Angeline Quinto hopes to fulfill late Mama Bob's wish for her to have her own family

by Julie E. Bonifacio
Jul 22, 2021
Angeline Quinto on praying for her future husband: "Pero nung nawala naman ang mama, talagang sinabi ko naman sa kanya, 'Ma, tulungan mo naman ako na makikilala ko kung sino yung lalaki na tama para sa akin. Kung sino ang gusto mo. Kasi kung ako lang yun, ayokong magkamali."
PHOTO/S: @loveangelinequinto Instagram

Hindi napigilang maiyak ni Angeline Quinto na lubos pa ring nagdadalamhati sa pagpanaw ng kanyang adoptive mother na si Sylvia Quinto, o mas kilala bilang "Mama Bob."

Binawian ng buhay ang ina ni Angeline noong November 7, 2020.

Makalipas ang walong buwan, "nagluluksa" pa rin si Angeline sa pagkamatay ni Mama Bob.

"Lagi kong sinasabi sa lahat ng nangangamusta sa akin, siguro yung paulit-ulit na sinasabi ko sa kanila, yung pangungulila ko sa Mama Bob ko, hindi natatapos yun, e," saad ni Angeline.

"Pero alam ko sa sarili ko, bago ko i-let go si Mama Bob, buong-buo yung puso ko na tinanggap ko yun. Kasi, alam ko na kailangan na siya doon. Tapos na yung misyon niya dito.

"Kasi before naman, nung buhay ang mama ko, sobrang open kami sa isa't isa, napagkukuwentuhan namin yun."

Ayaw rin naman daw niyang mahirapan ang kanyang ina na ilang linggong na-confine noon sa ospital dahil sa pagkakasakit.

Continue reading below ↓

"Sabi ko kay Mama Bob, 'Alam mo na ang misyon mo sa buhay ay maiayos ang buhay ko, nagawa mo na.' Kaya bukal po talaga sa loob ko yun.

"Masakit, mahirap. Pero wala naman akong ibang pinagkakatiwalaan. Lahat naman ng buhay natin ay hiram lang sa Diyos.

"So, siguro kailangan na si Mama Bob doon. Kaya ni-let go ko naman po nang buong puso."

May ginagawa raw si Angeline kapag nalulungkot siya dahil sa pagkawala ni Mama Bob.

Paliwanag niya, "Ang lagi kong ginagawa kapag nalulungkot ako... kasi halos araw-araw pa rin po talaga ay nami-miss ko ang Mama Bob.

"Ngayon, ang ginawa ko, lagi akong natutulog sa kuwarto niya.

"So, yung kuwarto ko po sa bahay namin walang gumagamit ngayon, kasi every day doon ako nag-i-stay.

"Kasi, alam ko kapag nalulungkot ako, umiiyak ako, mas napi-feel ko yung spirit ni Mama nandiyan sa tabi ko kapag nandun ako sa sariling kuwarto niya."

Continue reading below ↓

MAMA BOB'S WISHES FOR ANGELINE

May pangarap pa ba si Mama Bob para sa kanya na di pa niya natutupad?

Sagot ni Angeline, "Ang pangarap po ni Mama Bob, kung ang pagbabasehan po natin ay kung sa trabaho, lahat naman nasabi na sa akin ng mama ko, e, natupad ko bilang isang singer.

"Kasi, di ba, nanggaling po ako ng mga singing contest? Yun ang pangarap ng mama ko—maging professional singer po ako pagdating ng panahon."

Nais din daw sana ng kanyang ina na makita siya noong may sariling pamilya.

Kaya dasal ni Angeline na matagpuan ang tamang lalaki para sa kanya.

Lahad ni Angeline, "Ang isang pangarap ng Mama Bob ko para sa akin na hindi ko natupad nung buhay pa siya ay yung magkaroon ako ng sarili kong pamilya. Na makita niya ang apo niya sa akin. Yun po.

"Pero nung nawala naman ang mama, talagang sinabi ko naman sa kanya, 'Ma, tulungan mo naman ako na makilala ko kung sino yung lalaki na tama para sa akin. Kung sino ang gusto mo.'

Continue reading below ↓

"Kasi kung ako lang yun, ayokong magkamali. Ang dami ko nang naging relationship na hindi ko naman...'"

Kamakailan ay naikuwento ni Angeline na naranasan na niyang magpautang, magregalo ng kotse, at magbigay ng motorsiklo sa dating nakarelasyon.

Single si Angeline ngayon.

Patuloy niya, "Pero yun nga, yun talaga ang pinagpri-pray ko rin ngayon. Na kung makilala ko nga ang tamang lalaki para sa akin, na kahit wala si Mama Bob, siyempre para rin sa future ko.

"Kung sino yung makakasama ko na, kung para kanino na ako mabubuhay ngayon dahil wala na si Mama.

"I'm sure mabibigay sa akin 'yon. In God's time po."


Continue reading below ↓

PATULOY ANG PANGARAP

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Angeline sa contract signing niya bilang kauna-unahang celebrity endorser ng Ayesha's Beauty Products, na ginanap sa Romulo's Cafe, last July 16.

Dito ay taos-pusong nagpasalamat si Angeline sa mga may-ari ng iniendorso niyang produkto, sina Michael at Armie Agmata, na mainit siyang tinanggap bilang bagong kapamilya.

"Last year, sa simula na nawala ang mama ko, masyado po akong nainggit sa mga taong buo ang pamilya... Gusto kong magpasalamat sa tiwalang ibinigay nila para maging parte ng pamilya nila.

"Maraming-maraming salamat po. Masayang-masaya ako," ani Angeline.

Na-touch daw si Angeline nang malaman niyang nagbigay-inspirasyon sa pamilya Agmata ang kanta niyang "Patuloy Ang Pangarap" noong mga panahong may dinadaanang trial ang mga ito.

Sabi ni Angeline, "Kasi, di ba, lahat naman tayo may mga pinagdadaanan na hindi natin malilimutan sa buhay. Pero yung mga pinagdaanan natin na ‘yan, ‘yan ang nagpatibay sa atin kung bakit tayo nandito ngayon.

Continue reading below ↓

"So, 'yon yung lagi kong pananaw sa sarili ko. Hindi ko na ikinakahiya kung ano yung mga pinagdaanan ko dati bilang taga-Sampaloc na simple lang ang pangarap at pamumuhay.

"Pero dahil po sa kantang 'Patuloy ang Pangarap,' mas naisi-share ko sa mga tao at napakaraming mga kapamilya ko kung ano pa yung mga posible na akala nila imposibleng mangyari.

"Pero naniniwala ako sa pangarap ko at niyakap ko ‘yan. Posible nga palang mangyari."

Isang dekada na mula nang unang pasukin ni Angeline ang show business matapos niyang manalo sa defunct ABS-CBN reality talent search na Star Power noong 2011.

Hanggang ngayon ay baon ni Angeline ang inspirasyon ng kanyang tagumpay bilang singer.

Lahad niya, "Yung awitin ko, yung 'Patuloy ang Pangarap,' nagbago rin ang buhay ko.

"Kasi ako, simula po nung start ng Star Power, nung contestant pa lang ako at nung grand finals mismo ng Star Power, bawat sinasabi nung kanta na 'Patuloy ang Pangarap,' nangyari talaga sa buhay ko.

Continue reading below ↓

"Ngayon na naririnig ng ibang tao sa Pilipinas, sa ibang bansa yung kanta ko, sobra akong thankful."

MISSING CONCERT TOURS ABROAD

Excited na raw ang Kapamilya singer na muling makapag-show abroad. Miss na miss na ng tinaguriang Queen of Teleserye Theme Songs ang makapag-perform para sa mga kababayan nating nasa ibang bansa.

"Unang-una na gusto kong gawin after ng pandemic, gusto kong makapag-shows abroad ulit," ani Angeline.

"Kasi siyempre, alam niyo, tayo po dito sa Pilipinas sobra po tayong nalulungkot. Alam ko kasi yung feeling nila, lalo sila, ang tagal nilang hindi nakasama ang pamilya nila."

Wala pa mang pandemya ay saksi raw si Angeline kung paano nalulungkot ang ating mga kabababayan sa ibang bansa, especially ang OFWs (Overseas Filipino Workers).

Sabi niya, "Pero dahil sa mga shows na nagagawa namin, or kung sino man ang kasama namin, like Erik Santos, or mag-isa ako sa show, ultimo yung ipapadala nilang pera sa pamilya nila, e, ibibili nila ng tiket para sa show namin.

Continue reading below ↓

"So, yun, gusto kong mabalikan sila. Kumustahin sila doon kung kumusta sila. Kasi ilang taon na rin po ako hindi nakakapag-travel.

"Hopefully, siguro next year. Kasi unti-unti naman po bumabalik yung mga inquiries ng out-of-the-country shows, e.

"So, may awa ang Diyos, siguro maibabalik din natin ‘yan. Paunti-unti po."

Umaasa si Angeline na matapos na rin ang COVID-19 pandemic, at sana raw ay patuloy ang suporta ng fans sa kanya.

"Sana abangan ninyo pa po kung ano pa yung iba pang mangyari sa future.

"Hopefully po, sana maging maayos ang lahat. At lalo kapag nawala na ang pandemic, di ba, po?

"Sana maging maayos na ang lahat at patuloy lang tayo. Lahat naman tayo yun ang dinadasal."

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Angeline Quinto on praying for her future husband: "Pero nung nawala naman ang mama, talagang sinabi ko naman sa kanya, 'Ma, tulungan mo naman ako na makikilala ko kung sino yung lalaki na tama para sa akin. Kung sino ang gusto mo. Kasi kung ako lang yun, ayokong magkamali."
PHOTO/S: @loveangelinequinto Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results