Sina Noli de Castro, Robin Padilla, at Lani Mercado ang ilan pa sa mga personalidad na naghain ng certificate of candidacy ngayong Biyernes, October 8.
NOLI DE CASTRO
Umaga nang magtungo si Noli sa Commission on Elections upang isumite ang kanyang kandidatura sa pagkasenador.
Si Noli ay batikang broadcaster na nagsilbing senador mula 2001-2004. Naging vice president din siya mula noong 2004 hanggang 2010.
Kagabi, October 7, pormal siyang nagpaalam sa ABS-CBN at sa daily newscast na TV Patrol kunsaan siya ay main anchor upang muling pasukin ang mundo ng pulitika.
ROBIN PADILLA
Kasado na rin ang pagtakbo ni Robin bilang senador. Naghain siya ng kanyang COC sa Comelec nitong Biyernes ng hapon.
Si Robin ay kilalang solid supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Miyerkules, October 6, nanumpa siyang maging kasapi ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Ngayong Biyernes, magkakasama silang nasa senatorial slate ng PDP-Laban na naghain ng COC, at personal ding sumama sa kanila si Pangulong Duterte.
September 16 nang unang magparamdam si Robin ng plano niyang sumabak sa pulitika sa kauna-unahang pagkakataon.
Sa kanyang Facebook ay naglabas siya ng video na isama siya sa dasal habang siya ay nag-iisip kung "pelikula o pulitika" ang pipiliin niya.
Sinabi niya roon na binalak niya sanang tumakbong gobernador sa Camarines Norte, pero hindi raw niya tinuloy dahil P150M ang budget sa kampanya.
Pinag-isipan din niya noon na kung kakandidato siyang senador, ang nais niyang isulong ay pederalismo.
REVILLA CLAN
Nitong Biyernes ng hapon ay naghain si Bacoor Mayor Lani Mercado ng kandidatura bilang representative ng Cavite Second District.
Si Lani ay nagsilbing mayor ng Bacoor mula 2016 hanggang kasalukuyan.
Ang asawa ni Lani na si Bong Revilla ay kasalukuyang senador.
Nitong Biyernes din naghain ng COC ang anak nilang si Bryan bilang board member ng Cavite Second District.
Kahapon, October 7, una nang nagpasa ng COC si Cavite Vice Governor Jolo Revilla bilang Cavite First District representative.
JOED SERRANO
Ang film producer na si Joed Serrano ay naghain din ng COC bilang senador.
Nais niyang isulong ang karapatan ng lesbian, gays, bisexuals, transgender, questioning (LGBTQ+) community.
Siya ay dating bahagi ng defunct youth-oriented show na That's Entertainment.