunshine sa ilang kasamahan, "Inaamin kong nag-bold star ako. Pagkakamali ko iyon. Di ako nakinig sa mga magulang ko. Pero alam ni Buboy [tawag niya kay Cesar] na virgin ako nang nakuha niya ako."

Ayon sa ilang kaibigan ng singer-actress, malungkot ang mukha nito pero walang luha, at malinaw daw ang pagbigkas nito nang sinabing, "Ano ba naman yung mag-sorry siya? I'll forgive him. I love him, e. Hanggang ngayon, I love him. Pero binaligtad pa ako."

Continue reading below ↓

Nagbilang pa raw si Sunshine ng taon ng kanilang pagsasama, ayon sa ilang kaibigan. Akala nga raw niya ay nalampasan na nila ang tinatawag na seven-year itch dahil nakaabot sila ng eight years. Ngunit 'yon pala raw ay pareho pa rin ang kahaharapin niyang mga problema.

At nang inaalam daw ni Sunshine ang buong kuwento ng relasyon ng asawa kay Mariana, sinagot daw siya ni Cesar nang pabalagbag uli. Sinabihan daw siya na ikukuwento nito ang lahat-lahat kung sasabihin din daw ni Sunshine ang lahat-lahat ng namagitan sa kanila ni Jay Manalo.

Si Jay ang artistang nakasama ni Sunshine sa Dukot Queen, ang pelikulang ginawa nila noon para sa Viva Films na hindi natapos. Nagkaroon ng kontrobersiya rito nang ang isang erotic scene mula sa pelikula ay bigla na lang kumalat sa Internet at sa mga piniratang VCD for sale.

Nasaktan daw talaga si Sunshine sa pagdidiin ng asawa sa pangyayaring iyon, at noong araw mismo ng Pasko, Disyembre 25, umalis ito ng bahay akay-akay ang mga bata. Ngayon ay nasa bahay raw ng kanyang ina sa Parañaque si Sunshine at ang mga bata.

Continue reading below ↓

Noong umaga raw ng December 26 ay nagpunta pa ng gym si Cesar, pero bumalik siya sa isang bahay na wala ang kanyang mag-ina.

Samantala, may nakapagsabi rin sa PEP na may teorya sila sa dahilan kung bakit mabilis magalit si Cesar nitong mga nakaraang linggo at di malayong nakapagsalita ito nang masama sa asawa. Diumano, si Mariana raw kasi ay lumipad papuntang Korea kasama ang boyfriend nito.

ABANTE TONITE. Sina Sunshine at Cesar ay naging tampulan na ng blind items ng mga tabloids. Isa rito ay sa kolum ni Abu Tilamzik, na lumabas sa Abante Tonite kahapon, December 28.

Sinabi ni Abu Tilamzik na ayaw munang pag-usapan ng di niya pinangalanang aktres ang tungkol sa paghihiwalay nila ng di rin niya pinangalanang aktor dahil hindi pa raw panahon para magsalita.

Pero aminado raw ang aktres na ang ugat ng problema nila ng kanyang mister ay ang matagal na ring isyu na madalas nilang pinag-aawayan—ang babae.

Continue reading below ↓

Sabi ng aktres: "Alam mo naman kung anong sakripisyo ko para mapanatili lang na maayos ang pagsasama namin. Tumigil na nga ako sa pag-aartista para sa pamilya namin kaya hindi ganun kadali ang desisyon ko.

"Bukod sa daddy ko, siya lang ang tanging lalaking minahal ko at hanggang ngayon ay mahal ko pa rin siya. Siguro mabuti na munang ganito para ma-miss namin ang isa't isa."

CALL & TEXT. Upang kumpirmahin ang mga impormasyong nakalap ng PEP mula sa mga sources nito at sa mga blind items, tinawagan ni Ms. Maglipon si Sunshine kahapon, bandang 5:54 n.h., upang kunan ng pahayag. Hindi sinagot ni Sunshine ang telepono. Ilang oras matapos makausap ni Ms. Maglipon si Cesar, nag-text naman si Ms. Maglipon kay Sunshine.

Ayon sa text message: "Sunshine, may I kol u? So sori it's so late, but I tried to kol u hours ago, u dint pck up. PEP wrtng story nw."

Continue reading below ↓

Bagama't 12:30 na ng madaling-araw ipinadala ang text, sumagot naman si Sunshine. Ito ang sabi niya: "Hi tita joan. Not ready to talk now. I am hoping that this matter wud be settled. I love my family so much. I will call you soon. God bless."

Nag-text uli si Ms. Maglipon: "Thank u and I wish u d best. But I hope u don't mind that PEP will still do the story because it's doing the rounds of showbiz now, and it can't be ignored because ure both prominent players in the industry. This is a sad one, I must admit."

ALFIE LORENZO. Kaugnay ng balitang paghihiwalay nina Sunshine at Cesar, napag-alaman ng PEP na na-interview ng StarTalk kahapon din ang manager ni Sunshine na si Alfie Lorenzo, mas kilala bilang Tito Alfie.

Hindi man nagbigay ng detalye si Tito Alfie, kinumpirma nito ang paghihiwalay ng kanyang alaga at ni Cesar. Sinabi raw sa kanya ni Sunshine na, "Ninong, aalis na talaga ako."

Continue reading below ↓

Sa tingin ni Tito Alfie, sigurado na si Sunshine sa desisyon niya: "Oo, final, iyon ang tingin ko. Mahinahon na siyang magsalita. Di na siya nagtatalak. Desidido na siya."

Samantala, may mga naniniwala pa ring maaayos ni Cesar ang problemang ito. Una, mukhang desidido siyang makuha ulit ang pamilya niya. Pangalawa, alam ng lahat sa showbiz na mahal na mahal ni Sunshine si Cesar. Pangatlo, nariyan ang mga anak nila.

Ikinasal sina Sunshine at Cesar noong September 14, 2000, at nag-renew sila ng kanilang vows sa pamamagitan ng underwater ceremony sa Phuket, Thailand, noong March 2005.

Ang mga huling salita raw na narinig kay Sunshine ng mga kaibigan ay: "All I want is a little respect."

Sa ngayon ay pinipilit ng PEP na kunin ang panig ni Mariana del Rio at ang kanyang manager.

Read Next
Read More Stories About
Sunshine Cruz, Cesar Montano
Recommended Videos
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Wala akong itinatago. Kaya ako nanggagalaiti. Ewan kung diyan masaya ang press. Ang sabihing hiwalay kami!" says Cesar Montano about reports that he and wife Sunshine Cruz have separated because of Brazilian model Mariana del Rio (inset).
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results