Judy Ann Santos fondly remembers late Mara Clara co-star Eruel Tongco

by James Patrick Anarcon
Aug 1, 2021
Judy Ann Santos reveals she was supposed to join Eruel Tongco on his show on the night of his accident: “From Mara Clara taping, didiretso kami doon. Sasabay ako sa kanya kasi wala naman akong sasakyan noong time na iyon."
PHOTO/S: Mara Clara (ABS-CBN)

Nagbalik-tanaw si Judy Ann Santos sa kanyang mga alaala kasama ang yumaong aktor na si Eruel Tongco.

Si Eruel ang orihinal na gumanap na Gary Davis, ang ama-amahan ni Mara (Judy Ann) na minamaltrato siya. Ito ay dahil sa alam niyang hindi niya tunay na anak si Mara at ipinagpalit lamang nila ito ni Kardo (Dan Fernandez) kay Clara (Gladys Reyes).

Taong 1996, habang nasa kalagitnaan ng pag-ere ang teleserye nilang Mara Clara, ay nabangga ang minamanehong sasakyan ni Eruel, na siyang kumitil sa kanyang buhay.

Sa PEP Live episode nina Judy Ann at Gladys noong Huwebes, July 15, nagkuwento siya tungkol sa mga naaalala nila kay Eruel.

Bagamat madalas binubugbog ni Eruel si Judy Ann sa mga eksena nila noon, sa tunay na buhay ay sila ang naging malapit sa isa’t isa.

Bukod kasi sa lagi silang magka-eksena, magkasama na pala noon sina Judy Ann at Eruel sa ’80s drama series na Ula: Ang Batang Gubat.

Continue reading below ↓

Kuwento ni Judy Ann, “Mas madalas kaming magkasama kasi sa second unit kami, e. Sa location kami nagte-taping. Sila Gladys, kapag magkikita sila ni Kuya Eruel, palaging saglit lang iyong eksena nila.

“May tawid lang si Gladys sa set namin or may tawid lang si Kuya Eruel sa set nila.

“Pero kami talaga ni Kuya Eruel, sa kanya ako lumaki.”

Isa raw sa mga naaalala ni Judy Ann kay Eruel ay ang pagiging “chickboy” nito.

Natatawang kuwento ni Judy Ann, “So kapag sinasampal niya ako… baby girl nga ako noon, e. Kami ni Gladys, automatic iyan kapag nandoon si Kuya Eruel kinukulit kulit namin siya kasi napaka… paano ko ba [sasabihin]… habulin ng chicks!

“So, kapag may dumadating na girlfriends sa set, minsan paiba-iba!

“Hindi mo naman na ako maaano ngayon nandiyan ka na!”

Ang pinaka pinanghihinayangan lang ni Judy Ann ay hindi na-witness ni Eruel ang naging tagumpay ng Mara Clara hanggang sa magtapos ito.

Continue reading below ↓

Ayon pa kay Juday, si Eruel ang talagang “perfect” na maging Gary, hindi lang sa pagganap ni Eruel kung hind imaging sa interaction nila bilang co-stars.

Pagpapatuloy ni Judy Ann, “Sayang na hindi niya nakita kung gaano kalaki lumaki ang Mara Clara, kasi siya talaga iyong perfect na Gary dahil wala siyang effort.

“At saka si Kuya Eruel, Ula pa lang, magkasama na kami. Ula pa lang, batang-bata pa lang ako, magkasama na kami.”

REWARD AFTER EVERY BUGBOG SCENE

Mas naging madali kay Judy Ann na gawin ang mga mabibigat na eksena sa Mara Clara kasama si Eruel.

Sa Mara Clara kasi, halos kada episode ay binubugbog ni Gary si Mara, kaya naman nagkakasakitan talaga sila Judy Ann at Eruel dahil sa mga eksena.

Pero alam naman daw ni Eruel kung paano siya babawi kay Judy Ann sa tuwing may matatamo siyang sampal dito.

Pagbabalik-tanaw ni Judy Ann, “So dumating sa point sa Mara Clara na nakakalima, apat na sampal siya sa akin. May sabunot, may bugbog.

Continue reading below ↓

“Dumating na ako sa point na, ‘Kapag may sampal ngayong araw sa set na ito na hindi mo na-control dahil nadala ka ng ganap ganap mo, bigyan mo ako ng kwintas, hikaw!’

“Noon, nagsimula kami sa Slurpee ng 7-11 hanggang sa si Direk Emil [Cruz, Jr.], nagdadala na siya ng mga alahas sa set na puwede mong hulugan.

“E, doon lang kami nakakaipon ni Gladys ng alahas, kapag sinabi mong hulugan ito, ‘Ay, sige po, kukuha ako!’ Puwede ka magbayad kapag may sweldo ka.”

Judy Ann SantosJudy Ann Santos and Eruel Tongco.

Continue reading below ↓

JUDY ANN’S REVELATION ABOUT THE ACCIDENT

Hindi nababanggit sa kahit na anong impormasyon sa internet ang eksaktong araw ng aksidente ni Eruel.

Hindi rin ito nabanggit ni Judy Ann, pero tandang-tanda niya ang mga huli nilang naging pag-uusap ni Eruel bago ito namatay.

Pag-alala ni Judy Ann, “Kasi supposedly, the next day, first shooting day ng Mara Clara: The Movie.

“Marami sigurong hindi nakakaalam nito, umakyat siya noon ng Nueva Ecija for a show.”

Dapat pala ay kasama si Judy Ann noon sa show na pupuntahan ni Eruel.

Kuwento ni Juday, “From Mara Clara taping, didiretso kami doon. Sasabay ako sa kanya kasi wala naman akong sasakyan noong time na iyon.

“Hindi ako nakasama kasi meron pa akong mga eksenang hindi pa nakukunan, so itinawag na lang doon sa producer na hindi ako makakasama kasi kaibigan naman ni Kuya Eruel iyong producer.

“So umakyat na sila, noong pauwi sila naaksidente, na supposedly I was also there dapat sa kotse kung saan siya nagmamaneho.”

Continue reading below ↓

Bago umalis si Eruel paakyat sa Nueva Ecija, nagkaroon pa sila ng pag-uusap tungkol sa first shooting day ng Mara Clara: The Movie.

Pagbabalik-tanaw ni Judy Ann, “Bago siya nagpaalam sa akin, nag-akapan kami.

[Sabi ko,] “Kuya, first shooting day bukas, huwag kang male-late, ha. Ingat ka sa byahe.”

Pagkatapos daw nito, nang umuwi siya sa bahay at natulog ay napanaginipan niya si Eruel.

Pagpapatuloy ng kuwento niya, “Noong gabing iyon, napanaginipan ko siya. Napanaginipan ko siya na parang ang totoo-totoo ng panaginip ko.

“Nilapitan niya ako ‘tapos ang sinabi niya lang sa akin, ‘Kaya mo iyan. Kaya niyo iyan. Basta nandito lang ako.’

“’Tapos, nagising ako, e. Noong time na iyon wala pang telepono, e, Pocket Bell [pager] pa lang, e.”

Nagulat daw si Judy Ann nang makatanggap siya ng message na na-pack up ang taping ng Mara Clara dahil pumanaw si Eruel dahil sa aksidente.

Hindi raw makapaniwala si Judy Ann sa balita. “Kasi kakapanaginip ko pa lang sa kanya na parang totoong totoo siya ‘tapos kakakausap ko lang sa kanya noong gabi.

Continue reading below ↓

“So parang nagdikit lang iyong panaginip ko sa kanya na sabi niya, ‘Basta dito lang ako, kaya niyo iyan, hindi ko kayo pababayaan, kaya niyo iyan.’

“Iyon na pala iyong parang nagparamdam siya saying na, ‘Hindi ako ang gaganap na Gary.’”

NO OTHER ACTOR CAN PULL OFF GARY

Naniniwala si Judy Ann na si Eruel ang tamang aktor na kinuha para sa karakter ni Gary hindi lang dahil sa pagiging effective niya sa role, kundi maging sa dynamics nilang dalawa bilang co-actors.

Sabi ni Judy Ann, “Siguro kung iba ang gumanap ng Gary sa Mara Clara series, magiging iba iyong kilos at galaw ko.

“Kasi kasama ko siya mula bata ako, e, so alam niya ako. Kilala niya ako, kilala ko siya so parang naging tatay ko siya, kuya ko siya.”

Pag-amin ni Judy Ann, nagkaroon siya ng kaunting problema sa paggawa ng Mara Clara: The Movie dahil hindi na si Eruel ang gumanap na Gary.

Continue reading below ↓

Si William Martinez ang kinuha na Gary para sa movie version.

Ani Judy Ann, “Kaya talagang heartbroken ako noong ginagawa namin iyong Mara Clara: The Movie kasi siya talaga iyong nakikita ko, siya iyong naaalala ko.

“Naging biased ako noong ginagawa ko iyong Mara Clara: The Movie kaya siguro hirap din ako kumonek kay William Martinez kasi para sa akin, walang ibang puwedeng gumanap na Gary.

“Pero siyempre kasi bata ka pa noon, e. Hindi mo alam kung kailan ka nagiging unfair sa katrabaho mo at nagiging fair sa katrabaho mo.

“Until na-realize ko na lang na baka ito iyong message ni Kuya Eruel sa panaginip ko na hindi niya ako pababayaan, kaya namin ito.

“Kasi naniniwala ako na para siyang [William] sinapian ni Kuya Eruel noong shoot, e, kasi kung paano ako binugbog ni William sa movie, ganun din naman ako binugbog ni Kuya Eruel sa TV so parang it’s a tie naman,” biro ni Judy Ann.

Continue reading below ↓

A GOOD ACTOR

Sa huli, parehong pinuri ni Judy Ann at Gladys ang pagiging aktor ni Eruel.

Sabi ni Gladys, “Napakahusay na artista.”

Tugon naman ni Judy Ann, “Walang ka-effort effort, kumbaga kung maihahanay mo sa mga veteran artists ngayon, puwede mo siyang ihanay kay Albert Martinez.

“Napakahusay niya at saka napaka-down-to-earth na tao.

Dagdag ni Gladys, “Siguro kung nabubuhay siya, isa siya sa mga versatile actors talaga natin ngayon kasi ang husay husay niya, napaka-natural ng pagiging Gary niya noon sa Mara Clara.”

Pero kahit daw “matatakot ka talaga” kay Eruel pag nag-roll na ang camera, sabi ni Judy Ann ay kabaligtaran naman daw ang nangyayari pag sumigaw na ang direktor ng “cut!”

Kuwento niya, “Kung pupugin naman niya ako ng halik kapag alam niyang nasaktan ako ay kulang na lang, i-hele niya ako hanggang pagtulog.

“At napakabait na tao talaga noon, talaagang kulang na lang, kapag talagang after ng eksena na sampalan, bugbugan ‘tapos hindi ko siya kakausapin, ipaghahain ako niyan, paghihimayan ako ng ulam, kulang na lang susubuan niya talaga ako!

Continue reading below ↓

“Pupunasan niya ako ng pawis, naglalambing kasi alam niyang nagtatampo ako sa kanya dahil nasaktan ako.

“Pero minsan ino-oa-n ko na lang kasi nilalambing niya ako at saka gusto ko ng Slurpee talaga,” natatawang pagtatapos ni Judy Ann.

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Judy Ann Santos reveals she was supposed to join Eruel Tongco on his show on the night of his accident: “From Mara Clara taping, didiretso kami doon. Sasabay ako sa kanya kasi wala naman akong sasakyan noong time na iyon."
PHOTO/S: Mara Clara (ABS-CBN)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results