Tagumpay ang unang live selling sa Facebook ni Mariel Rodriguez noong Martes ng gabi, March 15, 2022.
Ipinamalas ni Mariel ang kanyang husay sa paghu-host at kakengkuyan sa nasabing Facebook live kung saan nagbenta siya ng mamahaling bags at sapatos, mga damit ng bata, wallet, at kung anu-ano pa.
Hindi naman siya binigo ng halos 60,000 live viewers dahil kaagad nama-"mine" ang kanyang mga ibinebenta kahit may kamahalan ang presyo ng iba rito.
Ang pondong nalikom ni Mariel ay para raw ambag sa campaign expenses ng asawang si Robin Padilla na tumatakbong senador ngayong 2022 elections.
Kahit abala sa kampanya, hindi naman nakalimutang silipin ni Robin ang live selling ni Mariel at nagkomento pa siya rito.
Tila hindi pa nga makapaniwala ang aktor sa ginawa ng asawa.
Biro pa ni Robin, "Masyadong mahal kasi ang mga regalo mo sa akin kaya ko naipapamigay para mas maalagaan at magamit ng tama."
Ang mga alaala raw ng kanilang relasyon ay nakakabit sa mga ibinibentang gamit ni Mariel kagaya ng bag.
May mga mamahaling panlalaking bag din kasing naibenta si Mariel sa kanyang live selling.
Sabi pa ni Robin, "My goodness babe. Ang mga memories natin na sinasabi mo andyan sa mga bag na yan Desperate Times Call for Desperate Measures."
Dagdag pa ng aktor, mas nahihimas pa ng asawa ang mga bag at sapatos nito kaysa sa kanya mismo.
Biro ni Robin, "Babe Hindi ako makapaniwala na ginagawa mo ito ngayon Nakakuadro ang mga gamit mo na yan Mas nahihimas mo pa nga sa akin ang mga bag at sapatos mo"
"SOLUSYON PARA LUMUWAG ANG DRESSING ROOM"
Ayon pa kay Robin, masyado na raw puno ang dresser ni Mariel at ang live selling lang pala ang solusyon para lumuwag ito.
"Babe Gastos pala sa kampanya ang solusyon para lumuwag ang dressing room mo"
Sa kabilang banda, natuwa si Robin sa ginawa ng asawa. Sabi kasi niya sa ibang rally na kanyang dinaluhan, wala siyang sapat na panggastos sa kampanya.
Ang kanya raw kasing naipon ay para sa pamilya at hindi para sa eleksyon.
Ani Robin, "Mabigatan na yan ah pati mga nasa baul lumabas na Ano ba yan babe pang tv ad ba yan"
Tanong muli niya, "Bakit ka mag live selling? Pang tarpaulin ba yan at pang tshirt ? Hindi na kaya ng cooking Ina food market ang gastos?"
Hindi raw makapaniwala si Robin na gagawin ito ni Mariel para sa kanyang kandidatura.
Ani Robin, Hindi talaga ako makapaniwala na ginagawa mo ito."
Tumatakbo si Robin sa ilalim ng PDP-Laban party ni Pangulong Rodrigo Duterte.