Nainterbyu ni Korina Sanchez ang limang presidential candidates na sina Ferdinand Marcos Jr., Leni Robredo, Isko Moreno, Manny Pacquiao, at Ping Lacson para sa Upuan Ng Katotohanan: The 2022 Presidential Special.
Ipinalabas ito sa Rated Korina, ang lifestyle magazine show niya ni Korina, na umere sa TV5 at A2Z, noong February 5, 2022. Mapapapanood din ito sa YouTube channel ni Korina.
Sa virtual mediacon noong Pebrero 8, Martes ng hapon, sinagot ni Korina ang feedback ng ibang manonood na naging masyado siyang maingat sa paraan ng pagtatanong niya sa presidential candidates.
Pero naniniwala si Korina na nagampanan niya ang trabaho na kilalanin ang limang presidential candidates nang walang halong bias sa kanyang pagtatanong.
"I think it did because I think I asked the tough questions," saad niya.
Pero maagap din niyang dagdag, "Not all."
Malumanay ang pagsasalita ni Korina at tinitimbang nang lubos ang sinasabi.
Naghimutok si Korina na limitado ang oras na ipinagkaloob sa kanya sa pag-iinterbyu kaya hindi raw niya talaga mako-cover lahat ng paksa.
Katuwiran ni Korina, "Kasi, kung binigyan nila ako ng kalahating araw, lahat iyan, mauusisa ko! Ha! Ha! Di ba? Baka puwede pa akong mag-fact check sa Google.
"E, lahat sila, nagmamadali! Lahat sila, may oras!"
Una pa lang ay alam na raw ni Korina na hindi niya kailangang mambara ng interviewee sa pagtatanong ng mga mahahalagang isyu sa mga ito.
Lahad niya, "So, sabi ko, imbes na uriratin ko ito, tanungin ko yung mga tanong, hindi ko sila babarahin, that’s never my style.
"Siguro, nung bata-bata ako, talagang nakikipagbakbakan ako sa heneral. Pero, presidentiable ito. At gusto ko, ang starring role dito, hindi ako.
"Hindi ako nagpapakita na, 'Ako, magaling.' O na parang, 'Kaya ko ‘to, kaya ko itong paluhurin.' Hindi ko style yun.
"For me, when I do an interview, the star is my interviewee. So, when I ask a question, I just wanna hear their answer. I wanna look at their faces. I wanna look into their eyes.
"And that’s also what I want the audience to see, na whatever answer, then people should have the responsibility to fact check. People have the responsibility to compare, and to observe and judge for themselves."
Bukod sa limitadong oras, sinikap daw ni Korina na hindi niya kakailanganing mag-follow-up questions para makuha ang sagot na kanyang hinahanap.
"Sometimes in follow-through questions, that’s where the bias comes out. But I think from the questions that I asked, each of them answered sufficiently so that hindi na kailangang uriratin.
"Ayoko ring mamahiya. Hindi ko style yun. Kasi, para sa akin, kung inimbita ko iyan, he is my guest. Hindi mo naman babastusin ang guest mo pag pinapunta mo sa bahay mo, di ba?
"Lalo na ako, pinapunta pa nila ako sa bahay nila. But it doesn’t mean that I didn’t ask the tough questions."
KORINA ON critics saying she was too easy on marcos jr.
Sanay si Korina sa bashers.
At sa kanyang presidential interviews, may mga nagsasabing nagkulang siya sa paraan ng pag-iinterbyu niya kay Marcos Jr.
Tingin naman ni Korina, sa lahat ng kandidato ay si Marcos Jr. ang binatuhan niya ng pinakamahirap na tanong.
Depensa ni Korina: "Bongbong being the frontrunner, I have to say, I asked Bongbong the toughest questions of all. Bakit? Ang layo niya sa survey. Nangunguna siya.
"So, dapat lang talagang tanungin yung mga mababagsik na mga tanong. And I was very happy that he was game in answering the questions.
"Hindi ko sinasabing pinapaniwalaan ko lahat ng sinasabi niya, ha?
"Or hindi ko sinasabing pinapaniwalaan ako, lahat ng mga sinabi ng mga kinausap ko.
"Bahala ang mga manonood na humusga."
Dinadaan ni Korina sa witty answers ang pagpatol niya sa ilang nang-uurot sa kanya.
Ano ang epekto nito sa kanya bilang broadcaster?
"Well, you know, every time I have a potentially controversial interview, first of all, you already know that you can’t please everyone," sambit ni Korina.
"And automatic na sa akin that I segregate the trolls who have nothing constructive to say.
"And when I say troll, it’s very easy to identify them because they have zero posts, they have zero followers. Ha! Ha! Ha! Ha!
"And [they have] nothing really good to say, or doesn’t even make sense.
"So, yung mga ganun, hindi ko na pinapansin. Dini-delete ko na lang saka bina-block. That’s the best way to handle trolls, ‘no?"
Ayon pa kay Korina, naniniwala siyang hindi siya ang pinuntirya ng bashers kundi si Marcos Jr. na tinawag niyang BBM o Bongbong Marcos.
"But if I may argue that, I think most on the bashing was really on BBM rather than on myself.
"I have a digital team, a very small digital team, and pinapa-assess ko naman iyan. Merong analytics iyan. And so far, actually, so good.
"Para nga akong nanganak. Because natapos ko silang lima.
"And honestly, I wasn’t so sure that the BBM camp would say yes to me because of who I married to."
Ang tinutukoy ni Korina ay ang magkalabang political alliances ng mister niyang si Mar Roxas at ni Marcos Jr.
Si Mar ay kabilang sa Liberal Party at kaalyado ng yumaong Pangulong Benigno Aquino III. Habang si Marcos Jr. ay anak ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sir.
Siniguro raw ni Korina na hindi magiging hadlang ang asawa niyang si Mar sa trabaho niya bilang mamamahayag na wala raw dapat kinikilingan.
"Although Mar has been semi-retired from politics, has been invisible... And although he did sign up with Leni…
"Ako kasi, magbebenta ako ng beauty cream, magbebenta ako ng Kings Herbal, ng shampoo...
"But when it comes to politics, I try to maintain my objectivity, and I am consistent with that."
Tingin ni Korina, ito ang dahilan kaya hindi siya nahirapang kunin si Marcos Jr. para sa kanyang programa.
Lahad niya: "I think, or I’d like to think that that came in to the decision of the BBM camp to immediately say ‘yes’ to our invitation.
"Especially when I found out that he declined some invitations. I wasn’t sure if I could make it. In fact, naghanda na kami ng BBM story in case he declines.
"But they were very friendly to us. And even during the interview, he was very friendly. All of them were actually very friendly to me. Very open."
Ayon pa kay Korina, hindi siya sang-ayon sa batikos na naging masyado siyang maingat sa pagtatanong kay Marcos Jr.
"And I think the interview went quite well, contrary to some na nagpipilit na I was handling him with kid’s gloves.
"On the contrary and this is evident, I shot the most painful and hard questions on Bongets," tukoy ni Korina kay Marcos Jr.
"Bongets" ang tawag kay Marcos Jr. ng mga taong malapit sa kanya.
Patuloy ni Korina: "And I was pleasantly surprised that he was game in answering all of them. Each and everyone of them.
"So, I think the bashing really, and the controversy was more like nagkataong nagkasabay sa KBP Forum. Na hindi ko alam! Hindi ko alam na merong forum na ganun, ‘no?"
Ang tinukoy niyang "KBP Forum" ay ang presidential interview na hindi dinaluhan ni Marcos Jr. Umere iyon sa mga istasyon ng 300 miyembro ng KBP o Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas.
Sabi pa ni Korina: "I gave the BBM camp choice of dates. And they were the ones who chose that date and that time.
"So, wala akong guilt diyan. And I think because we made it very clear in all our posts and announcements that, ‘O, eto ang mga itatanong ko, ha? At ito, ha?’ To be clear, sila ang pumili ng petsa at oras.
"Parang nawala naman yung negativity on me and on the show."
WHO WILL KORINA VOTE AMONG THE PRESIDENTIABLES?
Matapos makausap ang presidentiables, na-narrow down na ba ni Korina kung sino ang gusto niyang iboto sa eleksyon? O may original choice na siya, at yun pa rin ang iboboto niya?
"Trick question iyan!" natatawang bulalas ni Korina.
Naging bukas si Korina sa pagsasabing may personal siyang relasyon kay Leni, pero idiniin din niyang wala siyang ineendorsong kandidato sa 2022 elections.
Paliwanag niya: "But honestly, binigyan ako ng regalo, binigyan ako ng bulalak ni Leni nung birthday ko. Siya ang unang-unang nagpadala sa akin ng regalo.
"At alam mo, si Leni, habang bise presidente iyan, bumibisita iyan sa mga anak ko, ganun.
"But you know, when she sent me the flowers, I posted it online in my Instagram that, 'Nagpapasalamat po ako, pero ngayon pa lang, sinasabi ko na po sa inyo at sa lahat na bawal po sa aking kontrata sa TV5 at sa Brightlight for me to show any bias for or against any politician.'"
Malaya raw niyang nagagampanan ang kanyang responsibilidad bilang mamamahayag dahil wala siyang ineendorso.
"I’m happy to do that. I’m happy to do that because there’s so much to do, e. And medyo matatali ang kamay ko pagka ako, nagbanggit ng ieendorso ko.
"Kung hindi ako nag-eendorso ng kahit na sino, hindi rin ako nagba-bash ng kahit na sino.
"Kaya nga itong mga interbyu ko, kung mapapansin mo, bihira lang ang follow-up questions ko.
"Bakit? Lalabas ang bias mo, e, sa follow-up questions mo, e. Hindi ba?"
Ipinaliwanag din ni Korina na may dahilan kung bakit hinaluan niya ng lifestyle feature ang panayam niya sa presidentiables.
"So, para sa akin, yung format na pinili ko dun sa aking presidentiables, sabi nila, 'Korina, bakit kailangan niyo pang magpa-cute? Bakit kailangan niyo pang mamingwit ng isda with Ping?
"'Bakit kailangan niyo pang maglakad-lakad sa kalye ng Maynila with Yorme? Nakipagkantahan ka pa sa piano with PacMan. Si Bonget, pinagluto mo ng pinakbet. Tinour mo ang bahay ni Leni.'
"Why? Kasi, sa totoo lang, lahat ng pulitiko—at ito, this is what I concluded in my so many years being a journalist—lahat iyan, tao din! Lahat sila, may nagmamahal sa kanila!
"Sila rin, nagmamahal. Lahat sila, mga anak din sila, mga tatay, nanay din sila. So, bakit natin sila ipagmumukhang mga halimaw? Tama? Hindi ako naniniwala sa judgment, e.
"Merong magaling. Merong hindi masyadong magaling. Pero alam mo ang Pinoy, pagka iyan bumoto ng presidente, tipo iyan o hindi nila tipo. Kasama dun yung pagkatao nila.
"Kaya pinili ko talaga yung format na hindi ginawa ng kahit sino. Na gusto kong makita kung ano ang hitsura ng farm mo. Gusto kong makita kung papaano ka kumanta. Sige nga, magluto ka. Pakita nga ng aso mo.
"So, they have a snapshot that these are also human beings, right?"
Iyon din daw ang teknik niya para mag-warm up sa kanya ang mga kandidato bago sumalang sa hot seat.
Ani Korina: "And it really worked. Because they were candid. They seemed to be honest. They were relaxed.
"Hindi yung parang ii-interrogate ko sila, parang pulis o NBI! E, di siyempre, sasarado sila, di ba?
"So I think, yeah, boboto ako. Pero hindi ko puwedeng sabihin kung sino. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!"
KORINA DESCRIBES MANNY, BONGBONG, LENI, PING, AND YORME
Paano niya ilalarawan ang bawat isa sa mga interbyu sa limang presidential candidate?
"Siguro, in one line, 'Naku, hindi ako naghanda, ahh?!' Pero eto…," pasakalye ni Ate Koring na nag-isip nang ilang sandali.
"Si PacMan, ang benta niya, hindi ang kanyang diploma kundi ang kanyang kabutihan ng puso, OK?
"Si Bongbong, ang ginawa ng tatay niya ay ginawa ng tatay niya. Iba ang gagawin niya, at iba siya. That’s the one-liner summary of that interview.
"Si Leni, 'Kaya ko, kasi babae ako!' Tinutuntungan niya ang kanyang pagiging babae. Hindi ba nga, sa bahay, ang talagang punong-abala ay yung babae? Yun ang bentahe ni Leni.
"Si Ping, 'I'm the most qualified because I’ve seen it all and I’ve done it all! At alam ko ang gagawin ko!'
"Si Yorme, ang kanyang bentahe, 'Tingnan niyo ang ginawa ko sa Manila! Iyan ang gagawin ko sa buong Pilipinas!'
"Yun ang nakuha ko sa bawat isa sa limang kandidato."