Sa unang pagkakataon ay ibinahagi na ng mag-asawang Alex Gonzaga at Mikee Morada ang kumpletong detalye sa nangyari sa kanilang first pregnancy.
Noong October 17, unang ibinahagi ni Alex sa kanyang mga tagahanga na siya ay nabuntis two months ago subalit nauwi ito sa isang blighted ovum.
Ang blighted ovum o anembryonic pregnancy ay isang kundisyon kung saan ang fertilized egg ay naka-attach sa uterine wall ngunit hindi nag-develop ang embryo nito.
Isang linggo ang nakalipas, October 24, ibinahagi ni Alex ang buong journey ng kanyang first pregnancy sa kanyang vlog.
Ang pagbabahagi nina Alex at Mikee ng kanilang pregnancy journey ay pinagsama-samang video clips ng kanilang mga check-up at mga narration na idinaan sa pamamagitan ng text na lumalabas sa video.
“So we will both have this memory forever,” sabi ni Alex sa simula ng vlog.
THE BEGINNING OF THE JOURNEY
Hindi masyadong naglagay si Alex ng mga petsa sa kanyang vlog pero base sa timeline, two months ago nang malaman nila ng asawang si Mikee Morada na sila ay expecting.
Ayon sa unang kuwento ni Alex, nasa The Farm at San Benito sila ni Mikee nang makaranas siya ng major cramps pero hindi siya dinatnan ng kanyang monthly period.
Palagi rin daw siyang inaantok.
Kaya naman pag-uwi nila kinabukasan ay nag-pregnancy test agad si Alex. Dalawang linya ang lumabas sa kit, na ibig sabihin ay buntis siya.
Agad nila itong sinabi sa kanilang mga kapamilya at sa doctor nilang si Dra. Mary Gonzaga, pero inabisuhan silang huwag na munang mag-anunsiyo hanggang sa dulo ng third trimester.
Maririnig na sinasabi ni Dra. Mary kay Alex sa telepono, “Ako, pinapalampas ko muna yung 20 weeks kasi ito yung crucial.”
Pero na-excite sina Alex at Mikee kaya ikinuwento na nila ito sa mga malalapit sa kanila.
Unang ipinakita ang kapatid ni Alex na si Toni na nakausap nila sa pamamagitan ng video call.
Nagkaiyakan pa silang magkapatid dahil naalala ni Alex, siya rin ang unang sinabihan ni Toni noong siya ay buntis sa anak nitong si Seve.
Sinabihan din nina Alex at Mikee ang kani-kanilang mga magulang at pamilya from both sides.
TRIPS TO THE HOSPITAL
Sa mga sumunod na araw, naging matindi ang pagsubok na hinarap ng mag-asawa.
Nag-umpisa ito sa major cramps kaya agad na nagpa-check up sila sa doctor.
Sabi ni Alex sa video habang ipinapakita ang ultrasound, “Hindi pa raw nakikita si baby, too early to tell pa daw.
“So mga two to three weeks again para makita talaga kung nasaan siya. Ganyan kaliit parang tinga, parang mas maliit pa yata.”
Sabi ng doctor kay Alex, most likely raw ay three weeks pregnant siya noong panahong ito.
Wala rin daw siyang sinabihang katrabaho maliban sa kanyang boss, pero mukhang nakakutob daw ang co-hosts niya sa Lunch Out Loud dahil lagi siyang inaantok. Minsan pa siyang nahuli on-cam na muntik nang makatulog habang nasa isang segment.
Nagpa-take din daw ulit si Mikee ng pangalawang pregnancy test para tuluyang makumpirmang buntis si Alex. Nag-positive pa rin ito.
Sabi ni Alex sa narration text ng kanyang vlog, “We were so happy. Mikee would always kiss my tummy.”
Subalit nang lumipas ang dalawang linggo, may hindi inaasahang nangyari sa pinagbubuntis ni Alex.
Sabi niya, “There was a gestational sac but there’s no embryo inside.”
Sinabihan pa rin sila ng doktor na maghintay ng another two weeks para malaman kung magde-develop ang pregnancy.
"ONE OF OUR SADDEST DAYS"
Nang sumunod na check-up, nalaman ni Alex na hindi nag-develop ang embryo.
Kuwento niya sa narration text, “This is one of our saddest days. We found out that there is no development. There is no embryo. We weren’t able to take videos anymore.
“Our doctor said we have to wait another week to confirm if the pregnancy will not push thru anymore.”
Sa sumunod na video, umiiyak na nagkuwento si Alex tungkol sa nangyari sa kanyang ipinagbubuntis.
“Kakatapos lang namin kay Doc. So, I have to wait one week for the bleeding para totally umalis na siya.
“Ayoko na yung bleeding kasi parang it’s really a failure.”
Pag-console naman ni Mikee sa kanya, “Hindi siya failure, part lang yun ng proseso.”
Kinagabihan, maagang nakatulog si Mikee kaya nag-vlog si Alex sa loob ng kanyang bathroom.
Dito na siya naglabas ng saloobin sa lungkot na naramdaman nang malaman ang balitang hindi nag-develop ang ipinagbubuntis niya.
Saad niya, “Pag naaalala ko lang yung moment na sinabi na ng doctor sa akin na parang yun nga, hinimas niya yung legs ko, kaya alam ko na may something wrong kasi hinimas niya, e.
“And I know that Mikee is waiting outside. Doon lang ako sobrang nasa-sad kasi hindi lang ako yung may gusto, lalong lalo na si Mikee.”
Pero alam daw ni Alex na ang Panginoon na ang bahalang nag-comfort kay Mikee.
Biro pa ni Alex, “We’ll just try, masarap namang mag-try.”
“MY PREGNANCY WAS REALLY OVER”
Pagkalipas ng isang linggo, wala pa ring nag-develop sa dinadala ni Alex.
Nagpa-admit na rin si Alex sa ospital noong October 12 ng madaling araw para magpa-raspa dahil siya ay “in pain and bleeding.”
Nakauwi rin sila noong araw na iyon at kinabukasan, pumasok na si Mikee sa kanyang trabaho.
Naisip daw ni Alex noon, “I realized my pregnancy was really over.
“A few days after, seeing random babies in the internet makes me cry.”
Pagdating ng October 17 ay ikinuwento na ni Alex sa kanyang followers ang nangyari sa kanyang first pregnancy.
Sa huling bahagi ng video ay ipinaliwanag nina Alex at Mikee ang kanilang pinagdaanan.
Dito na nila ikinuwento ang nangyaring “blighted ovum.”
Sabi ni Alex, “Nag-iisip kami ni Mikee kung iba-vlog namin pero noong nalaman ko yung blighted ovum, ang blighted ovum po is ibig sabihin noon, in layman’s term, nabugok. Wala pong embryo or wala pong baby na nabuo pero ang katawan ko ay naging pregnant talaga.
“Noong sinabi sa amin na we have to wait for another two weeks para ma-confirm kung magkakaroon talaga ng bata sa loob, siyempre wala po kaming ginawa ni Mikee kung hindi mag-research and manuod ng mga vlogs about it.
“Doon siya kumuha ng lakas ng loob, ng hope, of course kasama na rin doon ang prayer pero naghanap kami ng puwedeng ma-relate-an sa mga vlogs.
“Marami kaming pinanuod ni Mikee and up until nag-miscarriage na nga talaga, nag-bleed, I was watching these videos because they all helped me.”
Kaya rin daw nila ginawa ang vlog na ito ay para makatulong sa ibang tao na nakaranas ng parehong pangyayari.
Dagdag naman ni Mikee, “Normal siya at nangyayari.”
Ayon pa kay Mikee, gumagawa na rin siya ng sarili niyang research sa pinagdadaanan ng kanyang asawa at nakita na raw niyang “medyo alanganin” na pero ayaw niya ring mapanghinaan ng loob si Alex.
“Nag-research kasi talaga ako pagkatapos ng mga ultrasound lagi at hindi ko sinasabi sa kanya na binabasa ko rin. Nakikita ko na medyo alanganin na yung pang tatlong ultrasound na.
“Hindi ko sinasabi sa kanya na yung size ng bahay-bata niya, dapat sa point na yun, may laman na. So hindi niya alam pero nanonood ako ng videos.
“Sumilip din ako sa maraming forum ng mga nanay na marami rin pala yung dumadaan sa ganitong proseso. Hanggang sa huli, namamag-asa pero kung anong ipinagkaloob sa ‘yo, e, tinatanggap namin. So far, okay naman kami.”
MOST PAINFUL MOMENT FOR ALEX
Binalikan din ni Alex ang “pinaka-painful” na nangyari sa pinagdaanan nila kung saan involved ang kanyang asawa.
Pagbabahagi ng TV host-vlogger, “Pinaka painful for me is kasi, ako lang mag-isa doon [sa loob]. Paglabas ko 'tapos nag-aantay si Mikee, naka-smile siya sa akin.
“Noong sinabi mong ‘positive?,’ dumiretso na ako sa CR, naiyak ako.
“Kasi, as a wife, feeling mo, nag-fail ka sa husband mo kasi gustung-gusto na ni Mikee, pero siyempre wala namang magagawa dun.
“Sa lahat ng mommies, walang may kasalanan, if it’s meant that the Lord will bless you with a new life, it will happen.”
Iniadya na raw nila sa Panginoon ang kung anuman ang kahihinatnan ng kanilang pregnancy.
Si Mikee naman, hinangaan si Alex sa pagiging malakas nito sa mga pangyayari.
“Sa totoo lang, mas malakas nga siya sa akin kasi ako, medyo hindi ko lang inaano pero nalulungkot ako, e. Sa kanya naman tumama pagkatapos.
“E, di yung mga husbands din, kailangan ng asawa mo ng support lalo na sa time na may pakiramdam ka diyan na hindi niya nabigay pero walang kasalanan ang kahit na sino.”
Ikinatuwa naman ni Alex na hindi sila pinabayaan ng Diyos sa pinagdadaanan nila.
Aniya, “There will come a time na one day, maku-cover siya ng Panginoon ng joy na ipapalit niya doon. Every day, nagkakaroon kami ng bigger hopes, napapalitan ng saya yung nararadaman namin and that is really the grace of God.”
Pero kung sila raw ay mabibiyaan muli ng supling, baka hindi na muna nila agad ibahagi ito sa nakararami.
Paliwanag ni Alex, “If ever kami ay ma-bless ng Panginoon na mabuntis or magkaroon ulit ng another baby and maging successful, we might not tell it right away sa inyo, netizens.
“Baka magulat kayo, may 18 years old na kami or may apo na kami, ganung level!
“At least, this first pregnancy, we will never ever forget this, we experienced this.
“This will always be a reminder that He blessed us with a first pregnancy and that in this experience, His grace was with us.
“We really wanted to share, give hope, and we really wanted to remember na we have this first pregnancy and through this pregnancy, nag-strengthen yung relationship namin [ni Mikee].”