Robin Sison's wife airs grievance against Lunch Out Loud management: "Walang complainant, tapos nagbigay ng judgment."

by Jojo Gabinete
Aug 13, 2021
Jo-Ann Sison says there is "injustice" in the removal of husband Robin Sison (left) as Lunch Out Loud creative manager. She also says that the two female writers mentioned in the alleged harassment issue told her that they never filed a complaint against her husband, nor did they sign any document saying he harassed them.
PHOTO/S: Courtesy of Jo-Ann Sison / Lunch Out Loud Facebook

#RobinSisonVsLunchOutLoud Part 3

Hindi napigilang maluha ni Jo-Ann Sison nang maglabas ng sama ng loob sa pagkakatanggal ng mister niyang si Robin Sison bilang creative manager ng Lunch Out Loud.

Ang Lunch Out Loud (LOL) ay ang TV5 noontime show na ipinoprodyus ng Brightlight Leisure and Productions Inc., ang kumpanyang pag-aari ng negosyante at dating Negros Occidental representative na si Albee Benitez.

Sa opisyal na pahayag ng kumpanya, na ipinadala sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong August 10, sinabi ng Brightlight na hindi ni-renew ang kontrata ni Robin dahil sa paglabag nito sa Safe Spaces Act at dahil sa isyu ng abuse of authority.

Ang Safe Spaces Act o Republic Act 11313 ay batas na nagpuprotekta sa gender-based sexual harassment sa workplaces, streets, public spaces, at educational o training institutions.

Mariing kinontra ni Mrs. Sison ang harassment na ibinibintang kay Robin.

"That is why naninindigan kami. Nagsasalita kami to clear his name. Bigyan niyo siya ng due process. Hindi ito makatarungan. Injustice talaga ang nangyari," pahayag ni Mrs. Sison sa eksklusibong panayam ng PEP.ph.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Dugtong niya: "Huwag naman po ganoon, maliit na tao lang po kami. Hindi kami magkakaroon ng lakas ng loob na magsalita kung may ginawa kaming mali.

"Ang meron lang kami, dignidad. Yun lang ang gusto naming ipaglaban, ang dignidad para sa amin."

Psychologist at Human Resources (HR) head si Jo-Ann Sison ng isang kompanya.

Nagsalita siya sa PEP.ph tungkol sa isyung kinasasangkutan ni Robin dahil hindi raw niya matanggap ang official statement na inilabas ng pamunuan ng Brighlight Productions tungkol sa non-renewal ng kontrata ng kanyang asawa.

Alam daw ni Mrs. Sison ang isyu dahil ikinuwento sa kanya ni Robin ang mga nangyari nang "walang labis at walang kulang."

Kasama rito ang nangyari noong August 3, kunsaan kinausap si Robin nina Bobet Vidanes at Pat-P Daza tungkol sa end of contract ni Robin at sa insidente ng harassment na kinasangkutan umano nito.

Si Bobet ang creative producer ng Lunch Out Loud, habang supervising producer ng show si Pat-P.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sa karanasan raw niya bilang HR head, malinaw kay Mrs. Sison na hindi dumaan sa tamang proseso ang nangyaring imbestigasyon ng harassment laban sa kanyang mister.

Lahad ni Mrs. Sison, "Ipinakuwento ko kay Robin ang buong pangyayari.

"Ang sinabi ni Miss Pat-P Daza na, 'Wala kaming masasabi sa performance mo, pero hindi na namin ire-renew ang kontrata mo dahil may reklamo na, sa tuwing nalalasing ka, nangangatok ka ng pinto at threatened sa 'yo ang writers.'

"Sa punto tayo na may nagreklamo, nate-threaten.

"Hindi nga alam ni Robin na nagkaroon ng imbestigasyon.

"Sa akin, bilang HR, ano dapat ang ginawa mo? Unang-una, ano ang dapat na meron? Yung complainant.

"Meron bang complainant?"

Ayon pa kay Jo-Ann Sison, nakausap niya ang sinasabing female writers na na-harass umano sa pangangatok ni Robin sa pintuan ng hotel room nila noong locked-in ang staff ng noontime show.

Napag-alaman raw ni Mrs. Sison mula sa female writers na hindi totoong naghain sila ng reklamo laban kay Robin sa management ng Lunch Out Loud.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Hindi ba ang sabi ng mga writer, ipinatawag sila isa-isa para makipag-meeting? Akala nila tungkol sa trabaho.

"Noong nasa opisina na sila, tinatanong sila tungkol kay Robin.

"Meaning, hindi sila kusang-loob na pumunta doon para sabihin na, 'Inirereklamo po namin si Sir Robin dahil may ginawa po na ganito.'"

At sakali mang totoong may nagreklamo, naniniwala raw si Mrs. Sison na may tamang proseso para madinig ang bersiyon ng complainant at ng respondent.

Paliwanag ng HR head: "Kung talagang may nagreklamo, it should be transcribed, documented.

"Dapat ipinatawag nila si Robin bilang head ng LOL at i-inform na, 'Robin Sison, kaya ka ipinatawag dito, dahil may mga natanggap kaming reklamo. Inirereklamo ka sa kasong ganito.'

"'Ngayon, habang iniimbestigahan namin ito, isu-suspend ka muna namin.'

"Bakit kailangan i-suspend ang isang empleyado? Isu-suspend mo ang isang empleyado para protektahan mo yung complainant dahil nasa iisang kompanya sila.

"Para maalis yung takot nila kung nate-threaten sila, dapat talaga na i-suspend yung accused.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"'At gusto naming ipaalam sa 'yo na kung ang lalabas sa imbestigasyon, mas mabigat yung paratang sa 'yo, puwede kang maalis sa trabaho.'"

ROBIN'S WIFE DETAILS WHAT SHE FOUND OUT FROM LOL FEMALE WRITERS

Kinuwestiyon ng misis ni Robin ang pahayag ng Brightlight Productions na nagkaroon ito ng masusing imbestigasyon sa mga reklamong natanggap laban kay Robin.

Punto ni Mrs. Sison, paano nagkaroon ang Brightlight Productions ng "thorough evaluation of facts" kung wala namang female writers na nagreklamo laban sa kanyang mister?

Ni wala umanong basehan sa tunay na pangyayari ang mga isyung tinanong ng nag-imbestiga sa mga writers.

Salaysay ni Mrs. Sison: "Noong mangyari ang imbestigasyon, July 2021, under contract pa rin si Robin sa Brighlight, kaya may karapatan siyang malaman.

"Kahit sinong mamamayan, alam ‘yan, na dapat bigyan siya ng due process.

"Ang dapat ginawa ng HR o ng kung sinumang Executive Committee [ng show], gagawa sila ng impartial investigation. When I say impartial, walang kinakampihan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Pero anong nangyari? Tinawag nila yung mga writer, tinanong nila kung may ginawa ba si Robin sa kanila na pangha-harrass o kabastusan.

"Ang ginawa sa kanila, binigyan sila ng scene na, 'Halimbawa ganito, ginawa sa ’yo ‘yan, ano ang mararamdaman mo?'

"But not necessarily si Robin yung sinasabi nila na gumawa.

"Bakit hindi sila [writers] nagreklamo kung totoong aggrieved party itong mga bata?

"It is unwritten law sa mga babae na kapag nakaramdam ka ng pambabastos galing sa kahit na sino, mataas man ang posisyon sa ’yo, mas mababa ang posisyon sa ’yo, ano ang una mong gagawin?

"Lalayuan mo, iiwasan mo yung tao. Magko-confide ka sa isang tao rin, di ba?

"At kahit sabihin mo na mas mataas ang posisyon ni Robin kaya hindi ka makapagreklamo, pero once na tinawag ka na, kagaya nang ginawa nila, pinaupo ka doon at nakita mo na yung attorney, ano ang mararamdaman mo?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Makakaramdam ka ng kapayapaan. Finally, makakapagreklamo ka na. Iiyak ka at doon mo ikukuwento ang bawat ginawa sa ’yong kabastusan—ang harassment na ginawa sa ’yo."

Giit pa ni Mrs. Sison, ang mga pahayag ng female writers ng LOL nang magkausap sila ay taliwas sa sinasabi ng Brightlight Leisure Productions.

Una na, ipinagtaka raw ng female writers ang pagpapatawag sa kanila sa opisina.

"Pero noong kausap ko mismo ang mga writer, tinanong ko, 'Ano ba ang naramdaman niyo noong nakaupo na kayo doon sa kuwarto?'

"Ang naramdaman daw nila, pagtataka. Bakit sila tinatanong nang ganoon tungkol kay Robin?

"Ang pakiramdam daw nila, para silang nasa interrogation room. Pakiramdam daw nila, parang na-harass sila.

"Sabi nila, 'Ate Jo-Ann, parang tinweak yung mga sinabi namin.'

"Ang feeling nila, na-harass sila.

"If it is a proper investigation, dapat naka-transcribe yung lahat ng sinabi nila. Ipapakita sa kanila na, 'Ito ang sinabi mo.' Pipirmahan nila ‘yon.'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pero ayon Mrs. Sison, sa pakikipag-usap niya sa female writers, napag-alaman daw niyang walang ipinakita ang Brightlight sa mga ito na anumang minutes of the meeting.

Wala rin daw anumang dokumentong pinapirmahan sa mga writers matapos ng meeting at magpahanggang ngayon.


Ganoon din daw ang nangyari sa kanyang mister. Wala raw ipinakita ang Brightlight sa kanyang mister na anumang dokumento ng pormal na reklamo ng sinuman, kasama na ang female writers.

Dire-diretsong lahad pa ni Mrs. Sison: "Yun ang sinasabi ko, na it should be documented, dahil ‘yon ang ipapakita kay Robin, 'Ito yung complaint sa 'yo.'

"Sasagutin ni Robin ang mga complaint na ‘yan. That’s the time na kapag sinagot ni Robin yung complaints laban sa kanya, pag-uusapan ‘yan ng ExeCom ng Brightlight, yung mga pangyayari.

"At kung nakita nilang hindi makasagot si Robin dahil totoo ang lahat ng mga sinabi ng complainants, that’s the time na ipapatawag mo uli si Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kung nagdududa pa rin ang ExeCom, magiging panel ‘yan. Karapatan ni Robin na malaman kung sino ang nagrereklamo laban sa kanya.

"Ano yung reklamo? Puwede silang magsagutan ng mga akusasyon at saka yung sagot ng akusado.

"Iwe-weigh ng ExeCom, gagawa sila ng desisyon, at saka nila ibibigay kay Robin para aware ito na iniimbestigahan siya. Ipinakita nila na tama yung mga nagrereklamo laban kay Robin.

"Pero, wala.

"Ang ginawa nila, isinikreto nila yung imbestigasyon, walang complainant, tapos nagbigay ng judgment, tapos gagamitin nila yung Republic Act 11313, yung Safe Spaces Act Law."

HOT STORIES

ROBIN'S WIFE QUESTIONS BRIGHTLIGHT'S "POLICY" ON SAFE SPACES

Kinuwestiyon din ni Jo-Ann Sison ang sinasabi ng Brightlight na "zero-tolerance policy" sa anumang paglabag sa Safe Spaces Act upang maproteksyunan ang mga tauhan sa Lunch Out Loud.

Aniya, may mga insidenteng maituturing na paglabag sa Safe Spaces Act sangkot ang ibang personalidad sa Lunch Out Loud, pero hindi raw inaksiyunan ng management.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kapag sinabi mo na gagamitin mo ‘yan, ang mga employee, regardless of gender, lahat ng empleyado mo, poprotektahan mo against harassment.

"Masyadong malawak ang Safe Space Act Law. ‘Yan yung ultimo pagsipol sa babae sa kalsada, ganoon kaliit na detalye, pasok sa RA 11313.

"If that applies to one, if that law applies to my husband, it should apply to all, na bawal yung mga bastos na joke.

"Baka maubos ang mga tao ng production kasi normal thing sa kanila ‘yon. Marami pa silang mas grabe na biruan na binibitawan."

Ipinagtataka raw ng misis ni Robin kung bakit ang ibang mga personalidad ay hindi naman pinananagot ng management.

Saad niya: "Ito na lang ang example, may show sila. Tanungin niyo yung editor ng show. Bakit siya nag-complain ng maraming pinuputol, maraming bini-bleep?

"Kasi, yung mga host, grabe yung mga bibig. Hindi puwedeng ilabas sa TV.

"Ibig bang sabihin, ang law na ito mag-a-apply lang sa mga mabababa? Ibig sabihin, kapag kilala yung mga tao, it would not apply to them?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kung gusto mo i-apply ang law na ‘yan, i-apply mo sa lahat, huwag mo i-single out ang asawa ko, kasi mali yung ginawa nila."

Ang nais ipunto ni Mrs. Sison ay bakit pinuntirya ang kanyang mister sa isang alegasyong tingin niya ay walang katotohanan?

Katuwiran niya sa PEP.ph: "Had they practiced due process, hindi naman kami aangal.

"Bakit ba kami nagsasalita? Hindi dahil sa gusto naming bumalik si Robin sa trabaho. No! Never! Hindi na siya babalik sa LOL.

"Ang ipinagtatanggol na lang namin dito, yung dignidad namin. Paano na lang, isang Robin Sison lang ‘yan.

"Hindi nga ‘yan masyadong kilala para pag-aksayahan mo ng ganitong eksena. Na pag-isipan mo ng, 'Ano ang gagawin ko para matanggal itong tao na ’to? Sino ba ito?'

"Bakit kailangan na may bibitawan ka pang kaso?

"Sasabihin mo pa, 'Sige, wala palang kaso,' galing kay Miss Pat-P Daza. Tapos sasabihin ni Bobet, 'O sige, mag-resign ka na lang.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"The mere fact na sinabi mo na, 'Sige, wala nang kaso,' e, bakit hindi mo nire-renew ang contract? Kung hindi mo rin pala ire-renew, bakit mo sasabihin na mag-resign kung end of contract na?"

TIMELINE OF EVENTS leading to robin's removal from lol

Lubhang nabagabag daw si Mrs. Sison sa kawalan ng due process sa isyung kinaharap ni Robin.

Kaya nang makarating sa kanya ang paratang laban sa asawa ay gumawa siya ng "chart" o timeline of events para malinawan ang lahat.

Sa puntong ito, sinabi ni Mrs. Sison na ang insidenteng pangangatok sa pintuan ng female writers ay nangyari noon pang Enero 2021.

Nauna nang naiulat ng PEP.ph ang paliwanag ni Robin na walang malisya ang kanyang pangangatok sa hotel room ng dalawang female writers.

Ang tanging intensiyon daw noon ni Robin ay pabalikin ang dalawa sa kanyang kuwarto upang linisin ang pinagkainan at pinag-inuman nila noong gabing iyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sinabi rin noon ni Robin na isang beses lamang nangyari iyon sa lock-in taping ng LOL.

Dagdag na impormasyon ng misis ni Robin, may tao sa Lunch Out Loud na binigyan ng malisya ang maayos na samahan ni Robin at isa sa female writers nito.

Ang writer ay isa sa dalawang female writers na nakasama ni Robin sa inuman noong Enero 2021.

Nakarating daw ang tsismis tungkol kay Robin at ang female writer sa production heads ng show, pero naklaro rin daw noong walang katotohanan ang tsismis.

Lahad ni Mrs. Sison, "Gumawa kami ng chart. Nag-umpisa noong January 2021, may tsismis tungkol sa writer na kaya siya naging writer ng show, dahil may relasyon umano sila ni Robin.

"The issue has been cleared.

"Yung rumor has been cleared, at alam ng writer kung sino ang nagpakalat ng rumor. Clear na ‘yan.

"Tapos na ang isyu, ilang buwan na ang nakalipas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kung talagang pinoprotektahan mo ang employee mo, noon pa lang, dapat ipinatawag mo na sila."

Tingin ni Jo-Ann Sison ay may pananagutan ang nagpakalat ng diumano'y malisyosong tsismis tungkol kay Robin at sa female writer.

"Iimbestigahan mo, bilang sa HR kayo, sino ang nagpakalat ng tsismis na ‘yon? At ire-reprimand mo kung sino yung nagpakalat ng tsismis dahil yun ang dapat.

"Ang tanong, did they reprimand kung sino ang nagkalat ng tsismis? They did not.

"Hanggang ngayon, nasa show pa rin, hindi sinuspend. E, grabe ang ikinalat niya na tsismis, 'relasyon.'

"Natapos na ang isyu, hindi ni-reprimand yung tao na gumawa ng tsismis— pagkatapos, binuhay mo uli ang tsismis?"

WIFE CRIES FOUL OVER "MALICIOUS" ALLEGATIONS AGAINST ROBIN

Naniniwala si Jo-Ann Sison na "malicious" ang "timing" ng management ng Lunch Out Loud, pati na ang hindi pagpaparating kay Robin ng harassment complaint laban dito.

"Yung timing, malicious, e. Binuhay mo ang isyu sa time na malapit nang matapos ang kontrata ni Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Inilihim mo sa tao na iniimbestigahan mo siya at walang nagrereklamo.

"Ang tanong ko, ano ang nag-trigger para magkaroon ng investigation, if walang complainant?

"Kung may complainant, bakit hindi nila ipinakita kay Robin ang documented complaints? Bakit hindi nila sinuspend si Robin for an investigation?

"Bakit kailangan nilang sabihin na mag-resign si Robin kung end of contract na siya?"

Base raw sa impormasyong nakalap niya sa female writers, lumalabas na ginawan daw ng kuwento ang kanyang mister para hindi ma-renew ang kontrata nito.

Buwelta ng misis ni Robin sa Lunch Out Loud management: "Malinaw na malicious ang intent kasi na-single out si Robin.

"Puwede mong sabihin sa akin na, 'Walang malisya ito, hindi sini-single out si Robin.'

"Pero, sige, ipakita mo sa akin, sino sa mga employee, bukod kay Robin, ang binigyan ng sanction tungkol sa harassment?

"Tungkol sa pagbibigay ng green jokes? Tungkol sa nagkalat ng tsismis?

"Sa akin lang, maliwanag na may injustice, malicious yung pagkakagawa, walang due process.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Sino ang may abuse of authority? Asawa ko ba talaga ang may abuse of authority o pinipili mo lang kung sino ang kakasuhan mo?

"Mali ba na magtanong kami?"

Sa naunang panayam ng PEP.ph kay Robin, sinabi nitong prinangka niya si Bobet sa meeting nilang tatlo nina Pat-P noong August 3.

Diretsahang sinabi ni Robin kay Bobet na hindi siya nito ipinaglaban sa management dahil hindi siya paborito ng creative producer.

Parehong dating empleyado ng ABS-CBN sina Robin at Bobet, pero sa Lunch Out Loud ng TV5 lang sila personal na nagkatrabaho.

Sabi raw ni Robin kay Bobet: "Alam ko naman talaga ang nangyayari dito. Ikaw, Direk Bobet, the moment you stepped inside LOL’s studio, alam kong katapusan ko na dahil hindi mo naman ako bata, di ba?

"Di ba, Direk? Hindi mo naman ako bata sa ABS-CBN. Nagkikita tayo doon.'"

Robin's wife seeks answers to husband's removal from LOL

Sa huli, sinabi ni Mrs. Sison na gusto niyang lumabas ang katotohanan tungkol sa pagkakatanggal kay Robin bilang creative manager ng Lunch Out Loud.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Karapatan naming malaman. May mga anak kami. Kinausap ko na yung mga anak ko.

"Sabi ko, 'Lalabas ito, mga anak. Marami tayong maririnig na mga comment at iba pang mga kasinungalingan o dagdag sa kuwento. Alam niyo kung ano ang totoo. Huwag kayong magpapaapekto.'"

Hindi man lang daw inisip ng management ng Lunch Out Loud ang epekto ng pagbato ng alegasyong walang sapat na basehan.

"Anong alam natin kung ito ay may emotional setback sa mga anak ko? Na, subconsciously, meron palang epekto sa kanila balang-araw?

"Naiintindihan ba nila yung relasyon ng mga anak ko sa tatay nila? Kung gaano kataas ang respeto ng mga bata sa tatay nila? Naiintindihan ba nila kung ano ang epekto nito sa pamilya namin?"

Nanindigan si Mrs. Sison na walang katotohanang nang-harass si Robin ng katrabaho nitong female writers sa LOL.

"Tanggalin mo yung asawa ko sa trabaho, okay. Sabihin mo sa asawa ko na hindi na ni-renew ang contract dahil tapos na ang kontrata mo, okay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kahit magpa-tumbling-tumbling si Robin, wala talaga siyang mairereklamo because end of contract na siya.

"But yung sasabihin mo na hindi na ire-renew ang contract mo dahil may kamanyakan kang ginawa, harassment?

"Hindi mo lang diniretso na sexual harassment, dinagdagan mo lang ng harassment at abuse of authority, pero yun na 'yon, e."

Nakarating din kay Jo-Ann Sison kung ano ang sinasabi umano ng production heads sa LOL studio tungkol sa pagkawala ng mister sa trabaho.

Anang misis ni Robin, "Binabanggit niyo sa studio na may kaso [ang mister ko]. Ang ibig sabihin, na-judge na si Robin.

"Kinumpirma niyo sa mga taong walang kaalam-alam sa isyu na may kaso ang asawa ko.

"So, what does it make of Robin?"

BRIGHTLIGHT'S STATEMENT ON ROBIN SISON ISSUE

Sinubukan ng PEP.ph na kontakin si Bobet Vidanes upang hingan ng komento tungkol sa isyu ng favoritism na ibinato ni Robin laban sa kanya.

Dalawang beses nagpadala ng text message ang PEP.ph at isang message via Messenger, pero hindi sumagot si Bobet.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sinabi naman ni LOL Supervising Producer Pat-P Daza na ang sasagot para sa Brightlight ay ang counsel nilang si Josabeth "Joji" Alonso.

Hiningan muli ng PEP.ph ang Brightlight ng komento tungkol sa pagkuwestiyon ng mag-asawang Robin at Jo-Ann sa imbestigasyon ng production company sa harassment complaints laban kay Robin.

Nanindigan ang Brightlight na naging masusi ang imbestigasyon hinggil sa isyung "abuse of authority" at paglabag sa Safe Spaces Act na kinasangkutan ni Robin.

Una nang ipinaliwanag ni Atty. Joji na si Robin ay "independent contractor" o "freelancer." Kaya ang employment status ni Robin ay may end date at nare-renew depende sa employer.

Ani Atty. Joji, expired na ang kontrata ni Robin.

Bahagi ng opisyal na pahayag ng Brightlight noong August 10 (published as is):

"In this case, (Robin’s) contract expired and Management had full right to no longer avail of his services.

"The non-renewal of (Robin’s) contract strongly attests to Brightlight‘s zero-tolerance policy toward acts in violation of the safe spaces law and abuse of authority.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Management does not condone such acts in the workplace and is against a culture of impunity. We stand for accountability and seek to promote public awareness in taking a proactive involvement to reduce the prevalence of harassment and the damage it causes."

Nananatiling bukas ang PEP.ph sa magiging pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.

RELATED STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Jo-Ann Sison says there is "injustice" in the removal of husband Robin Sison (left) as Lunch Out Loud creative manager. She also says that the two female writers mentioned in the alleged harassment issue told her that they never filed a complaint against her husband, nor did they sign any document saying he harassed them.
PHOTO/S: Courtesy of Jo-Ann Sison / Lunch Out Loud Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results