Si Korina Sanchez-Roxas ang nagbigay ng break kay David Chua para makapagdirek ng segments sa TV program na Rated Korina.
“Kasi, magkaibigan ho sila ng mommy ko. Matagal na silang magkaibigan,” lahad ng 32-anyos na actor-director sa virtual interview nitong Sabado ng hapon, Pebrero 5.
“Hindi niya alam na anak pala ako ng nanay ko. Kasi, bago namatay yung mommy ko two years ago, parang nagkita sila. Hindi ko alam kung sa hospital ba o kung saan.
“Sabi niya sa akin, ‘Nanay mo pala si Lucy?!’ Sabi ko, ‘Yes, tita. Why?’ Sabi niya, ‘She’s my friend! What happened?’ Sabi ko, ‘Ayun, ganyan-ganyan.’ Parang early stage ng COVID pandemic na nun. ‘Ibinilin ka niya sa akin!’
“Tapos, sabi ko, ‘Ahh, ganun ba? Maraming salamat!’ Tutulungan daw niya ako sa trabaho na anong puwedeng maitutulong niya. So, dun nag-umpisa.”
2019 pumanaw ang ina ni David. Nilinaw na David na hindi niya ninang si Korina.
Ang isa pang dahilan kaya naging ka-close ni David si Korina ay dahil matagal na niyang kabarkada ang nakababatang kapatid nito na si Milano Sanchez.
DAVID narrateS HISTORY OF DARK CARNIVAL PRODUCTIONS
Magkasosyo sina David at Milano sa production company na Dark Carnival Productions mula pa noong 2021.
Naka-file ang Dark Carnival sa SEC, with David as president, at si Milano ang vice president.
Secretary si Mickey Sanchez, na bunsong kapatid nina Korina at Milano.
May isa pang kapatid na lalaki si Korina. Pangalawa at only girl si Korina sa apat na magkakapatid.
Ang studio ng Dark Carnival Productions ay nasa Tondo, Manila.
“Bahay ito ng lola ko. It’s an old apartment, it’s an old building. Bakante na siya noon pa,” kuwento ni David.
“Nag-offer ako kay Milano Sanchez, sa kapatid ni Ate Korina. Sabi ko, ‘Bro, alam mo, kesa magrenta tayo ng iba, maghanap tayo ng ibang lugar na magbabayad tayo ng magkano isang buwan, gamitin na lang natin yung space ko. Walang babayaran.’
“Kasi wala na rin akong lola, e. Kumbaga, ako na lang ho yung nakatira dun. So, sabi niya, ‘Sige, ayusin na lang natin, i-renovate na lang natin.’ So, dun ho nagsimula.”
Naging headquarters na ng Rated Korina ang studio ng Dark Carnival.
Pahayag pa ni David, “Matagal ko nang hilig ang magkalikot ng kamera. Hindi pa Dark Carnival yun before, ang pangalan pa lang, DC. DC pa lang.
“Tapos, kami ni Mickey, kami ang mahilig mag-shoot-shoot, camera-camera,” pagmumuwestra ni David.
“Kami yung mahilig magganyan. Tapos, naisip lang namin, ‘Alam n’yo, magbuo na tayo ngayon ng production house. Tutal naman, si ate mo, line producer na siya sa TV5, sa Brightlight, under Brightlight Productions.’
“Sabi ko, ‘Baka i-outsource yung mga gamit, tayo na lang para makapag-negosyo tayo.’ Napag-usapan namin yun nina Mickey at Milano.”
Maliban sa Rated Korina ay may iba pang clients ang Dark Carnival.
“Kunyari, last night may ginawa akong wedding. Gumagawa ako ng AVP [audio-visual presentation], yung mga ganyan para sa mga brand,” salaysay ni David.
“Nagsisimula na ho akong tumanggap ng mga kliyente pag kailangan nila ng studio. Pinapa-rent ko na siya sa iba. Pinapa-rent ko rin siya sa Airbnb. Mga ganun,” kuwento pa ni David, na kasama sa Kapuso Chinoyseryeng Mano Po Legacy: The Family Fortune as Philip Lo.
DAVID CLEARS SPECULATIONS ABOUT HIS CLOSENESS TO KORINA
Batid ni David na namamalisyahan ang iba sa closeness nila ni Korina.
“May mga nagtanong na rin sa akin niyan. Nahihiya lang ako, kasi pamilyado yung tao kay Kuya Mar [Roxas],” pag-amin ni David.
“Pati kay Ate Korina, na bakit may ganung lumalabas? E, ako naman po, hangad ko lang naman is mabuhay nang maayos at makapagtrabaho.
“Bakit bibigyan ng ibang kulay? So, nahihiya ako pag may ganung klaseng sasabihin, ‘Ba’t ang close ninyo?’ E, ako naman ho, direktor ako, nagtatrabaho ako sa production.
“Hindi lang naman ako sa kanya close—sa buong crew, sa buong staff! Baka hindi lang nabibigyan ng pansin yun.
“Baka nabibigyan lang ng highlight is yung bakit malapit ako kay ate? Hindi nila alam na barkada ko yung kapatid niya.”
Nagkaroon ba ng awkwardness sa pagitan nila ni Ate Koring? Naisip ba niya na huwag na munang magdirek sa Rated Korina?
“Sinabi ko sa kanya ‘yan. Sabi ko, ‘Ate, alam mo, narinig ko na ang ganitong ano,’ sabi ko, ‘Baka mas maganda na huwag muna akong sumama.’ Sabi niya, ‘Hindi! Wala ka namang ginagawang masama, David, ah?!’
“Sabi ko, ‘Oo nga, ate,’ sabi ko. Sabi niya, ‘Ano ba ‘yan?! Bakit ba may lumalabas?!’ ‘Hindi ko alam, wala naman akong ginagawang masama.’ ‘Hindi,’ sabi niya, ‘wala ka namang ginagawang masama, bakit ka aalis? Bakit hindi ka magtatrabaho? E, kailangan mong magtrabaho.’”
Sa ngayon ba, kumportable na siya? Wala na siyang pakialam kung natsitsismis man sila o naiintriga ni Ate Koring? Keber na? Hindi na niya inaalintana?
“Hindi na ho. Parang… tawanan ko na lang. E, alam ko naman, at alam naman niya ang totoo, e,” malumanay na saad ni David, na walang girlfriend ngayon.
“Minsan, kasama ako sa family gathering nila, alam naman ng mga kapatid niya yan, at nung mga pamilya niya. Na wala naman talagang ganyang klase.”
Ano ba talaga ang tawag niya kay Korina… Tita o Ate?
Paliwanag ni David, “Kaya tita yun, kasi nung buhay pa ang mommy ko, tinatawag ko siyang tita.
“Kaya naging ate, dahil barkada ko nga yung kapatid niya, tinatawag kong Kuya Milano. So, natawag ko siyang Ate.
“Ayaw niyang tinatawag siyang tita, e. ‘Ate na lang!’”
Mas matanda si Milano kay David nang mga sampung taon.
Noong nasa early 20s pa si David, nagha-hi na siya kay Korina kapag nakakasalubong niya ito sa ABS-CBN.
“Nakikita ko na siya noon pero bata pa ako, maliit pa ako noon. ‘Hi!’ ganun lang, hindi niya ako maalala.
“Hindi niya ako pinapansin! Ha! Ha! Ha! Ha!” pagtawa ni David.
DAVID RECALLS HIS STRUGGLING YEARS
Noong nawalan ng showbiz career si David, dumating sa punto na wala siyang makain.
“Tapos, nung namatay ang mommy ko, na ako ho ang nagbayad lahat sa hospital niya,” pagbabalik-tanaw ni David na may bahid ng pait ang tinig at ngiti.
“Kasi, isang buwan siya sa ICU sa Metropolitan Hospital. Magkano ang ICU isang linggo?”
May younger half-brother si David na nagtatrabaho sa isang call center.
“Hindi rin ganun kalaki yung kinikita niya that time. So, ako ho yung bumubuhay sa kapatid ko, sa sarili ko. Kaya kailangan ko hong magsikap.
“Kailangan ko hong magtrabaho para mabuhay ho nang normal,” lahad ni David.
Lumaki si David na hindi kasama ang ama niyang German, na kasalukuyang nasa Amerika.
Minsan lang niya ito nakaharap, nung mga ten years old siya at naospital siya.
Ani David, “Sa Instagram, minsan nagme-message. Pero hindi ko na ho masyadong binigyan ng atensyon. Kasi, ang dami naming magkakapatid.
“Ilan kami? Trese, katorse na panganay. Iba-ibang lahi, United Colors of Benetton. Merong nasa Japan, merong nasa Dubai, may nasa London. Basta, iba-iba talaga! May nasa Cebu!
“Entertainer yung daddy ko sa mga hotel. Singer yun, e.
“Medyo na-turn off ako sa kanya. Kasi, parang iba na yung utak niya, e. Kasi, sinabi niya sa akin, ‘You know, son, you know Andres Bonifacio? He’s my friend!’
“May mga ganun siya. Kaya parang, ‘Ha?! Andres Bonifacio?!’ Ilang dekada na ang nakalipas na patay siya, paano mo naging kaibigan?! May ganun.”
DAVID ALMOST GAVE UP ON HIS SHOWBIZ DREAMS
Dumaan ba siya sa anxiety o depression noong panahon na taggutom?
“Of course, of course. Nagkaroon ako ng alopecia. Walang araw na hindi ako umiiyak.
“Buhay pa nun ang mommy ko. Ang tingin kasi nila sa akin, ‘Mali ang desisyon mo na ginawa mong karera, pag-aartista! Ngayon, wala kang trabaho! Dapat, nagnegosyo ko na lang katulad ng ganitong negosyo!’
“Sabi ko, ‘Hindi ho yun ang gusto ko. Kailangan ko talagang magtiyaga.’ May plano na akong maging server sa abroad. Naka-ready na yung visa ko, pupunta na ako ng Amerika para mag-aral ako sa umaga, magiging server ako sa gabi.
“Pero namatay ang nanay ko! Hindi natuloy. Kasi, ginamit ko yung pera panggastos dun sa ospital.”
Paano gumaling yung alopecia niya? Ang kapal-kapal ng buhok niya ngayon!
“Ahhh… sa totoo lang, ha? Prayers talaga. Lumapit ako sa Diyos. Walang biro, lumapit ako sa Diyos!” bulalas ni David.
“Of course, may inilalagay ako, minoxidil, pero hindi nawawala. Pero nung nalapit ako sa Panginoon, nilapitan ko talaga, sabi ko talaga, ‘Kayo na ang bahala!’ Nawala siya kusa.”