Pumanaw na ang comedian/TV and radio personality na si Carmelito "Tolites" Reyes o mas kilala sa kanyang showbiz screen name na Shalala.
Ang kapatid ni Shalala na si Anthony Reyes ang nagkumpirma sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na binawian ng buhay ang komedyante ngayong Miyerkules ng umaga, June 23.
Pulmonary tuberculosis ang ikinamatay ni Shalala.
Siya ay 61 taong gulang.
Lahad ni Anthony, sa PEP.ph, “Na-confine po siya sa National Kidney Institute noong isang linggo. Pero noong lumabas siya, parang mahina pa rin.
“Pero afterwards, nakitaan siya ng progress, gumaganda ang kundisyon niya.
"Noong Tuesday, June 22, itinakbo namin siya sa Fe del Mundo Medical Center.
"Ni-revive siya kahapon, nahabol naman hanggang kagabi, pero namatay na po siya kanina."
Malungkot na dagdag ng kapatid ni Shalala, "Nawalan po kami ng pakpak."
At press time, inaayos pa ang lugar na pagbuburulan sa mga labi ni Shalala kaya hindi pa makapagbigay ng kumpletong detalye si Anthony.
Isinilang si Shalala noong January 20, 1960.
Bago naging showbiz personality, nagtrabaho siya bilang advertising and promotions coordinator ng Viva Films, Millennium Films, at Maverick Films.
Ang namayapang TV host at star builder na si German "Kuya Germs" Moreno ang nagbigay kay Shalala ng break sa radyo at telebisyon.
Si Kuya Germs din ang nagbinyag kay Reyes ng screen name na Shalala.
Kabilang sa TV programs noon ni Shalala ang Walang Tulugan with the Master Showman ng GMA-7, at Juicy at Swerte Swerte Lang ng TV5.
Lumabas din siya sa mga pelikula at nagkaroon ng launching movie, ang Echoserang Frog, noong 2014.