Tila hindi sineseryoso ni AJ Raval ang tsismis na may relasyon sila ni Aljur Abrenica.
Nagsimula ito noong September 28 nang mag-post ang controversial social media personality na si Xian Gaza tungkol sa diumano’y “pasabog” niya tungkol sa Viva sexy actress.
Sa kasalukuyan ay may sariling app na showbiz news application si Xian, at sinasabi niyang dito mababasa ang kanyang pasabog.
Nakita naman ito ni AJ kaya noong September 29, ni-reshare niya sa kanyang official Facebook page ang post ni Xian.
Reaksyon lang ni AJ tungkol dito: “ang dami mong alam hayup ka hahaha”
Makalipas ang ilang oras ay muling nag-share si AJ ng post ni Xian tungkol sa pasabog nito.
Sabi ni Xian sa kanyang post, nagda-dalawang isip daw siyang ilabas ang kanyang pasabog. Aanhin naman daw niya ang “traffic” sa kanyang app kung “mahe-hurt” daw niya ang “image at career” ni AJ.
Biro ni AJ dito: “why? are you the father? the son? or the holy spirit? hahaha”
Sunud-sunod pa ang naging pag-reshare ni AJ ng posts ni Xian tungkol sa kanya.
Nang mabanggit ni Xian na parang “napo-fall” na raw siya kay AJ, sagot ni AJ dito: “send sports car love”
Unang nakilala si Xian sa social media nang magpagawa siya ng giant billboard sa Morayta para imbitahan ang ABS-CBN actress na si Erich Gonzales sa isang coffee date noong 2017.
Pagkatapos nito ay sunud-sunod na ring naibalita ang paggawa niya ng grand gestures sa mga artistang gusto niyang ligawan.
Bukod dito, nakilala rin si Xian bilang self-confessed “national scammer” nang makasuhan at makulong ito noong 2018 dahil sa reklamong isinampa sa kanya ng dalawang investor.
Nakapag-post naman siya ng bail kaya nakalaya at noong 2019, na-grant ng Malabon court ang kanyang petisyon para ma-delay ang kanyang pagkakakulong.
ALJUR ABRENICA SPOTTED OUTSIDE AJ RAVAL’S ROOM?
Sa sumunod na post ay nabanggit na ang pangalan ni Aljur, na nakatrabaho ni AJ sa VivaMax movie na Nerisa nito lang 2021.
Ipinost kasi ni Xian ang screenshot ng comment ni AJ sa kanyang post na “Mahal na kita,” na siyang sinagot naman ni Xian ng “I love you too.”
Caption ni Xian sa screenshot niya ng comment ni AJ, “PASENSYA NA ALJUR”
Ni-repost din ito ni AJ at ginaya ang caption ni Xian.
Gabi ng September 29, nakita ni AJ ang video na nagli-link sa kanila ni Aljur, na siyang ipinost ng Facebook page ng app ni Xian.
Nasa video ang isang clip mula sa “Cleaning My Room” vlog ni AJ, kung saan ipinakita ng aktres ang bintana at view na makikita mula sa kanyang kwarto.
Agad namang ikinabit sa video ang hubad na litrato ni Aljur na may hawak na kape sa labas ng isang kwarto.
Mapapansin ang pagkakapareho sa bintana ng kwarto ni AJ at sa bintana mula sa lugar na kinuhanan ng litrato si Aljur.
Sabi naman ni AJ tungkol sa video: “LUH ISSUE KAYO HAHAHAHA” karugtong ang naka-irap na emoji.
Nag-comment pa si AJ sa mismong post niya na “EDITED,” pagtukoy sa video na kanyang nai-share.
Bago nagtapos ang September 29 ay muling nag-share si AJ ng post ni Xian.
May ipinost kasing artcard si Xian na nag-a-apologize kay AJ at nagsasabing nire-retract na niya ang kanyang “controversial expose” sa actress.
Sagot ni AJ dito: “I appreciate it but u don’t have to apologize it’s your content, actually it’s fun. naging marites na ako sa sarili kong buhay [laughing emoji]”
Pero pagkatapos nito ay ipinost ni AJ ang isang blind item na ipinost ni Xian tungkol sa isang “viva girl.”
Sabi sa blind item, inimbitahan daw ng isang nagngangalang “A.A” si “MS. VIVA” sa kanyang bahay parang mag-“Netflix and Chill.”
Inantay lang daw ni Ms. Viva ang kanyang “Fatherlily” na makatulog bago ito nagpunta kay A.A gamit ang regalo ni Fatherlily na sasakyan.
Nagmaneho pa raw si Miss Viva mula Pampanga papuntang Metro Manila para puntahan si A.A. subalit siya raw ay nabangga at nagkaroon ng minor car accident.
Dahil dito ay hindi na siya tumuloy at galit na galit daw ang Fatherlily ni Miss Viva kaya raw grounded ito at kinumpiska ang kanyang sasakyan.
Wala mang pinangalanan si AJ nang i-repost niya ito pero may pagka-sarcastic ang kanyang reaksyon nang i-repost niya ito.
Sabi ni AJ sa kanyang caption: “atleast hindi namatay si viva girl”
XIAN SAYS AJ IS NOT THIRD PARTY TO ALJUR-KYLIE BREAK-UP
Noong September 30 nang madaling araw, nilinaw naman ni Xian ang tsismis na ibinunyag tungkol kina AJ at Aljur.
Nabanggit dito ang estranged wife ni Aljur na si Kylie Padilla.
Naghiwalay sina Kylie at Aljur noong April 2021 matapos ang halos tatlong taong pagsasama bilang mag-asawa.
Ang ama naman ni Kylie na si Robin Padilla ang mismong nagbunyag na third party ang dahilan ng hiwalayan.
Pero paliwanag ni Xian, hindi raw si AJ ang third party.
Ni-repost ito ulit ni AJ sa kanyang official Facebook page at nagbiro sa kanyang sagot.
Sabi ni AJ: “OMG AKO TALAGA YON!!! HAHAHAHA JOKE”
Tila inaway si AJ ng ilang netizens sa comments section kaya nagpahabol ang aktres ng comment na: “ALAM NYO YUNG SARCASM?”
Noong gabi ng September 30 ang huling post ni Xian tungkol kina AJ at Aljur.
Ayon sa kanya, nagkausap na raw sila ni AJ at humingi na siya ng tawad dito dahil “sinensationalize” lang daw niya ang balita para sa promotion ng kanyang app “kahit wala naman talagang mali sa kanila.”
Hindi na ito sinagot o ni-repost pa ni AJ.
AJ ADMITS HAVING A SUITOR WHO MAKES HER FEEL SPECIAL
Noong September 13, inamin ni AJ sa isang vlog kasama si Donnalyn Bartolome na may manliligaw siya ngayon.
Nag-iisa lang daw ito pero “ramdam na ramdam ko talaga na special ako.”
Dahil dito ay natanong siya ni Donnalyn kung sasagutin na ba niya ang suitor na hindi pinangalanan.
Sagot ni AJ, "Hindi pa, pero na-appreciate ko siya. Pero di pa lang ako ready rin pumasok sa relationship kasi kakagaling ko lang sa relationship."
Nitong August 2021 lang, inamin ni AJ na hiwalay na sila ng kanyang boyfriend na si Axel Torres.
Inamin ni AJ na pinagselosan ni Axel ang leading man nitong si Sean de Guzman at hindi rin daw nito matanggap ang pagpapaseksi niya sa pelikula.