Kabilang ang singer-songwriter na si Lito Camo, ang aktor na si Bobby Andrews, at ang komedyanteng si Dennis Padilla sa mga celebrity na naghain ng certificate of candidacy para sa May 2022 elections.
Muling kakandidatong konsehal ng 2nd District ng Caloocan City si Dennis.
Naghain si Dennis ng certificate of candidacy noong Sabado, October 2, para sa posisyong hindi bago sa kanya.
Naranasan na niyang magsilbi bilang konsehal ng Caloocan City mula June 1998 hanggang June 2007.
Sa isang interbyu noong April 2021 matapos gumaling sa COVID-19, sinabi ni Dennis na binibigyan na lamang nito ng isang taon ang sarili para manatili sa showbiz dahil sa balak niyang mag-migrate sa Australia.
Pero tila mababago ang kanyang mga plano kapag pinalad siyang manalo sa eleksyon sa 2022.
“Kakandidato uli ako para maipagtuloy ko ang mga ordinance ko na hindi pa naaprubahan noong last term ko, like academic bonus for all valedictorians and salutatorians in all public schools and to build more decent public toilets in depressed areas of Caloocan City,” pahayag ni Dennis tungkol sa pagkandidato niya sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Huwebes ng umaga, October 7.
BOBBY ANDREWS
Puntirya naman ni Bobby Andrews ang mahalal na konsehal ng ika-apat na distrito ng Quezon City.
Naghain ang '90s matinee idol ng kanyang certificate of candidacy kahapon, October 6.
Serbisyong sigurado at diretsong makararating sa mga tao ang pangako ni Bobby sa mga residente ng District 4.
Napapanood si Bobby sa Di Na Muli, ang Saturday night drama anthology ng TV5, bilang estranged father ng lead actress na si Julia Barretto.
Matagal nang natapos ang taping ng Di Na Muli kaya marami ang nagtatanong sa magiging aksyon ng mga producer ng drama anthology sa partisipasyon ni Bobby.
Hindi na kasi pinapayagang lumabas sa telebisyon ng mga network management ang mga personalidad kapag nagsumite na sila ng certificate of candidacy, gaya nang ginawa nina Raffy Tulfo at Aiko Melendez.
Bobby Andrews
LITO CAMO
Matatapos sa June 30, 2022 ang panunungkulan ni Lito Camo bilang board member ng second district ng lalawigan ng Oriental Mindoro.
Kakandidato siyang muli sa 2022 elections pa rin sa nasabing posisyon.
Inihain ni Lito ang kanyang certificate of candidacy bilang re-electionist board member ng Oriental Mindoro kahapon din. Tatakbo siya sa ilalim ng Liberal Party.
Sinabi ni Lito na para sa Diyos at sa kanyang mga kababayan ang kanyang muling pagkandidato.
Lito Camo
Use these Zalora vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.