Hindi na magiging host ng Pinoy Big Brother si Toni Gonzaga.
Ito ang sabi sa post ng ABS-CBN News reporter na si MJ Felipe ngayong Miyerkules ng hapon, February 9, 2022.
Ayon sa source ni MJ, walang pormal na resignation na naganap subalit boluntaryo raw na inendorso ni Toni ang "main hosting job" sa kasamahan nitong si Bianca Gonzalez.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang pormal na pahayag si Toni at ang management ng PBB tungkol sa pag-alis ng TV host.
Ito ang kabuuan ng post ni MJ:
"THIS JUST IN: According to a reliable source, Toni Gonzaga will no longer host Pinoy Big Brother. No formal resignation but source said that Toni has voluntarily endorsed the main hosting job of the reality show to Bianca Gonzalez.
"Reached out to PBB and Toni, awaiting their official statements and reaction."
Nagpadala na rin ng mensahe ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Head ng ABS-CBN Corporate Communications tungkol sa pag-alis ni Toni sa PBB.
Agad ilalathala ng PEP.ph ang anumang pahayag na manggagaling sa mga nabanggit sa balitang ito.
Kasalukuyang umeere ang ika-10 season ng Pinoy Big Brother. Nagsimula ito noong October 2021, at katulad ng ibang seasons, si Toni pa rin ang main presenter ng show.
Ang balitang pag-alis ni Toni sa PBB ay nangyari isang araw pagkatapos ng pinag-usapan niyang paghu-host sa political campaign rally ng tambalang Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio.
Nangyari ito sa Philippine Arena kahapon, February 8, 2022.
Ipinakilala rito ni Toni si Marcos Jr. bilang "susunod na presidente" at si Duterte-Carpio bilang "susunod na bise presidente."
Bukod pa rito, si Toni rin ang nagpakilala sa tumatakbong senador na si Rodante Marcoleta.
Bilang Deputy Speaker ng House of the Representatives, kabilang si Marcoleta sa nanguna sa panggigisa sa resource persons mula sa ABS-CBN—lalo na ang pinakamatataas na opisyal nito—sa 12 araw na pagdinig sa franchise renewal application ng Kapamilya network noong 2020.
Isa rin siya sa 70 mga kongresistang bumoto ng "Yes" para tuluyang ibasura ang pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN.
Maraming katrabaho ni Toni sa ABS-CBN ang nadismaya sa ginawang paghu-host nito sa rally.
Kabilang sa mga nadismayang Kapamilya ang singer-actor na si Sam Concepcion, komedyanteng si Alex Calleja, at maging ang business unit head ng Pinoy Big Brother na si Raymund Dizon.
Si Toni, na nagsimula ang karera sa GMA-7 noong 1998, ay naging Kapamilya noong 2005.
Bagamat nakagawa na noon ng ilang programa si Toni sa Kapuso network, sa ABS-CBN siya nabigyan ng pagkakataong maging bida sa mga teleserye, pelikula, at makagawa ng maraming best-selling albums at concerts.
Mas nakilala rin siya bilang TV host nang maging main host siya ng Pinoy Big Brother simula nang umere ang unang season nito noong 2005.