Nag-audition si Neil Salvacion, dating boyfriend ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo, para sa Pinoy Big Brother Season 10.
Pero ang agaw-pansin sa audition video ni Neil ay ang binitawan nitong pahayag na maaaring dahilan ng paghihiwalay nila ni Rabiya.
Ngayong Martes, September 7, ipinost ni Neil ang kanyang one-minute audition video para sa PBB Kumunity Season 10.
Inilahad ni Neil, isang frontliner, ang makulay niyang kuwento.
WAS NEIL ALLUDING TO RABIYA?
Sa simula ng video, mapapanood si Neil na naka-hospital uniform at sumasayaw.
Bungad niya, “Galing po ako sa [hospital]. Medyo maraming pasyente pero kayang-kaya.”
Ipinakilala niya ang sarili bilang si "Neil Salvacion, 27, frontliner ng Iloilo."
Lahad pa ni Neil: “Ako po ay isang COVID nurse na dapat ay mag-a-abroad, pero mas piniling manilbihan dito sa bansa bilang frontliner.
“Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ang buhay ko po ay hospital, bahay.
“Minsan ay masisilayan mo yung mga huling hininga ng mga pasyente.”
Ang mga karanasan niya bilang nurse at iba pang “hugot sa buhay” ang kanya raw maiaambag sa PBB.
Sabi pa ni Neil, “Dumating ang panahon na bawal kang lumapit sa mga mahal mo sa buhay dahil hindi mo alam kung positive o negative ka.
“Kailangan mong mag-isolate. Nakakalungkot man na kailangang ma-isolate ng ilang buwan.”
Pero mas masakit daw maiwan ng isang taong minamahal para sa "pangarap nitong korona."
Makahulugang pahayag ni Neil: “Mas nakakalungkot pala na maiwan ka ng taong minamahal mo dahil sa pangarap nitong korona.
“Ang coronavirus at korona sa patimpalak ay ilan lamang sa mga hamon sa aking buhay.
“It’s about time to share my story, how I conquered them, and how I will inspire other people.
“Bagong bahay, bagong buhay, bagong mga hamon sa buhay.”
Ang audition sa PBB Season 10 Adult Edition ay bukas sa buong buwan ng September.
Ang audition videos ng applicants ay ia-upload sa KUMU, isang Filipino community platform.
Susundan ang PBB Adult Edition ng PBB Celebrity at Teen editions.
RABIYA-NEIL BREAKUP
Nagsulputan ang mga espekulasyong hiwalay na sina Rabiya at Neil noong Mayo 2021, matapos lumaban ni Rabiya sa Miss Universe 2020 sa U.S.
Nagsuspetsa ang mga mapagmasid na netizens matapos i-unfollow ni Neil si Rabiya sa Instagram at burahin ang kanilang mga larawan.
June 4 nang kumpirmahin ni Neil na hiwalay na sila ni Rabiya.
Pitong taong magkarelasyon ang dalawa.
May mga akusasyong nagbago umano ang ugali ni Rabiya kaya nagkahiwalay sila ng longtime boyfriend.
Sa interview ni Boy Abunda kay Rabiya noong Mayo 30, hindi tahasang inamin ni Rabiya na hiwalay na sila ni Neil.
Pero inamin ng beauty queen na “complicated” ang kanilang relasyon at kailangan nila ng “space” sa isa’t isa.
Pahayag noon ni Rabiya, "It's a complicated situation and we need to talk about things when I go back to the Philippines.
“We're friends, we’re friends. I still try to contact him but we need to have this space together as of the moment.”
Nakabalik sa Pilipinas si Rabiya noong July 1, 2021, matapos ang dalawang buwan sa Amerika.
Tumulak siya papuntang Amerika noong Abril, sumabak sa Miss Universe Pageant noong May 16, at nagbakasyon sa Amerika hanggang katapusan ng Hunyo.